Chapter 8: The loser
TULALA at wala akong imik nang hinatid kami ni Markin sa condo. Akap-akap ko lang ang anak ko at hindi na nawala pa sa isip ko ang nalaman ko kanina lang.
Parang ayokong maniwala, dahil nasasaktan ako. Nasasaktan ako sa kaalaman na sa halip na ayusin niya ang relasyon namin ay mas pinili pa niya ang maghanap ng iba.
Wala ba siyang balak na bigyan ng kompletong pamilya ang aming anak? Kaya ganoon na lang ang gagawin niya? Gantihan ba ito? Dahil panalo na siya.
“Leighton. Ayos ka lang ba?” Umiling ako. Mabigat ang dibdib ko. May dumadaloy na sakit dito. Hindi ko alam kung saan nagmula. Mas lamang ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
“Sa nalaman ko kanina, Mark. Sino ba ang magiging okay?” I asked him. Naging sarkasmo ang boses ko.
Kinuha niya sa akin ang anak ko at ibinaba niya ito sa crib. “Hihintayin ko si Lee. Mag-uusap kami.”
“Para saan pa? Mukhang wala naman akong magagawa pa, Mark. Pinaglaban ko naman siya, ’di ba? Bakit kailangan pa niyang makipagrelasyon sa iba? Gayong nandito naman ako, si baby Astrid. Mark, sa tingin ko hindi na talaga ako mahal ni Leandro,” mahinang sambit ko. Naramdaman ko ang panunubig ng mga mata ko at mas bumigat lang ang aking pakiramdam.
“Leighton,” tawag niya sa pangalan ko at hinawakan ako sa balikat.
“Sabihin mo kung ano pa ba ang dapat kong gawin, Mark? Wala na kasi akong maisip na paraan para ayusin ito, lahat ginawa ko na. Pero parang hindi pa rin sapat, and I think... Pagod na ako...” Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. Hindi ko na rin napigilan pa.
Naninikip ang aking dibdib. Ang hirap huminga sa totoo lang. Pakiramdam ko ay may patalim ang nakabaon dito.
“Mag-usap na muna kayo ni Lee, okay? Kung ano man ang magiging desisyon mo ay sabihin mo sa akin. Tawagan mo ako kapag kailangan mo ako,” aniya. Mahigpit niya akong niyakap. Iniyak ko lahat ang sama ng loob ko, sa tingin ko kaunti na lang ay mawawalan na ako ng pag-asa pa.
Pag-asang hindi na maaayos ito at tuluyan ng nagkaroon ng lamat ang relasyon namin ni Leandro. Kung hindi ko lang inaalala ang baby ko ay baka matagal na akong sumuko. Kumakapit pa ako, ngunit ano mang oras ay bibitaw na rin ang aking mga kamay.
Nagtagal pa si Markin. Nang makita niyang nahimasmasan na ako ay saka lang siya nagpaalam na umalis. Hindi ko naman siya puwedeng pigilan, mayroon din siyang mag-ina.
Nakaupo lang ako sa kama at pinagmamasdan ko ang anak ko. Malapit lang sa bed ang crib niya, kaya malaya ko siyang nakikita.
“Sabihin mo kay mommy, Astrid. Ano pa ba ang gagawin ko? Aalis na ba tayo? Iiwan na ba natin ang daddy mo? Para isahang sakit na lang ito, hmm?” I asked her. Payapa siyang natutulog, siya lang talaga ang nakapagbibigay sa akin ng kapayapaan sa puso.
Noong humiga ako sa kama ay hindi ko namalayan na nakatulog na ako. Naalimpungatan lang ako nang marinig ko ang boses ni Astrid. Parang umiiyak siya.
Akma na akong babangon upang kunin sana ang anak ko nang may lumapit sa crib.
Parang may kung ano ang humahaplos sa aking dibdib. Dahil sa unang pagkakataon ay nakita ko si Leandro na nasa bisig niya ang aking anak.
Sinikap niyang patahanin ito, ngunit ayaw tumigil sa pag-iyak si baby. Tuluyan na akong bumangon. Nagtama ang mga mata namin, siya lang ang mabilis na umiwas.
“Huwag kang mag-isip ng kung ano, Leighton. Kinuha ko lang siya dahil kanina pa siya umiiyak,” malamig na sabi niya.
Bumuntong-hininga ako at hinalikan ko lang sa pisngi si Astrid ay tumigil na siya sa pag-iyak.
Namumungay ang mga mata niya at ang ganda niyang titigan. Nang ngumiti ako ay gumuhit din ang maliit niyang ngiti, hanggang sa napabungisngis siya. Mula sa sulok ng aking mata ay natigilan pa si Leandro. Hindi siya agad lumabas.
“Hindi ka man lang marunong mapagtahan ng bata. Hindi ka rin kilala ni Astrid, dahil ngayon mo lang naman siya nahawakan at hindi pa nagtagal,” mahinahon na saad ko at matapang na sinalubong ko ang tingin niya. Wala akong mababakasan na kahit na ano’ng emosyon doon. Mabilis pa siyang nagbawi ng tingin. “That only means one thing, Lee. You’re not really ready to have a child with me. Napipilitan ka lang din at walang choice. I’m sorry. Hindi ko na naisip pa ang nararamdaman mo. Sorry, dahil mas inuuna ko ang anak ko. Kung sa tingin mo na ginagawa ko ito para sa sarili ko, nagkakamali ka. Balang araw maiintindihan mo rin kung bakit kita pinilit na panagutan ako. But Lee, I’ll always be thankful that at least once, you made me feel what it was like to be loved by you. Sana matutunan mo ring mahalin ang anak natin. She’s a fighter, Lee.”
Pagkatapos kong sabihin iyon ay walang imik siyang lumabas. Nakatingin lang ako sa nakasaradong pinto at muling tumulo ang luha ko. Nanginginig ang labi ko, pinipigilan ko ang umiyak.
“Hmm.” Nakayuko ako, narinig ko ang munting ingay ng aking anak. Inosenteng hinawakan niya ang pisngi ko. Humalik ako sa noo niya.
“Hindi na ulit iiyak si mommy, anak. Ikaw na lang ang mamahalin ko, dahil ikaw lang ang nagbibigay sa akin ng pag-asa para magpatuloy. Ikaw lang ang mayroon kay mommy. Mawala na sa akin ang lahat, huwag lang ikaw, Astrid. Baka kasi hindi na iyon kakayanin pa ni mommy. Tandaan mo na ikaw na ang buhay ko. Mahal na mahal kita.” Matagal kong dinikit ang labi ko sa noo niya. Hindi siya gumalaw, parang nararamdaman niya rin ang hinanakit ko.
Kahit ang mga pinakamatatag at pinakamatapang na tao, dumarating sa puntong napapagod din. Sa kabila ng lahat ng lakas na ipinapakita nila, may araw na isusuko rin nila ang bagay na pinakamahalaga sa kanila. Hindi dahil hindi na nila mahal, kundi dahil wala na silang lakas para ipaglaban pa ito.
Hindi naman sila ang talunan, kaya siya sumusuko. Tao rin naman sila, may pakiramdam at napapagod din naman. Hindi naman sa lahat ng bagay ay lumalaban tayo. Alan natin kung saan tayo hihinto at kung hanggang saan ang kaya natin.
Alam ninyo kung sino ang mga talunan? Iyong mga taong ipinaglaban, na hindi pa nga lumalaban ay sumuko na agad. Sila iyong mga talunan at takot mag-risk ulit.
Inasikaso ko na lamang si baby. Pinadede sa baby bottle niya saka ko siya binihisan. Nakatulog na siya kanina, kaya alam kong matagal bago ulit siya makatulog. Nilalaro ko lang siya at ilang beses hinalikan sa pisngi.
“Ganyan nga, anak. Ngitian mo lang si mommy. Sabihin mo sa akin na magiging maayos ang lahat.” Humiga ako sa tabi niya. Sinadyang kong magpantay ang aming ulo at mas natuwa ako nang humarap siya sa ’kin. “Magiging okay rin si mommy. Basta kasama kita, Astrid. Huwag mo rin akong iwan, ha? Lalaban tayo, kaya natin ito.”
Sa tuwing nagsasalita ako ay parang sumasagot din siya. Though wala naman akong naintindihan, pero okay naman iyon. Nararamdaman ko ang munti niyang presensiya.
Umupo na muna ako at inabot ko ang cell phone ko. Tinawagan ko agad si Markin. Dalawang ring lang ay sumagot na agad siya.
“Hello. May problema ba, Leighton?” bungad niyang tanong.
“Nakapagdesisyon na ako, Mark.” Ilang segundo siyang nanahimik sa kabilang linya.
“Sige, sabihin mo.”
“Puntahan mo kami rito, tulungan mo akong mag-impake, Mark.”
Napahinga siya nang malalim. “Nag-usap na ba kayo ni Lee?”
“Hindi na. Minsan, mas mabuting umalis na lang nang tahimik, na wala nang sumbatan pa. Tanggapin na lang natin na hanggang dito na lang talaga tayo. Para saan pa ang pag-uusap kung wala rin namang magandang nangyayari, Mark? Madadagdagan lang ang sama ng loob mo,” mahabang kong sambit.
“Very well said, Leighton. I respect your decision. Hintayin ninyo na lang ako riyan ni Astrid.”
“Thank you, Mark. Don’t worry, huli na ang paghingi ko ng tulong sa ’yo.”
“Don’t mention it, Leighton.”
Ito na ang unang hakbang, Leighton...