ZAYL
Nasa simbahan ako ngayon. Gusto kong doon mismo kausapin ang Maykapal. Kahapon pumunta si Bianca sa apartment para sabihing pumapayag na siya sa gusto ko. Nahihiya ako sa kanya. Pati siya dinadamay ko. Nakaluhod ako at mataimtim na nagdarasal. Hindi Linggo ngayon kaya konti lang ang tao.
"Buong buhay ko, hindi ko inaasahang magkakaganito ako. Diyos ko, alam ko pong maling kuwestiyunin kayo pero hindi ko talaga maisip kung bakit nangyari sa akin at sa pamilya ko 'to. Minsan naiisip ko, madami namang masasamang tao diyan, bakit hindi na lang sila? Kinuha niyo na ang mga magulang ko. Sila lang ang pamilya ko kaya nangako ako sa sarili ko na kahit ilang anak, bibigyan ko ang mapapangasawa ko para maranasan ko ang malaking pamilya pero paano ko gagawin 'yun kung pati ako gusto niyo ng isunod sa mga magulang ko? Pagod na pagod na akong maging matapang o tama bang sabihin kong, magtapang-tapangan. Gusto ko ng sumuko. Ginawa ko na lahat para maging masaya ako pero bumabalik pa rin 'yung sakit na nararamdaman ko, 'yung lungkot at masakit na katotohonan. Kung alam ko lang na mangyayari sa akin 'to, sana sabay-sabay na lang kaming nawala."
Hindi ko na mapigil ang luha ko. Napapaiyak na ako sa mga pinagdadaanan ko ngayon sa buhay.
"Wala na akong magagawa 'di ba? Susulitin ko na lang lahat habang nandito pa ako sa mundo. No choice eh, I need to be strong kahit mahirap." Pinahid ko ang luha ko ng mga palad ko atsaka tumayo.
Tutulog na sana ako pero naisip kong kamustahin muna si Bianca. T-in-ext ko siya. Nag-reply naman siya agad at sabi niya magpahinga na daw muna ako at pupunta daw siya dito bukas.
May kumakatok, si Bianca na siguro. Binuksan ko ang pinto at tama nga ako. Wala na naman akong taong inaasahan kung hindi siya lang.
"Kamusta ka na?" tanong niya pagkapasok.
"Parang normal lang, hindi na masyadong sumasakit ang ulo ko," sabi ko.
Kadalasan lang naman sumasakit ang ulo ko kapag hindi ako makatulog sa gabi kaiisip.
"Mabuti naman," sabi niya.
"May sasabihin ka ba?" tanong ko.
"Oo," sagot niya.
"Dito tayo," turo ko sa sala.
"Nakahanap na ako."
"Really? Sino? Taga-saan?" tanong ko. Excited, pero kinakabahan. Nakuha ko pa talagang ma-excite sa kagagahan ko, tss.
"Pinoy," sabi niya.
Nakalimutan kong sabihin sa kanya na huwag Pinoy pero ayos na 'yun basta hindi kami magkakilala para after that, parang wala lang.
"Pinoy?" sabi ko kasi kinakabahan pa rin ako. Parang natatakot ako. Basta, pinasok ko 'to, ginusto ko 'to kaya wala ng atrasan' to.
"Hindi naman kita ihahanap ng hindi okay," sabi niya.
"Salamat talaga Bianca. Salamat," sabi ko na lang.
"Oo na, basta ikaw," sabi niya. Niyakap ko siya pagkatapos ko siyang ngitian sa huli niyang sinabi.
BIANCA
Nung araw ding iyon, tumawag si Jack sa akin. Tutulog na sana ako nung mga oras na 'yun. Sinabi niyang pumapayag na siya. Ibinigay niya 'yung lugar kung saan siya pupuntahan. Sobrang saya ko dahil sigurado akong hindi ipapahamak ni Jack si Zayl. Maya-maya ay nag-text nga si Zayl. Sabi ko magpahinga na at pupuntahan ko siya bukas.
Nung makausap ko si Zayl. Kahit ano'ng saya pa niya ang ipakita niya nung malaman niyang nakahanap na ako, alam kong kinakabahan siya. Desidido siya pero alam kong may itinatago siyang takot sa puso niya. Ano pa bang gagawin ko? Eto na 'to. Wala na akong magagawa kung hindi suportahan siya. Sometimes, you have to support your friends even if you don't support their situation.
"Ihahatid lang kita.. May tiwala ako sa lalaki, mukhang mabait naman. Sabihin mo kapag handa ka na," sabi ko kay Zayl.
Ano kayang magiging reaksiyon niya kapag nalaman niyang si Jack Santaniel ang tinutukoy ko? Patawarin mo ako Zayl, para sa ikabubuti mo rin 'to.
"Salamat talaga Bianca," sabi niya. Ngumiti lang ako at niyakap siya.
ZAYL
Kailan ba ako magiging handa? Kailangan ko ng gawin 'to, sayang ang panahon, hindi ko na alam kung kailan ako malalagutan ng hininga. Nag-text ako kay Bianca. Sabi ko sa kanya, handa na ako. Magpapasama na ako sa kanya sa day off niya.
"Bianca bagay ba 'to?" tanong ko.
Nandito kami sa mall, mamimili ako ng bagong damit para mamayang gabi. Galing na kami sa salon kanina. I want to look my best kahit ngayong gabi lang na ito.
"Lahat naman bagay sa'yo. Pero okay na nga 'yan. Iyan na lang," tukoy niya sa sexy black dress na above the knee.
Iyon na ang binili ko. Kita ko rin sa salamin ang sarili ko habang ipini-fit 'yun. Pati ako humahanga sa sarili ko.
"Ano pa bang kulang?" tanong ko kay Bianca.
"Ahmm.. tiwala sa sarili," sabi ni Bianca na nakatingin lang sa akin.
"Bianca.. Kaya ko 'to. Kakayanin," sabi ko atsaka ako ngumiti at huminga ng malalim.
"Goodluck Zayl, tatawagan ko na lang 'yung lalaki para sabihing mamayang gabi ka pupunta." Tumango lang ako at ngumiti.
Sa isang condominium ako inihatid ni Bianca. Nandito ako ngayon sa may pinto sa labas ng unit nung lalaki. Inayos ko ang sarili ko at huminga ng malalim. Tatlong beses na ako kumakatok pero wala pa ring nagbubukas. Hindi ko naman ginamit ang doorbell. Sinubukan kong buksan ang pinto at 'yun, hindi naman pala ito naka-lock.
Binuksan ko na ang pinto. Nagulat pa ako dahil pagkabukas ko, isang nakatalikod na matangkad na lalaki at maganda ang pangangatawan ang nakita ko agad-agad. Naka-sando lang at pajama. Oo nga naman, bakit pa poporma eh huhubarin din naman? Nahiya naman ako sa suot ko, ano kayang hitsura nito? May hawak siyang isang baso ng alak. Alam kong alam na niyang may pumasok pero bakit ayaw pa niyang humarap? Nahihiya ba siya sa hitsura niya? Mukha namang hindi siya pangit eh. Nang hindi pa siya lumilingon, tumikhim ako.
"Good evening. A-ako yung... yung," hindi ko masabi ng diretso. Mabuti na lang at nagsalita na din 'yung lalaki.
"What's your name again?" tanong niya nang nakatalikod pa rin.
Sinabi ba ni Bianca ang pangalan ko? Puwede namang hindi na. Hindi ko nasabi sa kanya na maggawa-gawaan na lang ng pangalan. Pero siguro tiningnan nung lalaki ang personal background ko para masigurong hindi ako masamang tao. Sana hindi niya nalamang may sakit ako. Hindi naman siguro.
"Zayl, Zayl Rodriguez," sabi ko.
Magsisinungaling pa ba ako eh malapit na akong mamatay. Ipinatong nung lalaki ang baso sa mesa at umikot paharap sa akin. Medyo madilim pero sapat na ang liwanag na nandito para maaninaw namin ang isa't isa.
Napatitig ako sa kanya habang nanlalaki ang mata. Kilala ko siya! Hindi ako nagkakamali, kahit matagal ko na siyang hindi nakikita, alam kong siya 'yun. Gulat na gulat ako. Kaya pala medyo pamilyar ang boses. Sa mga oras na ito, parang gusto ko ng maglaho ng parang bula. Siya nga, si Jack Santaniel!