Naiinip na ako, kailangan ko ng mapaglilibangan. Sabi ko kay Bianca i-text ako tuwing wala siyang pasok. Kung puwede nga lang na swelduhan ko na lang siya para samahan ako, gagawin ko. Pero baka sabihin ang yabang ko atsaka baka magtaka sa sobrang galante ko. Gusto ko lang namang sulitin ang natitirang araw ng buhay ko nang nakakatulong sa kapwa. Kung alam nga lang niya ang pinagdadaanan ko ngayon.
Kapag may time niyayaya ko na lang silang mag-anak na kumain sa labas at mamasyal. Minsan sa sobrang inip ko, niyaya ko siyang pumunta sa casino. Napadaan kasi kami at naalala ko ang ilan kong kakilala sa America na madalas magpunta ng casino. Sa totoo lang, ayoko ng sugal pero curious ako sa loob nito base na rin sa kuwentuhan nila. Mamamatay na ako 'di ba? Kaya kailangan kong maranasan ang mga gusto kong gawin sa buhay.
Niyaya ko si Bianca at first time naming pumasok ng casino. Basta ang alam ko nag-eenjoy daw doon ang mga tao lalo kapag nananalo. Na-curious ako kaya sinubukan ko. Gusto ko lang namang mag-enjoy kung totoo nga. Sa totoo lang, wala akong pakialam kung manalo o matalo dahil hindi pera ang dahilan kung bakit gusto kong maglaro. Kung manalo, ibibigay ko kay Bianca, kung matalo okay lang, hindi na ako natatakot matalo dahil nawala na naman sa'kin 'yung mga pinakamahalaga sa buhay ko.
Lumipas ang mga araw. Napapadalas ang pagpunta namin doon. Kahit palaging talo okay lang, masaya naman. Natutuwa kasi akong maglaro sa mga slot machine doon lalo kapag nagbo-bonus. Pero hindi biro 'yung naipapatalo ko. Napapanganga na lang si Bianca. Pinagsabihan niya ako pero hindi ako nakinig. Sabi ko, hindi na mahalaga sa'kin ang pera, ang importante masaya tayo.
Binibigyan ko ng pera si Bianca para sa pamilya niya. Tuwing may makikita akong mga bata sa kalsada na nanghihingi, bigay lang ako ng bigay tapos magtatawag pa sila kaya marami silang nabibigyan ko. Ang sarap sa pakiramdam ng nakakatulong ka at nakakapagpasaya ka ng tao. Tuwing sisimba ako, palagi akong nagdo-donate ng pera sa simbahan.
Wala akong pakialam sa mga naibibigay ko, ang mahalaga masaya akong nakapagbibigay sa ibang tao. Aanhin ko ba ang pera sa kabilang buhay? Hindi ko na iniisip ang bukas, basta ang alam ko kahit ano'ng oras puwede na akong mawala.
Bihira ng sumakit ang ulo ko, kapag puyat na puyat lang ako. Nalagpasan ko na ang dalawang buwang taning. Umabot na ng apat na buwan. Ngunit ang pera ko'y malapit na yatang maubos. Nagtataka siguro si Bianca kung bakit hindi na ako nagyayaya sa kung saan-saan. Naisip kong magtipid na. Hays.
Alam kong dapat pa akong magpasalamat at matuwa sa nangyari pero nauubos na ang pera ko. Kailangan ko ng lumipat ng tirahan. Nagpatulong ako kay Bianca na maghanap ng apartment. Nung una nag-suggest siyang sa kanila na lang ako tumigil pero ayoko. Tinanong niya ako noon dahil akala niya dalawang buwan lang ako dito sa Pinas pero hindi niya alam dito na ako for good. Hindi na ako aalis. Natuwa naman siya kahit may pagtataka.
"Kasi, bakit ngayon lang naisipang umalis ng hotel? Bakit hindi ka na lang bumili ng house and lot?" tanong ni Bianca.
House and lot? Lot nga wala na akong pambili. Ang alam ko kasi, mawawala na ako. Ano ba ang nangyayari sa akin? Kailan ba ako mamamatay? Ayokong magtrabaho, sino'ng tatanggap sa katulad kong may sakit? Pagkatapos ng mga nangyari sa akin, nawalan na ako ng pag-asa sa lahat. Pero hindi ko talaga inaasahang tatagal pa ang buhay ko to think na wala naman akong iniinom na gamot. Ito na ba 'yung himala? Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Bianca. Sasabihin ko rin sa kanya sa tamang panahon.
"Ah, eh kasi, may gusto na akong bilhin kaso hindi ko pa nakakausap ang may-ari," pagsisinungaling ko about sa suhestiyon niyang house and lot.
"Ah ganun ba, oh sige, diyan ka na muna ha, papasok na ako sa trabaho. Dadaan ako diyan pagkalabas ko."
"Okay, salamat Bianca," sabi ko na lang.
Hayy... Hanggang kailan ako magsisinungaling? Napanaginipan ko ang Inay. Isinasama niya ako sa isang lugar. Pangitain na ba 'yun na malapit na akong mawala? Kailangan ko ng sulitin ang natitirang oras ng buhay ko.
Nagdala ako ng maraming pasalubong kina Bianca. Sinorpresa ko sila kasi wala akong magawa sa bahay. Kinuha ko na lahat ng natitirang pera ko sa bangko. Nanlulumo ako dahil konti na lang ito. Na-extend pa ng na-extend ang buhay ko pero ang pera ko paubos na talaga.
Tinawagan ko si Bianca. Pinapupunta ko siya ngayon sa apartment. Sasabihin ko na sa kanya ang totoo. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa sakit ko. Ang taning na dalawang buwan na nadagdagan pa ng ilang buwan. Sinabi kong paubos na rin ang pera ko.
"Jusko, Zayl! Bakit ngayon mo lang sinabi?"
"Hindi na naman mababago na mawawala na rin ako eh."
Bitter na kung bitter pero masakit lang talaga para sa akin. Tanga na kung tanga, masisisi niyo ba ako sa kabila ng mga nangyari sa buhay ko?
"Subukan nating magpatingin ulit sa doctor."
"Huwag na. Kung talagang oras ko na, oras ko na. Atsaka gagastos lang ako ng malaking pera pero babalik at babalik pa rin ang sakit? Hindi na ako naniniwala na gagaling pa ako. Hinahayaan ko na lang ang Diyos."
"Zayl, susubukan mo lang naman eh. Bakit hindi mo sinubukan nung una pa lang? Sana doon mo na lang nilustay ang pera mo! Zayl, hindi ko alam kung paano kita tutulungan," sabi ni Bianca habang umiiyak.
"Hindi naman ako humihingi ng tulong. Sinasabi ko lang sa iyo dahil ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko."
"Zayl....."
"Bianca, ayokong may makaalam na ibang tao kahit ang pamilya mo, pakiusap."
"Napakahirap ng pinapagawa mo sa akin. Ang hintayin ka lang mawala ng wala akong nagagawa, pero kung iyon ang gusto mo." Hindi ko na rin napigilang pumatak ang luha ko hanggang sa niyakap na niya ako.
Ibinenta ko na ang laptop ko at ang kotse. Cellphone lang ang itinira ko. Pero ilang buwan pa ang nakalipas at buhay pa rin ako. Wala na akong pera, magbabayad pa ako sa bahay.
Desperada na ako. Isa lang ang alam kong natitira sa akin. Ang puri ko. Hindi ko alam kung bakit iyon na lang ang pumasok bigla sa utak ko. Kung anu-ano na kasi ang naiisip ko. Marahil wala na nga talaga ako sa katinuan.
Alam kong hindi dapat pero naisip ko, aanhin ko pa ba 'yun? Ayoko ng mag-asawa, ayokong magpaasa. Makakasakit lang ako. Manghihimasok pa ako ng buhay ng tao eh iiwan ko rin naman pagkatapos.
"Bianca may gusto akong hinging isang pabor sa'yo," sabi ko. Nandito siya sa bahay.
"Ano 'yun Zayl?"
"Maghanap ka ng buyer sa internet, hindi ko dapat kilala at hindi ako kilala."
"Buyer? 'Di ba nabenta mo na 'yung laptop at kotse mo?"
"I will sell my virginity."
"What??!! Your??? Your what? Nahihibang ka na ba!?"
"Oo. Nahihibang na nga ako. Bianca, please try to understand my situation. Wala na akong pera. Malapit na akong mamatay, ano'ng gagastusin ko? Ano'ng iiwan ko sa'yo para ipalibing ako? Bianca, alam kong maganda ako, at bata pa. Malaki ang magiging pakinabang nito sa'kin."
Nagiging sunud-sunuran na lang ako sa mga naiisip ko. Hindi ko na kilala ang sarili ko. Bahala na.
"Naririnig mo ba ang sarili mo, ha Zayl? Kung gusto mo ng pera, bibigyan kita galing sa suweldo ko! Sa amin ka na tumira, huwag mo lang gawin 'yan pakiusap!"
Ramdam kong nagagalit na si Bianca sa ginagawa ko sa sarili ko pero sana naman maintindihan niya na ayoko ng awa, ayokong maging pabigat.
"Ayokong maging pabigat," sabi ko.
"Zayl, ano ka ba!? Kahit kailan hindi ka magiging pabigat sa akin, sa amin. Zayl 'di ba nung meron ka, tinutulungan mo kami. Zayl hayaan mong kami naman ang tumulong sa iyo."
"Hindi niyo ako naiintindihan. Sana hindi ko na lang sinabi sayo!" sabi ko. Hindi ko na mapigilan ang sarili kong sumigaw hindi dahil galit ako kay Bianca kundi dahil naiinis ako sa nararamdaman ko.
"Ang hirap sa iyo akala mo lahat kaya mo, isipin mo din namang may nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo. May sakit ka na nga gusto mo pang sirain ang buhay mo!"
Alam kong concern lang si Bianca sa akin kaya siya nakakapagsalita ng ganun. Gusto ko ng maiyak pero kailangan ko 'tong panindigan.
"Sorry pero buo na ang desisyon ko," sabi ko habang may namumuong luha sa mga mata ko.
Wala ng makakapigil sa akin. Buong-buo na ang desisyon ko. Baliw na kung baliw. Sabihin na nilang nasisiraan ako ng ulo pero buo na talaga ang desisyon ko!