KABANATA 5

2690 Words
Kagat kagat niya ang ilalim ng ibaba niyang labi habang naglalakad papunta sa unahan bitbit ang malaki niyang bag. Sinulyapan niya ang punong pazap. Seryoso lang itong pinagmamasdan siya. "B-Bakit po?" inosente niyang tanong. "Ano iyang dala mo? Napakalaki naman yata niyan." "Ipinabaon po sakin ng aking ama." aniya. Sinenyasan ng lalaki ang isang kasamahan. Lumapit ang isang lalaki sa kanya at kinuha ang dala niyang bag. Nagulat man ay wala siyang nagawa kundi ang hayaan itong buksan ang bag at inilabas ang mga laman niyon. "Bakit nagdala ka ng mga iyan?" Galit ang tinig ng nakatatandang pazap. Nahuli naman niyang napabuntong hininga ang punong pazap. "Ano ang buo mong pangalan?" "L-Lham Robles po..." Sagot niya. "Robles? Hindi pamilyar ang apelyidong iyon. Saang distrito ka ba nanggaling?" "Sa Mongar po." Nakayuko niyang sabi. "Anak siya ng Punong mahistrado." Napatingin ang lalaki sa punong pazap. "Ano?" gulat na tanong nito saka muli siyang tiningnan. Maya maya ay humalakhak ito. "Isa kang Tenzin?" hindi makapaniwalang sabi nito. "Anak ka ng hukom ngunit hindi mo alam ang mga dapat gawin bago magtungo rito? Niloloko mo ba ako?!" galit na sigaw nito dahilan upang siya ay magitla. "Hindi ka man lang ba sinabihan ng mga magulang mo na bawal ang magdala ng kung ano ano rito maliban sa mga pamalit mo?!" Kinuha nito ang mga pagkain niya. "Lalo na ang mga ito! Lahat ng dala mo ay mga produktong nanggaling sa labas ng bansang ito. Hinahamak mo kami rito!" Napalunok nalang ang dalagita at yumuko. Naisip niyang iyon ang dahilan kung bakit tutol ang kanyang ina na magdala ng mga iyon. "Hayaan mo nalamang siya, Ikalawa." Sabi ng punong pazap. "Sa tingin ko ay sinadya ng Punong mahistrado ang pabaunan siya ng mga iyan." "Hindi!" galit na tutol ng lalaki. "Marahil sa ating dalawa ay ikaw ang pinakamataas ang rango, ngunit hindi ibig sabihin na ikaw narin ang masusunod dito! Mas matanda ako sa inyo, at mas marami akong karanasan bilang pazap kaya dapat niyo akong i-respeto!" Tamad na tumingin ang punong pazap dito. "Wala naman akong sinasabi. Ano bang ikinagagalit mo?" "Basta! Hindi ako papayag na gamitin niya ang mga iyan dito!" Sinenyasan niya ang mga kasamahan na kumpiskahin ang mga dala niya maliban sa kanyang mga damit. Seryoso siya nitong tinitigan. "Sige na, bumalik ka sa kinatatayuan mo kanina!" Napabuntong hininga siyang naglakad pabalik sa kanyang pwesto. "Lahat ng nagsasanay dito ay pantay pantay ano man ang katayuan nila sa buhay. Kaya pare-pareho rin ninyong mararanasan ang hirap ng buhay dito sa gubat. Hindi niyo magagamit dito ang taas ng estado niyo sa buhay." Sa kanya ito nakatingin habang sinasabi iyon. "Walang babae o lalaki sa lahat ng gawain dito. Kung isa kang babae, magpalakas ka upang mapantayan ang lakas ng lalaki. Magpursige kayo upang mabuhay sa loob ng tatlong buwan. Dahil pinaghihirapan ang pagkuha ng makakain dito. Kayo mismo ang kukuha ng inyong kakainin sa maghapon. Naiintindihan niyo ba ang mga sinabi ko!" "Opo!!" sabay sabay na tugon ng mga bata. Sunod na nagsalita ang punong pazap. "Bago tayo mag-simula, hayaan niyo muna kaming magpakilala sa inyo. Ako ang Ikauna at pinuno ng mga Pazap." Nilingon naman nito ang pinakamatandang Pazap na nasa likuran. "At siya naman ang sumunod sa akin, ang ikalawa." Bumaling ito sa mga natitira nilang kasamahan. Dalawa ang babae sa kanila. "At sila naman ang ikatlo, ikaapat at ikalimang pazap. Kaming lahat ang hahasa, gagabay at magbabantay sa inyo. Inaasahan namin ang tatag niyo sa lahat ng gawain dito. Kung gusto niyo ng mataas na rango, magpursige kayo. Kung gusto niyo akong palitan bilang punong pazap, pagbutihin niyo." Humarap muli ang ikalawa. "Magsimula na tayo. Kailangan naming makita kung sino sa inyo ang nakahanda na sa ensayo. Ang una ninyong misyon, ang manghuli ng ating makakain ngayong tanghalian. Kayo ang bahala kung aling hayop ang inyong tutugisin, ang mahalaga ay nakakain. Bibigyan ko kayo ng dalawang oras. Huwag na huwag kayong babalik dito nang wala kayong dala. Maliwanag ba?!" "Opo!!" "Simulan niyo na!" Nagmadaling kumilos ang mga kalahok habang si Lham ay hindi alam ang gagawin. Sinundan nalang niya ang mga kasamahan na kumukuha ng mga pana at palaso. Nang matapos ang mga ito ay kumuha narin siya ng sarili niyang armas at sinundan ang mga ito na pumapasok sa liblib ng gubat. Sa totoo lang ay hindi niya alam ang gagawin. Natuto siyang gumamit ng pana at palaso ngunit hindi pa sa totoong sitwasyon at mas lalong hindi sa mga hayop. Nang tuluyan na silang makapasok sa masukal na gubat ay naghiwa-hiwalay ang mga ito. Hindi niya alam kung kanino sasabay. Maya maya ay tanging silang dalawa nalang ng babaeng kalahok. Kunot noo siya nitong nilingon at pinamaywangan. "Anong ginagawa mo dito?" "Maaari ba tayong magtulungan nalang upang madali tayong makahuli?" nakangiti niyang alok. Tumaas lang ang kilay nito. "Ayuko." Natigilan siya at nawala ang ngiti. "Nais kong mangaso nang mag-isa." "Pero--." "Hindi ko kailangan ng tulong mo. Kaya kung mag-isa kaya umalis kana at maghanap ka ng lugar na maaari mong pagkuhanan." Napabuntong hininga nalang siya at naglakad palayo roon. Nagsimula na siyang maghanap ng kanyang mahuhuli. Sa tingin niya ay hindi niya kayang pumatay ng usa, baka o baboy ramo. Umaasa siyang makakahanap siya ng ligaw na manok o ilog na may mga isda na maaari niyang hulihin. Subalit hindi manok o ilog ang kanyang nakita, kundi isang usa. Natigil siya sa paglalakad at nagtago. Kumakain ito at hindi siya napapansin mula sa likuran. Lumunok muna siya bago kinuha ang isang palaso na nakasabit sa kanyang likod. Agad niya iyong inilagay sa kanyang pana. Nanginginig ang kamay niyang itinutok iyon sa usa. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi nang hindi niya magawang pakawalan ang kanyang palaso. "Ano pa bang hinihintay mo?" Muntikan na siyang mapatili nang may magsalita sa likuran niya. Agad siyang lumingon. Ngunit walang tao roon. "Sa taas mo..." Tumingala siya at agad niyang nakita ang punong pazap na nakaupo sa sanga ng puno na nasa likuran niya. Nakasandal ito sa puno habang nakahalukipkip na pinapanuod siya. "Pagkakataon mo na, bakit 'di mo pa patamaan?" Nailapat niya ang kanyang mga labi. Tila napahiya siya roon. Kanina pa ba siya diyan? Sa isip niya. Napabuntong hininga nalang siya at napangusong ibinalik ang tingin sa usa na abala parin sa pagkain. "Sa pagkakaalam ko, ang Punong mahistrado ang pinakamagaling na Pazap sa kasaysayan ng bansang ito. Kaya naman nagtataka akong hindi mo namana iyon." Lihim siyang umirap dito. "Hindi mo ba kayang kumitil ng mga hayop?" Hindi siya makasagot. Panay nalang ang buntong hininga niya habang pinagmamasdan ang usa. "Nakalimutan mo na bang..." Napatayo siya nang marinig ng usa ang ingay nito kaya kumaripas iyon ng takbo. Masama ang tingin niyang ipinukol sa lalaking nakatunghay na ngayon sa kanya. "Ang ingay mo kasi!" singhal niya kaya nagsalubong ang kilay ng binata. "Mahuhuli mo ba iyon kung tititigan mo lang?" "Naghihintay lang ako ng tiyempo! Mahuhuli ko siya nang hindi siya nasasaktan. Pero dahil ang ingay mo, nakawala siya!" Pero ganon nalang ang paglunok niya nang biglang tumalon pababa sa harap niya ang binata. "Tama ba ang rinig ko?" Kinabahan siya nang lumapit ito kaya naman napayuko siya. "Sinisigawan mo ba ako bata?" "P-Patawad Punong pazap." Panay ang pagyuko niya rito. "H-Hindi ko sinasadyang sigawan kayo..." Rinig niya ang pagbuntong hininga nito. "Sige na, maghanap ka pa. Baka may mahanap kang manok. Mas madali iyong mahuli. Pupuntahan ko ang iba mong kasamahan." "S-sige po Punong pazap.." Maya maya lang ay wala na ito sa kanyang paningin. Saka palang siya nakahinga ng maluwag. Mabuti nalang at hindi ito nagalit ng husto dahil sa inakto niya. Kung ang Ikalawang pazap ang sinigawan niya ay baka pinarusahan na siya nito. Mukhang suplado ang punong pazap ngunit nasisiguro niyang mabait ito. Ang sa tingin niyang malupit ay ang ikalawang pazap. Sa tingin palang nito sa kanya kanina ay para siyang kuto na gusto nitong tirisin. Mabuti narin at ang punong pazap ang nagmatyag sa kanya, dahil kung ang ikalawa ang nakakita sa kahinaan niyang iyon ay baka pinagtawanan na siya at ininsulto. MULI siyang naglakad at naghanap ng mahuhuling manok. Ilang minuto rin ang lumipas bago siya makakita ng isa. Tuwang tuwa siyang nagtago at nag-isip kung paano ito huhulihin. Hindi niya magawang patayin ito, kaya naman ibinalik niya ang palaso sa lalagyan nito at isinukbit muli ang pana sa balikat. Sinikap niyang umikot ng tahimik sa likuran nito. Pagkatapos ay naglakad palapit sa likuran nito. Halos pigilan niyang huminga sa loob ng ilang segundo para lang hindi nito maramdaman ang prisensya niya. Nang sobrang lapit na niya rito ay saka niya iyon sinunggaban. Ngunit mabilis itong tumakbo palayo kaya naiwan siyang nakadapa. Nanlulumo siyang tumayo at pinagpagan ang sarili. Naisip niyang baka siya nalang ang hindi pa nakakabalik roon. Napabuntong hininga siyang nagpatuloy sa paghahanap. "Walang silbi ang mga natutunan mo bago sumabak sa ensayong ito." Napalingon siya sa taong nagsalita. Naroon muli ito sa sanga ng puno. Nakatayo at nakapamaywang ang isang kamay at ang isa naman ay nakalapat sa katawan ng puno. "Kung hindi mo man lang magagamit ang mga iyon dito." Tama naman ito. Kahit ano pang galing niya sa mga armas kung hindi niya man lang ito kayang gamitin sa pagpatay ng hayop. Napayuko muli siya. "Hindi ko po kasi ito napaghandaan, Punong pazap. Hindi sinabi sakin ng aking ina ang tungkol dito." "Marahil ay sinadya ng iyong ina na huwag sabihin sa iyo ang mga kaganapan dito sa pagsasanay. Gusto niyang matuklasan mo nang kusa ang mga ganitong bagay hanggang sa kayanin mo iyong tanggapin." Napatingin siya dito. "At kung matalino ka, dapat lang na alam mong mangyayari ang mga ganitong bagay. Kapag isa kanang na pazap, magkakaroon ka ng isang misyon sa malayong bayan kaya malayo rin ang iyong lalakbayin. Hindi ka magugutom sa paglalakbay kung magaling kang mangaso." Napabuntong hininga muli siya. "S-Sa tingin ko po ay hindi pa ako handang manakit ng hayop." aniyang nakayuko. Tumalon ito pababa at pumalatak. "Kung hindi mo kayang gamitin iyan sa mga hayop, paano mo pa iyan magagamit sa kalaban? Sa mga tulisan?" Natigilan naman ang dalagita at nag-isip. "Naranasan ko na pong makipaglaban sa mga tulisan Pinuno." Kumunot ang noo nito. "Ikaw? Nakipaglaban sa tulisan? Seryoso ka ba?" Tumango siya. "Kasama ko noon ang prinsipe, balak siyang patayin ng mga 'yon kaya sinikap kong protektahan ang mahal na prinsipe. Subalit malalakas ang mga kalaban kaya muntik na akong mamatay sa kamay nila. Buti nalang at dumating ang isang kawal ng prinsipe..." "Ang prinsipe? Magkakilala kayo?" "Opo, Pinuno. Gusto ko rin pong magsanay ng mabuti at magpalakas dahil nangako ako sa prinsipe na pu-protektahan ko siya." Napabuntong hininga ito. "Kung gayon, naniniwala naman akong kaya mong gamitin ang mga armas sa kalaban. Ngunit dapat mo ring isaalang alang ang mga bagay na mahalaga sa ensayong ito. Kailangan mong mangaso upang may makain ka, kailangan mong sanayin ang sarili mo sa mga bagay na hindi mo normal na ginagawa." "Sisikapin ko naman pong makaraos sa ensayong ito at makapasa upang maging isang Pazap." Iiling iling ang binata at napakamot sa sintido nito. "Ang akala mo ba pagkatapos nitong ensayo ay magiging isa kanang ganap na Pazap. Nagkakamali ka bata..." Kumunot noo naman si Lham. "Ano pong ibig niyong sabihin, Pinuno?" Marahas itong nagpakawala ng hininga. "Sa tingin ko ay hindi sinabi sa iyo ng iyong ina ang tungkol sa pagsusulit..." "Pagsusulit?" Tumango ito. "Kakaiba at madugong pagsusulit. Kailangan mo iyong maipasa at doon ka palang magiging Pazap. Ngunit mukhang mahihirapan ka doon." "Bakit naman po?" "Sa pagkat ang makakasagupa mo sa pagsusulit ay mga hayop. Paano mo iyon maipapasa kung nag-aalinlangan kang patayin sila?" Natigilan siya dahil doon. Bakit hindi sinabi ng kanyang ina ang tungkol sa pagsusulit? 'Di sana napaghandaan niya iyon. Napabuntong hininga siya. "Paalalahanan lang kita." dagdag pa nito. "Malapit nang matapos ang oras na ibinigay sa inyo. Kapag bumalik ka doon ng walang dala, siguradong parurusahan ka ng ikalawang pazap." "Alam ko po iyon, Pinuno..." "Ano nang gagawin mo ngayon?" tanong nito kaya napakamot siya sa kanyang batok. "Maghahanap nalang po siguro ako ng ilog. Manghuhuli ako ng isda." "Alam mo ba kung saan ang ilog dito?" Umiling siya. Napakamot sa kilay nito ang punong pazap. Tila hindi makapaniwala sa kanya. "Bago mo pa mahanap ang ilog ay ubos na ang iyong oras." anito saka bumuntong hininga. "Sumunod ka sakin..." utos nito saka naunang naglakad. Napangiti naman siya dahil tinutulungan siya nito. Sa tingin nga niya mabait talaga ito kahit mukhang masungit. Ilang minuto silang naglakad sa masukal na gubat. Mabilis itong maglakad kaya naman nagkakandarapa siya sa pagsunod dito. "Andito na tayo..." anito. Maya maya lang ay nakalabas sila at agad na sumalubong ang liwanag. Napangiti siya sa pagkamangha nang makita niya sa wakas ang ilog. Agad siyang tumakbo palapit sa tubig. Kumislap pa ang mga mata niya nang makita ang mga isdang lumalangoy roon. Inalis niya ang nakasabit niyang pana at palaso sa kanyang balikat. Mula roon ay ipinurma niya ang pana at itinutok sa tubig kung saan naroon ang mga isda. Pinakawalan niya ang palaso, wala siyang natamaan. "Hindi mo matatamaan iyan ng ganyan kalayo." Nagsalita muli ang binata. Hindi niya alam kung bakit siya lang ang binabantayan nito. "Lumusong ka sa tubig upang malapitan sila." "Hindi po ako marunong lumangoy." Nasapo ng binata ang sintido nito. "Hindi ka naman kailangang lumangoy. Lulubog ka lang at lapitan ang mga isda. Maaari mo ring gawing sibat ang mga palaso upang makahuli ng isda." Huminga siya ng malalim bago naisipang lumusong sa tubig. Nakarating siya hanggang sa gitna. Mabuti nalang at hanggang tiyan lang niya iyon. Sinubukan niya ang suhistyon ng binata. Isinukbit muna niya ang pana at palaso nalang ang ginamit. Dahan dahan siyang lumapit sa nakikita niyang lupong ng mga isda. Agad niyang itinarak sa tubig ang matulis na palaso ngunit wala siyang natamaan. Napasimangot siya. Ngunit hindi siya sumuko. Ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa. Nang sulyapan niya ang Punong Pazap ay nakaupo na ito sa isang bato, tahimik at salubong ang kilay na pinapanood siya. Napanguso siyang bumaling muli sa ginagawa. Ilang beses siyang sumubok na sunggaban ang mga isda ngunit tila mabibilis ang mga ito. Ilang minuto ang lumipas. Ngunit wala parin siyang nahuhuli. Dahil sa inis ay tinapon niya ang palaso at hinabol ang mga isda at hinuli ang mga iyon gamit ang mga kamay. Basang basa na siya at napapagod narin subalit wala parin siyang nakukuhang pagkain para sa tanghalian. Nang tingnan niya ang binata ay nakatungo na ito at hindi gumagalaw. Nakatulog siya? Napabuntong hininga siya. Ang akala niya'y magiging madali ang ensayo dahil sa mga natutunan niya bago sumubok dito. Huminga siya nang malalim saka nagpasya muling mag-abang ng mga isda. Nasa gitna siya ng tubig habang tahimik lang at di gumagalaw. Nakaangat lang ang kanyang kamay na may palaso na nakatutok sa tubig. Kahit na may mga isda nang lumalapit sa kanya ay hindi pa niya iyon sinusunggaban. Sa halip ay hinintay niya ang kanyang pagkakataon. Mas malaki ang tyansa na matamaan niya ang isda kung lumalangoy ito sa itaas na bahagi ng tubig. At ayon nga, nakita niya ang may kalakihang isda na mabagal lang na lumalangoy papunta sa gawi niya. Hinigit niya ang kanyang hininga nang malapit na ito. Nang iyon na ang pagkakataon niya ay mabilis siyang kumilos. Ayon, sa wakas ay tumarak ang palaso niya sa isang isda. "Yes!!" tuwang sigaw niya at masayang nilingon ang pwesto nang punong pazap. "Huh?" Nawala ito bigla. Kanina lang ay natutulog ito habang nakaupo. "Asan na ba yon?" bulong niya. Naalala niyang ubos na ang oras niya kaya nagmadali siyang umalis sa tubig. "Bahala na. Okay na to..." aniya habang pinagmamasdan ang isa niyang huling isda. Patakbo niyang tinunton ang labasan kung saan sila nanggaling ngunit bago paman siya makapasok sa gubat ay nakasalubong niya ang manok na nakahandusay sa daan. Napakunot noo siya nang makitang nakatali ng pisi ang mga paa nito. Napatingin tuloy siya sa kanyang paligid. Walang tao roon. Napangiti nalang siya nang maisip kung sino ang may gawa niyon. Kinuha niya ang manok at naglakad pabalik sa kampo nang hindi inaalis ang ngiti sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD