SA pagkawala ng aking ulirat mula nang mahulog ako sa napakalalim na tubig, tanging ang pakiramdam ko na lamang ang natitirang gising sa mga sandaling iyon.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakalubog sa tubig bago ko maramdaman ang pagyakap sa aking baywang at pag-angat ko sa tubig.
"Lham!"
Pakiramdam ko ay naroon parin ako sa kawalan at tanging naririnig ko lamang ay ang mahinang pagtawag sakin ng taong nagligtas sa akin.
Ang sumunod na nangyari ay ang pagsubok niyang mailigtas ako sa pagkakalunod.
Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pagdampi sa labi ko at binigyan ako ng hangin.
Ilang beses niya iyong inulit hanggang sa maramdaman ko ang pagtaas ng tubig na nainom ko at maiubo ko iyon palabas.
Agad akong napasinghap ng napakabigat nang makalanghap muli ng hangin.
Sandali akong napamulat at agad na tumambad ang nag-aalalang mukha ng Punong Pazap.
"Lham..."
Ngunit tila walang lakas ang katawan ko sa sandaling iyon. Saka ko lang naramdaman ang kumikirot kong sugat sa aking tagiliran.
Unti unting lumabo ang paningin ko hangang sa mawalan muli ako ng malay.
Tila mahabang oras akong nakatulog. Nagising ang diwa ko nang maramdaman ko ang pagtakbo ng bagay na kinauupuan ko.
Dahan dahan naman akong napamulat nang marinig ko ang pamilyar na huni na iyon ng kabayo.
"S-Snow?" nasambit ko nang mapagtantong siya nga iyon. Nakaligtas siya at natutuwa ako dahil doon. Agad kong hinaplos ang kanyang leeg ng nakangiti. Napangiwi nalang ako nang kumirot ang tagiliran ko. Nakalimutan kong may sugat pala ako.
Doon ko lang napansin ang isang kamay na nakahawak saking tiyan kaya naman napalingon ako sa aking likuran.
"P-Pinuno..."
Tumikhim muna siya bago nagsalita. "Mabuti at gising kana." pinatigil niya sa pagtakbo si Snow saka siya bumaba at hinila ang kabayo patungo sa lilim ng puno.
Itinali niya si Snow doon sa puno saka ako inalalayan pagbaba.
"Hindi ko na hinintay na magkamalay ka kanina. Naiisip kong dalhin na kita agad pabalik upang may maabutan pa tayo."
"Sa tingin niyo po pinuno, maaabutan pa natin ang pagkakaloob ng simbolo?"
"Hindi ganoon kabilis magpatakbo ang mga Pazap kapag nakatungtong na sila sa bayan kaya may pag-asa pa tayong maabutan sila. Sa ngayon ay magpahinga na muna tayo ng ilang minuto at kumain bago tayo magpatuloy."
Niyaya niya akong umupo sa tabi ng puno. Umupo naman siya sa tabi ko at may inilabas na telang supot mula sa ilalim ng kanyang damit.
"Ito nalang ang natitirang pagkain ko, paghatian nalang natin." hinati niya ang isang pirasong tinapay at ibinigay sa akin ang bahagi ko.
Nahihiya man ay nagawa ko parin iyong abutin dahil kumakalam narin ang tiyan ko.
"Salamat Pinuno..."
Habang kumakain, pinagmasdan ko si Snow habang abala rin sa pagkain ng d**o. Saka ko lang napansin ang mga galos at maliliit na sugat sa kanyang katawan.
"Paano mo nga po pala natagpuan si Snow, Pinuno?"
"Nadaanan ko siya sa kakahuyan. Malapit na siyang lapain ng mga lobo mabuti nalamang at nakita ko." sagot nito.
"Ngunit ano po ang ginagawa ninyo sa gubat?"
Napabuntong hininga siya. "Malalaman mo pagkarating natin sa templo."
"Hindi pa nga pala ako nakapagpasalamat sayo Pinuno. Akala ko ay katapusan ko na nung mahulog ako sa bangin."
"Mabuti nalamang at sa tubig ka bumagsak. Maraming malalaking bato roon at kung sakaling doon ka bumagsak ay hindi kana mabubuhay."
Saglit kong inalala ang mga nangyari bago ako nahulog.
Saka ko lang naalala ang bagay na iyon. Kaya naman agad kong kinapa ang aking bulsa at hinanap iyon.
"Nasan na yon?" bulong ko.
Tumigil lang ako sa paghahanap nang makita kong may dinudukot sa bulsa si pinuno.
"Nabitawan mo yan sa tubig palang kaya naman sinisid ko pa sa kailaliman ng tubig ang bagay na iyan." aniya nang iabot iyon sa akin.
"Salamat pinuno..." napatitig ako sa bagay na iyon. Humigpit ang hawak ko roon nang maalala ang taong may ari niyon.
Ilang minutong naging tahimik lang kami at maya maya ay tumayo na siya at naglahad ng kamay sakin.
"Kailangan na nating umalis. Kailangang makarating tayo doon nang hindi pa natatapos ang seremonya."
Tumango naman ako at tinanggap ang kamay niya saka tumayo.
Katulad kanina ay inalalayan niya akong makasakay kay Snow.
Hindi katulad kanina, ngayon ay nasa likuran niya ako.
Nagsimulang maglakad si Snow kaya naman hindi ko alam kung saan ako hahawak.
At sa tingin ko ay napansin niya iyon.
"Baka mahulog ka..." aniya saka kinuha ang pareho kong kamay at iniyakap sa kanya. Kaya naman napasubsob din ang mukha ko sa kanyang likuran dahil sa iksi ng mga braso ko at laki ng katawan niya.
Hindi ko alam kung bakit ako napalunok nang bahagya dahil lang doon. Tila nanigas ang katawan ko at hindi agad nakakilos lalo na nang maramdaman ng pisngi ko ang init ng kanyang katawan.
Ilang segundo pa ay pinabilis na niya ang takbo ni Snow. Nakakapagtaka lang na napaamo niya si Snow at napapatakbo ng ganto kabilis. Na para bang magkakilala na sila nito ng ganon katagal. O baka naman sadyang mabait lang si Snow sa kahit sinong taong gusto siyang sakyan.
Mas humihigpit pa ang yakap ko sa kanya kapag tumatalon ng ganoon kataas si Snow. Kahanga hanga talaga.
Ilang minuto ang lumipas. Di naglaon ay lumawak ang daan at unti unting dumarami ang mga templong aming dinaraanan.
Maya maya lang ay tanaw ko na ang tore ng pinakamalaking templo ng pagtitipon.
Sa bilis ni Snow ay agad din namin iyong narating.
Agad kaming bumaba sa kabayo at nagtungo sa templo. Gusto kong tumakbo ngunit kumikirot ang sugat ko kapag gumagalaw ako ng mabilis.
Napansin iyon ni Pinuno kaya naman inalalayan niya ako sa paglalakad patungo sa harap ng malaking pintuan ng templo.
Agad niya iyong tinulak upang mabuksan kasabay ng pagsigaw niya.
"Sandali lang!"
Bumungad sa amin ang mga taong halata ang gulat sa mukha pagkakita sa akin.
Agad nahagilap ng aking paningin ang pinaka-gulat sa lahat, ang mukha ng taong nagtangkang pumatay sa akin.
"Lham!"
"Ate Lham!"
Agad kong ibinaling sa mga kaibigan ko ang aking atensyon. Patakbo silang lumapit sa akin.
"Lham!" agad akong niyakap ni Ugyen at Cahya. Pareho silang naluluhang nagagalak na makita akong muli at agad naman akong nahawa sa kanilang emosyon. "Salamat at buhay ka..."
"Oo nga ate Lham. Akala ko talaga patay ka na!" tuluyang napahagulgol si Cahya.
"Huwag na kayong umiyak, narito na muli ako..." nasabi ko nalang.
Hinagilap ko naman ng aking paningin ang aking pamilya ngunit kataka takang wala sila roon.
Agad iyong napansin ni Ugyen. "Ang akala nila ay patay kana at hindi nila nakayanan iyon kaya umuwi na sila sa inyo."
Napabuntong hininga nalang ako.
Inalalayan nila akong maglakad papunta sa harap ng hari at reyna.
"Kamahalan, narito po ang isa pang kalahok."
Tulad ni Pinuno, iniluhod ko rin ang isa kong tuhod at nagbigay galang sa Hari at Reyna.
"Bakit ngayon ka lamang dumating? Anong dahilan at nahiwalay ka sa iyong mga kasamahan." ang sabi ng Hari.
Tumikhim ang Ikalawang Pazap. Iniingatang huwag magtagpo ang aming paningin. "K-Kamahalan, siya po ang anak ng Punong Mahistrado..."
"Kung gayon, ikaw ang nahulog sa bangin? Paano kang nakaligtas sa ganoon kataas na bangin?" ang tanong ng hari.
"Tubig po ang aking nabagsakan. Sa tulong ng Punong Pazap, ako po ay nakaligtas."
"Totoo ba iyon, Punong Pazap? Iyon ba ang dahilan kung bakit wala ka sa oras ng pagkakaloob ay dahil magkasama kayo ng batang iyan?"
Tumungo naman ang Punong Pazap. "Ganoon nga po kamahalan, paumanhin kung hindi kaagad ako nakarating sa seremonya."
"Ayos lang iyon, mabuti at nailigtas mo ang anak ng Punong Mahistrado."
Biglang tumayo ang Reyna. "Kanina pang tapos ang seremonya. Natapos narin ang pagkakaloob kaya wala kang matatanggap na simbolo ng pagiging Pazap." mariing sabi niya na matalim na nakatingin sa akin.
Napayuko nalang ako upang iwasan ang kanyang tingin.
"Ngunit kamahalan---."
"Isa ka pa!" galit na putol ng Reyna sa punong Pazap. "Bilang Punong Pazap, dapat alam mong hindi ka maaaring makialam sa pagsusulit!" bumaba na ito sa ilang palapag at akmang aalis. "Tayo na! Huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Tapos na ang seremonyang ito!"
Mabilis akong napaluhod nang akma naring tatayo ang hari. "Kamahalan..bigyan niyo po ako ng isa pang pagkakataon!" lumuluhang saad ko.
Napabuntong hininga ang Hari.
Bumaling siya sa Punong Pazap. "Nais kong malaman kung ano ang ginagawa mo sa lugar na iyon?"
Tila natigilan naman ang Punong Pazap at marahang napailing. "Patawad kamahalan, ngunit hindi ko maaaring sabihin..."
"Ha!" di makapaniwalang tono ng Reyna. "Nakita niyo na?! Nagagawa niya pang magsinungaling sa atin! Tinatapos ko na ang seremonyang ito! Maaari na kayong magsi-uwi!"
Pabuntong hiningang tumayo ang hari. Pati ang mga ministro ay nagsitayuan narin.
Napatayo ako at naglakad palapit sa hari. "Kamahalan, bigyan niyo pa po ako ng pagkakataon. Kailangan ko pong maging Pazap! Nangako po ako sa prinsipe na magiging isang Pazap ako."
"Hanggat hindi nagsasabi ng totoo ang Punong Pazap, hindi kita maaaring pagbigyan..."
Napatingin ako kay Pinuno. Tila nahihirapan siyang sabihin ang totoo. Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit hindi niya masabi ang katutuhanan.
Lahat ay nakatingin sa kanya at naghihintay ng sagot. Ngunit sa halip na sumagot ay lumuhod siya at yumukod sa harap ng hari.
"Kamahalan, tatanggapin ko po ang lahat ng mabibigat na parusa mapagkalooban niyo lamang si Lham ng simbolo..."
"Ngayon pa lamang ay nawawalan na ako ng tiwala sayo Punong Pazap." may galit na sambit ng Hari. "Ikaw pa naman ang pinaka-mataas sa mga kasundaluhan ng kaharian ko ngunit paano mo nagagawang magsinungaling sa akin?!"
"Kamahalan..." May pag-aalinlangan paring sabi ni Pinuno.
"Sabihin mo, may nag-utos ba sa iyo na mangialam sa pagsusulit?"
Hindi naman nakapagsalita ang Punong Pazap.
Napabuntong hininga ang Hari. Tila nakuha ang ibig sabihin ng pananahimik ng Punong Pazap.
"Kung gayon ay tama ako. Uulitin ko, sino ang nag-utos sa iyo?"
Hindi parin makapagsalita ang Punong Pazap. Nakayukod parin siya sa harap ng Hari at hindi ko makita ang kanyang mukha.
"Mahal na prinsipe! Hindi kayo maaaring pumunta riyan!"
Sabay sabay kaming napalingon dahil sa ingay na iyon sa labas ng templo.
Hindi nagtagal ay nakapasok na ang prinsipeng hinahabol naman ng kanyang eunuko.
"Kamahalan!"
"Tahimik!" galit na sabi ng Hari. Nasa eunuko ang paningin. "Bakit ka ba sumisigaw?!"
Agad namang natatarantang yumukod ang eunuko. "P-Patawarin niyo ako kamahalan. Pinipigilan ko lamang ang prinsipe sa pagparito."
"Ano ang iyong ginagawa dito Prinsipe Dojin?" galit na tanong ng Reyna.
"Nais kong malaman kung nakaligtas si Lham."
Napatingin ako sa prinsipe. Tuluyan siyang pumasok at hindi pinansin ang Reyna. Inilibot niya ang paningin at hinanap ako.
Agad namang nagliwanag ang mukha niya pagkakita sa akin.
"Lham!" patakbo niya akong nilapitan at nabigla nalang ako nang yakapin niya ako. "Salamat naman at nakaligtas ka."
"Dojin!" saway ng Hari sa kanya.
"M-Mahal na prinsipe..." agad akong humiwalay sa kanya at yumuko bilang paggalang.
Tila hindi niya pansin ang kanyang amang hari at mataman lang akong tinitigan. Kaya naman ako ang umiiwas ng tingin sa kanya dahil sa kahihiyan. Nasa amin kasi ang paningin ng mga naroon at naririnig ko ang mahina nilang mga bulungan.
"Natutuwa ako dahil nagtagumpay ka sa pagsusulit, Lham. Nasaan ang iyong simbolo? Ganap ka na bang Pazap ha? Matuturuan mo na ba akong gumamit ng pana't palaso?" aniyang halata sa mukha ang kasiyahan.
Ako naman ay hindi makatingin sa kanya ng deretso at hindi alam kung paano ipapaliwanag sa kanya ang nangyari.
"Tayo na Dojin. Bumalik na tayo sa Palasyo!"
"Ngunit ama, nais kong malaman kung ganap ng Paza si Lham---."
"Hindi." putol ng hari sa kanya. "Hindi siya nakarating sa tamang oras ng seremonya."
"Paano nangyari iyon?" bumaling siya sakin na may nagtatanong na tingin. "Paanong nahuli ka ng dating? Hindi ba't magkakasama kayo?" tukoy niya sa mga kasamahan ko.
Napabuntong hininga ako. Wala akong nagawa kundi ang ikwento sa kanya ang nangyari.
"I-Iniligtas ka ng Punong Pazap?" tanong niya na marahan kong tinanguan.
Nilingon niya si Pinuno at agad ding nag-iwas ng tingin.
"Iyan din ang dahilan kaya hindi ko siya mabigyan ng simbolo..." sabi ng Hari. Tila napagod sa pagtayo kaya naman muling bumalik sa kanyang upuan.
Ang Reyna naman ay tila naiinip. Minsan ay tinatapunan ng matalim tingin ang Ikalawang Pazap.
"Pero bakit po ama?" naguguluhang tanong ng prinsipe.
"Iniligtas siya ng Punong Pazap, bagay na ipinagbabawal sa pagsusulit. Higit sa lahat bilang Punong Pazap, napakalaki ng kasalanan niya sa palasyo sapagkat nagawa pa niyang mag-sinungaling!"
Hindi nagbago ang reaksyon ni Pinuno, nakayuko parin siya at nakikinig lamang. Tuloy ay hindi ko parin maintindihan kung bakit hindi nalang niya sabihin ang totoo.
"Anong ibig niyong sabihin ama?" nagtataka paring tanong ng prinsipe.
"Sa tulad nilang mga Pazap, ipinagbabawal ang pagpasok sa lugar kung saan nagaganap ang pagsusulit. Hindi lang iyon, nagawa niya pang makialam sa natural na pagsusulit. Nasisiguro kong may nag-utos sa kanyang pumasok roon at iligtas ang batang iyan!" turo nito sakin.
Tila nagulat naman ang prinsipe at natigilan. Nakita ko ang lihim niyang paglunok at pag-iwas ng tingin sa hari.
Narinig ko namang matunog na napangiti nang mapakla ang Reyna. "Hindi na ako magtataka kung ang mga Tenzin ang kasabwat niya. Balak nilang mangdaya kaya nais nilang makaligtas ang kanilang anak."
"Mawalang galang na po Mahal na Reyna." sabat ng Ministro ng Kagawaran ng Tanggulang Bayan. "Base sa nakita ko kanina, mukhang wala namang kinalaman doon ang mga Tenzin. Hindi ba't nararapat lang na inaasahan na nilang maililigtas ng Punong Pazap ang kanilang anak kung sakali ngang sila ang nag-utos nito."
"May punto si Ministro Magu mahal kong Reyna." pagsang-ayon ng Hari.
Agad namang nainis ang Reyna at lumapit sa Punong Pazap. "Kung bakit kasi hindi mo nalang sabihin ang totoo! Sino ang kasabwat mo!" sigaw niya na ikinatigil ng Punong Pazap.
"Kamahalan..."
"Punong Pazap, hinihiling kong magbitaw ka na ngayon sa iyong katungkulan!!" nanggagalaiting sigaw ng Reyna na ikinagulat naming lahat.
Agad namang napaluhod ang Punong Pazap sa harap ng Reyna.
"Kamahalan, hindi po ito makatarungan!"
"Kung gayon ay sabihin mo sa akin ang totoo!"
"Ako!!!" sigaw ng Prinsipe na ikinagulat ng lahat. Bahagyang nanlaki ang mata ko at agad na napalingon sa kanya.
"K-Kamahalan..." pigil ni Pinuno sa prinsipe.
"A-Ako ang nag-utos sa kanya inang Reyna..."
Agad na napuno ng bulungan ang mga naroon sa loob ng templo.
"Tahimik!!" sigaw ng hari na nagpatigil sa lahat.
Kunot noo ang Reynang lumapit sa Prinsipe.
"Anong sinabi mo?"
Doon palang ay nanginginig na sa takot ang prinsipe. Halata ang diin ng pagkakakagat niya sa kanyang labi.
"I-Inang Reyna..." halos hindi niya matingnan ng deretso ang Reyna na ngayon ay halata ang galit sa mukha nito.
"Ulitin mo nga ang sinabi mo?!" galit na turan ng Reyna kaya naman mas lalong kinabahan ang prinsipe.
Ako rin naman ay kinabahan. Ikapapahamak niya ang pagliligtas niya sa akin.
Napalunok muli ang prinsipe at huminga ng malalim. "Ako ang nag-utos sa Punong Pazap na tulungan si Lham---."
PAKKKK!!!!
Nanlaki ang mata ko matapos masaksihan ang pagsampal ng Reyna kay Prinsipe Dojin.
Natahimik naman lalo ang mga naroon kasabay ng pagkakabigla nila sa nasaksihan.
"Mahal na Reyna!" nananaway na tinig ng Hari.
Naaawa ako sa prinsipe. Kinagat niya ang kanyang nanginginig na labi upang mapigilang mahikbi subalit nauna nang bumagsak ang ilang butil ng kanyang luha.
Biglang sumikdo ang aking puso pagkakita sa kanyang mukha. Wala akong nagawa kundi ang maawa at panoorin siya.
Dahil wala akong karapatang damayan siya. Isa lang akong hamak na ordinaryong tao at siya ang prinsipe ng bansang ito.
"Kahit kailan ay wala kang nagagawang tama sa palasyong ito!" galit na turan ng reyna sa prinsipe.
Lumapit na rin ang Hari sa mga ito.
"Dojin, paano mo nagawang mangdaya sa proseso?! Hindi ka ba nahihiya?! Bilang Prinsipe, tungkulin mo ang maging mabuting halimbawa sa nasasakupan mo."
Napatungo ang prinsipe sa kahihiyan. "P-Patawad ama... N-Nais ko lang naman na masigurong makakaligtas si Lham sa pagsusulit..."
"Ngunit sa ginawa mo, mas lalo mo lang kaming binigyan ng dahilan upang hindi siya bigyan ng simbolo ng pagiging Pazap!"
"Amang Hari, tatanggapin ko ang ano mang parusa ninyo, bigyan niyo lang ng pagkakataon si Lham. Nakakalimutan niyo na po bang siya ang nagligtas sa akin nung ako ay nasa kapahamakan?"
"Nagagawa mo pa talagang isumbat iyon sa amin?!" asik ng Reyna. "Hindi ba't ikaw ang naglagay ng sarili mo sa kapahamakan?!"
Hindi nakapagsalita ang prinsipe.
Binalingan ako ng Reyna ng matalim na tingin.
"Ngayon ay wala nang rason pa upang mabigyan ka ng simbolo." palihim kong naitikom ang aking kamao nang ngumisi siya sa akin. "Nakakatawa lang na may isang miyembro ng Tenzin na hindi nakapasa sa Pagsusulit. Nakaligtas ka man, maituturing ka paring isang mahinang nilalang ng bansang ito. Kukutyain ang inyong pamilya dahil sa pagkatalo mo..." Nilingon niya ang prinsipe. "Tayo na! Babalik na tayo sa palasyo."
Tumalikod na siya at sumunod ang hari at prinsipe sa kanya. Hindi pa man sila nakakailang hakbang ay nagsalita na ako.
"Sandali lang kamahalan..."
Sabay sabay silang napalingon sa amin na nakakunot ang mga noo.
Sinadya kong maging blangko ang aking mukha kahit na alam kong magiging bastos ako sa paraan kong iyon.
"Hindi ko pa naiku-kwento sa inyo ang dahilan ng aking pagkakahulog sa bangin..."
Ngumiti lang ng mapakla ang Reyna. "Wala akong balak pag-aksayahan ng oras ang kwento mo!"
"Mangyari po sanang mapakinggan niyo muna ang totoong dahilan ng nangyari sa akin kamahalan..."
"Ano ba itong ginagawa mo?" kunot noong tanong ng hari sa akin. "Tapos na ang seremonya. Tapos narin ang aking pagpapasya..."
"Ano pa bang aasahan mo sa isang Tenzin, tsk tsk!" nanunuyang sambit ng reyna saka muling tumalikod at naglakad.
"Paano kung sabihin ko sa inyong hindi totoong mga tulisan ang mga nakalaban namin ng mga oras na iyon?" hinaluan ko pa iyon ng pekeng ngiti na ikinasalubong ng mga kilay reyna.
Muling humarap ang hari. "Mapapatunayan mo ba iyang sinasabi mo?"
"Saksi ang aking mga kaibigan kamahalan..." nilingon ko sina Ugyen na agad akong nilapitan.
Natigilan lang ako nang humalakhak bigla ang Reyna. Kumunot ang aking noo.
"Katulad ng iyong ina, wala karing maibigay na patunay sa bagay na iyon!"
Napatingin ako kay Ugyen matapos kong marinig ang kanyang buntong hininga.
"Naikwento ko na kanina ang mga nangyari, hindi nila kami pinaniwalaan dahil wala kaming pruweba..." hinawakan niya ang balikat ko. "P-Patawad Lham..."
Ngiti lang ang isinagot ko sa kanya saka muling bumaling sa Reyna.
"Paano ba iyan? Wala kanang iba pang maidadahilan.." anito sa nanunuyang tinig.
Umigting ang aking mga panga. Agad kong pinakalma ang aking sarili at bumuntong hiningang nakangiti sa harap ng Reyna.
"A-Anong ngini-ngiti mo diyan!" galit na asik ng Reyna ngunit hindi ako nagpatinag.
"Paano kung sabihin ko rin sa inyong nakilala ko ang pinuno ng mga kalalakihang humarang sa amin kamahalan...?"
Natigalgalan ang Reyna pagkarinig niyon. Nahuli ko ang pasimple niyang pagtapon ng tingin sa Ikalawang Pazap.
Doon nabuo ang hinala ko...
"K-Kilala mo ang taong humarang sa inyo?"
Hindi nawala ang pekeng ngiti ko. "Ganoon nga po kamahalan..."
"Kung gayon ay sabihin mo kung sino." utos ng hari.
Dahan dahan kong inilibot ang aking paningin hanggang makatagtagpo niyon ang taong may atraso sakin. Mabilis niyang iniwasan ang tingin ko kaya naman ibinalik ko nalang iyon sa Reyna.
"At ang taong iyon ay narito sa loob ng templo kamahalan..."
Agad muling napuno ng bulungan ang loob ng templo.
Kunot noo akong tiningnan ng hari. "Sino ang taong tinutukoy mo?"
Ngumiti ako. Saka nilingon si Sierra na agad ding napapitlag sa pagtatagpo ng aming paningin.
"Bakit hindi natin tanungin si Sierra...?"
"B-Bakit ako?" sumama ang mukha niya pero halatang kinakabahan siya.
Lumapit ako sa kanya dala ang peke kong ngiti.
"Dahil katulad ko, kilala mo rin ang pinuno ng mga tulisan hindi ba?"
Natigilan siya at napalingon. Hindi nakaligtas ang paglandas ng paningin niya sa Ikalawang Pazap.
Ilang sandali pa ay ibinalik niya ang paningin sa akin saka marahas na umiling.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo!"
"Huwag kanang magkaila, Sierra!" Galit na sabi ko. "Sabihin mo na sa lahat ng narito ang nalalaman mo para matapos na ito! Hindi ba't bukod sa akin ay hindi kayo magawang saktan ng mga tulisang iyon? Lalo kana Sierra, sa mga oras na iyon, nasisiguro kong nakilala mo rin siya!"
"Hindi ko nga alam ang sinasabi mo! Huwag mo akong idamay sa kasinungalingan mo!"
"At ako pa ngayon ang nagsisinungaling?!" hindi makapaniwalang saad ko. "Kitang kita kong nagulat ka---."
"Tumigil kayo!!"
Natigilan kaming pareho ni Sierra nang sumigaw ang Hari.
"Bakit hindi mo nalang ituro kung sino sa mga narito ang pinuno ng mga tulisan?!"
Napabuntong hininga ako. Huminga muna ako ng malalim bago iniangat ang aking kamay.
Sinusundan nila ng tingin ang pagkilos ng aking hintuturo.
Seryoso kong itinuro ang Ikalawang Pazap na agad namang ikinagulat ng lahat.
"Ang Ikalawang Pazap?" Gulat na tanong ng Hari.
Iiling iling ang Ikalawang Pazap sa mga nakapalibot sa kanya. Tinatago ang takot at kaba sa dibdib sa pamamagitan ng pagtikom ng kamao at galit na ekspresyon sa akin.
"N-Nababaliw ka na ba?! Huwag mo akong pagbibintangan!"
Uminit ang ulo ko sa sinabi niyang iyon. Na para bang hindi ko nakita ang kanyang pagmumukha ng ganoon kalapit at ngayon ay nagagawa niya pang magsinungaling.
"Sabihin mo nalang ang totoo, Ikalawang Pazap." seryosong sabi ko. "Bago mo ako itulak sa bangin ay nagawa kong tanggalin ang telang nakatakip sa iyong mukha."
"Sinungaling ka! Anong karapatan mong pagbintangan ako?!" galit ngunit nanginginig na sigaw ng Ikalawa.
Tumawa ako ng mapakla. "S-Sinungaling ako?" kinuha ko ang bagay na iyon sa aking bulsa at itinaas sa ere upang makita ng lahat. "Sige, ipaliwanag mo kung paanong napunta ito sa akin?!"
Nanlaki ang mata ng Ikalawa pagkakita sa kanyang Simbolo ng Pagkakakilanlan na hawak ko ngayon. Nakaukit doon ang kanyang pangalan kaya hindi niya iyon maaring ikaila.
Mabilis siyang kumilos upang kapkapan ang sarili at siguraduhing naroon ang kanyang simbolo.
"B-Bakit nasa iyo y-yan?!" utal niyang tanong.
Muli lang akong ngumiti. "Simple lang, bago mo pa akong saksakin at itulak sa bangin ay nakuha ko na ito sa ilalim ng iyong damit.."
"H-Hayop kang bata ka!"
Binalak niya akong lusubin ngunit agad humarang ang Punong Pazap at tinutukan siya ng espada.
"Anong ibig sabihin nito Ikalawang Pazap?!" nilapitan ng hari ang Ikalawa.
Agad namang siyang nanginig at napayuko.
"K-Kamahalan..."
"Ipaliwanag mo ang lahat ng ito ngayon din!"
"K-k-kamahalan, n-nagsisinungaling ang batang iyan!" tila naluluhang pagduro niya pa sa akin.
"May patunay ang batang iyan na ikaw ang nasa likod ng mga iyon!"
"N-Ngunit kamahalan, m-maaaring ninakaw niya iyan upang magamit laban sa akin---tama kamahalan, at nasisiguro kong kasabwat niya ang Punong Pazap!"
Napabuntong hininga nalang ang Punong Pazap sa narinig.
"Tama na!" muling nagalit ang hari. "Kapag napatunayan kong nagsisinungaling ka, hindi ko ipagpapabukas ang pagpugot sa ulo mo!"
"K-K-Kamahalan!!" agad na napaluhod ang Ikalawa at nanginginig ang tinig. "N-N-Nagsasabi ako ng totoo kamahalan.."
Nilingon ng hari si Sierra na nagulat pagkakita sa hari.
"Ikaw! Sabihin mo sa akin ang totoo. Totoo bang nakilala mo ang pinuno ng mga tulisang iyon na humarang sa inyo?!"
Agad nagtunugan ang mga ngipin ni Sierra sa pagkakanginig ng kanyang bibig. Hindi makatingin ng deretso sa hari. Tumingin siya sa Ikalawa at tila hindi alam ang gagawin.
"M-M-Mahal na hari..."
"Nais mo pa bang malagay sa matinding pagsisiyasat?" pananakot pa ng hari na nagpaiyak ng tuluyan sa kanya. "Mababali ang iyong mga buto sa tindi ng iyong dadanasin sa interogasyon kapag itinago mo pa ang totoo!"
Pagkatapos huminga ng malalim ay napalunok muna si Sierra.
"N-Nag... N-Nagsasabi po ng totoo si Lham..."
Napuno muli ng bulungan ang loob ng templo. Hindi makapaniwalang nagawa iyon ng Ikalawang Pazap. Ang iba ay galit siyang tinititigan.
"Si Ikalawa po ang taong namuno sa mga tulisang humarang sa amin..."
Tuluyang nalugmok sa sahig ang Ikalawang Pazap. Nasa baba lang ang tingin.
"Kung gayon, Ikalawang Pazap, dahil sa nagawa mong kasalanan, hinahatulan kitang mabilanggo hanggang kamatayan!"
"K-Kamahalan!!" biglang atungal ng Ikalawa at pagapang na lumapit sa hari. Halos halikan niya ang sapatos nito sa pagsusumamo. "Maawa kayo kamahalan! Huwag niyo akong ikulong! Patawarin niyo ako kamahalan!"
"Dakpin siya at ikulong!" utos ng Hari.
Biglang pumasok ang mga kawal ng palasyo at pinagtulungang hablutin ang Ikalawa.
"Sandali!" pigil ko. Agad natuon ang paningin ng lahat sa akin. Lumapit ako sa Ikalawa at agad niya akong pinanlisikan ng mata. "Gusto kong malaman kung bakit mo ako binalak na patayin. At sino ang nag-utos sa iyo na ako ay patayin sa pagsusulit?"
Saglit na natigilan ang Ikalawa. Nagtagpo ang paningin nila ng Reyna na agad siyang tinaliman ng tingin na tila pinagbabantaan siya sa paraang iyon.
"W-Wala..." utal na tugon niya. "Walang nag-utos sa akin.."
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" paninigurado ng hari. "Kung gayon ay anong dahilan mo at naiisipan mong paslangin ang anak ng Punong Mahistrado?"
Matagal bago siya nakapagsalita.
"G-Galit ako sa pamilya ng batang iyan kamahalan..."
"Kaya naisipan mong patayin ang batang ito?"
"O-Opo kamahalan.."
"Nagsasabi ka ba ng totoo?"
"..."
"Tama na iyan!" biglang singit ng Reyna. "Dakpin niyo na at dalhin sa bilangguan ang Ikalawang Pazap!" utos nito na agad namang sinunod ng mga kawal.
Nagpumiglas ang Ikalawa ngunit marahas siyang dinala ng mga ito palabas.
Saglit akong tiningnan ng masama ng Reyna. Wala akong nagawa kundi ang tumungo at bigyan siya ng paggalang kahit na labag sa loob ko.
Maya maya lang ay nauna na itong umalis at pinilit isama ang prinsipe.
Naiwan ang hari upang pagkalooban ako ng simbolo. Nagawa niya pang humingi ng paumanhin sa akin na hindi ko inasahan.
Matapos niyon ay inihatid ako ng Punong Pazap sa aming templo sakay parin ni Snow.
"Maraming salamat pinuno..." nakangiti kong sabi nang makababa kami sa harap ng aming templo. "Hindi ko kailanman makakalimutan ang pagligtas mo sa akin."
Napabuntong hininga man ay ngumiti rin ang Punong Pazap na unang beses ko lang nakita sa kanya.
"Hindi dapat ako ang pasalamatan mo, kundi ang prinsipe. Siniguro niyang hindi ka mapahamak sa pagsusulit."
"Hayaan mo pinuno, pasasalamatan ko siya kung may pagkakataon ako."
Muli siyang ngumiti. At hindi ko naintindihan ang kalooban ko dahil doon. "Sige na, pumasok kana. Sigurado akong matutuwa ang pamilya mo pagkakita sa iyo.."
Napangiti rin ako at tumango.
Hinaplos muna niya ang mukha ni Snow bago tuluyang umalis.
Pumasok ako sa bakuran ng aming templo at dumeretso sa rancho. Ipinasok ko roon si Snow at umikot patungo sa harap ng pintuan ng aming bahay.
Naghalo ang galak at kaba sa dibdib ko. Kinakabahan ako dahil sa tindi ng kagustuhan kong makita silang muli matapos ang nakakamatay na proseso.
Sa aking pagpasok ay agad kong nabungaran sa sala ang aking Lolo at Lola. Nakayuko sila at halata ang pagdadalamhati sa pag-aakalang patay na ako.
Nagdulot ng ingay ang paglakad ko palapit sa kanila. Hindi ko na napigilan ang pagbuhos ng luha ko nang unti unting mag-angat ng kanyang mukha si Lolo.
Ang pagkakakunot ng kanyang noo sa una ay napalitan ng pagkakagulat pagkakita sa akin.
Napatayo siya at agad na napaiyak muli.
"L-lham..."
"L-lolo..." napahikbi ako sa pag-iyak.
Bago pa man makalapit sa akin sa paglakad ang aking Lolo, nag-angat ng mukha niya ang aking lola.
"L-lham?" katulad ni Lolo ay napahagulgol rin ng iyak si Lola. Patakbo siyang lumapit at niyakap ako katulad ni Lolo. "Lham, apo ko..."
Napahagulgol rin ako dahil doon.
"Apo ko, maraming salamat at buhay ka!!"
Tatango tango lang ako habang umiiyak dahil sa galak. Akala talaga nila ay patay na ako.
"Nasaan po sina Mommy at Daddy?" tanong ko.
"Halika, naroon sila sa kwarto. Sorpresahin mo sila Mommy..." inalalayan ako nina Lolo at Lola na makaakyat sa taas kung nasan ang kwarto namin nila Mommy at Daddy.
Hindi pa man kami nakarating sa kwarto ay agad na nagbukas ang pinto ng kwarto at iniluwa si Mommy.
Natigilan siya at napaawang ang bibig pagkakita sa akin.
Ang namumugto niyang mga mata ay muling namasa at lumuha habang papalapit sa akin.
"A-Anak..."
"M-Mommy..." bulong ko nang mayakap niya ako.
"Anak buhay ka..." natutuwang saad ni Mommy na patuloy parin sa pagluha. "Salamat at buhay ka anak.." Napahagulgol siya at niyakap ako ng mahigpit. Napahiyaw ako dahil doon. Agad niya akong binitiwan at nag-alala. "B-Bakit anak?"
Napabuntong hininga ako kasabay ng pagtaas ko sa laylayan ng aking damit.
Napasinghap siya pagkakita sa aking sugat na tinakpan ng tela ng punong Pazap.
Nakagat ni Mommy ang kanyang labi at mas lalong napahagulgol.
Hinaplos niya ang aking pisngi. "Patawad anak..." aniya. "Patawarin mo ang Mommy.."
"M-Mommy..." nasambit ko nalang.
Ilang segundo kaming nagtagal sa pagyayakapan hanggang sa dalhin niya ako sa aking kwarto.
Tahimik akong napahagulgol nang makita ko si Daddy na nakaluhod sa harap ng aking kama patalikod sa amin habang yakap yakap ang malaking teddy bear ko na iniregalo niya noon sa akin.
Gumagalaw ang kanyang balikat at tahimik na humahagulgol kaya't lalong nadudurog ang aking puso.
Dahan dahan akong naglakad palapit sa kanya.
Marahan akong yumakap sa leeg niya mula sa likuran. Doon ay natigilan siya.
Ramdam ko ang kalabog ng kanyang puso habang dahan dahang hinahawakan ang maliliit kong kamay.
Marahan siyang kumalas at humarap sa akin nang kunot ang noo.
Bahagyang nanlaki ang kanyang mata pagkatapos kusutin iyon sa pag-aakalang hindi ako totoo.
"L-lham?.. Anak?.."
Ngumiti ako at muling napaiyak.
Nag-liwanag ang kanyang mukha at agad akong niyakap.
"Thanks God, you're alive!"
"Daddy..."
"Thank you anak, buhay ka..." aniya at hindi ako pinakawalan. "I love you anak, my princess.." hinalikan niya ang buhok ko at masayang lumuluha.
Naging mahirap man ay napakasaya ko sa araw na ito dahil nakita ko muli ang aking pamilya.
Sa murang edad ko ay matindi na ang aking pinagdaanan. Ang pamilya ko lamang ang tanging nagpapalimot niyon.
Sa panibagong bukas ay hindi ko masasabi ang aking kapalaran. Ngayong isa na akong Pazap, maraming tanong sa aking isipan.
Kung ano ang sunod kong kakaharapin na kailangan kong paghusayan...