~MAIA~
"PASENSIYA ka na sa nangyari, Maia. Sana hindi mo ako iiwan dito dahil sa nasaksihan mo kanina.”
Lihim kong pinunasan ang aking mga luha nang marinig ko ang boses ni Nanay Meling.
“Walang ano man, ‘Nay.”
Tinapik ko ang balikat niya. “Huwag po kayong mag-alala, hindi kita iiwan dito.”
Kinuha ko ang pera sa ibabaw ng sofa at iniabot ito sa kan’ya.
Ngumiti siya at hinawakan ako sa kamay.
“Tanggapin mo iyan, Maia. Sahod mo iyan, kaya kunin mo na."
Umiling ako. “Hindi ko po matatanggap ito, ‘Nay. Fifteen thousand po ang nasa kontrata na sahud ko kada buwan. Sobra-sobra po itong binigay ng amo natin.”
"Narinig ko ang sinabi niya kanina, Maia. Hindi nagbibiro si Harold, basta kailangan mo lang gawin ang sinasabi niya."
Hinarap ko si Nanay Meling at tiningnan sa mga mata.
"Iyon po ba ang dahilan kung bakit hindi nagtatagal ang mga kasambahay rito? Dahil sa kondisyon na gusto niya?"
Tumango siya.
“Huh! Siya nga na mismong ama ng bata ay hindi kayang paamuin ang kan’yang anak, ibang tao pa kaya? Nag-iisip ba siya?”
Parang kinurot ang puso ko nang makita kong umiiyak si Nanay Meling.
“Hindi ko rin masisisi si Harold, Maia,” hikbing wika nito.
Lalo lang akong naguluhan dahil sa sinabi nito. Hindi ako makapaniwala na tinakpan pa nito ang ginagawa ng amo namin.
“Ibig mong sabihin, mali ang ginawa ng bata kanina at tama ang ginawa ng amo natin? ‘Nay.. daddy niya iyon. Kahit sinong bata na makitang may kasamang ibang babae ang kan’yang ama, natural lang na magrebelde ang bata."
Umupo si Nanay Meling at huminga ng malalim.
"Pero paano naman kung makita mo ang mahal mo na may kasamang iba?"
Natawa ako sa sinabi niya dahil alam kong malayo ang punto niya sa sinasabi ko.
“Pasensiya na po sa sinabi ko, ‘Nay. Pupunta lang ako sa basement, kailangan kong labhan ang mga damit ni Sir Harold.”
"Hindi rin madali para kay Harold ang naging karanasan niya sa kan’yang asawa."
Bigla akong natigilan sa sinabi nito.
"Alam kong hindi ko dapat ito sasabihin sa iyo. Pero tumatanda na ako, Maia. Kailangan ni Tanya ng mas bata sa akin para mag-aalaga sa kaniya.
Umupo ako sa tabi ni Nanay Meling at sinubukang makinig sa mga kuwento niya.
Apat na taong gulang si Tanya nang magpaalam si Harold kay Jane na pupunta sila sa isang business trip sa Palawan.
Mahal na mahal ni Harold ang kan’yang mag-ina. At hindi niya kaya na hindi makita ang mga ito.
Kaya sa halip na dalawang linggo ang business trip niya, naging dalawang araw na lang.
Alas dose ng hatinggabi nang umuwi siya sa mansyon dahil kailangan niyang sorpresahin ang asawa, ngunit pagdating niya... siya ang nasorpresa.
Muntik na niyang patayin si Jane at ang lalaking kasiping nito nang makita silang hubo't hubad. Dahil sa sobrang galit niya sa asawa, pinalayas niya ito at hindi na nagpakita pa.
Hanggang sa nabalitaan na lang namin na tumalon si Jane sa tulay, na naging sanhi ng kan’yang agarang pagkamatay. Ang masaklap pa, dinamay ni Harold ang bata sa galit nito kay Jane. Lagi niyang sinasabi na hindi niya anak si Tanya.
Napaawang ang labi ko habang nakikinig sa kuwento ni Nanay Meling. Dama ko ang sakit na nararamdaman ng matanda habang nagkukuwento.
Tumingin siya sa akin at hinawakan ang aking magkabilang kamay.
“Nakikiusap ako, Maia, tulungan mo akong matanggap ni Harold ang anak niya. Ayaw kong mangyari kay Tanya ang nangyari kay Harold.”
"Anong ibig mong sabihin, 'Nay Meling? Bukod sa problema ni Sir Harold sa asawa niya, may problema din ba sila ng mga magulang niya?"
Pansin ko ang pagkabalisa niya dahil sa sinabi ko.
“Ha? Ah.. eh.. ang ibig kong sabihin, gusto kong magkaayos silang dalawa,” nauutal nitong wika.
Muli niya akong tiningnan sa mga mata. “Kahit idagdag ko pa ang buong sahod ko sa suweldo mo, gagawin ko. Huwag ka lang umalis."
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi nito at pinunasan ang mga luha.
“Hindi mo naman kailangang gawin iyon, eh. Masaya ako’t nakilala kita, ‘Nay Meling. Kahit papaano ay nabawasan ang lungkot ko para sa aking lola. Huwag po kayong mag-alala, hindi ako aalis dito hangga't hindi sila nagkakasundong mag-ama.”
Habang pinupunasan ko ang kaniyang luha, napansin ko ang mainit niyang noo.
"Masama ba ang pakiramdam mo, 'Nay?" Nag-aalalang wika ko.
Tumango siya. "Kahit kagabi napansin kong mainit ang katawan ko, eh."
Inalalayan ko siyang maglakad papunta sa kuwarto niya.
“Kailangan mong pagpahinga, ‘Nay. Huwag kang mag-alala, ako na muna ang mag-alalaga kay Tanya, okay?”
Kahit papaano ay nabawasan ang pag-aalala sa mukha nito dahil sa sinabi ko. Pagkatapos ko siyang painumin ng gamot ay pumunta agad ako sa kuwarto ni Tanya.
Tahimik lang ito habang nakaupo sa study table.
“Wow, ang galing mo naman mag-drawing. Kahit ako na matanda na, hindi marunong mag-drawing, eh.”
Sinubukan kong kunin ang atensiyon nito.
"Leave me alone! I want to be alone!" pagpoprotesta pa nito.
"Uhmmm... okay. Doon na lang ako sa garden. Mas gusto ko pa lang makipaglaro sa mga paruparo,” aniko sabay talikod.
Kahit nakatalikod ako, naramdaman ko pa rin na lihim siyang nakatingin sa akin.
“Wait!”
Lihim akong napangiti nang marinig ko ang boses niya. Ngunit nagkunwari akong hindi siya narinig. Sa halip na tingnan ko siya at kausapin, tumingala ako at sumipol habang kinakanta ang alphabet song.
Tumayo siya at pumunta sa harapan ko.
"How did you do that?"
Pagtingin ko sa kan'ya, napansin kong gulat na gulat siya dahil sa ginawa kong pagsipol.
Umupo ako para pumantay ang mukha ko sa mukha niya.
“Ibig mong sabihin, ngayon ka lang nakaririnig at nakakikita ng sumisipol?”
Umiling siya. "I often hear that on TV, but what you did was amazing. You whistle without an instrument.”
“Ano ba naman ‘to, dudugo ilong ko sa batang ito!” bulong ko.
“Ganito na lang, gusto mo bang maglaro?”
Isang ngiti lang ang sinagot niya sa akin. Nang maalala ko ang sinabi ni Nanay Meling, niyakap ko siya.
Hindi maalis sa isip ko, kung ano ang mararamdaman ng bata sa tuwing maririnig nito mula sa sariling ama na hindi siya nito anak.
Bakas sa mukha ni Tanya ang saya habang nakikipaghabulan sa akin. Sa murang edad, minsan lang niya naranasan ang paglalaro.
Nang mapansin ko ang pawis sa mukha niya, huminto na rin kami sa paglalaro.
"Tanya, kailangan na nating bumalik sa kuwarto mo. Kailangan mong magpalit ng damit."
Wala pa rin akong narinig na boses mula sa kan'ya. Basta sinusunod niya lang kung ano ang sinasabi ko.
Pagkatapos ko siyang bihisan, kinuha ko ang suklay at inayos ang buhok niya.
“Ayan… ang ganda mo, Tanya,” wika ko.
Yumuko siya at napansin ko ang paghikbi niya. Walang boses na lumalabas sa bibig ko kaya niyakap ko siya.
"Am I bad?"
Parang kinurot ang dibdib ko dahil sa narinig ko. Pinilit kong ‘wag umiyak pero hindi ko mapigilan.
Lihim kong pinunasan ang aking luha at muli siyang kinausap.
“Siyempre hindi. Ang bait mo nga, eh. At alam mo, hindi lahat ng bata ay kumakain ng gulay. Kaya nga napahanga mo ako kaninang umaga, eh. Kaya huwag ka nang umiyak, okay?”
Tumango siya habang pinupunasan ang mga luha gamit ang mga kamay.
“What’s your name?” biglang tanong niya.
Oo nga pala. Hindi pa pala ako nagpapakilala sa kan’ya. Kung kaya’y hindi ko napigilang tumawa.
“Ako si Maia,” maikling tugon ko.
"How old are you?"
“Ako si Maia Cruz, 20 years old. Ang ‘yong bagong kasambahay,” nakangiting wika ko.
Nang makita ko ang orasan sa kaniyang kuwarto ay nagpaalam na akong bumalik sa kusina.
“Puwede ba akong sumama sa kusina?”
“Oo naman!”
Nang makarating kami sa kusina, pinaupo ko lang siya sa mesa. Habang ako naman ay nagsimula nang magluto.
Alas siyete nang gabi nang matapos akong magluto.
Habang pinagmamasdan ko siyang kumakain, mayamaya ay dumating ang kan’yang daddy na may kasama na namang babae.
Napailing ako nang makita ang mukha ng babaeng kasama nito, dahil hindi ito ang babaeng kasama kagabi sa kuwarto nito, kun 'di iba na namang mukha.
Nang mapansin ko ang babae na akmang hahalikan nito sa leeg si Harold ay agad akong lumapit kay Tanya. Para hindi makita ng bata ang ginagawa ng tatay niya, umupo ako sa tabi niya.
"Tapos ka na bang kumain?" Sinubukan kong aliwin ang atensiyon ng bata.
Muli akong nag-isip ng paraan para mawala sa atensiyon niya ang pagdating ng kan'yang ama.
“Siya nga pala, Tanya. Gusto mo bang sumama sa akin? Dalhan ko lang ng pagkain si Nanay Meling.”
Buti naman at pumayag siya. Malapit lang sa kusina ang kuwarto ni Nanay Meling kaya bago pa man makarating sa sala ang aking amo at ang babae niya ay nakapasok na kami sa kuwarto ng matanda.
“Tanya…” nauutal na wika ng matanda.
Bakas sa mukha ni Nanay Meling ang pagkagulat nang makita nito ang alaga.
“Dinalhan ka namin ni Maia ng pagkain, Yaya,” wika ni Tanya habang nakatingin sa malaking larawan ng matanda.
Napansin kong lihim na pinunasan ni Nanay Meling ang kan'yang luha habang inaabot ang pagkain kay Tanya.
“Salamat, apo,” maluha-luhang tugon ng matanda.
Para hindi na tumayo si Nanay Meling, inilapit ko sa kan’ya ang maliit na mesa. Umupo na rin si Tanya sa tabi niya.
Habang kumakain si Nanay Meling ay nagsimulang magkuwento si Tanya. Napansin ko naman ang pagkagulat ng matanda, na tila hindi sanay na marinig ang boses ng bata.
“Alam mo, Yaya. Naglaro kami kanina ni Maia sa garden. Napakasaya ko!”
Pinunasan muli ni Nanay Meling ang kan’yang luha. Tahimik akong lumapit sa kaniya at nagpaalam na lalabas muna. Sinabi ko rin sa kaniya ang pagdating ni Harold at ng bagong babae nito.
“Salamat, Maia. Ako na ang bahala kay Tanya.”
Tumango ako at lumabas na.
“Magandang gabi po, Boss,” nakayukong wika ko.
"Ano pang ginagawa mo riyan? Ipaghanda mo kami ng pagkain!" bulyaw nito sa akin.
Sa aking pagkagulat, nagmamadali naman akong pumunta sa kusina.
“Mukhang nag-improve ang panlasa ng matandang iyon, ah!” pagrereklamo nito na ang tinutukoy ay si Nanay Meling.
"Hindi kaya ng katawan ni Nanay Meling ang init, kaya ako na ang nagprisintang magluto,” diretsong saad ko.
Pero wala akong narinig na tugon mula rito.
“Ang sarap naman pa lang magluto ng kusinera mo, Babe, eh!” wika ng babae.
Pagkatapos nilang kumain ay sabay silang tumayo at pumunta sa sala.
"Maia!" Narinig kong sigaw ng amo ko.
Mabilis naman akong lumapit sa kan'ya. “Bakit po, Boss?”
Bigla niyang hinubad ang polo at ibinato sa akin.
“Isama mo ito sa mga labahan mo!" makapangyarihang saad nito.
Napapikit ako nang maramdaman ko ang paghadpi sa aking pisngi. Tila tumama iyon sa butones ng polo niya.
Narinig ko ang malakas na tawanan nila habang paakyat ng hagdan.
Agad kong kinuha ang polo at dinala sa basement.
Habang isa-isa kong nilulunod ang mga labahan sa washing machine, naramdaman ko na naman ang paghapdi sa aking pisngi.
"Maia, anong nangyayari sa mukha mo?" Gulat na sabi ni Nanay Meling nang makabalik ako sa kuwarto niya.
“Aksidente kong nakamot, ‘Nay. Nakalimutan kong putulin ang mga kuko ko," pagsisinungaling ko.
Bumuntong-hininga siya at tumingin sa akin. "Siya nga pala, Maia, maraming salamat sa lahat ng ginawa mo. Dalawang araw ka pa lang dito, pero magaan na ang loob ng bata sa 'yo."
“Walang ano man, ‘Nay.”
Napansin kong mahimbing na natutulog si Tanya sa higaan ni Nanay Meling.
“Ang sarap ng tulog niya. Narinig ko nga siyang humihilik kanina,” nakangiting wika nito habang hinahaplos ang buhok ng bata.
“Hayaan na lang natin siya na matulog dito sa kuwarto ko,” patuloy na saad nito.
“Paano po kayo?”
“Dito na lang ako sa baba matulog.”
“Nako! Hindi puwede, ‘Nay. Masama po iyan sa kalusugan ninyo. Malamig po ang sahig. Ganito na lang po, doon na lang siya sa kuwarto ko. Total, malaki naman ang kama ko.”
“Sigurado ka, Maia?”
Tumango ako bilang tugon sa sinabi niya.
Nang mailipat ko na siya sa kuwarto ko ay agad na rin akong nagpalit ng damit. Napangiwi ako sa hapdi habang pinupunasan ang mukha ko ng malinis na tuwalya.
"Grabe! Ang sama talaga ng ugali ng lalaking iyon!" tanging nasabi ko habang iniisip ang mukha nito.
Nagising ako nang maramdaman kong tumigas ang pantog ko, senyales na naiihi ako.
Pagkatapos kong umihi ay pasimple kong inabot ang cellphone ko.
“Lagot!”
Tinapik ko ang noo ko nang makita ko ang oras. Alas kuwatro na pala ng umaga at nakalimutan kong magdala ng tubig sa kuwarto ng aking amo.
Dali-dali akong lumabas ng kuwarto ko at pumunta agad sa kusina.
Sa pagmamadali ko, nawala sa isip ko ang takot sa buong sala ng mansion. Maging ang ilaw rito ay hindi ko na nagawang buksan pa.
“Ay tikbalang!” Napasigaw ako nang tumama ang noo ko sa isang matigas na bagay.
"What did you say?!"
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang mahinang boses ni Harold.
“Bo.. boss?” nauutal kong sambit.
“Alam mo ba kung gaano ka importante sa akin ang tubig tuwing hating gabi? Hmm?” bulong nito sa akin.
Sa sobrang lapit ng bibig niya sa mukha ko, ramdam ko ang mainit niyang hininga na dumampi sa tungki ng ilong ko.
“Patawad po, Boss. Nakalimutan ko..” putol kong sambit.
Hinila niya ako palapit sa kan'ya dahilan para dumikit ang katawan ko sa malapad niyang dibdib. Wala siyang suot na t-shirt kaya ramdam ng kamay ko ang matigas niyang kalamnan.
Sinubukan kong kumawala sa pagkakahawak niya pero lalo lang niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa aking baywang.
“Nasasaktan po ako, Boss.” Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko.
Tanging ang repleksyon ng liwanag mula sa labas ang nagsisilbing ilaw sa sala kaya hindi niya masyadong nakita ang mukha ko.
“Kung hindi mo gagawin ng maayos ang trabaho mo, talagang masasaktan ka sa akin! Naiintindihan mo?!”
Tumango ako.
"Pero infairness, ang ganda ng katawan mo, Maia. Ang sarap mo sigurong ikama,” bulong nito.
Buong lakas ko siyang tinulak at kinaya naman iyon ng katawan ko. Aalis na sana ako ngunit muli niyang nahawakan ang kamay ko.
“Don’t worry, Maia. Malabong mangyari iyong sinabi ko kanina. Alam mo kung bakit? Dahil mapili ako pagdating sa mga babaeng kinakama ko! At isa pa, hindi ako pumapatol sa mga alipin ko!”
Agad niya akong tinulak at tumatawa habang umaakyat sa hagdan.