"Ben, may naghahanap sa iyo sa labas," sabi ni Andrew at napatingin ako kay Bryan.
"Babae o lalaki?" tanong ni Bryan.
"Babae po, Boss," sagot niya.
"Sabihin mo wala ako rito. Sabihin mo na hindi pa ako pumasok. Kapag tinanong kung anong oras o kailan ako babalik sabihin mo next month pa. Basta! Ikaw na ang bahala magdahilan Drew," pakisuyo ko.
Napakamot sa ulo si Andrew at natawa naman si Bryan. Mabuti na lang at naisipan ko na tumambay sa opisina niya kung hindi baka naabutan ako ng kung sino man iyon sa labas. Kung nagkataon hindi ako makakapagtago.
"Hindi mo man lang ba sisilipin kung sino ang naghahanap sa iyo? Malay mo naman kliyente natin o kaya ay bago at ikaw ang request. May ginawa ka ba kaya ka nagtatago?" tanong niya bago uminom ng kape at umiling ako.
"Bryan, hindi ko na kailangan alamin dahil kung importante tatawagan naman ako. Alam mo naman na mga importanteng tao lang ang nakakaalam ng number ko. Kung kliyente natin kilala naman ng lahat kung sino-sino sila. Bagong kliyente? Sa tono pa lang ng boses ni Drew alam kong hindi kliyente ang naghahanap sa akin." tugon ko at natawa siya.
"Wala akong ginawa na masama. Umiiwas lang ako ako at hindi nagtatago," pagtatama ko sa huling sinabi niya.
Hindi ako nagbibigay ng personal number ko sa mga tao at mga babae nakilala ko pa lang. Ang tanging nakakaalam ay ang mga kaibigan, pamilya at mga taong may koneksyon sa akin. Lahat ng social media account ko ay naka-private. Iniiwasan ko kasi na magkaroon ng komunikasyon sa ibang tao na hindi naman malapit sa akin dahil ayaw ko ng komplikasyon. Hindi rin ako basta-basta nagtitiwala sa tao paligid ko.
"Para mo na rin sinabi na walang halaga sa iyo ang mga babaeng nakakasama mo," natatawa na sabi niya.
"Hindi naman sa wala silang halaga sa akin pero hangga't maaari ay ayaw ko magkaroon ng koneksyon sa kanila. No communication means no expectation. Kung s*x lang ang gusto nila iyon lang ang ibibigay ko at kung relasyon naman ang hanap nila autopass kahit pa nga dyosa siya ng mga dyosa. Once na pinagbigyan at hinarap ko sila lalo lang sila aasa na may pag-asa pa na magkaroon ng ibang meaning ang lahat. Don't get me wrong Bryan, nirerespeto at ginagalang ko ang mga kababaihan pero depende pa rin sa pinapakita nila. Hindi ko sila kailanman pinilit dahil sa una pa lang ay sinasabi ko na sa kanila kung ano ang aasahan nila sa akin. Sila ang nagpaparamdam at pinagbigyan ko lang sila. Kahit kailan never ako nangako at wala akong pinapaasa. Hindi ako nagpapakita ng ibang intensyon na pwede nila ma misunderstood. Kung tutuusin I'm doing them a favor para hindi na sila lalong masaktan. Hindi ko naman sinasabi na matino akong lalaki pero isang lang ang maipagmamalaki ko hindi ako manloloko," pagtatanggol ko.
"Sabagay hindi mo nga naman sila niloloko dahil wala naman kayong relasyon. Hindi rin masasabi na pinagsabay mo sila dahil isang beses lang iyon nangyayari at pagkatapos noon wala na," tumango-tango na sabi niya at inubos ko na ang iniinom ko na juice
"Ben, matagal na rin tayo magkaibigan at matagal ko na gustong itanong ito sa iyo," sabi niya at nagtataka napatingin ako sa kanya.
"Naisip ko lang did somebody hurt you so bad kaya ka ganyan? I'm not judging you Ben, I'm just wondering. Ilang babae na ang nakita ko na dumating sa buhay mo at sa tingin ko naman ilan sa kanila ay qualified para maging girlfriend mo. Sa pagkakakilala ko sa iyo hindi naman ikaw ang tipo ng lalaki na tawag lang ng katawan ang hanap. Para kasi sa akin masarap sa feeling na may babae na mamahalin. Iyong tipo na makakasama mo, magiging loyal ka sa kanya at mamahalin ka. Iba pa rin kasi ang feeling kapag nasa isang relasyon ka at committed ka sa isang tao. Ayaw mo ba subukan?" curious na tanong niya at natigilan ako.
Huminga ako nang malalim bago ko siya tiningnan. Matagal na kami magkaibigan ni Bryan pero never ko pa na kwento sa kanya ang isang bahagi ng buhay ko na ayaw ko na sana balikan pa. Hindi naman sa apektado pa rin ako at hindi naka-move on pero hanggang ngayon ay masakit pa rin.
"Minsan na akong naging baliw dahil sa pag-ibig. Ginawa ang lahat at nag-sakripisyo sa isang tao dahil sa sobrang pagmamahal. Umikot ang mundo ko sa isang tao na halos nakalimutan ko na ang sarili ko. Naranasan ko na rin ang magmahal, mahalin at maging masaya kaya alam ko kung ano ang tinutukoy mo. Sino ba ang hindi gugustuhin ang mahalin at maging masaya?" tugon ko at hindi ko napigilan ang makaramdam ng lungkot.
Hindi naman ako ganito dati pero sabi nga nila kapag nasaktan ka natutunan mo pangalagaan ang puso mo. Natututo ka sa nakaraan at gagawin mo ang lahat para hindi na ulit iyon mangyari. Ayaw ko lang masaktan ulit at mas ayaw ko makasakit ng ibang tao dahil alam ko ang pakiramdam ng taong sinaktan. Hanga nga ako sa mga taong kaya pa ulit magmahal pagkatapos masaktan. Kahit ilang ulit pa ay nagagawa pa rin na buksan ulit ang puso nila.
"Natatakot ka na masaktan ulit?" alanganin na tanong niya at napatingin ako sa kanya saka huminga nang malalim.
Gusto ko matawa sa tanong niya pero naisip ko na hindi niya alam ang pinagdaanan ko. Sino ba ang gustong masaktan? Lahat naman ng tao ay mas gugustuhin na maging masaya kaysa malungkot at mag-isa. Pero hindi lahat ng tao ay kayang makalimot ng basta-basta lang. Hindi lahat ay kayang sumugal sa isang bagay na walang kasiguraduhan.
"Third Year highschool ako ng makilala ko si Phoebe. Transferee ako at siya ang unang babae na kumausap sa akin. Naging magkaibigan kami hanggang sa hindi ko namalayan nahuhulog na pala ako sa kanya. Magulo ang buhay ko bago ko siya nakilala dahil kahihiwalay lang ng magulang ko. Siya ang nagpaparamdam sa akin na may halaga ako at hindi ako nag-iisa. Sinubukan ko naman pigilan ang nararamdaman ko para sa kanya dahil ayaw ko masira ang pagkakaibigan namin pero sobrang hirap. Prom namin at siya ang kapartner ko ng magtapat ako sa kanya. Akala ko mababasted ako pero laking pasasalamat ko dahil pareho pala kami ng nararamdaman. Sobrang saya ko dahil hindi siya nawala sa buhay ko. Hindi naman tutol ang pamilya niya dahil pinakita ko naman sa kanila na seryoso talaga ako sa anak nila. Habang tumatagal ang relasyon namin ay mas lumalalim pa ang nararamdaman namin para sa isa't isa. Nagsimula na kami bumuo ng mga plano para sa kinabukasan namin. Sa kanya na talaga umikot ang mundo ko dahil lahat ng desisyon ko ay siya muna ang iniisip ko. Nasabi ko sa sarili ko na siya na talaga ang babae na para sa akin at gusto ko makasama. Dumating pa nga sa punto na kailangan ko mamili sa pamilya ko at sa kanya. Gusto niya mag-kolehiyo rito sa Maynila dahil mataas ang pangarap niya pero ayaw naman ng Papa ko. Hindi ko kayang malayo kay Phoebe kaya kahit alam kong magagalit ang pamilya ko ay sumama ako sa kanya. Nagsama kami sa isang apartment para mas makatipid kami. Lahat ng inipon ko iyon ang ginamit ko na pang-enrol. Galit na galit sa akin ang pamilya ko pero binalewala ko iyon dahil para sa akin si Phoebe ang mahalaga. Pakiramdam ko nga kahit ano kaya kong gawin Basta para sa kanya. Nag-aaral ako sa umaga at nagtatrabaho naman ako sa gabi para panggastos namin. Palihim na pinadalhan ako ni Ate ng pera pero para lang iyon sa tuition ko. Hindi naging madali ang buhay naming dalawa na magkasama pero pinilit namin maging okay. Nagbago ang lahat ng sabihin niya na buntis siya," natawa ako dahil naalala ko ang naging reaksyon ko ng mga oras na iyon.
Ilang minuto akong natulala dahil sa sobrang gulat. Ang daming pumapasok sa isip ko ng mga oras na iyon. Nakita kong takot na takot siya at doon ko lang na realize na higit niya ako kailangan. Niyakap ko siya nang mahigpit at sinabi ko magiging okay lang ang lahat. Naalala ko pa na tumatalon ako sa tuwa pagkatapos mag-sink in sa akin ang lahat.
"Gulong-gulo ang isip ko dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin. Nasa second year pa lang kaming dalawa kaya inaalala ko kung paano ang pag-aaral namin. Nag-aalala rin ako para sa pangarap niya. Pero alam mo Bryan higit sa lahat sobrang saya ko dahil magiging isang pamilya na kami. Nangako ako sa kanya na gagawin ko ang lahat para sa kanila. Okay na ang lahat dahil napagplanuhan na namin mula sa pagsasabi sa pamilya namin at kung ano ang gagawin namin. Akala ko sapat na lahat ng ginawa ko pero hindi pala dahil may hinahanap pa siya at nakuha niya iyon sa ibang lalaki. Nalaman ko mula sa mga kaibigan niya na hindi pala ako ang ama ng batang dinadala niya. Noong una ay hindi ako naniniwala pero nang sabihin niya mismo sa harap ko ang lahat gumuho ang mundo ko. Gusto ko siyang saktan pero hindi ko kaya dahil mahal ko siya. Para akong mababaliw ng sabihin niya na hindi lang isa pero ilang beses may nangyari sa kanila ng lalaki iyon. Sinabi rin niya na hindi na niya ako Mahal at naawa lang siya sa akin kaya siya nag-stay. Daig ko pa ang binugbog at sinaksak ng ilang ulit sa sobrang sakit. Ilang taon kami magkasama nag-plano pero sa isang iglap ay nawala lahat. Pagkatapos namin maghiwalay ay para na rin akong namatay. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula ulit. Napabayaan ko na ang pag-aaral ko pati na ang sarili ko. Hinanap ako ni Ate at tinulungan niya ako makabangon. Nag-sorry ako kay Papa at pinatawad naman niya ako. Inayos ko ulit ang buhay ko at marami akong realize. Mula noon ay sinabi ko sa sarili ko na hindi ko hahayaan na umikot sa isang babae ang buhay ko. Gagawin ko lahat ng gusto ko," salaysay ko at tinapik niya ako sa balikat.
"Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ka ganyan pero sana Ben huwag mo rin naman hayaan na makulong ka sa takot. Naniniwala ako na lahat ng bagay ay may dahilan at hindi lahat ng tao ay magkakatulad. Wala naman masama sa ginawa mo dahil nagmahal ka lang naman pero huwag mo isipin na iyon din ang mangyayari sa susunod. Kailangan mo kalimutan ang nakaraan, matutunan na buksan ang puso mo at magtiwala ulit. Darating din ang babae na para sa iyo. Babaeng magturo sa iyo kung paano magtiwala ulit at magbubukas ng puso mo para magmahal muli," positibo na sabi niya at yumuko ako.
Sobrang laki ng sugat na iniwan ng nakaraan sa akin. Hindi ko alam kung kaya ko pa ba magtiwala ulit at higit sa lahat ang magmahal. Sa mga kaibigan ko si Bryan pa lang ang napagsabihan ko at kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko. Sa harap ng ibang tao isa akong lalaki na walang pakialam sa nararamdaman ng iba pero deep inside ay prinoproktehan ko lang ang puso ko.
"Sa ngayon ay hindi ko pa nakikilala ang babaeng magpatibok nito at hindi ko alam kung makikilala ko pa siya," sabi ko sabay turo sa dibdib ko.
"Kung iyan palagi ang iisipin mo hindi mo nga siya makikilala. Pero sabagay once raw na mag-cross ang landas ninyo mararamdaman mo iyon," nakangiti na sabi niya at natawa lang ako saka umiling.
"Okay sabi mo, Lover boy," natatawa na sabi ko.
"May lover boy ba na single?" nagtataka na tanong niya at mas lalo ako natawa.
"Sa susunod Bryan bago ka magpayo gawin mo muna," payo ko at tinapik ko siya sa balikat.
Okay naman si Bryan kaso masyado siyang mahiyain lalo na kapag nasa harap ng babae na gusto niya. May mga naging girlfriend naman siya noon pero hindi rin nagtagal. Masyado rin siya seryoso na minsan ay ayaw ng ibang babae. Nakakatawa dahil kung ano ang ayaw ko iyon naman ang gusto ni Bryan. Ayaw ko ng seryoso na relasyon samantalang iyon naman ang hanap niya.