EPISODE 5: Ang Kakaibang Nobya ni Ethan Hawker
MAKALIPAS ang tatlong araw na pananatili ko sa mansyon ay naging maayos naman sa akin ang lahat, bahagyang nakakasanayan ko nang manatili sa loob. May mga pagkakataon nga lang talaga na inaatake ng kapilyuhan si Tyron at madalas akong pikunin at asarin pero napapalampas ko naman.
Ang ayoko lang minsan ay kapag nagsasanib pwersa ng superpowers si Jazerou at Tyron ay parang sasabog na ako sa inis, hindi ko napipigilan na 'di makapagtimpi at napapatulan ko sila. Mahirap din talaga silang iwasan, paminsan-minsan.
May napapansin nga lang ako nitong mga nagdaang araw, palaging nakaabang si Darrex kapag oras na ng kainan, bigla ko tuloy naalala ang kinuwento sa akin ni Ethan tungkol sa mga araw na pananatili nila dito.
Sinubukan daw nilang magluto, unang sumubok ay si Ethan, nagluto ito ng hotdog pero nasunog niya lang ito. Sumunod si Ash na naging kulay itim ang nilutong pritong itlog. Sinubukan naman na magluto ng tinola ni Darrex pero tinolang asin ang naging lasa, m****o-dugo pa raw ang karne na sinerve sa kanila ng araw na 'yon.
Nagdress ako ngayong araw kaso nilait lang ako ni Tyron at sinabihan akong manang, minsan talaga ang bibig ng lalaking iyon sarap tahiin, kapag talaga ako hindi nakapagtimpi sa demonyong 'yon, makakatikim siya ng malaking bukol sa ulo.
Ayokong sirain niya ang araw ko ngayon, sayang naman itong kulay pulang plain dress na binili ko pa sa Baclaran, sakto lang naman sa akin ang sukat. Nagpaganda talaga ako kasi itu-tour ako ni Ethan sa paborito niyang lugar; ang library. Syempre, kailangan maganda ako, feeling ko kasi parang niyayaya na rin niya akong makipag-date, tutal bet ko naman siya, willing na ako magpa-mine, char.
Alas diyes na ng umaga, tapos na silang mag-almusal kapag ganitong oras, maya maya yayayain na ako ni Ethan na itour ako sa favorite niyang place, 'di ko talaga mapigilan na hindi ma-excite, lalo na't walang araw na hindi siya nakaporma. Matchy-matchy pa kami ngayon, nakasuot din kasi siya ng pulang jacket.
Feeling ko talaga baka meant to be kami sa isa't isa, malay mo naman 'di ba?
"Nagsusuot din pala ng pulang dress ang mga butiki?" nangungulangot na biglang bungad ng kanyang mukha na si Tyron.
Labing-anim na taong gulang na ang lalaking ito, siya ang pinakabata pero kahit ganoon ay minsan mahirap talaga palampasin ang mga panlalait niya sa akin, balak pa yatang manira ng araw.
"Atlis 'di bansot," ngumiti ako na parang inabsorb ko lang ang panlalait niya sa akin.
Kumunot ang noo nito, nagsalubong ang kilay at napahawak sa ilalim ng kanyang baba, kiniling ang leeg at parang nag-isip. Mahirap itanggi na gwapo ang lalaking 'to, siya pa ang may pinakamaliit na mukha sa kanilang lahat, mahaba at makapal din ang mga pilikmata niya, mapula ang labi at matangos ang ilong. Puro naman daw ang mga magulang nito ayon sa impormasyon na natanggap ko mula kay Ethan. Siguro, nalahian lang ng dugong Kastila ang pamilya nila kaya maputi ang binatang ito.
"What is bansot?" medyo cute pa niyang pagkakasabi hindi mo aakalain na may sungay pala itong itinatago.
"Unano, pandak, duwende, maliit, small, tiny at ikaw 'yon," Tinurok ko ang aking hintuturo sa kanyang noo at bahagyang tinulak siya palayo sa akin dahil sobrang lapit ng mukha niya sa akin.
"Ito naman ang sa 'yo, bleee," Hindi ko agad naigalaw ang mga kamay kong panduro sa kanya dahil may pinahid siyang kulay berde na galing sa ilong niya. "Maghintay ka lang, butiki at magiging mas matangkad na rin ako sa 'yo." Patakbo itong tumakbo paakyat papunta sa kanyang kuwarto, alam niya kasing gagantihan ko siya.
Wala naman akong nagawa kundi maiwan na umuusok ang ilong sa galit, 'yung demonyong lalaki na 'yon, hindi na nga lang bastos, ambaboy pa, pahidan ba naman ako ng kulangot niya?
Naghugas na lang ako ng aking kamay sa Rest Room at doon na lang naglabas ng sama ng loob, nagsusumigaw ako sa galit, gusto kong batukan ang demonyo na 'yon. Nakakaubos talaga siya ng pasensiya.
Pagbalik ko sa sala, nakaupo naroon ang lalaking hinihintay ko, abala siya sa pagbabasa ng libro kaya hindi niya namalayan ang pagdating ko. Matchy talaga kami ng suot niyang pulang jacket, magbangs din kaya ako para mas maging matchy kami. Bagay naman siguro sa akin ang bangs, no?
"Nandiyan ka na pala, sabi kasi ni Arthur nakita ka niyang patakbong papunta sa Rest Room kaya dito na kita hinintay at nagbasa muna ng librong hawak ko," suot na naman niya ulit ang mga ngiti sa kanyang labi.
"Ano ka ba, okay lang 'yon, hindi naman ako nagmamadali," pagsisinungaling ko. Ayoko naman sabihin na kanina pa ako naghihintay na yayain na niya akong libutin namin ang library sa mansyon.
"Then, Lets start our tour in my favorite place," kinindatan niya ko at inalok na ipulupot ang kamay ko sa kanyang braso, syempre tinanggap ko naman. "You're quite tall." Nagsimula na kaming maglakad.
Napansin ko nga na halos hanggang tainga niya lang ako, may katangkaran kasi talaga ko para sa isang babae, sa katunayan, ako ang palaging pinakamatangkad na babae noon sa classroom namin nang nag-aaaral pa ko. Kaya siguro wala rin nakakabully sa akin dahil bukod sa palaban ako, matangkad pa ko. Kasalukuyang nasa 5'6 ang height ko, madalas nga mas matangkad pa ako sa mga lalaki kong kaklase.
Nasilip ko na ang library pero hindi ko siya pinapasok kasi parang pribadong lugar ito para kay Ethan, kaya hanggang kusina, sala at hanggang labas lang ako ng mansyon. Ganito pala kaganda at kalawak ang favorite niyang place. Literal naman na maraming libro at may pangalawang palapag pa nga na tambakan din ng mga libro, tapos 'yung kisame may mga nakahugit na larawan nang panahon pa ng Reinassance, feeling ko nga nasa Europa ako.
Huminto kami sa pinakagitna ng library kung saan may mahabang mesa at nasa gitna niyon ay may malaking globo kung saan makikita ang mapa ng buong daigdig. Balak pa yata mag-aral lang kami sa loob ng mga pilosopiya, ganito pala makipagdate ang mga matatalino, study-study lang.
"Take your seat," maginoo niya akong pinaupo.
Naramdaman ko ang bahagyang pagtulo ng pawis sa aking noo, ninenerbyos ako, bahagyang natataranta. Kasi naman itong puso ko, nag-aalburuto, nagwawala at gustong tumakas sa dibdib ko.
"Ito ang pinaka-comfort place ko sa loob ng mansyon, pakiramdam ko kapag nasa loob ako nito ay malaya lang ako, malayang matuto, malayang makapag-aral at makapagsaliksik. Itong lugar na ito ang isa sa pinakamagandang lugar na napuntunhan ko sa tanang buhay ko, kung sakali man na lalabas na kami sa loob ng mansyon ito ang pinakama-mi-miss ko." Tumingala siya at inilibot ang buong paningin sa bawat sulok ng silid, sinundan ko lang ang mga tingin niya hanggang sa may nakita akong mga ibong lumilipad.
"Dalawa lang sila dati nang una kong dating sa mansyon, hanggang sa maging lima at maging sampu, Si Romeo at Juliet ang kanilang magulang, iyong dilaw ang ama at ang asul naman ang ina. Katulad ko ay malaya at payapa rin silang namumuhay sa mansyon at sinusulit ang bawat minuto at oras sa mundong ibabaw." Napanganga na lang ako, parang tumutula ang person, malalim ang mga salitang binibitiwan niya kaya namamangha na lang ako.
"Alam mo, akala ko englisero ka talaga, mukha ka kasing kano, maputi pa ang balat mo tapos sobrang tangos ng ilong mo pero nagulat nga ako kasi mas malalim ka pa sa akin magtagalog. Napapamangha mo nga ako eh, bukod pa roon, ang bait mo pa at napaka-gentleman, parang ang perfect mo naman pala," bahagya akong tumawa na tinakpan ang bibig, magpapanggap muna akong si Maria Clara, mahinhin muna ang person ngayong araw.
"Iyon kasi ang turo sa akin ni mama, naniniwala kasi siya sa kasabihang nagmula pa sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, 'Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.' Tumatak ang mga kasabihang iyon kay ina na ipinamana na lang sa akin. Sa katunayan, fluent ako magsalita ng ingles, maging ng nihonggo at salitang Kastila." Napapalakpak ako, tutal nasa harapan ko naman siya kitang-kita ko ang malapad niyang ngiti.
Napahawak ako sa garter ng panty ko, parang mahuhulog 'ata, char. Kaya tayo nasasabihang manyak ng demonyong lalaki na iyon, paano naman kasi, napakagwapo ngumiti ng person, medyo nahihiya pa parang nakakafall tuloy. Sana nga lang kapag nahulog, saluhin niya ko.
"I want you to meet someone," Tumayo siya at naglakad ng ilang hakbang, bahagya pa akong nagloading kasi someone raw? Ibig sabihin may iba pang tao sa loob maliban sa amin?
"Malapit ito sa puso ko, siya ang dahilan kung bakit hindi ako nababagot sa pananatili ko sa loob ng mansyon, dahilan kung bakit palaging kumakabog ang puso ko kahit wala naman siyang ginaga—" Pinahinto ko siya sa kanyang sinasabi.
"Teka, teka, nagugulumihanan ako, may iba pang babae sa loob ng mansyon? Bakit hindi ito sinabi sa akin ni Mr. Philip? Ibig sabihin, matagal mo na siyang tinatago rito sa loob ng library?" Napatayo ako sa aking inuupuan.
"Kinokonsider ko lang siyang babae, hindi kasi siya katulad natin o katulad mo," biglang naging malungkot ang tono ng kanyang boses. "Sana nga katulad mo na lang siya para malaya ko siyang nakakausap at nakakasama." Naging malungkot ang mga mata nito at bigla rin naglaho ang mga ngiti nito sa kanyang labi, nakonsensiya tuloy ako, baka masyadong naging padalos-dalos ang mga salitang binitawan ko.
"Wala naman akong masamang ibig sabihin," umupo ulit ako sa aking inuupuan. "I'm sorry, kung sinuman iyan na gusto mong ipakilala sa akin, excited na akong makilala siya." Ngumiti ako upang mapagaan ang loob niya, ngumiti rin naman siyang pabalik.
May kinuha lang siyang maliit na libro sa estante na may mga nakahilerang mga libro, parang journal lang ang laki ng kinuha niyang bagay, inilapag niya iyon paharap sa akin at nakangiti siyang sinalubong ako ng ngiti.
"Gusto kong ipakilala sa 'yo si Sofia, ang tinutukoy kong nagpapatibok ng puso ko and she's my girlfriend," Bahagya pang nagloading ang utak ko, parang nabingi pa nga ako sa huling salita na narinig ko.
"Girlfriend? Pero—"
"I know she's just a made of paper but my love for her are sincere and pure," Napanganga lang ako sa mga sinabi niya. Hindi ko matanggap na ang isang katulad ni Ethan Hawker ay mahuhulog ang loob sa isang libro?
"Alam kong ganyan ang magiging reaksyon mo, kahit na sinuman kasi ang makaalam na ang isang tulad ko ay may kasintahan na isang libro ay hindi rin makakapaniwala at baka mapagbintangan pa nga akong nababaliw." Tumingin siya sa akin at kumukinang ang mga mata niya, wala kang mababakas na pagpapanggap at kahibangan.
"Then, congratulations sa inyong dalawa," ngumiti ako at binati siya. Nagalok pa ako na makipagkamay sa kanya, tinanggap naman niya 'yon.
"Salamat sa pagtanggap mo sa aming dalawa, ikaw ang kauna-unahang tao na pakiramdam ko ay bukal ang loob na tinanggap na ang isang tulad ko ay posible palang mahulog sa katulad ni Sofia."
Ang totoo ay gusto ko pa sana siyang kuwestiyunin pero nang makita ko at maramdaman kong galing sa puso ang lahat ng kanyang mga sinabi ay pinili ko na lang manahimik. Siguro, ganoon nga talaga ang love, walang hangganan. Hindi naman ako Diyos para husgahan siya sa kung ano gusto niya at mamahalin niya, alam ko naman na wala silang tinatapakan na ibang tao at wala rin naman silang sinasagasaan na ibang tao sa pagmamahalan nila.
Bahagyang nalungkot lang siguro ako, umasa na baka ay ito na ang sign para mainlab ulit ako, mabuti na lang paghanga palang ang nararamdaman ko. Mas mabuti na iyon kaysa mas lumalim pa.
"May huling tanong lang pala ako, paano mo ba nalaman na inlove ka na pala kay Sofia?" balak ko na sanang umalis at talikuran siya.
"Walang tiyak na rason o dahilan kung paano ako nainlab kay Sofia. Basta't lagi ko lang siyang kasama at palagi ko siyang binabasa, pagkatapos napagtanto ko na lang na gusto ko na pala siya."
Ngumiti ako at ginantihan naman niya iyon.
To be continued...
Author's Note: Sayang ang effort ni Ayeng nagpaganda pa man din, matatalo lang pala ng libro hahahaha. Nacute-tan ako sa personality ni Ethan, very common sa mga w*****d pero may kaunting plot twist lang hahaha.
Pakifollow naman ako sa aking mga social media accounts
FACEBOOK: Aftoktonia Writes
INSTAGRAM: IamAftoktonia
#PowerofSeven
Gamitin lamang ang hashtag na iyan para sa mga gumagamit ng Twitter o X, babasahin ko po ang lahat ng saloobin niyo at hinaing niyo gamit ang hashtag na 'yan.
Huwag pong kalimutan na bumoto at magiwan ng komento para happy lang hahaha