Chapter 3

2203 Words
At gaya ng inaasahan niya ay maaga na namang umalis si Gerard. Hindi man lang siya hinintay na magising para magpaalam man lang. Tila nagiging bisyo na ng asawa niya na umalis nang napakaaga para iwasan siya, iwasan ang problemang matagal na nilang kinakaharap. Bumangon si Lianne sa kama at matapos ayusin ang hinigaan ay lumabas na siya sa kuwarto pababa sa kusina. Alas singko y medya pa lang ng umaga at karaniwang dumarating ang katulong tuwing alas otso. Ganoong oras kasi ay wala na si Gerard sa bahay kaya nakakagawa nang maayos ang mga katulong nang hindi inaalala ang among lalaki. Mainitin ang ulo ng asawa niya at ayaw niyang pinag-iinitan nito ang mga katulong kaya minabuti niyang tuwing alas otso na lang ang pasok nila at alas singko naman ng hapon ang uwi depende kung tapos na ang trabaho. Matapos magtimpla ng kape ay nagsimula na siyang magluto ng almusal. Iyon ang palagi niyang ginagawa sa umaga na kung minsan ay kinababagutan niya dahil mag-isa na naman siyang kakain maliban na lang kung hihintayin niya ang katulong para sabay silang mag-almusal. Ayaw man niya sa ganoon set-up ay pinipilit na lang niyang unawain para na rin sa asawa. Pinilit niyang kumain kahit wala siyang gana. Napagdesisyunan kasi niya na dalawin na lang ang Tiya Pura ni Gerard para mangamusta. Matanda na rin si Tiya Pura na siyang nagpalaki sa asawa niya kaya pakiramdam ni Lianne ay responsibilidad niya na dalawin ito paminsan-minsan. Matanda na kasi ito at mag-isa na lang sa bahay at simula't sapul ay wala ng kamag-anak na mag-aalaga rito. Tanging si Gerard na lang ang natitira nitong kamag-anak kaya gusto sana ni Lianne na sa kanila na ito tumira subalit hindi sumang-ayon ang kaniyang asawa. Walang namang paliwanag si Gererd kung bakit, basta ayaw lang na patirahin nito ang sariling tiyahin sa bahay nila. Matapos hugasan ang mga pinagkainan, ay pumunta siya sa garden para diligan ang mga halaman. Marami na siyang halaman na naitanim doon simula nang lumipat sila ni Gerard matapos ang kanilang honeymoon sa ibang bansa. Regalo ng kaniyang mga magulang ang bahay na tinitirhan nila ngayon. Nakatirik iyon sa isang eksklusibong subdibisyon na tanging mga maykaya lang ang may kakayahang magmay-ari. Tatlong palapag ang bahay na iyon na may sampung kuwarto kasama na ang master's bedroom. Laking galak ni Lianne nang malamang iyon ang regalo ng mga magulang sa kanilang kasal. Wala kasing ganoon kalaking ipon si Gerard para makabili ng marangyang bahay. "Good morning po, Ma'am Lianne," bati ni Aling Iska na kararating lang. Nakangiti ito sa kaniya kaya napansin na naman ni Lianne na wala itong suot na pustiso. Sinamahan niya kasi ito dati sa kakilala niyang dentista para pagawaan ng pustiso dahil iilan na lang ang natitirang ngipin nito. Kasing edad lang ito ng kaniyang ina pero kung pagbabasehan ang panlabas na kaanyuan ay tila lagpas sisenta na. Maaga kasi itong nabalo at hirap sa buhay. Ngumiti si Lianne saka isinara ang gripo. "Napaaga po kayo, Manang Iska." Ni-roll niya ang hose na ginamit sa pagdidilig at inilagay iyon malapit sa gripo. "Kumusta naman po ang mga bata?" "Maayos naman po sila, Ma'am Lianne," tugon ni Aling Iska. "Wala po kasing pasok ngayon ang panganay ko kaya siya ang gumawa ng gawaing-bahay." Apat ang anak ni Aling Iska. 'Yong panganay niya ay nasa kolehiyo na, tatlo naman ang nag-aaral ng high school. Sumakabilang buhay na ang kaniyang asawa kaya kahit gabi ay ginagawa niyang araw. Namamasukan siya bilang kusinera sa bahay ng mag-asawang Gerard at Lianne sa araw at pagdating naman ng gabi ay nagtitinda siya ng balut para may dagdag kita pantustos sa pangangailang nilang mag-iina. Ramdam ni Lianne ang paghihirap ni Aling Iska kaya ipinakiusap niya sa mga magulang na bigyan ng scholarship ang mga anak nito. Hindi niya na iyon ipinaalam pa kay Gerard dahil alam niyang magagalit na naman ang asawa. Sanay na siya sa ugali ng asawa. Napakadamot nito pagdating sa pera. "Mabuti naman po kung gano'n." Inaya na niya sa kusina si Aling Iska para mag-almusal muna bago simulan ang mga gawain sa mansiyon. Hindi lang kasi pagluluto ang ginagawa ni Aling Iska, naglilinis rin ito kahit hindi na 'yon sakop ng kaniyang trabaho. Binuksan niya ang telebisyon na naroon sa kusina dahil mahilig manood ng balita sa umaga si Aling Iska. Agad na bumungad sa screen ng telebisyon ang mukha ni Russel Ferrer na labis niyang ikinatulala. Nakatayo lang siya malapit sa telebisyon habang pinapakinggan ang balita tungkol sa lalaking noon pa ay crush na crush na niya. Naitakip niya sa bibig ang kanang palad niya nang marinig ang balita tungkol sa bilyonaryo at sa asawa nito. Ayon sa balita, ay may sakit na leukemia ang asawa nito na dating fashion model kaya tutungo sa ibang bansa ang mag-asawa upang doon magpagamot. "Diyos ko!" usal ni Lianne nang mawala na sa screen ng telebisyon ang mukha ni Russel. "Kawawa naman siya." "Oo nga po, Ma'am Lianne," sabat ni Aling Iska. Malapit sila sa isa't isa at tila ina na rin ang turing ni Lianne sa kusinera. "Kawawa si Russel. Biruin mo tatlong taon pa lang yata silang kasal, nagkasakit na agad ang asawa niya. Ang ganda pa naman ng asawa niyang si Mary Ann." Sa narinig ay di mapigilang magbiro ni Lianne. "Sino po sa aming dalawa ang mas maganda, Manang Iska?" Napangiti siya. "Parehas po kayong maganda, Ma'am Lianne," kaagad na saad ni Aling Iska. "Palagi naming pinapanood ng panganay ko ang mga bidyo ni Mary Ann sa internet at masasabi kong may pagkakahawig kayo. Sa tuwing rumarampa siya ay naaalala kita. Parehas ang tindig ninyo pati na ang kilos. Sa mukha lang kayo hindi magkapareho." "Ibig n'yo po bang sabihin, Manang Iska, e, papasa ako bilang modelo?" muli niyang biro. "Ay, opo, Ma'am Lianne. Nagtataka nga po ako sa inyo kung bakit hindi ninyo ipinagpatuloy ang pangarap ninyo na maging modelo." Uminom ng tubig si Aling Iska at itinutok ang mga mata sa telebisyon. Napailing na lang si Lianne. Iyon kasi ang pangarap niya noong bata pa siya. Gusto niya maging fashion model. Pinangarap pa nga niyang mag-aral sa Paris subalit hindi sumang-ayon ang kaniyang ama, bagkus ay pinag-aral siya nito ng kursong may kinalaman sa negosyo. Wala naman siyang nagawa dahil bukod sa bata pa siya noon ay palaging kagustuhan ng kaniyang ama ang nasusunod. "Paalis po ako, Manang Iska," saad ni Lianne mayamaya. Kumakain pa rin si Aling Iska habang nanonood ng telebisyon. "Dadalawin ko po si Tiya Pura at mamayang hapon pa po ako makakauwi. Darating naman po si Ana para maglinis ng bahay kaya may makakasama kayo rito," tukoy niya sa tagalinis ng bahay. "Opo, Ma'am." Nagpatuloy si Aling Iska sa pagkain, si Lianne naman ay umakyat na sa kuwarto para maghanda sa pagpunta kina Tiya Pura. Habang naliligo ay biglang sumagi sa utak niya si Russel Ferrer. Hanggang ngayon ay naroon pa rin sa puso niya ang lihim na pagtatangi sa bilyonaryong kailanman ay hindi mapapasakaniya dahil may kani-kaniya na silang asawa. Minsan ay naiisip niya kung ano kaya ang nangyari kung natuloy ang pagpunta niya noon sa Cebu at nakilala si Russel Ferrer. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit hanggang ngayon ay tila nangangarap pa rin siya na makilala at mapansin ni Russel kahit may asawa na siya. Alam niyang mali, pero may isang bahagi sa puso niya ang nakalaan para sa bilyonaryo kahit na hindi pa siya nito nakikilala nang personal. Habang nagbibihis ay hindi pa rin mawala sa utak niya ang bilyonaryong iyon. Tila inukopa na ni Russel ang kabuuan ng utak niya at nakalimutan na ang sama ng loob sa asawang si Gerard. Ganoon naman palagi ang nangyayari. Sa tuwing mayroon silang hindi pagkakaunawaan ni Gerard ay iisipin niya lang si Russel at gumagaan na ang pakiramdam niya. Isang simpleng summer dress na kulay peach ang napili niyang isuot. Tinernuhan niya iyon ng kulay brown na wedge saka isinuot ang hikaw na niregalo ng mga magulang niya noong eighteenth birthday niya. Itinali niya ang hanggang baywang niyang buhok saka bumaba na siya dala ang kulay brown na handbag. "I thought hindi ka na bababa, Beshie," nakataas ang kilay na saad ni Andrea. Nakaupo ito sa pang-isahang sopa na parang reyna. Naka-dekwatro ng upo habang pinagmamasdan siyang pababa sa hagdanan. Ngumiti si Lianne. "What brought you here?" "I'm so bored. Wala akong magawa sa bahay." Tumayo si Andrea saka bumeso kay Lianne. "You are always bored naman. Why don't you look for a job? Para may napaglilibangan ka." "Next week na lang. Hindi ko pa feel maghanap ng trabaho." Maarteng saad nito at umikot ang mga mata. Napailing na lang si Lianne. Hindi niya lubos maisip kung papaano nakakaraos ang kaibigan sa pang-araw-araw nitong gastusin. Ang alam niya ay ulila na ito sa mga magulang at namumuhay nang mag-isa. "I'm here para yayain kang mag-mall," muling saad nito saka inayos ang neckline ng suot na damit na sa tingin ni Lianne ay branded. "Nice dress," komento ni Lianne dahil tila ipinagyayabang ni Andrea ang suot pati na ang signature bag na hawak. Alam ni Lianne na mamahalin ang mga iyon, ang hindi niya alam ay kung paano nakakabili ng ganoong mamahaling bagay ang kaibigan niya gayong ilang buwan na rin itong walang trabaho. "I know," mayabang na saad ni Andrea at ngumiti pa. "Kaya tara na sa mall at nang makarampa na. I'm sure maraming nagguguwapuhang lalaki roon na pwedeng maging jowa." "Dadalawin ko ngayon si Tiya Pura." Agad na sumimangot si Andrea nang marinig ang pangalan ng tiyahin ni Gerard. "That old maid," usal nito. "Hayaan mo na siya, Beshie. Sanay naman na palaging mag-isa ang matandang iyon." Tumawa ito. "Kita mo at tumandang dalaga." "Pero, Beshie—" "Pumayag ka na kasi. Ilang linggo rin tayong hindi lumabas. Pati si Katrina ganoon din. Kesyo laging busy sa trabaho kaya walang oras maglamyerda." Mayamaya ay pumayag na rin siya. Ipagpapabukas na lang niya ang pagdalaw sa tiyahin ni Gerard. Isa pa, gusto rin niyang may mapagsabihan ng sama ng loob niya sa asawa at si Andrea ang perpektong tao para doon. Kagaya ni Katrina ay college friend niya si Andrea. Silang tatlo ang magkakasama noon pero sa kasamaang palad ay hindi naka-graduate si Andrea dahil namatay ang ina na tanging sumusuporta sa pag-aaral nito. Hindi naman nito nakilala ang ama simula pagkabata. "Tawagan mo si Katrina. Isama natin," suhestiyon ni Lianne. "Naku! Tinawagan ko na bago ako nagpunta rito. Hayun, nasa opisina. Huwag ka ng umasa na sasama iyon sa atin dahil busy sa pagpapayaman ang lukaret na 'yon." Tumayo si Andrea at hinila na siya palabas ng mansiyon. Tinungo niya ang garahe kung saan naroon ang kotse ni Gerard. Luma na iyon kaya ang kotse ni Lianne na binili ng mag-asawang Borromeo ang ginagamit ni Gerard. Ang lumang kotse na lang ang ginagamit ni Lianne sa mga ganitong lakaran. "Bakit kasi hindi ka bumili ng kotse, Beshie?" tanong ni Andrea nang makarating na sila sa mall. "Hindi ganoon kalaki ang naipon ko, Beshie," tugon niya. "Isa pa, nagsisimula pa lang ang negosyo ni Gerard kaya wala pa siyang naiaabot na pera sa akin maliban sa mga gastusin sa bahay." Makahulugang ngumiti si Andrea. At dahil nakatalikod ito ay hindi makita ni Lianne ang ngiting iyon ng kaibigan. "So how's your lovelife, Beshie?" Umupo si Andrea sa sopa na nakalaan para sa mga kliyente at isinukat ang napiling stilletto shoes. "Don't tell me na wala kayong plano magka-baby. Mahigit isang taon na mula nang ikasal kayo. Wala pa ba?" "Ayaw pa ni Gerard na magka-baby kami," malungkot niyang tugon saka umupo sa tabi ng kaibigan. "Ang sabi niya kagabi, kapag na-close na daw niya ang deal kay Russel Ferrer para sigurado na ang future ng magiging baby namin." "Russel Ferrer?" ulit ni Andrea saka namilog ang mga mata. "'As in si Russel Ferrer na crush na crush mo noong college pa tayo?" Napangiti si Lianne. "Bakit ikaw hindi? E, sobra ka nga kung makatili sa tuwing ini-stalk mo ang social media accounts niya." "Ikaw rin naman, ah," bwelta ni Andrea. "If I know, ang daming poster ni Russel Ferrer sa kuwarto mo. Gusto mo sabihin ko pa kay Gerard." "Don't you do that, Beshie." Naroon ang takot sa boses ni Lianne. "Ayokong lumala ang hindi namin pagkakaunawaan ni Gerard." "What?" tanong ni Andrea at nagkunwari na tila nagulat kahit ang totoo ay nagdiriwang ang kalooban. "Anong ginawa ni Gerard?" "I feel like he has a mistress." "Nahuli mo ba?" Tumaas na naman ang kilay ni Andrea at nagkunwaring pumilili ng sapatos. "Hindi naman, Beshie. Pero nararamdaman ko. Malakas ang kutob ko." "Relax ka lang, Beshie." Hinawakan ni Andrea ang braso ni Lianne. "Hindi mo naman pala nahuli, so, huwag mong ini-stress ang sarili mo. Saka hindi 'yon magagawa sa 'yo ni Gerard. Mahal na mahal ka kaya ng asawa mo." "Sa tingin mo hindi niya 'yon magagawa sa akin?" "Para kang walang tiwala sa asawa mo. Sige, ganito na lang ang gawin natin. Gawin mo akong sekretarya ng asawa mo para mabantayan ko siya sa opisina. Araw-araw ire-report ko sa 'yo ang bawat kilos niya." "I need to tell him first, Beshie," tugon ni Lianne. "Kapag pumayag, sasabihin ko agad sa 'yo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD