Dalawang linggo matapos ilibing si Tiya Pura ay napapansin ni Lianne na paminsan na lang kung umuwi si Gerard sa bahay nila. At kung umuwi man, ay palagi silang nauuwi sa pag-aaway. Wala itong ibang bukambibig kundi ang pagkukulang niya bilang asawa na hindi naman lubos na maintindihan ni Lianne dahil ibinigay niya naman ang lahat ng kaya niyang ibigay. Pati pangarap niya ay isinantabi niya para lang maging maayos ang relasyon nila ni Gerard. "Uuwi na po ako, Ma'am Lianne," paalam ni Manang Iska. Mag-a-alas sais na ng gabi subalit hindi pa masyadong madilim sa labas. Halata sa mga kilos nito ang pagmamadali sa takot na ano mang oras mula ngayon ay dadating na ang among lalaki. Ni minsan kasi ay hindi nakasundo ni Gerard ang kusinera. "Ihahatid ko na po kayo sa labas, Manang Iska." Tumay

