Bumalik si Jeff ng Manila kasama si Alvin para ipagpatuloy ang naudlot niyang meeting kasama ang mga lider ng kanyang mga negosyo na nakabase doon. Pinag-usapan nila ang tungkol sa mga ilang problema ng negosyo at kung paano ito solusyunan.
Natapos ang kanilang meeting ng bandang alas-siyete na ng gabi. Nang pagkalabas niya ng conference room ay nandoon naghihintay si Alvin.
“Tapos na?” tanong ni Alvin na parang nagagalak sa paglabas ni Jeff.
“Yup. Done” habang minamasahe ang kanyang balikat “Sobrang stress”
“So, saan tayo?”
“Hindi ko alam hon. Saan ba?”
“Hmmm. Kain tayo sa labas?” mungkahi ni Alvin.
“Sige. Nagugutom na din ako”
“Tamang-tama”
“Bakit?”
“Wala. Nevermind” ngiti nito.
Pumasok sila sa elevator upang bumaba dahil nasa tenth floor sila ng 15-storey building. Nagtaka si Jeff sa ginawa ng isa dahil imbes pababa ang pagpindot ni Alvin ay paakyat ito.
“Hon. Nagkamali ka yata sa pagpindot ng elevator” pero hindi sumasagot si Alvin.
Lumabas sila sa 15th floor ng gusali at mabilis lumakad si Alvin patungo sa hagdanan at umakyat muli ito. Nagtataka pa din si Jeff kung saan pupunta ang kanyang kasama dahil hindi niya naman ito pinapaalam.
Sinunod na lamang ni Jeff si Alvin paakyat ng hagdanan. Nakita niya na may pinto at kaagad niyang binuksan ito.
Laking gulat niya na may nakahanda nang lamesa, may dalawang upuan, dalawang plato at kubyertos at isang kandila na nakatungtong sa lamesa.
Dahan-dahang lumapit doon si Jeff sa nakahandang hapunan para sa kanila at hindi niya namalayan na nakangiti na siya sa sobrang kilig na ginawa ni Alvin para sa kanya.
“Nagulat ka ba?” sulpot ni Alvin na may hawak-hawak na wine glass at isang bote ng alak.
Hindi pa rin maalis ang ngiti ni Jeff sa kanyang mga labi. “Hon… sa rooftop talaga?” tanging sambit nito
“Huwag ka nang magreklamo ha? Sinadya ko talaga ‘to para sa anniversary natin”
“Hindi naman ako nagrereklamo eh” lapit nito kay Alvin “Magpapasalamat lang ako dahil ginawa mo ‘to”
Walang sagot si Alvin at nilagay ang dalawang baso at alak sa lamesa. Pagkatapos ay lumapit siya sa isang silya at hinila ito para makaupo si Jeff. “Umupo ka na, hon.” Kaagad naman tinanggap ni Jeff ang kanyang alok at umupo ito. Samantala naman ay umupo din si Alvin sa kabilang upuan.
Ilang saglit ay may lumabas na waiter mula sa pintuan na kung saan din sila lumabas. Dala-dala ang kanilang kakainin sa gabing iyon. Chili Lime Steak with Roasted Vegetables ang kanilang pagkain.
Nanlaki ang mga mata ni Jeff dahil paborito niya itong pagkain. Napatingin naman sa kanya si Alvin habang nakangiti ito “Naalala mo ang unang date natin? Ito ang kinain natin diba?”
“Oo…” sagot ni Jeff na parang nakikilig na “Nasarapan ako sa luto nila kaya ginaya ko ang kanilang recipe para makain ko ito parati”
Napalakas ang tawa ni Alvin dahil sa alaala nilang dalawa noon “Naalala ko yon. Ang takaw-takaw mo kaya kumain”
“Uy, hindi naman”
“Oo kaya. Yung tira ko kasi kinain mo din eh” tuloy ang kanyang pagtawa.
“Siyempre, sayang yung pagkain. E kinain ko na lang”
“Talaga lang ha?”
“Oo kaya” biglang natahimik si Alvin at parang bigla itong kinabahan. Nahalata naman kaagad ni Jeff ito “Hon?? Okay ka lang?”
Tumingin si Alvin sa mga mata ni Jeff at kaagad itong tumayo. Lumapit siya kay Jeff at lumuhod ito. “Hon??”
“Bakit hon? May problema ka ba?”
“Wala” sabay punas ng kanyang mga luha “Masaya lang ako dahil nagtagal tayo ng anim na taon. Happy Anniversary ulit hon”
“Ako din naman eh. Masayang-masaya ako dahil mahal kita”
“Salamat sa pagmamahal hon” May hinugot siya sa kanyang bulsa na isang maliit na pulang kahon. Binuksan niya ito sa harapan ni Jeff. Isang singsing ang nakatambad sa kanyang harapan “Alam mo, iyon ang pinakamasayang araw na nangyari sa buhay ko. Nung araw na naging tayo. Hindi mo alam kung gaano mo binago ang buhay ko, hon” habang tumutulo pa din ang mga luha ni Alvin “At kahit ano pa ang naging kasalanan ko noon sa’yo. Mga panloloko ko sa’yo. Pero andiyan ka pa rin para patawarin at mahalin ako” hindi napigilan ni Alvin na humagolhol ng todo “Gusto ko maging matibay na ang pagsasama natin dahil siguradong-sigurado na ako dahil mahal na mahal kita. Gusto ko magsama na tayo habambuhay”
“Hon” sambit ni Jeff habang hinihimas ang pisngi ni Alvin.
“ So, Mr. Jeffrey Alba-Dy, will you marry me? And become Jeffrey Dy-Francisco?”
Napaiyak din si Jeff at kaagad niyakap si Alvin ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit na parang ayaw niya itong pakawalan “Yes PO3 Marc Alvin Francisco. I will marry you”
“Thank you hon. Mahal na mahal kita. Salamat” yakap din ni Alvin ng mahigpit kay Jeff.
Pagkatapos ng gabing iyon ay nagdesisyon sila na mag-check-in na lang sa hotel ni Jeff para magpalipas ng gabi.
***
Kinabukasan, kaagad silang umalis at pumunta sa airport para umuwi na sa Iloilo. Gusto na kasi nila ibalita ang planong pagpapakasal nilang dalawa sa magulang nila.
Inumpisahan nilang ibalita ito sa ina ni Jeff na si Joyce.
“Talaga?? E kailan??” tanong ni Joyce sa kanila na parang may halong gulat at galak sa kanyang mukha.
“Hindi pa namin alam, tita. Pero sigurado kami na magpapakasal kami sa lalung madaling panahon” sabay halik ni Alvin sa kamay ni Jeff “Mahal namin ang isa’t-isa, tita”
“Oh sige. Hindi ko naman kayo mapipigilan. Masaya ako para sa inyo mga anak” sambit ni Joyce “May basbas na kayo mula sa akin”
“Salamat nanay” yakap ni Jeff sa ina
“Masaya ako sa iyo anak” sumulyap kaagad siya kay Alvin “Huwag mong paiiyakin ang anak ko Alvin ha.”
“Don’t worry, tita. Aalagaan ko ng mabuti ang anak ninyo”
“Nanay na lang ang itawag mo sa akin, huwag na tita” pagtatama ni Joyce “Tutal,magiging manugang din naman kita”
“Sige po, nanay”
Sa araw ding yon. Pagkatapos ng usapan nilang dalawa at ang mga magulang ni Alvin, na nagbigay din ng basbas sa kanilang dalawa,
***
Pumasok kaagad si Jeff sa kanyang trabaho at pumunta sa isang restaurant. Nirereview niya ang Quarterly Financial Report na ginawa ng Manager sa branch na iyon. Nakaupo siya sa upuan ng kanyang office table.
Habang binabasa niya ito ng mabuti ay may biglang kumatok sa pintuan…
“Pasok…!” sabi niya. Pumasok agad ang Manager sa kanyang opisina at lumapit ito sa kanya na tila nataranta. “O bakit?” tanong ni Jeff sa kanya na tila alam iya na mayroong problema sa labas.
“Ahmm. Sir, may nagrereklamo po kasi na customer tungkol sa service natin”
“So, ano pa ang tinatayo mo dito? Puntahan mo at kausapin…”
“E yon nga ang problema sir eh…” sagot ng Manager “…ayaw niya akong kausapin. Gusto niya ang owner daw mismo ang kanyang kakausapin”
“…ang arte naman” sambit ni Jeff tungkol sa nagrereklamong customer na naghihintay sa kanya sa labas “sige…sabihin mo sa kanya na papunta na ako. Aayusin ko muna ang kalat ko dito”
Iniligpit nga ni Jeff ang hindi niya natapos basahin na report. Maayos niya itong ipinatong sa mesa at lumabas agad ng kanyang opisina.
Pumunta si Jeff sa dining area para kausapin ang nagrereklamong customer. Nakita niya ang isang waiter at nagtanong ito kung nasaan ang nagrereklamo at itinuro agad nito ang nakaupo na lalake na may kasamang babae sa may couple table.
Magkaharap silang dalawa habang kumakain at tila nagsasagutan ng dahil sa kanilang kinakain. Nakatalikod sa kanya ang lalake habang nakaharap at kitang-kita ni Jeff ang walang kupas na pagbuka ng kanyang bibig ng babae sa kanyang kaharap na lalake. Pero hindi na lang pinansin ni Jeff at dahan-dahang siyang lumapit sa kanilang dalawa na kumakain habang nagtatalak ang babae.
“Ahmm. Excuse me po, Sir. Ako po ang may-ari. Ano po ba ang problema?” panimula ni Jeff sa nakatalikod na lalake. Tumayo agad ito sa kanyang inuupuan at humarap kay Jeff.
Nanlaki ang mga mata nilang dalawa sa nakita.
“Jeff…?” tanging sambit ng lalake.
“Riley…?” sagot din ni Jeff sa customer.
Naging matagal din ang kanilang pagtitigan sa isa’t-isa dahil pagkatapos ng anim na taon ay nagkita muli sila at dito pa sa restaurant ni Jeff.
“Kamusta ka na…?” bati ni Riley na tila nasiyahan dahil nakita niyang muli si Jeff “Look at you… ang laki ng pinagbago mo. Akalain mo, ikaw pala ang may-ari nito”
Pero sa kabila ng masayang mukha ni Riley ay seryoso naman ang mukha ni Jeff. “I’m okay. So, ano ba ang problema, Sir?” at sumulpot ang babae sa bandang gilid ni Riley.
“The food.” Sagot nito at tumingin naman si Jeff sa kanya.
“Bakit po, Ma’am? Ano ba ang masama sa pagkain?”
“Ang bitter kasi eh…” sabay tingin kay Jeff sa mata ng matagal na tila pinatatamaan nito “…… ng lasa, I mean”
“Ano po ba ang inorder ninyo?”
“Chocolate cake…”
Nag-utos si Jeff sa isang waiter na kumuha ng tinidor para tikman ang chocolate cake na kanilang inorder. “Can I?” paalam niya sa kanilang dalawa at tumango naman ito bilang sagot. Kumuha at tinikman ni Jeff ng kaunting piraso. “Hmmm. Hindi naman mapait, Ma’am. Matamis naman.”
“Talaga? Sa tingin ko mapait eh” kumuha din siya ng maliit na piraso at tinikman niya din ito “Diba? Ang pait talaga eh” Pero sumulyap sa kanya si Riley na tila sinusuway ito sa kanyang pagtatalak at nakita din naman ito ng babae ang tingin ng kasamang lalake. “What?? Totoo naman ah. Ang pait talaga..!”
“I said, Shut Up…Okay?” saway ulit ni Riley sa kanya na may mahina ang boses “Huwag kang gumawa ng eksena dito. Show some manners”
Nakatitig lang si Jeff sa kanilang dalawa na kalmado pa din sa nangyayaring pagrereklamo ng kasama na babae ni Riley. “Well, kung iniisip mo talaga na mapait ang lasa ng cake namin, Ma’am. Pwede naman naming palitan ng bago”
“No need. Salamat na lang sa offer pero nawalan na ako ng gana” umalis ang babae sa kanilang harapan at lumabas papunta sa sasakyan ni Riley at sumakay ito.
“Sorry sa ugali niya Jeff ha. Ganyan talaga siya eh”
“Don’t worry. It’s okay. Sanay na sanay kami sa ganong klaseng tao” paniniguro ni Jeff sa kanya “madaming tao na katulad niya na kahit walang problema, ginagawan ng problema kahit maliit na bagay”
“Uhm. That’s great. Pero salamat sa pag-intindi Jeff”
“It’s okay. Anything para sa’yo at sa girlfriend mo”
“Girlfriend?? Si Cindy? Paano mo naman nasabi yon?”
“Kasi magkasama kayo at ngayon ko lang siya nakita. So, nag-assume ako na girlfriend mo siya”
“Hehe. Hmmmm. Well...”
“Well what?”
“She’s my wife”
“Wife?”
“Yup. We got married six years ago”
“Well congrats pala. Sorry, hindi ko alam”
“It’s okay Jeff. So pano? Alis na ako ha. Naghihintay na siya sa sasakyan eh”
“Sige.”
“Salamat pala sa food. Sobrang sarap”
“Your welcome. Ingat kayo” at ngumiti si Jeff na may pait.
“Salamat ulit, Jeff. Bye..!” at tuluyan nang lumakad at lumabas ng restaurant si Riley.
‘Six years ago?? So ibig sabihin naghanap pa siya ng iba kahit sila pa ni Fred noon? Hindi talaga siya nagbabago. Hindi talaga kontento sa isa’ sambit ni Jeff sa kanyang sarili.
***
Kwinento ni Jeff sa kanyang kaibigan na babae na si Jacqui ang tungkol sa planong pagpapakasal nilang dalawa ni Alvin.
“What?!” gulat na gulat si Jacqui sa kwinento ni Jeff sa kanya habang hawak-hawak niya ang tasang kape.
“Yup”
“So kailan ang kasal?”
“I don’t know. Sooner or later”
“Ha? Bakit? Hindi niyo ba pinaplanuhan yan?”
“Hindi pa”
“E bakit nga?”
“Marami pa kaming priorities in life, bes. Ang profession niya bilang pulis, at yung mga pinapatakbo kong mga negosyo”
“Hmmm. Kung sa bagay. Pangarap talaga ni Alvin na maging pulis eh” pagsang-ayon ni Jacqui “Oo nga pala, kamusta sina tito at tita? Ano ba ang sinabi nila tungkol sa pagpapakasal niyong dalawa ng anak nila?”
“Ayon, kinakabahan ako nung una kasi baka magalit sila. Alam mo naman si tito, intimidating” kuwento ni Jeff sa kaibigan “Pero masaya naman sila sa naging desisyon naming dalawa at binagyan nila kami ng basbas”
Kinilig si Jacqui sa kuwento sa kanya ng kaibigan at parang naiinggit ito “Haaay. Nakakakilig naman yan. Buti pa kayo, bes. May forever. Ako? Wala”
“Teka, kamusta pala kayo nung kaklase noon ni Alvin na nanliligaw sa’yo? Diba naging kayo?”
“Hmmm. I don’t know. Ilang araw lang kami nun”
“Talaga??”
“Yup” tanging sagot ni Jacqui “Basta… kalimutan na natin yun. Ang importante, kayong dalawa ni Alvin. At masaya kayong dalawa”
“Salamat bes” sagot ni Jeff. Natigilan ito ng ilang segundo dahil may naalala siya “Bes… meron akong sasabihin sa’yo”
“Ano yon bes?”
“Nagkita kami ni Riley”
“Really?”
“Yup”
“Saan?”
“Sa restaurant. Kasama ang asawa niya”
“Wow. May asawa na pala siya” sambti ni Jacqui “So, maganda ba?”
“Hmmm. Okay lang. Keri lang”
“Yung totoo?”
“Maganda… at sexy”
“Infairness, may taste siya sa pagpili na maging asawa” puri ni Jacqui “Maganda na, at sexy pa ang pinalit niya sa’yo, bes”
“Tumahimik ka nga…”
“O bakit?” tumingin siya sa mga mata ni Jeff na tila nagseselos sa kanyang sinabi tungkol kay Riley at sa kanyang asawa.
Kinurot agad ni Jacqui ang braso ni Jeff.“Arayy!! Bakit ba…?”
“Magsabi ka nga ng totoo… Mahal mo pa din ba si Riley?”
“Mahal?? Excuse me. Pagkatapos nung ginawa niya sa akin, mamahalin ko pa siya?? Naku, mga ganyang lalaki, dapat mawala yan sa mundong ‘to. Mga walang worth sa mundo”
“Teka… nagtatanong lang naman ako kung mahal mo o hindi. Bakit ang dami mong paliwanag”
“E naalala ko lang eh. Nainis ako”
“Weh?”
“Oo nga”
Itutuloy…