Larrisa's POV
Walang nakakakilala sa katahimikan ng isang babaeng sawang-sawa na sa
kahirapam
Sa bawat hakbang niya papasok sa Alzaro Tower, dama ni Larrisa ang bigat ng mga matang nakatitig. Maaga pa, wala pang alas-nwebe, pero puno na ang lobby ng mga empleyadong mukhang may kanya-kanyang mundo.
Lahat sila nakaporma, nakapulbos, nakaheels, nakalapel ID. Samantalang siya… naka-button-down lang na pastel blue blouse, slacks na hindi bago, at rubber shoes.
Hindi siya narito para makipagkumpitensiya sa style.
Wala siya sa posisyon para mapansin, at ayaw rin naman niya.
Ang kailangan niya lang… trabaho.
Pero kahit ilang ulit niya na itong sabihin sa sarili, hindi niya mapigilan ang kaba na kumakabog sa dibdib niya habang lumalapit sa HR office.
Second day. Round two.
"Ma'am," bati ng receptionist. Mas magalang na ngayon. Mukhang nag-briefing na sila tungkol sa “walk-in drama” kahapon.
"May schedule po kayo ngayon for screening and panel interview," sabi nito. “Kindly wait po doon sa conference room.”
Tahimik siyang tumango. Wala siyang sinabi, wala ring ngiti. Wala siyang lakas para sa small talk. Ang iniisip lang niya ay ang kapatid niyang may lagnat sa bahay, ang bayad sa kuryente na overdue na, at ang nanay niyang matagal nang gusto ng maintenance meds pero hindi na-afford.
Ngayon lang. Ngayon lang ako pwedeng magkamali.
Pag-upo niya sa maliit na conference room, lumingon siya sa salamin sa dingding. Tingin ng iba, normal lang ito. Pero sa mga kagaya niyang sanay sa community development work at mga LGU offices, alam niya one-way mirror 'yan. At malamang, may nakatitig sa kanya sa kabila.
Siguro si Francisco Del-Fuero.
Napangiwi siya. Ang lalaking akala mo siya ang may-ari ng oras ng lahat.
Akala mo, Diyos.
At kahit hindi niya aminin nanginginig pa rin ang laman niya sa huling palitan nila ng salita kahapon. Hindi dahil natakot siya. Dahil sa inis. Dahil sa kapal ng mukha nito. Dahil sa yabang.
Pero may parte ring naintriga siya. Dahil sa gitna ng lamig ng boses nito, sa tikas ng tindig at tindi ng titig may kung anong... bitak. Parang hindi buo ang lalaking iyon, kahit ayaw niya amining napansin niya.
“Ms. Ramirez?”
Nag-angat siya ng tingin. Tatlong panelist. Dalawa sa kanila galing HR. Yung isa, pamilyar Executive Assistant ni Francisco.
Matipid siyang ngumiti. Nagpakilala, diretso sa punto. Sagot sa tanong. Walang paligoy-ligoy.
“Bakit niyo gustong pumasok sa corporate world pagkatapos ng ilang taong NGO work?”
“Dahil kailangan ko ng trabahong may long-term stability. Pero higit pa doon gusto kong iangat ang mga adbokasiya na sinimulan ko. At naniniwala akong kung may isang kompanyang may kapasidad para gumawa ng malaking pagbabago, ito ‘yun.”
“May nagsabi po sa akin, delikado raw ang mundo ng mga CEO. Lalo na si Mr. Del-Fuero. Hindi raw siya basta nagtitiwala.”
Napangiti siya, bahagyang sarkastiko. “Hindi naman po ako pumasok dito para maghanap ng kaibigan. Basta may malinaw na purpose, may resulta, at may respeto sa bawat tungkulin hindi ako umaatras.”
Tahimik ang panel. Tinitigan siya ng assistant ni Francisco, bago tumango.
“Noted, Ms. Ramirez. We’ll forward your file.”
Pagkalabas niya ng opisina, hindi siya agad umalis ng gusali. Umupo muna siya sa may garden terrace ng tower isang espasyo na bihirang mapansin ng karamihan.
Doon siya huminga.
Hindi dahil kampante siya sa sagot niya.
Pero dahil sa loob ng ilang minuto… narinig siya.
Hindi siya tinaboy. Hindi siya minura. Hindi siya ginawang invisible.
At kahit hindi pa siya natatanggap, kahit hindi niya alam kung may pag-asa pa siyang mapili sa dami ng mas magara ang resume, naramdaman niyan
guna ipaglaban niya ang sarili niya.
Hindi siya tinulungan ng connection. Wala siyang backer. Pero nakapasok siya sa opisina ng lalaking akala mo sinasamba ng lahat.
At hindi siya yumuko.
Pag-uwi niya, gabi na. May bitbit siyang pandesal para sa kapatid. May dalang over-the-counter meds galing sa konting naipon niya sa part-time work. Sa lumang bahay nilang gawa sa kahoy, ramdam ang singaw ng ulan kahit walang butas ang bubong.
“Mama, okay na si Ben?” tanong niya habang inaabot ang gamot.
“Okay na, anak. Salamat ha. Umayos ka ba sa interview?”
Napatingin siya sa kisame, saka napangiti. “Ewan ko. Pero kung wala man akong trabaho bukas... at least, alam kong hindi ako natahimik kahit kailan.”
Tahimik ang kanyang ina. Saglit lang, pero may bigat.
“Anak,” anito, “mabuti ang matapang. Pero minsan, mas mainam ang matalinong tumatahimik muna para makapasok sa loob, bago lumaban.”
Alam niya iyon. Pero sa dami ng taon niyang nanahimik, umayon, nagparaya… ngayong may pagkakataon siya hindi na siya magpapakatanga.
Dalawang araw ang lumipas.
Isang text. Isang tawag. Interview with the Chairman himself.
At nang muli siyang bumalik sa Alzaro Tower, sa mas pribadong silid na may floor-to-ceiling windows at art piece na hindi niya mabigkas ang pangalan—naroon siya.
Francisco Del-Fuero III.
Nakatayo. Nakasuit. Nakapamewang habang nakatalikod sa kanya.
“Ms. Ramirez,” anito, hindi lumilingon. “Bakit ikaw?”
Hindi siya nagpakumbaba. Hindi rin nagyabang.
“Dahil hindi ako madaling bumigay. Hindi rin ako madaling bulagin ng pera. Kung gusto niyo ng puppet, hindi ako ‘yon. Pero kung gusto niyo ng someone na may tunay na malasakit, may integridad, at may paninindigan kahit kanino ako ‘yon.”
Tahimik si Francisco.
Paglingon nito, doon lang niya napansin ang lungkot sa likod ng mga matang malamig.
Para bang kahit ilang bilyon pa ang hawak nito, may bahagi pa ring laging pagod. Laging kulang.
Pero sa halip na magbigay ng judgment, tumayo lang si Larrisa, tahimik, tapos ay nagsalita.
"Kung hindi ako papasa, salamat pa rin. Pero kung matatanggap ako... hindi ako magpapa-amo. Hindi ako mabibili. Hindi ako matatakot."
Nagtagpo ang kanilang mga mata. Matapang. Matalim. Mainit.
At doon niya nakita ang unang punit sa mundo ng kontrolado ni Francisco Del-Fuero.
Itutuloy...