"WHERE ARE you? Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko? Are you busy?" sunod-sunod na tanong ni Dave kay Tanya sa kabilang linya.
Napaikot ng mata si Tanya matapos marinig ang sunod-sunod na tanong sa kaniya ni Dave. "Hays, oo busy ako! Madami akong inaayos dahil ga-graduate na ako. Palibhasa kasi ikaw, pakalat-kalat kung saang lugar kaya hindi mo alam ang salitang busy," saad niya habang naglalakad palabas ng University.
Kasama niya si Lucky. Nakikinig sa pag-uusap nilang dalawa ni Dave. Kulang na nga lang ay ito na ang humawak sa cellphone niya dahil todo dikit din ito sa cellphone na hawak niya. Pinapalayo niya si Lucky gamit ang balikat.
Napanguso si Lucky sa ginawa niya. Magsasalita pa sana ito pero sinenyasan niya na tumahimik. Ang kulit nilang dalawa dahil nilalapit ni Lucky ang sarili sa cellphone niya ngunit lumalayo naman siya. May gusto kasi ito kay Dave kaya gano'n na lamang ang pagnanais nitong makinig sa usapan ng dalawa. Tumigil sila sa paglalakad pero malapit na rin silang dalawa sa gate ng school. Pinanlakihan niya ng mata si Lucky para umayos sa ginagawa nito.
"Where are you exactly? Nasa labas ako ng University niyo."
Pagkarinig ni Tanya sa sinabi ni Dave na nasa labas lang ito ng University niya ay humaba ang leeg nitong inaabot nang tanaw ang labas ng gate. Kita naman sa labas dahil rehas naman iyon. Napangiti siya nang makita ang hinahanap. Habang si Lucky naman ay tuwang-tuwa dahil nakita rin nito si Dave. Kinikilig ito at nagsisigaw na walang boses na lumalabas para hindi marinig ni Dave. Niyugyog pa siya nito sa sobrang kilig kaya naman pinanlakihan niya ulit ng mata si Lucky para patigilin ng ginagawa sa kaniya. Nag-peace sign ito sa kaniya at nginitian siya.
Nakasandal si Dave sa itim nitong malaking sasakyan. May suot itong Ray-Ban. Nakalong sleeves na puti na nakatupi hanggang siko. Takaw pansin ang ayos nito dahil mga estudyante ang nasa labas. Litaw na litaw ang kaguwapuhan nito at kakisigan. Madaming babae ang napapatingin kay Dave. May iba pa nga na humihinto at nakipagkilala sa kaniya. Palakaibigan naman ang binata kaya nakipagkilala rin ito.
Mukhang umalis na naman ito sa opisina niya base sa suot nitong nakapang-opisina pa. Gano'n naman ang gawain ni Dave, kapag nababagot iyon sa opisina niya ay basta na lang 'yon aalis. Kunwaring may meeting ang laging paalam sa opisina. Minsan pa nga ay tinawagan siya ng secretary ni Dave, nagko-confirm ng schedule ng meeting. Wala siyang nagawa kun'di sakyan ang sinabi ni Dave sa kaniyang secretary. Sinundan lang naman nila si Nathalia ng araw na iyon.
Naging malapit silang dalawa sa isa't isa dahil siya ang sinasama ni Dave kapag gusto nitong makita si Nathalia. Pinapaselos kasi nito si Nathalia dahil noong nakita sila noong unang araw na nagkakilala silang dalawa, iba ang tingin sa kaniya ni Nathalia. Ito naman si Dave, umaasa at umaasa pa rin na baka magustuhan na siya ng babaeng matagal na nitong minamahal.
"Huh? Ano'ng ginagawa mo rito?" nakangusong tanong niya pero kinikilig siya nang makita ang g'wapong mukha ni Dave mula sa malayo.
"Sinusundo ka. May usapan tayo, remember? Where are you? Anong oras ba ang last subject mo?"
"Palabas na ako. Nakikita ko na nga ang tungkod mo." Natatawang saad niya sa binata para asarin.
"Tsk... Dalian mo na Altanya. I'm waiting," saad ni Dave bago pinatay ang tawag.
Hinarap niya si Lucky na nakanguso na sa narinig niyang sagot sa binata. Nginitian niya ito na parang ngiting aso.
"Oo na. Mag-isa na naman akong uuwi. Baka naman... hatid niyo na ako sa bahay," saad ni Lucky dahil alam na niya ang gano'ng ngitian ni Tanya sa kaniya.
"Hindi ako ang driver. Buti sana kung kotse ko 'yon. Nakakahiya pa rin kay manong Dave."
"Sus! Magde-date lang kayo, e. Ikaw, papaalalahanan lang kita ulit na may iba na 'yang gusto si pogi. Baka masaktan ka lang diyan. Do'n ka na lang kay Kevin. Bukod sa tropa pa natin, sigurado naman na ikaw ang lang ang mahal."
Napangiwi lang siya sa sinabi ni Lucky. Sinundo lang naman siya ni Dave ang dami agad sinabi. Hindi naman siya palaging sinusundo ni Dave. Ginagawa lang naman ito ng binata kapag isasama siya nito sa pagsunod-sunod kay Nathalia o kaya naman, magyayaya na kumain kung saan nilang maisipan. 'Yong mga 'di pa nila natatry.
Pumapayag siya dahil libre sila sa bar nito kahit sino pa ang isama niyang kaibigan. Isa pa, hihindi pa ba siya kung nililibre rin siya ng pagkain at gala. Mabait si Dave kaya naging kasundo niya agad at naging close silang dalawa sa isa't isa. Ang tanga lang ni Nathalia na pinakawalan ang isang David Mathew Martinez.
"Tsk... Dami mo sinabi, girl. Diyan ka na nga. Kita na lang tayo bukas. Huwang mong kalimutan na may lakad tayo bukas, ah," saad niya bago nagmamadaling lumabas na ng University. Naiwan si Lucky na nasundan lang siya ng tingin.
Napataas ng kilay si Dave pagkakita kay Tanya na nakasuot ng mini skirt at white tank top. Nakamake-up din ito. Ayaw pa naman niya na gano'n ang ayos ng dalaga. Bagay na bagay naman actually sa dalaga pero hindi niya lang maintindihan kung bakit naiinis siya kapag masyadong sexy ang suot nito tulad ngayon.
Ayaw niya na nakakaagaw nang pansin si Tanya sa mga kalalakihan na nakakasalubong nila. Baka mapapaaway lang siya ng wala sa oras kung ganito palagi ang suot nito.
"Manong!" masayang bati pa ni Tanya sa kaniya habang naglalakad na ito palapit sa kinaroroonan niya.
Nakasimangot siya na umayos nang pagkakatayo mula sa pagkakasandal sa kaniyang sasakyan. Tinanggal niya ang suot na Ray-Ban. Hinawakan niya si Tanya sa braso at iginaya na pumasok sa loob ng kaniyang sasakyan. Mabilis siyang umikot sa driver's seat pagpakatapos.
"Ano'ng mayro'n, manong? Bakit nakasimangot ka na ang liwanag pa," nakanguso nitong tanong sa kaniya.
Hinila niya ang seatbelt at siya na ang nagkabit no'n kay Tanya.
"Bakit ganyan ang suot mo?" tanong niya pagkatapos nakabit ang seatbelt sa dalaga.
Napatingin din si Tanya sa suot niya. Ano nga ba ang mali sa suot niya? Napaisip din siya. Tuwing ganito ang suot niya ay naiinis si Dave. Conservative masyado. Samantalang ang mga babae nito kakarampot din naman ang suot. Pero kapag sa kaniya ay pinagbabawalan siya palagi.
"Ilang beses ko ba na sasabihin sa 'yo, na ayaw ko na nagsusuot ka nang ganyan ka-ikling palda."
"Kaya nga mini skirt," pilosopong saad ni Tanya.
"I'm not asking you, kung ano ang tawag diyan sa suot mong.... napakaikli!"
"Omgiiee, manong ka talaga. Conservative. Jusmiyo ka! This is fashion."
"Kailangan ba nakamake-up ka na pumapasok sa klase?"
"Oh, my gulay! Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na sanay ako na ganito ang pananamit ko at sanay ako na nagmemake-up. Hay, ang manong mo talaga."
"Whatever, Altanya!"
"Tsk... tsk..."
Pinaandar na ni Dave ang kaniyang sasakyan. Mayro'ng event ngayon si Nathalia at tulad ng nakagawian niya, susundan na naman niya ang dalaga sa event nito at papanuorin ang dalaga bilang suporta niya.
"Saan ba tayo pupunta? Nagugutom na ako, e." Reklamo ni Tanya habang nagba-browse sa social media.
Sinulyapan siya ni Dave. Sumakto pa na 'yong nakita nito ay ang modelo na lalaki na nakahubad. Nakita nito na nagdouble tap siya sa screen at napangiti. Crush na modelo 'yon ni Tanya, si Axel Monteverde.
"Grabe ang abs... ang sarap." Wala sa sariling saad ni Tanya sabay napakagat labi pa siya. Biglang hininto ni Dave ang sasakyan kaya muntikan na siyang napasubsob sa dash board.
Binalingan niya si Dave na nakataas ang kilay. "Problema mo?" naiinis niyang tanong dahil nalaglag ang cellphone niya. Pinulot niya iyon at sinamaan nang tingin si Dave. Napanguso rin siya.
"May tumawid kasi na itim na pusa."
"Tsk... Ako ba pinagloloko mo, manong?" Inirapan niya ito at muling nagbrowse sa social media ni Axel.
"Mas g'wapo naman ako diyan sa tinitingnan mo." Nakangusong saad nito sa kaniya sa mahinang boses pero umabot 'yon sa kaniyang pandinig.
She rolled her eyes.
Ginulo-gulo ni Dave ang buhok niya sa ginawa niya sa binata.
"Tara na at nagugutom na ako, manong. Baka ikaw na kainin ko sa gutom." Napalabi siya nang marealize ang kaniyang sinabi. May pagkagreenminded pa naman itong si Dave.
"You like?" Kinagat pa nito ang ibabang labi na para bang inaakit siya pero ang naging dating sa kaniya ay nakakatawa dahil naningkit pa ang mata nito na mukhang nagpapacute na ewan.
Though, inaamin naman talaga niya sa sarili niya na g'wapo at hot tingnan si Dave. Iba ang dating ni Dave kumpara kay Axel.
Hinampas niya nang marahan si Dave sa braso dahil sa ginawa. Alam niyang pinapatawa lang siya nito.
"Tse! Ewan ko sa'yo!" saad niya pero nakangiti na. Napangiti na rin si Dave.