“Nag-date kami.”
Awtomatikong nalaglag ang panga ko dahil sa narinig ko sa bibig ni Tennessee.
“Nag-date kayo?” sabay-sabay na tanong niyong apat.
Minulagaan ko si Tennessee at napapikit na lamang ako nang magkibit-balikat lamang siya. Paano siya nakakapagsinungaling nang ganito?
“Hindi kami nag-date!” mariing sabi ko sabay iling.
Lumapit si Tennessee kay Denmark saka kinuha iyong cap sa mga kamay nito.
“Kayo ang bahala kung ayaw ninyong maniwala,” aniya sabay pinaikot iyong cap sa daliri niya. “Itong cap ko nasa kaniya kanina.”
Napasinghap na lamang ako nang agad siyang tumalikod. Iyong apat, ni hindi rin makaimik dahil sa gulat. Halatang-halata iyon sa mga mukha nila.
“One more thing, Dasura.” Pumihit paharap sa akin si Tennessee sabay sabing, “Don’t you ever do that again in front of a guy unless it’s me.”
Ha?
Ano?
Alin?
Habang naglalakad na siya patungo sa kuwarto niya ay doon unti-unting pumasok sa utak ko kung ano ang ibig niyang sabihin.
“Hoy! As if namang ginusto ko iyong nangyari? Akala mo ba sinadya kong ipakita sa iyo iyong bakat—”
Kusa na akong tumigil sa sinasabi ko dahil hindi na iyon para malaman pa niyong apat. Nakakahiya!
“Tama ba iyong narinig ko?”
“Seryoso? Nag-date kayo ni Tennessee?”
“Ano ba talagang nangyari, Dasura?”
“Dasura?”
Hindi ko na nasagot pa iyong apat na panay ang usisa nang habulin ko si Tennessee. Ang paghabol ko sa kaniyang iyon ay nagdala sa akin sa isang pang nakakakabang sitwasyon.
“Tennessee!”
Nang mahawakan ko siya sa kaniyang braso ay agad kaming napaikot sa pagkawala ng balanse. Nasa loob na kami noon ng kaniyang kuwarto nang mariin na magsara ang pinto at marahas siyang napasandal doon.
Iyong mga mga mata niya ay nakatingin sa mga braso ko sa magkabilang gilid niya. Hindi siguro siya makapaniwalang kinorner ko siya sa loob mismo ng kaniyang kuwarto. Mayamaya ay ngumisi siya saka niya ako tinitigan.
“Ano na naman?” mahinahon niyang tanong sa akin.
Agad na napataas ang aking kilay. Sagot ko, “Ikaw, ano’ng problema mo? Bakit mo sinabi iyon?”
Hindi siya nagsalita. Mataman lang siyang nakatingin sa akin kaya mas lalong umakyat ang dugo sa mukha ko.
“Bakit mo sinabing nag-date tayo? Ano iyon?” tanong ko pa.
“Gusto ko lang.”
Awtomatikong nagpanting ang aking tainga dahil sa aking narinig. Naikuyom ko ang aking mga palad bago ako nagbitiw ng salita.
“Siraulo ka ba?”
Agad na tumalim ang mga titig niya sa akin dahilan para mawala ang tapang sa sistema ko. Ngunit kahit na ganoon ay nanatili ako sa posisyon ko.
“Maybe—”
Mabilis ko siyang itinulak pabalik sa pagkakasandal niya sa pinto nang tangkain niyang umalis saka ko siya tiningnan nang masama.
“Hindi ako nakikipagbiruan!” sigaw ko. “Bakit ka ba nagsinungaling sa kanila? Ano’ng gusto mong palabasin? Na puwede mo akong ako paglaruan?”
Umiwas siya ng tingin saka bumuntong-hininga. Dugtong ko pa, “Bakit? Bakit kailangang gano’n? Hindi naman iyon totoo kaya bakit mo sinabi—”
“Hindi naman pala totoo, bakit ka galit na galit?” sigaw niya pabalik sa akin na ikinagulat ko nang husto. “If it is not true, then just ignore it! Why need to be so worked out?”
Napaurong ako. Ito ang pangalawang beses na sinigawan niya ako. I suddenly felt crying. Hindi ko sigurado kung dahil sa ginawa niyang biro kanina o dahil sa pagsigaw niya sa akin. I felt hurt.
Mayamaya ay bumuntong-hininga siya habang nakatingin lang sa akin. Aniya, “Isa pa, hindi kita pinaglalaruan.”
Mahinahon na siya ng mga oras na iyon ngunit hindi ko pa rin matanggap kung ano ang nangyari ngayon. Ang lakas ng loob kong sugudin siya hanggang dito sa kuwarto niya pero ako itong unang nangatog ang tuhod dahil sa pagsigaw niya. Siya itong may atraso sa akin pero parang ako pa rin ang talo sa huli sa pagkompronta ko sa kaniya.
“Hindi porke at miyembro ka ng Epilogue o fan ninyo ako ay may karapatan ka ng gawin ito sa akin,” sabi ko habang nangingilid ang luha sa mga mata ko. “Obvious naman na gustong-gusto mo na inaasar ako at pinaglalaruan. Bakit? Dahil ba trip mo lang o dahil ganiyan ka talaga?”
Nanliit ang mga mata niya. “Ano?”
“Ganiyan ka ba talaga? Ganiyan ba talaga kasama ang ugali mo?” mariing sabi ko.
“Masama ang ugali ko?” ulit niya na tila hindi makapaniwala sa sinabi ko.
Nang mga oras din na iyon ay agad kong naalala ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw.
Bahagya akong nagmulat at kahit patay ang ilaw ay kita ko kung sino ang lalaking naglalagay ng kumot sa akin.
Nang mapansin niyang nagising niya ako ay bigla niyang binitawan ang kumot. Akma na sana siyang aalis ngunit natigilan siya nang hawakan ko ang kaniyang braso.
“Tennessee...”
As soon as my hand touched his arm, parang ako iyong nakuryente. Pero dahil ito na ang pagkakataon para makausap ko siya ay ipinagwalang-bahala ko na lamang iyon.
Dahan-dahan ay bumalik si Tennessee sa pagkakaupo niya sa tabi ko habang nakahiga ako at nakahawak pa rin sa kaniyang braso.
“Ano?” malamig niyang tugon. Dahan-dahan naman akong bumangon nang hindi siya binibitawan.
“Ang sweet mo sa parteng kinukumutan mo ako pero bakit ang sungit mo na naman ngayon?” agad kong tanong.
Napabuga siya ng hangin dahil sa aking tanong. Was I too straightforward? Aalis na sana siya nang muli ko siyang pigilan.
“Bitiwan mo na ako,” utos niya pero hindi ko siya pinakinggan.
Napanguso ako. “Ano kasi...”
“Umuwi ka na. Huwag ka nang matulog dito sa sala.”
“Tennessee... kasi...”
“Ano? Bitawan mo na ako’t umuwi ka na. Puro lalaki kami rito at hindi magandang natutulog ka sa bahay ng mga lalaking hindi mo naman kilala,” naiinis pa niyang sabi.
“Samahan mo akong umuwi!”
Saglit siyang natigilan dahil sa aking sinabi. Ganoon din naman ako. Agad akong napalunok. Nakabawi rin naman agad siya kaya muli ko siyang narinig na magsalita.
“Anong sabi mo?” tanong niya na tila hindi makapaniwala.
Lumingon ako sa sala at nakita kong tulog na tulog pa rin iyong apat.
Tumingin ulit ako kay Tennessee saka ko sinabing, “Tulog na sila. Ikaw na lang ang gising.”
“Ano naman kung ako na lang ang gising?” aniya sabay lingon sa mga kasama naming tulog.
Sinipat ko ang aking relo at nakita kong pasado alas dose na. Dagdag ko pa, “Nakakatakot na lumabas.”
“Ang lapit lang ng bahay mo. Ano’ng nakakatakot doon?” naiinis na sabi niya.
“Nakakatakot nga kasi...”
“Tumayo ka na. Ihahatid na kita,” mabilis niyang sabi.
“Dasura...”
Dahilan iyon para kumabog na naman nang malakas ang aking dibdib. Letse talaga! Bakit ba ako kinakabahan sa kaniya? Dahan-dahan ay nilingon ko siya.
“Happy birthday ulit,” sabi niya, “kahit late na.”
Bigla akong nakaramdam ng saya dahil sa sinabi niyang iyon. Tila nahihiya pa siya dahil hindi siya makatingin ng diretso sa akin.
“Salamat,” tugon ko saka palihim na napangiti.
Napatungo ako habang mabilis na pinunasan ang luha sa mata ko.
“Sige. Masama ang ugali ko,” aniya.
Hindi ako nakaimik bagkus ay nagpatuloy ang alaala ko kasama siya.
Halos masubsob ako sa dibdib ni Tennessee nang biglang may mga tumakbong kabataan sa harapan namin na nakisilong na rin. Sa dami nila ay naging siksikan na kami roon kaya naman ay halos mapisa na ako.
“Better. It’s warmer now,” aniya.
Nang tangkain kong umalis ay bagkus niyang hinigpitan ang yakap sa akin.
“Just stay.”
Tahimik kong tiningala si Tennessee nang maramdaman kong iniyakap na nga niya sa aking balikat ang kaniyang braso habang napako na ako sa kinatatayuan ko habang nakaharap sa kaniya. Nakatingin lang siya sa malayo at hindi ko alam kung bakit niya ito ginagawa sa akin.
Rinig na rinig ko ang t***k ng puso niya ngayong sobrang lapit ko sa kaniya. Iyong sa akin, halos nakikisabay din sa ritmo ng t***k ng puso niya. Sa mga sandaling iyon ay parang nasa kandungan ako ng aking ina. The feeling of being safe and secured.
“Tahan na, Mahal ko. Hindi na magbabago ang pag-ibig ko sa iyo. Tahan na, Mahal ko. Hindi na maglalaho, ang pagmamahal sa iyo. Nandito lang ako...”
I couldn’t believe that Epilogue’s Tennessee would be singing a song for me as he gently wipes away my tears.
“Sabi sa kanta, tahan na. Pero bakit mas lalo kang umiyak?”
Tiningnan ko siya at parang doon lamang bumalik ang huwisyo. Sa napakaliit na bagay ay masyado akong apektado.
“Sorry,” sabi ko nang hindi makatingin nang diretso sa kaniya.
Nang masipat ko ang isang bote ng coke na nakapatong sa lamesa niya ay agad ko iyong kinuha saka ininom nang diretso. Pakiramdam ko kasi ay may nakabara sa lalamunan ko. Hiyang-hiya ako.
“I think you shouldn’t drink that,” nag-aalalang sabi niya.
Tiningnan ko si Tennessee at doon ko lang napagtantong amoy alak ang boteng iyon.