Chapter 3

1102 Words
Hindi na sumunod si Fiona sa kalinderia. Buti na lang. Ayaw ko sa babaeng 'yon kaya hindi ko masisikmura kung aali-aligid siya. Hindi pa naman ako sanay sa mga taong mahilig sumipsip. "Kanina pa mahaba ang nguso mo," sabi ni Alferes. Humahakbang lang siya pasunod sa akin. Hindi na ako umimik sa sinabi niya. Mahilig talagang pumuna si Alferes, lalo noong iyakin pa siya. Pero hindi ko na pinapatulan dahil hindi naman importante. Tumawid kami sa kalsada. Nasa unahan pa ang kalinderia, sa ilalim ng malaking puno ng narra, kaya kailangan pa naming maglakad nang ilang metro. Nakita ko pa ang ilan sa mga estudyanteng labas-masok sa gate ng community college. "Maraming school org ang magbubukas sa susunod na linggo, Jem. Anong org ang gusto mong salihan?" tanong pa ni Alferes. Kinunot ko ang noo sa daldal niya. "Manahimik ka, pwede?" sita ko. Narinig ko siyang tumawa nang bahagya. Mas lalong nangunot ang noo ko. Hindi ko talaga alam kung bakit sunod nang sunod itong si Alferes. Liban sa pagiging madaldal, presidente siya ng SSG. Kaya malamang na sikat siya sa community college. Hindi nga lingid sa kaalaman ko na pinagtitinginan kami ng mga estudyanteng nakatambay sa hindi kalayuan. Sinusundan pa kami ng tingin ng bawat nakakasalubong namin. Mas lalong nandilim ang paningin ko. Hindi ko gustong pinagtitinginan ako kaya kapag talaga hindi ako makatimpi, hahambalusin ko talaga ng hipon itong si Alferes. Tingnan natin kung may nakasunod pa rin bukas. Nag-order ako ng hipon kay Aling Josephine at napangisi ako nang nagusot ang mukha ni Alferes. "Kung ayaw mong mangati, lumabas ka na," sulsol ko kay Alferes. Hindi ko mabasa kung anong inisip niya. Blanko kasi ang mukha. Pero nawala ang ngisi sa mga labi ko nang may narinig akong halakhakan sa hindi kalayuan. Napatingin ako sa grupo ng mga babaeng sige pa rin sa pagtawa. Nandoon ang grupo nila sa sulok, palibot sa isang bilugang mesa. Mga lima o anim ang bilang nila, at mukhang hindi alintana na pinagtitinginan na sila ng mga tao sa kalinderia. Napairap ako at binalik ang tingin kay Alferes. Nakatingin na siya sa mga babae. Unti-unti nang tumatahimik ang grupo, pero maya-maya pa'y bubulwak na naman ang tawanan. Napahugot ako nang malalim na hininga. Kahit na masama ang ugali ko, hindi ko maatim na mag-ingay sa hapagkainan. 'Yang ganiyang sige sa pagtawa, at 'yong malakas na tawanan, hah, nagpapasikat. Gusto yatang humakot ng atensyon mula sa mga lalaki. "Heto na ang hipon, Jemima." Napaangat ako ng tingin kay Aling Josephine. Nakangiti siya nang nilapag niya sa hapagkainan ang mangkok ng hipon. Naamoy ko ang bango niyon kaya hindi ko maiwasang tumingin kay Alferes. Nakatitig na siya sa hipon. "Kukunin ko lang ang kanin," paalam ni Aling Josephine. Tumango ako at bahagyang ngumiti sa ale. Si Aling Josephine ang mabait na may-ari ng kalinderia. Naging suki ako ng kainan niya nang minsan niya akong tinulungan isang gabi. Muntik na akong madukutan at buti na lang at nandoon si Aling Josephine para hambalusin ng magnanakaw na 'yon. Ayun, hindi natangay ang bag ko. Simula nang gabing 'yon, sa kalinderia na ako kumakain at hindi naman ako binigo ng luto ni Aling Josephine. Masarap ang luto niya kaya hindi na ako naghanap ng ibang kalinderia, kahit na may mas malapit na kalinderia sa gate. Hindi nagtagal ay lumapit si Aling Josephine. Nilapag niya ang kanin sa mesa, at 'yong in-order ni Alferes na fish fillet. Saka siya bumalik sa kung saan siya nakatoka. Habang si Alferes, nakatitig pa rin sa hipon. Kaya umikhim ako. "Lumipat ka ng mesa," utos ko sa kaniya. Alam ko talagang alergic siya sa hipon kaya mas mainam na lumipat siya. Kaso, umiling si Alferes at kinuha ang isang pinggan ng kanin at nilagay sa harap ko. Kinuha niya rin ang isang pinggan at nilagay sa harap niya. Saka siya sumubo ng kanin. Napailing ako sa ginawa niya. "Antigas ng ulo," bulong ko saka ako sumandok ng hipon. Isa-isa ko 'yong binalatan at sinubo. Napatango ako sa sarap. Tinuon ko ang atensyon sa pagkain, pero paminsan-minsan ay tumitingin ako sa gawi ni Alferes. Hindi naman siya nangati kaya nakampante ako. Ayaw ko namang mag-eskandalo siya rito sa loob. May kumakain pa naman. Kaso, ilang minuto pa akong tahimik na kumakain ng tanghalian nang bigla na namang naghalakhakan ang grupo ng mga babae kanina. Nangunot ang noo ko. Hindi pa rin lumalayas ang mga maiingay na 'yon? Pasimple akong lumingon sa grupo at nakita kong ubos na laman ng mga pinggan sa mesa nila. Pero sige pa rin sila sa pagkukwentuhan at sige pa rin sa tawanan. Napansin ko nga na pinagtitinginan na sila nang masama ng ibang tao sa kalinderia. Tss. Nakakaistorbo na sila ng negosyo, a? Kinuha ko ang isang buong hipon saka ko pinalipad sa gawi ng mga babae. At dahil nakabukas ang bibig ng ilan habang malakas na tumatawa, pumasok ang hipon sa bibig ng isa sa kasamahan nila. Biglang tumahimik ang babaeng 'yon at napaubo. "Gross, Sayn!" sigaw ng isa sa mga kasama nila habang masamang nakatingin sa babaeng sige pa rin sa pag-ubo. "Talsik laway mo. Ano ba!" Kagat-labi akong nag-iwas ng tingin at pasimpleng kumuha ng hipon. Binalatan ko 'yon habang nagpipigil ng tawa. Ramdam ko naman ang mariing titig ni Alferes pero hindi siya nagsalita. Maya-maya pa'y may biglang sumigaw sa gawi ng grupo. "Walang 'ya ka, Jemima! Akala mo hindi ko nakita kung pa'no mo binato 'yong hipon sa akin?" Nahinto ako sa pagpipigil ng tawa at pagbalat ng hipon. Lumingin ako sa gawi ng grupo at nakita ko ang babaeng inuubo kanina. Nakatayo na siya at masamang nakatingin sa akin. Namumula ang mukha niya. Sa galit o hiya? Ewan. Ngumisi ako sa sa kaniya at tinaas ang binalatan ko nang hipon. "Kumakain lang ako rito," natatawa kong sambit saka sinubo ang hipon. Naningkit ang mga mata ng babae saka walang anu-ano'y nagmartsa palapit sa akin. Natahimik ang buong kalinderia at ramdam ko ang titig ng mga taong nakikikain sa mga oras na 'yon. Ninguya ko ang hipon at humalukipkip. Mabilis kong pinasadahan ng tingin ang grupo ng babaeng maiingay. Hindi ko pa nakita ang mukha nila, o baka hindi ko pa sila nakasalubong sa hallway. Hindi pa ako tapos sa pagtingin sa mga babae nang bigla na lang bumaling ang mukha ko sa kaliwa. Ramdam ko ang pag-init ng kanang pisngi ko sa hapdi. "You shameless b***h!" sigaw ng babae. Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim. Unang beses na may sumampal sa aking estudyante. Naningkit ang mga mata ko nang mas lalong tumahimik ang buong kalinderia matapos ang malutong na sampal na 'yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD