Chapter 2

1845 Words
Matapos ang libing ni Teresita, hindi na muna ako pumasok ng ilang araw. Inasikaso ko ang bayarin sa libing. Hindi kasi naisip ng matanda na mamamatay siya nang maaga kaya walang naiwan na plano kung sakaling matigok. "Hindi ka papasok?" Kinunot ko ang noo at mas pinagbuti ang pagbabasa sa isang papeles tungkol sa last will ni Teresita. Hindi ko alam na pumirma pala siya ng last will. Nagulat nga ako nang may nagpunta ritong abogado no'ng isang araw para sabihing minana ko raw ang Lanling Land Property na nakapangalan kay Teresita. "Jemima." Busangot akong tumingin sa nag-iingay na cellphone sa may tabi. "Manahimik ka, pwede?" Saka binalik ang tingin sa papeles. "Intramurals na next week. Kung hindi ka pa papasok, baka hindi ka makakasali sa try-outs. Alam kong gusto ---" "Ayoko na sa basketball. Graduate na ako riyan." "Jemima." "Ano ba, Alferes? Kita mong may binabasa ako ngayon!" Ilang segundong natahimik ang kabilang linya. Narinig ko nalang ang pag-ikhim niya. "Wala ako riyan kaya hindi ko kita." "Tumahimik ka nga lang! L*ntek na 'yan." 'Yon nga. Narinig ko na ang buzz. Doon na ako nakahinga nang maluwag. Kanina pa tawag nang tawag si Alferes, 'yong kababalik ko lang na kababata mula sa hindi ko maalala kung saan, at gusto niya akong pumasok ngayong linggo dahil may try-outs ang basketball. Alam kasi no'n na mahilig ako sa basketball no'ng bata pa kami pero hindi niya alam na hindi ko na hilig ang larong 'yon. Bumuga ako ng hangin at pinagpatuloy ang pagbabasa. Kaso, wala ring pumapasok sa utak ko kaya binaba ko nalang ang papeles at natulala sa pader nang ilang minuto. Bumalik lang ako sa huwesto nang marinig ko ang boses ni Nicanor sa labas ng pinto ng kuwarto ko. "Lumabas ka na," sabi niya. Pagtingin ko sa orasan, pasado alas-dose na ng tanghali. Nilagay ko ang papeles sa mesa at lumabas sa pinto. Dumulog ako sa hapagkainan at tahimik na kumain. Ilang minuto lang ay nagtanong si Nicanor. "Pumirma ka na?" Tumango ako. Pumirma na ako sa papeles, bilang tanda ng pagsang-ayon at pagtanggap ko sa mana. Kaso hindi ko pa nababasa nang buo ang nakasulat kasi dumudugo ang ilong ko habang binabasa ang mga legal na termino. "Pumasok ka bukas," utos niya. Napatingin ako sa kaniya. Nakatingin lang siya pababa sa pinggan niya at panaka-nakang sumusubo. Napasandok at napasubo tuloy ako sa sinabi niya. Bigla yatang umiba ang ihip ng hangin? Hindi siya 'yong tipong nangingialam sa buhay ng anak niya. Hindi na ako umimik. Tahimik lang akong kumain. Kaso nagsalita si Darina. "May lakad kami mamaya. 'Wag kang lumabas ng bahay." "Sa'n kayo?" Nag-angat ng tingin si Darina sa akin, saka masamang tiningnan si Nicanor. "May aasikasuhin lang kaming importante ng tatay mo." Nagkibit-balikat ako saka nagpatuloy sa pagsubo. Nakapagtataka ngang naunang tumayo si Nicanor at nilagay ang pinagkainan sa lababo. Aba, sa aming tatlo, ako ang unang tumatayo't natatapos sa pagkain. Tiningnan ko lang ang papalayong bulto ni Nicanor. Napailing ako. Wala akong balak na lumabas ng bahay pero mamayang hapon, kailangan kong magpunta sa manukan para magpakain ng mga manok. Titingnan ko rin ang mga tilapia sa palaisdaan dahil sa susunod na linggo ay aanihin ko na ang mga 'yon. "Wag kang lumabas ng bahay, Jemima," paulit-ulit na paalala ni Darina. Ngumuso ako, hindi nagsalita habang tinatanaw silang maglakad papunta sa sakayan ng tricycle sa kabilang kanto. Nakakarindi na rin ang paulit-ulit na salita ni Darina. Para bang takot na iwan ko ang bahay niya. Pumasok na ako sa loob ng bahay at nanood saglit ng telebisyon. Pagpatak ng alas-kuwatro ng hapon ay nagbihis na ako. Tiningnan ko rin kung naroon pa ba ang susi ng kuwarto ko sa may paso sa balkonahe. Baka kasi matagalan ako sa LLP at maunang umuwi sina Darina. Mahilig pa naman 'yong sumarado ng pinto. Palubog na ang araw nang lumabas ako sa bahay. Pantay na ang sinag ng araw sa mga bahay-bahay. Malamig na rin ang simoy ng hangin. Nakita ko ang ilan sa aming mga chismosang kapitbahay na nagdidilig ng halaman sa mga bakuran. Hindi rin nakaligtas sa pandinig ko ang pagputak ng mga bibig. Sabi ko na, may lahi yatang manok ang mga tao rito. Hindi ko na pinansin ang mga bulungan at binilisan ko na ang hakbang patungo sa manukan. Nanatili na muna ako saglit sa upuang kawayan sa lilim ng bayabas, sa tapat lang ng may kalakihang manukan. Ninamnam ko ang marahang sinag ng papalubog na araw na tumama sa balat ko. Napangiti ako. Ilang minuto akong nanatili doon bago pumasok sa manukan at pinakain ang mga manok. Pagkatapos, nagpunta ako sa palaisdaan at nagsaboy ng pagkain sa tubig. Narinig ko nalang ang ingay ng mga tilapiang nagsisikain. Bahagya akong umatras dahil sa tilamsik ng tubig. Madilim na nang nagpasya akong umuwi sa bahay. Gaya ng inasahan ko, nakasarado na ang pinto kaya wala akong nagawa kung hindi umikot sa likod-bahay. Naghanap ako ng hagdan at buti na lang, 'yong hagdan ni Petchi-Petchi na kapitbahay ko ay nasa gilid lang ng maliit na bakod niya. Kinuha ko 'yon nang walang paalam at ginamit pang-akyat sa balkonahe. Ginamit ko ang susi sa may paso at binuksan ang nakasaradong munting pintuan ng balkonahe. Nagulat pa si Darina nang makita akong bumaba sa hagdan. Hindi niya ako tinigilan hangga't hindi ko sinabi kung paano ako nakapasok sa kuwarto. Kaya sinabi ko nalang ang sikreto ko kung bakit nakakapasok ako sa bahay kahit pa nakasarado na ang pinto. "Sa susunod, kumatok ka sa pinto. 'Wag ka nang umakyat sa balkonahe," sabi niya. Napaismid ako. Kung hindi niya sana ni-lock ang pinto, hindi ako mapipilitang umakyat sa likod-bahay. Hindi na ako umimik kasi nawalan na ako ng gana matapos umakyat. Muntik na akong mahulog kanina, buti nalang at kumapit ako nang mabuti. Wala nang nangyaring kakaiba sa gabing 'yon. Basta nagising nalang ako kinabukasan na tirik na ang araw. L*ntek. Nagmadali akong bumihis at tumakbo sa sakayan ng tricycle. Tatlumpung-minuto na akong huli sa klase nang maabot ko ang Community College. May l*ntek pang babae na pahara-hara sa daan. Ayun, binangga ko. Nahulog ang dala niyang mga libro sa sahig at hindi na ako nag-atubiling huminto para tumulong sa pagpulot ng mga libro. Narinig ko nalang ang nag-aalalang tanong ng kasama niya. "Ayos ka lang, Francine? Sorry kay Jemima. Sadyang masama ang ugali no'n." Napangisi ako sa sinabi ng kasama niya. Alam na talaga ng lahat na masama ang ugali ko kaya hindi na sila nag-aksaya ng oras para bumangga sa akin. Kapag nando'n ako sa hallway, binibigyan nila ako ng daan para makadaan at kapag may isang pahara-hara, talagang nababangga ko -- binabangga ko. Pagdating ko sa klasrom, nakita ko ang Professor kong nagtuturo ng Crop Production. Tahimik akong pumasok sa loob at buti nalang hindi ako sinita ng Professor. Umupo ko sa upuan ko sa likuran saka tumingin sa harap. Naks, masamang nakatingin ang Professor sa akin. "Late again," singhal niya. Hilaw akong ngumisi sa kaniya. "Kakagising ko lang, Sir." "That excuse again?" Nagkibit-balikat ako. Bumuntong-hinga siya at binuklat ang librong binabasa niya. "Kapag na-late ka pa, I'll drop you, Miss Cruz." "Okay." "Testing my patience?" Umiling ako at tinikom ang bibig, pero hindi nawala ang munting ngisi sa mga labi ko. Doon lang mas lalong namula ang mukha niya sa inis. "I'll tell your father about this." "Pareho kaming late ngayon." Bumuga siya ng hangin at pinagpatuloy ang pagbabasa. Sus, sasabihin niya kay Nicanor? E, pareho lang naman kaming late comer ng isang 'yon. Sadyang mataas lang ang posisyon niya sa Community College na 'to kaya napapalampas, pero kung iisipin, walang karapatang magalit si Nicanor sa pagiging late comer ko kasi late comer rin naman siya. Ilang oras akong nakinig sa lecture ni Professor, at limang minuto bago matapos ang oras niya ay nagpaalam na siya. Nasusura siguro sa mukha kong walang gana sa subject niya. Talaga namang nakakaantok ang pagtuturo niya. 'Yong mga classmates ko nga, kinukurot na 'yong mga braso at hita para hindi makatulog sa klase. "Jemima." Napaupo ako nang maayos nang marinig ko ang boses ni Alferes. Nag-angat ako ng tingin sa kaniyang nakatayo sa gilid ko. "Ano?" "Sabay na tayo sa kantena." Humikab ako at nag-unat-unat. "Akala ko ba busy ka ngayon? President ka 'di ba? Intrams na sa susunod na linggo." "Wala kang balak kumain ng tanghalian?" Umiling ako. "Wala akong balak sumabay sa 'yo." Imbes na mainis sa sagot ko, tumawa nang malakas si Alferes. Napairap tuloy ako. Alam naming dalawa na walang epekto ang pambabara ko sa kaniya. Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang pagiging happy-go-lucky niya. Ibig kong sabihin, kahit ilang banat at pang-aalipusta ang ibato ko sa kaniya, para bang wala siyang pakialam? Hindi siya nasasaktan sa pinagsasabi ko. Kakaiba nga. 'Yong iba, kanina pa siguro lumabas ng klasrom dahil na-offend ko raw. Tch. "May prayer meeting kami mamaya, Jem. Gusto mong sumama?" aya ni Alferes. Tumayo ako at kinuha ang backpack. Sinukbit ko 'yon sa likod at naglakad palabas ng klasrom. Nakasunod lang si Alferes at wala yatang balak na tigilan ako. "Busy ako," palusot ko sa kaniya. Pero totoo namang abala ako sa LLP. Sa susunod na linggo ang anihan sa palaisdaan kaya kailangan kong ihanda ang mga isda. Papakainin ko sila nang marami para bumigat naman kahit paano. Sobrang baba ng presyo sa anihan, tapos kung ibebenta sa palengke, triple sa presyo ko. Akala siguro ng mga 'yon na hindi ko alam kung paano nila tinataas ang presyo ng mga isda sa palengke. Pero hindi ko na problema 'yon. Ang problema ko ay kung paano bumigat ang mga isda para tumaas naman ang benta ko. "Sige. Sa susunod nalang siguro." Marahang ngumiti si Alferes. Hindi na ako umimik. Hinayaan ko na lang siyang maglakad nang sabay sa akin. Plano ko ngayong tanghalian na magpunta sa labas, doon sa kalinderia. Gusto kong kumain ng hipon kaso itong si Alferes, aali-aligid. Alam kong alergic siya sa hipon kaya bahala siya kung aatake na naman ang sakit niya kapag bibili ako ng hipon sa kalinderia mamaya. "Mr. President!" Nahinto ako sa paghakbang. Nakita ko sa gilid ng mata ang paghinto rin sa paghakbang ni Alferes. Sabay kaming lumingon sa likuran at nakita ko ang Vice-President ng SSG. Si Fiona, 'yong babaeng may kapayatan at maiksing buhok. Huminto ang babae sa harap ko at ngiting tumingin kay Alferes. "Approve na ang resolution mo. Pwede nang buksan ng mga club ang audition para sa intramurals." "Good." Ngumiti si Alferes. "Magtanghalian ka muna." Umiling si Fiona. "Kakatapos ko lang." Tumingin siya sa akin. "Oh, kasama mo pala si Jemima. Hi, Jem!" Hilaw akong ngumiti. Hindi ko gusto si Fiona. Ewan, ayaw ko lang sa mukha niyang palaging nakangiti. Pareho lang sila ni Alferes na palaging ngumingiti, pero alam ko naman kung bakit palaging nakangiti si Alferes. Hindi ko lang alam kung bakit palaging nakangiti si Fiona. May kakaiba rin sa mga ngiti niya. Pero wala akong pakialam sa ngiti na 'yan. Walang sabi akong tumalikod at nagpatuloy sa paghakbang papunta sa gate. Naramdaman ko naman ang pagsunod ni Alferes. #071720.3.31A #050521.R
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD