"Pwede na ba akong pumasok?"
Nag-angat ako ng tingin kay Alferes na basang-basa dahil sa ulan. Nitong mga nakaraang araw ay patuloy sa pagbuhos ang langit nang walang palya. Nakasuspende na rin ang klase sa Sudtonggan. Tumingin ulit ako sa kaniya saka tumango.
Pinagpag niya ang suot na damit. "Ilang araw mo na bang tinatrabaho iyan?" tanong niya bago pumasok sa loob ng kubo.
Rumulyo ang mga mata ko sa kaniya saka binaba ulit ang tingin sa folder na hawak. Pinag-aaralan ko kung paano mapalago ang negosyo sa LLP. Hindi ko alam pero bigla na lang nagkasakit lahat ng sisiw na binili ko noong nakaraang araw, at natigok pati na ang mga tandang na nakawala sa hawla.
Nagtanong-tanong ako sa kalapit na bahay kung may nakita silang kakaiba o kahina-hinalang tao na pumasok sa LLP, dahil baka mamaya niyan ay nagpupuntirya sa mga alaga ko nang hindi ko alam. Pero ang mga magaling ay tikom ang bibig at nagbiro pang karma ko raw iyon sa pagiging pasaway na bata.
Sinabuyan ko ng maruming tubig ang mga chismosang kapitbahay, at ayon nga, ako na naman ang laman ng tsismis sa buong baranggay. Natampal ko ang sariling noo. Ilang beses na akong nagtimpi sa mga iyon dahil may mas mahalagang bagay pa akong tinatrabaho at wala akong panahon para maging basagulera.
"Gusto mo ba ng suman?" aya ni Alferes at inabot sa akin ang suman. Nakita ko pang umuusok iyon. Napalunok ako nang kumalam ang sikmura ko. Ah. Nalimutan kong kumain ng tanghalian.
Tinanggap ko ang inabot niya at sinubo. Kunot-noo ko na namang binaba ang tingin sa folder. Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras, hanggang sa tumila na ang ulan. Pag-angat ko ng tingin ay nakita kong madilim na ang paligid. Pero natigilan ako nang makita na natutulog si Alferes habang nakahiga sa lanai. Mabilis kong niligpit ang mga gamit at inabot ang payong.
Humakbang ako paalis ng kubo, pero maya-maya pa ay tumalikod ako at humakbang pabalik. "Alferes," tawag ko sa kaniya.
"Ah, Jemima?" Napabalikwas siya ng upo saka tumingin sa labas ng kubo. "Hatid na kita," aniya saka kinuha ang payong mula sa kamay ko.
Hindi niya ako binigyan ng pagkakataong magreklamo dahil hinila niya ako palabas ng kubo at pinasukob ng payong. "Ilang oras na akong tulog?" tanong nito.
"Malay ko!" asar kong sambit saka kunot-noong tumingin sa harap.
Nagbaba ng tingin si Alferes sa akin. "Naiinis ka na naman. Sabihin mo nga, pinaglihi ka ba sa sama ng loob?"
"Baka nga!"
Hindi ako naiinis kay Alferes dahil nakadirekta ang inis ko sa lubak-lubak na daan. Butas-butas ang kalsada at may naipong tubig sa mga iyon. Nahihirapan akong maglakad nang diretso dahil sa mga iyon, at hindi mahaba ang pasensya ko. Hindi ba nagkaroon ng road construction noong nakaraang buwan? Aba, ambilis naman yata masira ng bagong kalsada. Parang sa isang kisap-mata ay lubak na naman.
"Zander!"
Napahinto ako nang may tumawag kay Alferes. Maging ang lalaking nakatayo sa gilid ko ay napahinto at napalingon sa tumawag. Ngayon ko lang nakita ang mukha ng bagong dating.
"Jerome," bati ni Alferes. "Anong problema?"
"May dalawang bagong tenants na gustong umupa sa apartment house," anito saka tumingin sa akin. "Hi, Miss. Kaibigan ka ba ni Zander?"
Tumaas ang kilay ko sa tanong niya saka humalukipkip. "Close ba tayo?"
"Heh." Natatawa niyang kinamot ang batok saka nag-iwas ng tingin. "Mauna na ako, bro!" Saka siya tumalikod at tumakbo palayo na parang asong bahag ang buntot.
"Anong problema no'n?" tanong ko habang nakatingin kay Jerome na tumatakbo tungo sa eskina, daanan papuntang Apartment House na pagmamay-ari ni Alferes. Saka ako nagpatuloy sa paghakbang pauwi ng bahay.
Hindi na rin umimik si Alferes sa tabi ko, pero maya-maya pa ay may tumunog ang cellphone niya. Nagpaalam siya saglit sa akin pero hindi ko na siya hinintay. Diretso na akong naglakad pauwi dahil kanina pa kumukulo ang sikmura ko. Nalipasan na naman ako ng gutom, pero mabuti na lang at may dalang suman si Alferes.
Habang papalapit ako sa bahay ay may nakita akong malaking pick-up na nakaparada sa tapat ng bahay ni Pechi-Pechi, iyong kapitbahay namin. Nakita ko rin ang isang lalaking matangkad at nakasuot ng de-kalidad na damit. Nakasandal siya sa hood ng pick-up at may kausap sa phone na nakadikit sa tainga niya. "Leave these things to me. Yes, I'll secure a signature in a month."
Tiningnan ko siya sa gilid ng mata habang naglalakad palampas sa kaniya, pero hindi ko akalaing nakatingin din pala sa akin ang lalaking iyon kaya nagtama ang tingin naming dalawa. Bahagya akong nahinto sa paghakbang dahil sa gulat, pero mabilis ko namang pinagpatuloy ang paglalakad.
Nitong nakaraang mga araw ay napapansin kong nag-iimpake si Pechi-Pechi. Mukhang ipagbibili na niya ang bahay. May narinig kasi akong tsismis na may sakit ang nanay ng babae kaya gustong umuwi ng matandang dalaga sa Bohol. Hindi ko lang sigurado kung ang lalaking iyon ang bibili sa bahay ni Pechi-Pechi. Pero sa klase ng tingin niya na parang binabasa ang pagkatao ko, parang gusto kong sumapak ng mukha. Ayaw na ayaw ko talaga na hinahamon ako sa titigan.
"Lanling Land is that important, huh? Even you sent your best man in this remote place," rinig kong sambit ng lalaki sa kausap nito sa cellphone.
Pero ang nakakuha ng pansin ko ay ang Lanling Land na tinutukoy niya. Hindi ba pangalan iyon ng land property na minana ko sa namayapang Teresita? Nahinto ako sa pag-abante.
"You sent at least five best agents but they did not move the owner's greed. What are you thinking? You think I can move an old man's heart?" Natawa siya. "What a lame honey trap."
Napakurap ako at napalingon sa lalaki. Old man? Akala ba niya na isang matandang lalaki ang may-ari ng Lanling Land? Seryoso ba ang boss niya?
Nagsalubong ang mga kilay ko pero nang mahagip ng tingin ko ang pamilyar na sasakyan ay bahagyang nangunot ang noo. Nang tingnan ko naman ang plate number ay para akong binuhusan ng malamig na tubig.
HIndi ba plate number iyon ng sasakyang muntik nang makasagasa sa akin no'ng lamay ni Teresita? Ibig sabihin, ang lalaking ito ang may-ari ng kotseng iyon?
HAH!
Kapag sinuswerte ka naman, oh. Tumaas ang sulok ng labi ko at humakbang palapit sa lalaki. Hindi ba gusto niyang bilhin ang Lanling Land? Heh.
Hindi pa kami quits ng lalaking ito, at sino siya para ibigay ko ang titulo ng lupa?