Chapter 8

1242 Words
Tagilid na ang araw sa kalangitan nang mahanap ni Alferes ang magaling na pitaka. Nando'n lang pala ang lintek sa opisina ni Nicanor. Nalimutan ko kanina. Pero kahit na ngiting inabot ni Alferes ang pitaka, hindi pa rin nawala ang init ng ulo ko. Marahas ko 'yong hinablot mula sa kamay niya. Hindi pa ako nagtatanghalian. Ala-una na at hindi magtatagal ay papasok na ang professor na may galit yata sa akin dahil ako 'yong laging pinupuntirya tuwing oral recitation. Kaya imbes na pumasok, tumigil ako sa harap ng classroom. Plano kong mag-cutting class para kumain sa kalinderya. Tumalikod ako pero mabilis na hinuli ni Alferes ang palapulsuhan ko. Kunot-noo ko siyang nilingon. "Ano?" inis kong tanong. "Sa'n ka pupunta?" Umikot ang mga mata ko sa eri at binawi ang palapulsuhan mula sa kaniya. "Kakain. Ano pa ba?" Kita kong napalunok si Alferes. Nagpalipat-lipat ang tingin niya mula sa pinto ng classroom at sa akin. Marahan akong natawa. "Wag kang plastik. Kung gusto mong kumain, tara." Saka ako tumalikod at humakbang patungo sa direksyon ng gate. Nakita ko na lang sa gilid ng mata ang pagsabay ni Alferes sa akin. Ngumisi ako. "President, nagka-cutting class?" pang-aasar ko sa kaniya. "Ikaw din naman." "Bakit? Kailan pa ako naging role model, ha?" Isang iling ang sinukli ni Alferes. Malaki ang ngisi ko habang binabagtas ang daan palabas ng community college. Sabay na rin kaming tumawid sa kalsada at humakbang patungo sa kalinderya ni Aling Josephine. Maalinsangan sa araw na 'yon. Puno ng alikabok sa kalsada na nililipad ng hangin sa kung saang direksyon. Napatakip ako ng ilong at bibig gamit ang kamay nang umihip ang hangin papunta sa amin. Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-abot ni Alferes sa panyo niya sa akin. Agad ko 'yong hinablot at tinakpan ang ilong at bibig. Nang tumingin ako sa kaniya, tinatakpan niya ang ilong at bibig gamit ang kamay saka nakakunot ang noo. Nangunot din ang noo ko. Wala talagang utak. Ba't niya ibibigay sa akin ang panyo kung mas kailangan niya 'yon? Hindi na ako nagkomento at binilisan ang hakbang tungo sa kalinderya. Nang makapasok kami sa loob ay binigay ko ulit kay Alferes ang panyo. Nagulat pa siya no'ng una pero kalaunan ay napakamot ng batok saka napangisi. "No need. Sa 'yo na 'yan." Umikot na naman ang mga mata ko. "Ang arte!" sabi ko saka sinuksok ang panyo sa bulsa ng saya. Isang tawa lang ang narinig ko sa kaniya. Ilang minuto ang tinagal namin sa loob. Nagtaka pa si Aling Josephine kung bakit huli na kaming nakakain. Kinuwento ko naman sa kaniya ang nangyari kanina at napangiti na lang ang ginang. "Sa susunod, 'wag mong kalimutan ang gamit mo," aniya. Hilaw na lang akong ngumiti sa matanda at pinagpatuloy ang pagkain. Pero habang sarap na sarap ako sa pagnguya, may nahagip ang mata ko na isang babae sa gilid ng kalinderya, malapit sa sulok kung nasaan ang mga bonsai. Nakatungo siya paharap sa direksyon ng mesa namin ni Alferes, pero hindi ako pwedeng magkamali dahil naalala ko pa kung pa'no niya ako muntik na sagasaan. Tumaas ang gilid ng labi ko habang inaabot ang bote ng cola. Tumungga ako habang nakatitig sa babae na tahimik lang sa sulok. "Jemima." Bumalik ang tingin ko kay Alferes. Tumaas ang kilay ko sa kaniya at binaba ang bote sa mesa. Umikhim siya. Namula bigla ang pisngi niya. Imbes na matunaw sa pagpapa-cute niya, nangunot ang noo ko. "Wag kang magpa-cute. Hindi ka cute!" sita ko, nakakunot pa rin ang noo. Nanlaki ang mga mata ni Alferes, lumubo ang pisngi, sumandal sa upuan, saka humalukipkip. "Hindi ako cute?" aniya. Tinaas ko ang kutsara sa direksyon niya. "Yang mukhang 'yan? 'Yang papula-pula ng pisngi? Sus! Mukhang siopao na nalagyan ketchup." Naubo siya. Nasamid yata. Napangisi naman ako at sumubo ng kanin, hindi alintana ang tingin ng ilang customer na naasiwa sa pag-ubo ni Alferes. "Azora," tawag niya, nanlalambing ang walang 'ya. "Bote ko 'yang dinampot at tinungga mo." Nahinto ako sa pagnguya at mabilis na napataas ng tingin sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko at akmang dudura nang mabilis na inabot ni Alferes ang mukha ko at tinakpan ang bibig. Ngumiti siya. "Wag mong gawin," babala niya. "Maraming kumakain," dagdag pa niyang pang-aasar. Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niya at wala akong nagawa kung hindi lunukin ang pagkaing nasa bibig ko. Inalis naman niya ang kamay saka ngiting tumitig sa mukha kong namumula sa inis. "Oh, ikaw na ang namumula riyan," patay-malisya niyang sambit saka kinuha ang bote sa gilid ko. Mukhang akin ang boteng 'yon. "Pero cute ka pa rin naman," dagdag niya. Nagusot ang mukha ko nang tumungga siya sa bote habang titig na titig sa akin. Pero sa klase ng tingin niya, halatang nang-aasar. Mas lalong sumama ang timpla ng mukha ko pero hindi na ako nagkomento. Bigla akong natamaan ng hiya habang nakatingin sa mamula-mulang mga labi ni Alferes. Nagpalitan kami ng laway gamit ang bote ng softdrink. Yuck! Nanginig ang katawan ko sa kaalamang 'yon saka pinilit kong tumungo. Hindi ko na pinansin si Alferes na maya-maya'y tinatawag ako. Nagpapansin ang lintek. Bigla, sumagi sa isip ko ang babae kanina. Mabilis akong nag-angat ng tingin at tumingin sa gawi nito kanina. Nando'n pa rin ang babae pero hindi na siya sumusubo. Nakatungo pa rin pero kita kong yumuyugyog ang balikat na parang umiiyak. Natigilan ako. Naningkit ang mga mata. Umiiyak siya? Aba. Malungkot pala ang babaeng ilang araw ko na ring minumura. "Kilala mo si Katerina?" biglang tanong ni Alferes. Napabaling ako sa kaniya. "Katerina?" "Yeah. Nanalo siya sa Miss Intramurals last week." "Miss Intramurals?" Tumaas ang kilay ko. May gano'n ba? Natawa bigla si Alferes at pinisil ang dulo ng ilong ko. Inis kong tinapik ang daliri niya. Nagkibit-balikat siya. "Hindi ka pumasok last week. Third year Educ student 'yang si Katerina. Tinaguriang pinakamagandang babae sa campus." Mas lalong tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Tumingin ulit ako sa babae. Nakita kong nililigpit na niya ang gamit sa mesa, sabay bitbit sa shoulder bag nito palabas ng kalinderya. Nakatungo pa rin itong habang lumalabas. Naningkit ang mga mata ko. Hindi kaya siya matatapilok o mababangga sa poste niyan? "Pinakamagandang babae, huh?" sabi ko, puno ng sarkastimo sa boses. Minsan na akong nagpunta sa isang pageant sa baranggay. Puro maiingay 'yong mga lalaki no'n at panay ang sitsit sa mga babaeng naka-posing sa stage. Pinipigilan ko nga ang sariling sumapak ng nguso. Baka ako pa ang mapagpiyestahan ng mga tao at mawala ang spotlight sa babaeng naiiyak habang tinatanggap ang reward dahil siya raw ang nanalo. Most dazzling girl daw siya. E, hindi naman maganda. Hindi elegante. Hindi makinis. Buhaghag pa ang buhok. Malalaki pa ang mga matang namumula na parang naka-high. Saka malaki ang balakang. Para ngang nanganak na, e. Kaya hindi na ako naniniwala sa beauty pageant na 'yan. Sus, wala namang standard. Kung sino lang 'yong natipuhan ng judge, siya na 'yong mananalo. Bonus points kapag may pasahan ng pera sa ilalim ng mesa. "Hindi ka naniniwala? Subukan mong basahin ang school paper," suhestiyon ni Alferes. Tinaas ko ang kamay saka inayos ang nagulong buhok dahil sa dumaang hangin. "Bakit? Talaga bang maganda ang babaeng 'yon para bigyan ko siya ng oras na hanapin ang mukha niya sa school paper?" Natawa si Alferes saka nagkibit-balikat. "Maganda naman si Katerina." "Sus --" "Pero mas maganda ka," sabi niya sabay tayo at humakbang palabas ng kalinderya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD