Chapter 7

1325 Words
Lumipas ang ilang araw na tahimik ang buong community college. Wala na ang mga frat na palaging tumatambay noon sa bawat sulok. Hindi ko na rin naririnig ang usap-usapan tungkol sa lider ng bawat frat at naging normal na sa mga mata ko ang makitang may nagbabasa sa bawat gilid ng paaralan. Pero kung gaano katahimik at kapayapa ang loob ng community college, kabaliktaran naman sa opisina ni Nicanor. Halos araw-araw na akong pinapatawag sa opisina niya dahil may mga walang 'yang broker na gustong makapag-close ng deal sa akin. At bawat isa sa kanila ay pare-pareho lang ang lumalabas sa bibig --- ipagbili ang Lanling Land Property. L*ntek. Sa ikalimang araw ko sa opisina ni Nicanor, naputol na ang mahabang pasensya ko. Binulyawan ko ang lalaking dilat na nakatitig sa akin. "Labas!" sigaw ko at tinuro ang pinto. Hindi nagdalawang-isip ang lalaki na lumabas ng opisina ni Nicanor. Tahimik lang naman ang huli pero pansin ko ang gulat sa mga mata niya. "Jemima," tawag ni Nicanor. Binigay ko sa kaniya ang pinakamatalim kong titig. Natigilan siya. Diin na ang ngipin ko sa inis. "Pwede ba, 'wag ka nang magpapasok dito ng mga walang 'ya? Hindi ko ipagbibili ang lupa at kapag ipapatawag na naman ako sa puputsugin mong opisina, talagang kikilitin ko na ang sinumang broker na 'yan!" "Huminahon ka." Ilang ulit akong huminga nang malalim saka walang sabing lumabas ng opisina niya. Hindi ko na maatim na manatili pa sa loob ng opisina ni Nicanor. Wala naman talaga siyang pakialam sa akin noon pa man, pero simula nang nagsulputan ang mga broker na 'yon, para bang naging tulay sila para mag-usap kami ng matino ni Nicanor. Hindi pala. Ayaw ko nang matinong usapan kaya puro bulyaw ang natatanggap ng mga taong 'yon sa akin. Bumuga ako ng hangin pagkalabas ko ng opisina. Maalinsangan sa araw na 'yon. Tirik ang araw. Tanghaling tapat. At sinabayan pa ng kumukulo kong dugo dahil sa nangyari kanina. May test kami sa isang subject at dahil pinatawag ako, bibigyan ako ng special quiz ng Professor at inabisuhan akong magpunta sa community college sa Sabado. L*ntek talaga. Kung hindi sana ako pinatawag, malamang hindi ko na kailangang magpunta sa Sabado. Naglakad ako pabalik sa silid-aralan na may mahabang nguso. Napapatingin pa sa akin ang bawat estudyanteng nakakasalubong ko pero wala akong pakialam sa mga titig nila. Ang akin lang, makabalik ako sa classroom at makuha ang baon kong pera. Alam kong lunch break na kaya gusto kong lumabas at magpunta sa kalinderia ni Aling Josephine. Kaso, wala na ang wallet ko sa loob ng backpack. Hinanap ko pa sa pinakailalim ng bag pero wala talaga. Nangunot ang noo ko at nilibot ang tingin sa paligid. Aba, hindi ko inakalang may magnanakaw ng wallet ko sa community college na 'yon. Hindi na elementary ang mga kaklase ko para magnakaw. Pero baka literal talagang walang hiya ang magnanakaw na 'yon na ako pa mismo ang ninakawan. Naglapat ang mga ngipin ko sa inis. Makakatikim talaga ang magnanakaw na 'yon! "Alferes!" sigaw ko saka padabog na nagmartsa palabas ng classroom. Hinanap ko ang magaling na lalaki sa field pero wala siya ro'n. Bigla kong naisip ang opisina niya kaya walang pagdadalawang-isip akong nagmartsa papunta ro'n. Hindi nga ako nagkamali. Nakaupo siya sa likod ng malaki niyang mesa at nagsusulat ng kung ano. Tumunghay siya sa akin at ngumiti nang magtama ang tingin naming dalawa. "Jemima." Mabilis siyang sumulyap sa wall clock sa gilid. "Tanghali na. Mukhang hindi ka pa nagtanghalian." "Talagang hindi!" singhal ko. "May nagnakaw ng wallet ko!" Nangunot ang noo niya. Ilang segundong nag-isip saka kalmadong nagsalita. "Baka nalagay mo lang kung saan, Jemima." Nagusot ang mukha ko sa sinabi niya. Dinuro ko siya. "Tulungan mo akong hanapin ang walang 'yang magnanakaw at ipapakain ko sa kaniya bawat sentimo sa pitaka kong 'yon!" "Jemima." Umikhim si Alferes saka hilaw na ngumiti sa akin. "Huminahon ka muna." Naging isang linya ang mga labi ko sa sinabi niya. Pareho lang sila ni Nicanor. Gusto nila akong huminahon pero hindi ko alam kung pa'no maging mahinahon sa oras na 'yon! Nando'n sa wallet ko ang mga ID cards ko at hindi pwedeng mawala ang mga 'yon! Ilang beses akong nagpabalik-balik sa munisipyo para lang makakuha ng ID card at mawawala lang dahil sa isang magnanakaw? Hah. Nagkakamali siya ng binangga! Ilang ulit na naman akong huminga nang malalim bago umupo sa upuan na para sa mga bisita. Tiningnan ko si Alferes. Nakatingin lang din siya sa mukha ko kaya pinaningkitan ko siya ng mga mata. "Ano na?" inis kong tanong. "Hindi pwedeng tutunganga ka lang diyan. Kailangan kong mahanap ang pitaka kong 'yon at hambalusin ang walang 'ya!" "Tutulungan kita, 'pag huminahon ka." Sa unang pagkakataon, sinunod ko nang matiwasay ang utos ni Alferes. Huminga ako nang malalim, tumingin sa sahig, at tumahimik nang ilang segundo. Nakita ko sa gilid ng mata ang pagngiti niya kaya kinuyom ko ang kamao para pigilan ang sariling bulyawan ang nakangiting mukha ni Alferes. "Hindi ko alam na... mas gumaganda ka 'pag nakatikom ang bibig mo." Napamura ako sa sinabi niya. Matalim ko siyang tiningnan pero hindi man lang nabawasan ang ngiti sa mga labi ni Alferes. Maya-maya pa ay bumuntong-hinga siya at tumayo. Niligpit niya ang nakakalat na mga papeles sa mesa niya, saka naglakad palapit sa akin. Tumayo siya sa harap ko. Napatingala naman ako sa kaniya at taka siyang tiningnan. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko saka tinulungan akong tumayo. At dahil mas matangkad siya, kailangan ko pa ring tumingala sa kaniya kahit pa tinayo na ako ni Alferes. Bumagsak ang balikat ko sa eksenang 'yon. Kahit nakaupo o nakatayo, literal akong titingala kay Alferes. Sumama ang loob ko sa isiping 'yon. "Tara na," aya niya saka naunang lumabas ng maliit na opisina. Bumuntong-hinga ako saka inayos ang sarili bago humakbang pasunod sa kaniya. Pero nang lumapat ang mga paa ko sa labas, nakita ko si Fiona. Kausap niya si Alferes at malaki ang ngiti sa mga labi. Naningkit ang mga mata ko. Noon pa man, alam kong may motibo si Fiona sa tuwing lumalapit siya kay Alferes. Sadyang mas matingkad pa sa kulay pula ang motibong 'yon sa harapan ko habang pinagmamasdan ko siyang kausap si Alferes. Napangisi ako. Dahil kanina pa ako nangangating bumulyaw, lumapit ako sa kanila at umikhim. Sabay na napatingin ang dalawa sa akin. Tumaas ang sulok ng labi ko saka nagtanong. "Anong pinag-uusapan niyo?" Nangunot ang noo ni Alferes dahil sa biglaang pag-iba ng tono ko, habang lumawak naman ang ngiti sa mga labi ni Fiona. Tinaas ni Fiona ang hawak na papel. "Tinatanong ko lang kay Zander ang pangalan ng bagong club." Lumampas sa akin ang tingin ni Fiona at nanatili ang tingin niya sa pintuan ng opisina sa likuran ko. "Pumasok ka sa loob?" "Mmm." Tumango ako at malisyosong ngumiti kay Alferes na ngayon kay kunot-noong nakatingin sa akin. "May business lang kaming inatupag ni Alferes." Nagpalipat-lipat ang tingin ni Fiona sa akin at kay Alferes. Maya-maya pa'y umikhim siya at hilaw na ngumiti. "Gano'n ba? Pwede mo akong puntahan kung kailangan mo ng tulong mula sa officers," alok ni Fiona. "Wag na," tanggi ko saka ngiting bumaling kay Fiona. "Wala namang kwenta ang opisina ng Vice President. Pagbalik-baliktarin man ang college na 'to, isa lang namang aso ang opisina ng VP." Pabiro kong dinilat ang mata saka humagikgik. "Hindi pala. Dekorasyon lang 'yong opisina ng VP kaya wala akong planong pumasok do'n. Isa pa, hindi humihingi ng tulong ang isang Cruz." Nawalan ng kulay ang mukha ni Fiona kaya mas lalong lumawak ang ngiti sa mga labi ko. Pagkatapos, bumaling ako kay Alferes nang walang ngiti sa mga labi. "Gawin mo lahat para mahanap ang magnanakaw. Akong bahala sa kaniya at hindi ka dapat makialam kung anong gagawin ko sa walang 'ya." Saka ako humakbang palayo. Ramdam ko pa ang dalawang titig sa likuran ko. Isa ay nalilito, habang 'yong isa ay nagpupuyos sa galit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD