I’m not used to this kind of life. Lumaki ako sa siyudad at mas namulat sa lugar kung saan makikita ang mga nagsisitaasang gusali, eleganteng mga establishements, at mga imprastrakturang abot-langit ang tayog. Sanay ako sa ingay ng mga sasakyan, sa ugong na likha ng mga tren, at sa mga taong hindi magkanda-ugaga sa kahabaan ng kalsada. Sa loob ng labing walong pamumuhay ko, iyon lamang ang nakasanayan kong maranasan— ang maging ordinaryo sa mundong pinupunan ng gulo.
Not until Papa came once again in my life.
Hindi ko inakala na pumayag si Mama ukol dito at hayaan akong maging alagad ng gobyerno. Kahit sabihin pang maliit na posisyon iyon kumpara sa ibang puwesto, batid kong training ground nila sa akin ito bilang isang baguhan. Hindi sarado ang isip ko upang hindi ito mapansin. Simula’t sapul ay alam na nilang hindi ko ito susunggaban pero kahit iyong taong pinagkakatiwaalan kong lubos ay hindi na rin kumampi sa akin.
Halos tatlong araw din akong nagmukmok sa aking kwarto at wala ni sinong pinansin. Lola has been very vocal of her frustrations while Papa has telling her to let me realize everything. Hindi man ako nakasasabay sa kanila tuwing umagahan at hapunan, alam kong ako ang laman ng usapan dahil mismong katulong na ang nakukwento sa akin. Buti na lang dahil kahit paano’y kasundo ko si Aling Judea.
Mabait si Aling Judea. Naalala ko si Mama sa kaniya dahil halos kasintanda niya rin ito. Walong taon na raw siyang katulong dito at masasabing pinagkakatiwalaan na ng angkan nina Papa. Minsan, sa tuwing nagkukwento ako sa kaniya patungkol sa iritasyon ko sa pagtakbo bilang SK Chairman, naiiyak na lang din siya at lalapitan ako upang yakapin. Wala siyang anumang sinasabi kapag nagra-rant ako dahil mukhang alam niyang tagapakinig lang sa problema ko ang tangi kong kailangan.
“Miss Raphia, ipinag-uutos ni Papa mo na kailangan mo na raw magbihis. Aalis raw kayo’t may pupuntahan,” ani Aling Judea sa umaga nitong Miyerkules. Halos kagigising ko pa lang nang subukan kong lumingon sa orasan at nangunot-noo mula sa narinig.
Dali-dali akong umupo sa kama. Pagpasok niya at pagkasara ng pinto ay saka ako nagtanong.
“S-sigurado po? Saan daw kami pupunta?”
Naglakad siya patungo sa tukador at may kung anong inayos doon. Hinahawi ko pa ang buhok ko nang sagutin niya ang tanong ko.
“Wala akong ideya kung saan, Miss. Pero sigurado akong mag-aalmusal kayo sa ibang lugar. Hindi kasi ako pinagluto eh.”
Napalunok-lunok ako dahil sa kaba. Mula kasi noong linggo ay hindi na ako nagkaroon pa ng pisikal na koneksyon kay Lola at Papa. Hindi lang dahil sa iritasyon ko kundi dahil na rin sa hiya kong makipag-interact sa kanila. I mean, kahit kasi pagbaliktarin ko ang mundo, mas nakatatanda pa rin sila at dapat kong humingi ng tawad mula sa mga pabalang na sagot ko sa kanila.
But heck, I won’t do that. I won’t apologize just because of that mistake. Aware naman ako roon but I find it unfair kung ako lang ang hihingi ng tawad. They know my interests and hates. Alam nilang kapahingahan din ang dahilan kung bakit sumama ako sa kanila. Hindi man ganoon kalapit ang Isla Capgahan sa puso ko, sumama ako dahil minsan lang din mag-request si Papa.
Pagkalabas ni Aling Judea ay malalim akong humugot ng hangin. Sandali akong pumikit upang kalmahin ang tahip ng dibdib. Paglipas ng isang minuto, minabuti ko nang tumugo sa bathroom upang humanda sa sinasabing lakad. Pagkatapos ay isinuot ko ang casual outfit na yellow shirt at denim pants.
I also tied my hair in a high ponytail. Isinuot ko ang necklace na regalo sa akin noon ni Mama noong araw ng aking debut saka pinakatitigan ang sarili sa harap ng human-sized mirror. Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ko at napansing halata sa mga eyebags ko na puyat ako. Bahala na. Hindi naman ako pupunta sa beauty contest para magpaganda.
Dala ko ang bigat ng loob nang lumabas ako ng kwarto. Pagbaba ko sa sala, naroon na si Papa. Saglit na tumaas ang isa kong kilay nang makitang dilaw din ang t-shirt niya. God. Balak ko na sana umatras at bumalik ng kwarto upang magpalit ngunit tumayo na siya pagkatama ng aming mga mata.
“Mabuti at pumayag kang sumama? Inimbita tayo ng Trivino para saluhan sila sa almusal,” kaswal niyang sambit na para bang hindi kami nagkatampuhan nitong nakaraan. “Tara na’t kanina pa raw tayo hinihintay.”
Na-pressure akong hindi na bumalik ng kwarto. Sa halip ay sumunod ako sa mga hakbang niya nang magsimula na siyang maglakad palabas patungo sa nakaparada na niyang sasakyan. Habang naglalakad, pilit kong hinahanap ang presensya ni Lola. Sigurado hindi siya sasama kaya hindi ko nakikita.
Tahimik akong pumasok ng kotse nang pagbuksan ako ng front seat. Pagkasara ng pintuan ay kaagad akong lumingon sa bintana upang hindi siya mahagip ng aking paningin. Isa na yata ito sa mga awkward na pangyayaring hindi ko malilimot sa bwisit na buhay na `to. Mauunawaan ko pa kung tatalakan niya ako ukol sa naging ugali ko pero ano `tong cold treatment niya sa akin?
Kagyat kong ibinaba ang windshield nang simulan nang imaneho ni Papa ang kotse. Kumaway ako kay Aling Judea na sumadya pa sa gate upang buksan at bigyang daan ang sasakyan. Kung kasama lang talaga siya sa lakad na ito ay baka maibsan pa ang nararamdaman ko. Paano kaya kung i-request ko ito sa mga susunod?
“Ipakikilala na kita sa mga kapartido natin, lalo na kay Rio Trivino,” seryosong wika ni Papa sa gitna ng pagmamaneho. Nasa main road na kami ngunit nanibago ako dahil walang gaanong sasakyan. Walang kabigat-bigat sa traffic. Ibang iba ito sa usual na na-e-encounter ko sa Manila.
Nagsalubong bigla ang kilay ko at marahang napalingon sa kaniya.
“Rio Trivino?”
“Siya ang secretary sa partido niyo, pamangkin ni Trino Trivino at Carrie Dalisay. So please… please be nice to him. Kahit para lang sa’kin.”
Trivino… Kahit naririnig ko pa lang ang apelyidong iyon ay tila ba tumitingala na ako. Kitang kita kasi mula sa amin ang lawak ng rancho nila. Hindi rin nakatakas ang mansyon at hacienda na sa unang tingin ay talagang masasabing pagmamay-ari na ng mga yayamaning angkan dito sa isla. Pero bakit ganoon? Kung higit na mas matayog ang estado nila sa buhay, bakit mas mataas ang posisyon ko sa Rio na iyon?
Napansin kong bumagal ang takbo ng sasakyan ni Papa. Magtatanong na sana ako kung sinadya ba niya `yon hanggang sa natanto kong huminto na kami sa tapat ng bake shop. Ipinarke niya ang kotse saka ako inabisuhang maghintay dahil bibili lang daw siya ng pasalubong para sa mga Trivino. Tumango lang ako at kalmadong nagmasid sa bintana.
Saktong pagtulak ni Papa sa entrance door ng bake shop, ganoon na lang ang unti-unting pamimilog ng mga mata ko nang mamataan kung sino ang nakita kong lumabas sa exit. Umaliwalas ang paningin ko. Halos malaglag ang panga ko habang pinanonood siyang naglalakad sa disente nitong white shirt at black trouser. Hinding hindi ako magkakamali na siya ang sakristang hinangaan ko noong linggo dahil patunay ang cross-shaped pendant sa necklace na suot niya ngayon!