Chapter 02

1213 Words
“Anong katarantaduhan iyon Raphia?” pasigaw na tanong sa akin ni Papa. Kauuwi lang namin at ganito agad ang isinigaw niya nang marating na namin ang sala. Prente akong umupo na parang walang naririnig habang si Lola ay dumiretso sa altar upang isabit ang mini garland sa santo. Pairap kong pinulot ang remote saka binuksan ang TV. Hindi ko sinagot si Papa lalo’t wala naman din naman akong pakialam ngayong nasa gilid siya ng inuupuan kong sofa. Akma ko na sanang pipindutin ang power button sa remote ngunit gigil niyang inagaw sa akin iyon at muling ipinatong sa lamesita. “Anong pumasok sa kokote mo at bakit hanggang sa mga tao’y nagtataray ka? Kahit respeto lang, Raphia. Tumatakbo tayong kandidato—” “Iyon nga ang problema, Papa,” pagputol ko sa linya niya. Malamig kong ipinukol ang mga mata ko sa kaniya nang umiigting ang panga sa inis. “Iyon nga po ang ikinakagalit ko. Bakit hindi niyo man lang ako inabisuhan na tatakbo pala ako bilang SK Chairman ng pipitsuging islang `to?” Umawang ang bibig niya nang marinig ang sagot ko. Animo’y nagulat at hindi inaasahan. For almost eight years, halos hindi kami nagkita. Once in a blue moon din kung makipag-communuicate siya sa amin para kumustahin ako. Kahit bata pa lang ako noong maghiwalay sila ni Mama, naunawaan ko na ang sitwasyon namin. Gustuhin ko mang mainis sa kaniya dahil mas pinili niya kaming iwan para sa sariling interes, batid kong wala na talagang pag-asa’t solusyon. Ngayong kinuha niya ako kay Mama, buong akala ko ay babawi siya bilang ama. Akala ko, babawiin niya iyong mga panahong hindi ako nakasama at ipararamdam sa akin kung gaano kasarap mabuhay nang kasama ang ama. Pero bakit ganoon? Bakit sa halip na iyon ang mangyari ay itong kalokohan pa ang masasaksihan ko? Kahit kailan, hindi ko nakikita ang sarili ko bilang isang politiko. Si Mama na mismo ang nagsabi sa akin kung anong klaseng mga tao itong nakaluklok sa mga posisyon dito sa isla kaya sa sobrang pagkamuhi, hinding hindi ko kailanman pinangarap na pumalit at maghasik ng baho. Gusto ko lang manamihik at magkaroon ng payapang pamumuhay. Ayaw ko maging sentro ng atensyon. Ayaw kong gumaya sa kanila na sa una lang naman talaga mababango ang mga pangako. “Sinasabi mo bang hindi ka papayag sa pagkandidato?” mas mahinahon na siya ngayon ngunit kung pagbabasehan ang tono ng boses niya, halatang halata ang dismaya. Saglit namang naagaw ni Lola ang atensyon ko dahil natapos na niyang sindihan ang kandila sa altar saka humarap sa amin. Pinanlisikan niya ako ng mata sa galit. “Pa, hindi pa ba obvious? Hindi ko nakikita ang sarili ko bilang parte ng pulitika. Okay na ako bilang isang ordinaryong tao—” “Pero ito ang tadhana ng angkan natin, anak. Kung tatanggi sa nais naming mangyari ng lola mo, sino na lang ang tutuloy sa legasiya natin?” F-uck legacy! Mula nang magkaisip ako tungkol sa mga ganitong klaseng bagay, bukod sa mga nasabi sa akin noon ni Mama ay malinaw sa akin kung gaano kagarapal sa pera ang aming mga ninuno. Imagine smuggling almost half of the funds that are meant for the people, imposing a huge amount of tax in this island especially in terms of tourism. Kilalang kilala ang isla Capgahan bilang lugar-bakasyunan ngunit habang lumilipas ang panahon, mas kumakaunti ang bumibisita dahil sa mas lumalaki pang presyo ng bilihin at iterinary na kailangang bayaran ng mga turista. I really find it unfair, lalo na sa mga manggagawa na kakarampot lang ang natatanggap na sahod. Ito rin ang mga dahilan kung bakit mas pinili ni Mama na huwag kaming manirahan dito sa isla. Sabihin man ng iba na swerte ako dahil sa yaman at laki ng sinusustento para sa’kin ni Papa, mahirap para sa akin ang amining maswerte ako kung itong mga pinakikinabangan ko ay resulta ng pang-aabuso sa kaban. Pero ano bang magagawa ko? Tumaliwas man ako at hindi sumang-ayon, sa kaniya pa rin ako aasa. Bumuntonghininga ako at nanghihinang tumugon, “Pag-iisipan ko, Papa.” Saglit niyang pinag-aralan ang ekspresyon ko. Kalauna’y umalis kasama si Lola upang sabay na tumungo sa kusina. Sobrang bigat ng loob ko. Gusto ko na lang umiyak sa inis at galit. Gusto kong tawagan si Mama upang magpasundo. Bakit pa kasi ako sumama rito? Mula sa pagkakasadlak sa sofa, nanghihina kong nilakad ang aking kwarto sa ikalawang palapag. Pagkarating ay siniguro kong nakasara ang pinto. Tatawagan ko na kasi si Mama at makikiusap. Sakaling hindi man siya payag na sunduin ako rito, magmamakaawa ako para siya na mismo ang magsabi kay Papa ukol sa desisyon kong huwag kumandidato. Pagpulot ko sa iniwan kong cellphone sa tukador, dali-dali kong hinagilap ang numero ni Mama. Tinawagan ko ito saka pumuwesto sa tapat ng bintana kung saan makikita ang malawak at maaliwalas na tanawin ng Rancho Trivino. Ito ang rancho na madalas kong pakatitigan sa tuwing naiinip ako dahil kahit hanggang tingin pa lang ako, refreshing na sa pakiramdam. Paano pa kaya kung napadpad na roon? Naputol ang pagmamasid ko nang masagot na ni Mama ang aking tawag. Napalunok ako at dali-daling nagsalita. “Mama, may favor ako please.” “Oh, bakit anak?” nag-aalala niyang tugon. Dinig ko pa ang background music ng lugar kung nasaan siya ngayon, siguro ay nasa party. “Alam niyo naman po kung gaano ko kaayaw sumabak sa pulitika, `di ba? Si Papa po kasi…” Hinintay ko ang tanong niya ngunit wala akong natanggap. Sa halip ay pinagpatuloy ko na lang nang halos maluha-luha. “Pinatatakbo niya po ako bilang chairman ng SK dito.” Mariin akong napakagat sa pang-ibaba kong labi nang maramdamang mas bumigat pa ang loob ko. Her silence was a sudden threat to me. Anong ibig sabihin nito? Bakit parang wala siyang masabi? Naging kasangga ko si Mama sa mga labang nakaharap ko sa buhay. Hindi ko pa nga yata naramdamang broken family kami dahil binuhos niya ang makakaya niya upang gawin nang buong puso ang responsibilidad bilang ina. Dahil dito, sobrang laki ng tiwala ko na may magagawa siyang solusyon sa problema ko. Totoong inaasahan ko na matutulungan niya akong lutasin ito ngunit nang marinig ang mga sumunod niyang sinabi ay para akong pinagsuklaban ng langit at lupa. “Sorry `nak. Sorry…” “M-ma?” “Gawin mo na lang ang nais niyang mangyari `nak. Hindi ko na kontrolado iyan. Wala na akong kontrol d’yan—” “Pero Ma… Alam mong ayaw na ayaw ko ‘to. `Di ba sinabi ko pa noon na mas gugustuhin ko na lang mag-madre kaysa maging politiko? Ma, please. Ayaw ko po nito. Sunduin niyo na po ako rito.” “Pasensya na anak.” “M-ma…” Kasabay ng walang paalam niyang pagbaba sa tawag ay parang ilog na umagos ang aking luha. Nanghina ang mga daliri ko at napabitaw sa cellphone, dahilan kung bakit maingay itong bumagsak sa sahig. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Pakiramdam ko ay gusto ko na lang mawala. Hindi ba talaga pwedeng mangyari kung anong nais ko? Bakit ako pa na kahit kailan ay hindi magiging interesado sa pulitika?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD