Hirap na hirap si Paris na imulat ang kaniyang mga mata at sa ilang beses na subok niyang igalaw ang kaniyang buong katawan ay lalo lamang siyang nasasaktan.
Tanging ang naramdaman lang niya ay ang pagbukas ng pinto at doon lamang din niya napagtanto ang mabigat na pakiramdam sa kaniyang katawan.
"Kuya Paris..." Narinig niya ang munting tinig mula kay Henry at saka siya napatitig dito. Muli siyang dinalaw ng pag-aalala nang biglang sumagi sa isipan niya ang nangyari dito.
"Henry?!" Agad siyang napa-bangon at saka diretsong tumama ang kaniyang mga mata kay Henry. Kitang-kita ni Paris ang matinding pag-aalala sa mukha ni Henry. Mabilis itong nakalapit sa kaniya at agad siyang niyapos ng yakap.
"Sobra po kaming nag-alala ni Sarah... Akala po na 'min ay hindi ka na po na 'min makikita ulit..." Kahit na hindi nito sabihin ay alam niya kungal anong nararamdaman nang bata.
Hindi nakaligtas sa paningin ni Paris ang pagpasok ni Sarah. Kasunod nito sina Grecian at Gilbert. Bahagya pang namilog ang kaniyang mga mata dahil nakita niya si Jacob.
"Ayos ka na ba?" narinig niyang tanong ni Grecian. Kung sila lang dalawa nito ay siguradong yayakapin agad siya nito.
"'wag na muna natin siyang tanungin... Kailangan pa rin niyang magpahinga..." Hindi pa nakakapag salita si Paris ay agad nang nagsalita si Gilbert.
"Sa tingin ko naman magiging ayos na siya..." Bahagyang napa-tingin siya kay Jacob nang magsalita ito. Hindi niya alam kung bakit naroon si Jacob pero nakita niyang bigla itong humawak sa kamay ni Gilbert.
Nasa tabi na ni Henry si Sarah at pareho itong titig na titig sa kaniya. Doon lang nakaramdam ng ginhawa si Paris habang nakikita niyang ligtas ang dalawa mula sa kasamaan ni Fredo.
Muling nanumbalik sa kaniyang alaala ang nangyari sa kaniya sa kamay ni Fredo. Parang patuloy na tumatarak sa kaniyang dibdib ang ginawa nito na hindi niya alam kung maiintindihan pa siya ni Grecian. Sa huli ay kinakailangan niyang sabihin ang katotohanan.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" Narinig ulit ni Paris ang tanong ni Grecian at kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha nito.
"Magiging maayos din ako," tugon niya dito.
Hindi pa tapos ang lahat ng pangyayari sa buhay ni Paris at nararamdaman niyang marami pa siyang pagdadaanan bago pa man din siya lumagay sa tahimik kasama si Grecian at panalangin niya na sana ay manatili sa tabi niya si Grecian. Buo ang desisyon niya na makasama ito.
"Paris... Kailangan ko na munang iuwi ang mga bata sa bahay ampunan, baka nag-aalala na si sister Ana..." Mula sa malalim na pag-iisip ay bigla siyang napatingin kay Gilbert.
Marahan siyang tumango.
"Sasama ako," biglang sabi ni Jacob. Nakita niyang mas lalong humigpit ang kapit nito sa kamay ni Gilbert pero marahas na tinanggal iyon ni Gilbert.
"Aalis na kami." Kusang lumapit ang dalawang bata kay Gilbert at agad din namang umalis habang nakasunod si Jacob kay Gilbert. Naiwan silang dalawa ni Grecian.
Hanggang sa umalis sina Gilbert at Jacob, nakatitig pa rin sa kaniya si Grecian.
"Ang lalim ng iniisip mo..." Hindi na napigilan ni Paris na tanungin ito.
"Iniisip ko kung anong ginawa sa 'yo ng hayop na Fredo na 'yon," walang alinlangang tugon nito sa tanong niya. Halos dalawin siya ng kaba nang sabihin iyon ni Grecian sa kaniya.
"Grecian... Alam mong mahal na mahal kita," panimula niya. Hindi niya alam kung saan hahagilapin ang mga tamang salita para maging maganda ang kaniyang pagpapaliwanag.
"Mahal na mahal din kita, Paris... Pero sana, sabihin mo sa 'kin kung anong ginawa ni Fredo sa 'yo... Kailangan na niyang makulong at hinding-hindi mo na ako mapipigilan na ipakulong siya." Ramdam ni Paris ang pagiging seryuso nito.
"May mga naalala ako..." Nang sabihin niya iyon kay Grecian ay kusang kumunot ang noo nito at alam niyang may kung anong kaba itong nararamdaman.
"Ano 'yon?" takang tanong nito.
"May pinainom si Fredo sa 'kin at paggising ko, hindi na maayos ang suot k-ko..." Nagsimulang mabasag ang kaniyang boses. Bawat salita na lumalabas sa kaniyang bibig ay tila mga tinik na nagiging sanhi ng sakit ng kaniyang nararamdaman.
Nakita ni Paris ang pagka-dismaya sa mukha ni Grecian.
"Kung ano man ang ginawa niya sa 'yo, sisiguraduhin ko na mabubulok siya sa bilangguan!" Nasuntok nito ang kaniyang hinihigaan na naging dahilan para magulat siya pero nang makita nito ang naging reaksyon niya ay agad din naman itong humingi ng pasensiya.
"Sa s-sobrang sakit ng katawan ko... Sigurado akong may nangyaring hindi maganda... Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maalala kung anong klaseng tubig ang pinainom sa 'kin ni Fredo... Pinilit niya ako..." Habang patuloy siya sa pagpapaliwanag ay hindi maiwasan ni Grecian ang mahabag sa sinabi ni Paris.
"Kasalanan ko 'to!"
"'wag mong sisihin ang sarili mo, Grecian... Ilang araw ng hindi nagpaparamdam si Helen at patuloy kong iniisip kung may kinalaman ba siya dito..." Biglang nag-iba ang ekspresyon bg mukha ni Grecian nang marinig nito iyon kay Paris.
"'yan din ang gusto kong malaman... Kung totoo man ang hinala ni sister Ana, kailangan na nating maunahan si Helen... Baka siya ang nag-utos kay Fredo..." Dahil sa sinabi ni Grecian ay hindi siya nagkamali na pareho sila ng hinala pero nanatili pa rin na nakasabit ang kaniyang utak sa ere at iniisip kung bakit magiging magkasabwat ang dalawa.
Maraming bagay ang nakakapag pa-sakit sa utak ni Paris kabilang na roon ang kaso para sa kaniyang mga magulang at ang kasal na patuloy na hinihingi ni Grecian mula sa kaniya.
Kung maayos na ang lahat ay hindi siya nagdadalawang isip na um-oo sa gusto nito pero sadyang napakahirap sa kaniya ang sitwasyon gayung marami pa siyang dapat na ayusin.
"Kailangan kong malaman kung sino ang kumuha sa mga magulang ko... Malakas ang kutob ko na buhay pa sila... At nararamdaman ko 'yon..." Habang tumatagal ay mad lalong nararamdaman ni Paris ang panghihina ng kaniyang boses at katawan.
"Paris, hindi ito ang tamang oras para pilitin mo ang sarili mo na gawin ang bagay na 'yan. Alam mo kung anong kalagayan mo ngayon so please... Calm down..." Masuyo niyang naramdaman ang paghaplos ng kamay ni Grecian sa kaniyang braso at saka marahan nitong hinawakan ang kaniyang pisngi.
****
Panalangin ni Grecian na sana ay maging maganda na ang kalagayan ni Paris. Hindi niya maiwasan na maramdaman ang singsing mula sa kaniyang bulsa at habang inaalala niya iyon ay patuloy siyang kinu-kuwestiyon kung hanggang kailan magtatagal ang lahat.
Gusto na niyang makasama si Paris para mas mabantayan niya ito.
"Mahal kita Grecian pero bakit ako pa? Tingnan mo, marami akong kinakaharap na problema at nagagawa mo pang tulungan ako... Hindi ka ba nagsasawa?–" Hindi na niya ito pinatapos at agad din namang nagsalita.
"Cut it out. Minahal kita sa kung ano ka... Hindi mo kailangan na maging isang perpektong tao. There's no perfect in life and I love you... That's enough." Pakiramdam ni Grecian ay hindi na rin niya alam kung paano sasabihin ang nararamdaman kay Paris dahil mas gusto niya iyong ipakita kaysa sabihin ang lahat ng iyon dito.
Nakita niya itong parang maluluha at hindi niya gustong nakikita itong malungkot kaya agad siyang lumapit dito para mabigyan ito ng mainit na yakap. Mahal na mahal niya si Paris at wala ni anong salita ang tutumbas sa kung ano man ang kaniyang nararamdaman pata dito.
"Mahal na mahal din kita, Grecian... Thank you..." Iyon na ang huling mga salitang kaniyang narinig mula kay Paris bago ito tuluyang makatulog sa kaniyang braso.