Naniningkit ang mga mata ni Paris nang magising. Naramdaman niya na tumatama sa balat niya ang sinag ng araw.
Bigla siyang napamulat nang mapagtanto ang buong nangyari. Tama nga ang hinala niya. Totoo ngang may nangyari sa 'min??! Dahil sa naisip ay hindi pa rin siya makapaniwala.
Nakatagilid siya habang nakahiga pa rin. Nakaramdam siya ng kaunting kirot sa kaniyang likod dahil sa pagkakapwesto niya.
Parang may kung anong mabigat sa kaniyang tagiliran. Napatingin siya doon at nakita niyang nakayakap ang kamay ni Grecian sa katawan niya. Talagang hindi panaginip 'yong nangyari! Diyos ko!
Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay nito para sana alisin. Pero nang makita niya ang sarili na hubo't hubad ay bigla siyang natigilan.
Sinubukan niyang gumalaw pero dahil sa sakit ng katawan niya ay hindi niya magawa. Ang bigat kasi nitong taong 'to!
Napatingin siya kay Grecian na mahimbing pa rin na natutulog. Bumaba ang paningin niya sa katawan nito. Nagulat siya nang makitang hubad din ito. Ano ba naman! Pilit niyang tinatanong sa isipan kung bakit hindi siya masanay-sanay gayung ilang beses na niya itong nakitang hubad. Dalawang beses pa lang naman ah! Dahil sa matinding pag-iisip ay kino-kontra na ni Paris ang kaniyang isipan.
Namamangha siya sa katawan at sa balat nito. Talagang walang maipipintas sa kagaya ni Grecian Gray. Napatingin siya sa sarili niya. Nakikita niya ang kabuuan. Sobrang dikit ng katawan nila na hindi niya mismo maitatanggi na nararamdaman niya ang kabuuan ni Grecian mula sa likod niya.
Bahagya niyang inayos ang sarili sa pagkakahiga. Tinakpan din niya ang kaniyang binti na tinatamaan ng sikat ng araw at saka muling ipinikit ang mga mata. Naramdaman niyang mas lalong humigpit ang yakap ni Grecian pero hindi na niya iyon pinansin.
****
Kung iisipin lang ni Grecian na nasa isang photoshoot silang dalawa ni Paris ay ito na siguro ang pinaka lantad na posisyon na nagawa sa buong buhay niya bilang isang sikat na modelo. Kahit pa isipin ng ibang tao na magkatabi sila at parehong hubad.
Sa mga oras na iyon ay nakaramdam siya ng tuwa dahil kasama niya ito at ngayon ay nahahawakan niya ito ng mas malapit pa sa kaniya.
Sinadya niyang isiksik ang kaniyang mukha sa batok nito at saka marahang hinalikan iyon. Hindi niya lubos akalain na may maganda itong hubog ng katawan na mula ulo hanggang paa ay talagang parang isang hinulma ng kagandahan ang katawan. Pero bukod doon ay nagustuhan niya ito sa kung anuman ito at sa kung anuman ang meron at wala dito.
Nagtagal ng ilang minuto na ganoon ang posisyon nilang dalawa hanggang sa may narinig siyang boses mula sa baba ng tree house.
"Grecian! Lumabas ka diyan!" Dahil doon ay bigla siyang napamulat ng mata at mabilis na nag ayos ng sarili. Kilala niya ang boses na iyon at sigurado siyang may mangyayaring hindi maganda.
Napansin niyang naalimpungatan si Paris kaya kaagad siyang nagsalita.
"Magbihis ka, Paris. Mukhang may tao sa baba. Dito ka lang. 'Wag na 'wag kang bababa .." Dahil sa sinabi niya ay tila kumunot ang noo nito at saka lamang nito napagtanto ang kaniyang sinabi.
Naging mabilis ito sa pagbibihis. Napalunok naman ng laway si Grecian nang muli niyang makita ang buong katawan nito.
"Grecian!!" Muling nabalik si Grecian sa katinuan nang marinig ulit niya ang boses na tila nanggagalaiti na.
Wala pang isang minuto ay nagsimula na siyang bumaba ng hagdanan. Bumungad sa kaniya si Helen. Hindi na siya nagtaka.
****
Kahit na hindi sabihin ni Grecian kung sino ang nasa baba ay kilala na ni Paris iyon. Nagsimula na siyang kabahan. Pakiramdam niya ay may mangyayaring hindi maganda. Sa kung anong dahilan ay dinalaw siya ng pagka-pahiya sa sarili. Alam niyang mali ang nagawa niya. Ang tanga-tanga mo kasi Paris! Ang tanga-tanga mo!! Inis na napasabunot na lang siya sa kaniyang buhok.
Nagsimula nang pumatak ang mga luha niya. Nagpadala ako sa ganito! Nagpadala ako sa tukso! Sa kabila ng lungkot at hinanakit niya sa sarili ay patuloy siyang nakikiramdam mula sa baba.
"Ilan pa bang dial at text messages ang gusto mong gawin ko para lang pansinin mo ulit ako?!" Para siyang tinutusok ng karayom sa puso niya nang marinig ang boses ni Helen. Alam niya kung ano ang naging sakripisyo nito para sa nobyo.
Ngayon ay sobrang pagsisisi niya dahil siya mismo ang sumira sa tiwala nito.
"Hanggang dito talaga?! Hindi pa ba malinaw sa 'yo Helen?!–" Hindi na natuloy ni Grecian ang sasabihin nang muling magsalita si Helen.
"I won't let you go! Hindi ako basta-basta susuko!" Napapahikbi si Paris habang nakikinig. Kahit na nalaman niyang nagkamali ito kay Grecian, kahit pa nakagawa ito ng hindi maganda sa nobyo, kahit na nangaliwa ito, wala pa rin siyang karapatan na manghimasok sa gulo ng dalawa. Sana umiwas ka na lang! F*ck! Hindi niya maiwasan na sisihin ang sarili.
"Umalis ka na! Wala ka ng lugar sa 'kin!" Naririnig ni Paris ang matitigas na salita ni Grecian kay Helen.
"Bakit ganiyan ang ayos mo?! May babae ka ba sa taas ha?! May babae ka?!" Doon lang mas tumindi ang kaba ni Paris hanggang sa mapahawak na siya sa kaniyang dibdib.
Hindi na niya alam kung anong gagawin. Kahit na magtago pa siya malalaman pa rin iyon ni Helen.
Nagsimulang umakyat si Helen pero naging mabilis si Grecian. Bago pa nito magawang makaakyat ay naharang na ito agad ni Grecian.
"Padaanin mo ako! Alam kong may tinatago ka!" sigaw nito.
"Stop acting like you're still my girlfriend! Umalis ka na Helen!"
"Tumabi ka Grecian!" Kitang-kita ni Grecian ang galit sa mga mata ni Helen.
Hindi na nakatiis pa si Paris. Kahit na anong gawin nila ni Grecian, kung patuloy itong mangyayari, alam niyang hindi mahihinto ang gulo. Mas mabuting ipaalam na niya kay Helen ang katotohanan. Kahit pa na masaktan niya ito basta masabi niya ang buong katotohanan.
Pakiramdam ni Paris habang inaayos niya ang sarili ay pabigat nang pabigat ang katawan niya dahil sa lungkot at pagsisisi na narararamdaman. Nagsimula na siyang humakbang pababa ng hagdanan. Unang napansin ni Grecian ang pagbaba niya. Tila nagulat ito sa pagpapakita niya hanggang sa mukha naman ni Helen ang nakita niya.
Umurong ang galit na galit nitong boses nang makita siya.
Dahil sa nararamdaman na pagsisisi ni Paris ay tuloy-tuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Ramdam niya iyon sa magkabilang pisngi niya.
"Paris?!!" Hindi makapaniwala ang ekspresyon sa mukha ni Helen at tila sa pagbanggit nito ng pangalan niya ay hindi niya mawari kung anong unang magiging reaksyon nito.
Nananatili siyang tahimik. Hinintay niyang muling magsalita si Helen hanggang sa napasigaw ito.
"Anong ibig sabihin nito?! Bakit nasa taas ka?! Anong ginawa niyo?!" Litong-lito ito. Ni hindi nito mahagilap kung ano ang unang iisipin kung bakit sila magkasama ni Grecian. Wala pa ring imik si Paris. Ito na ang ikinakatakot kong mangyari... Tanging naisip na lang ni Paris.
Napansin niyang nakatitig si Grecian sa kaniya at alam niyang nag-aalala ito ng sobra dahil sa ginawa niya.
"Sagutin mo ako, Paris! Bakit magkasama kayo ni Grecian?! Anong ibig sabihin nito... Anong klase kang tao?!" Sumisigaw pa rin si Helen. Galit na galit ito at saka marahas na napatingin kay Grecian.
"At ikaw! Anong klaseng lalaki ka?! May nangyari ba sa inyo, Ha?! Ano 'to?! Bakit ganito?!" Gustong-gusto ni Paris na lapitan ito at yakapin ng mahigpit pero pinipigilan siya ng kahihiyan.
Naging malamig naman ang boses ni Grecian nang magsalita ito.
"Umalis kana–"
"Hindi ako aalis!" bulyaw nito kay Grecian. Muli itong sumigaw at sa puntong iyon ay nakatitig na ito sa kaniya.
"Ikaw! Pinagkatiwalaan kita! Hindi ko alam na ganiyan ka pa la! Sana hindi na kita naging kaibigan! Sana noong mga bata pa lang tayo, hindi na kita kinaibigan pa! Traydor ka! Kaya pala hindi ka magkagusto sa ibang babae dahil boyfriend ko ang gusto mo! Kailan pa, Paris?! Talagang hinintay mo kaming maghiwalay para magkaro'n ka ng chance na makalapit kay Grecian noh!" Halos hindi na kumurap si Helen habang nag-uumapaw ang galit nito. Alam ni Paris na kailangan niyang tanggapin ang lahat ng mga sinabi nito at sa huling pagkakataon ay pagsisisihan niya pa rin ang nagawa niya dito.
Wala pa rin siyang imik. Pakiramdam niya ay wala siyang karapatan na magpaliwanag at magbigay ng kahit na anumang dahilan.
"Tama na Helen! Tapos kana?! Umalis ka na!!" Dahil sa matinding galit ni Grecian ay hindi nito napansin na nakalapit na pala si Helen kay Paris.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Paris. Ramdam niya ang sakit pero alam niyang mas nasaktan niya si Helen kumpara sa sampal nito.
"Traydor ka!!" Naulit pa ng pangalawang beses ang ginawa ni Helen at akmang sasampalin ulit siya nito pero maagap na napigilan iyon ni Grecian. Marahas niya iyong iniwas.
"Wala kang karapatan na manakit ng ibang tao! Ako ang may gusto nito. Sabihin mo na kung anong klase akong lalaki! Pero hindi mo maiaalis sa 'kin na gusto ko si Paris! Gusto ko siya, naiintindihan mo??" tiim bagang nitong sabi.
"Patawarin mo ako Helen," tanging naisambit ni Paris.
"Mga hayop! Hinding-hindi kita mapapatawad! Tandaan mo Paris, hindi pa tayo tapos! Traydor ka!" Pagkatapos nitong maglabas ng galit at hinanakit ay mabilis itong tumakbo palayo. Patawarin mo 'ko Helen... Patawarin mo 'ko... Muling naramdaman ni Paris ang maiinit na luha sa kaniyang pisngi.
Nagsimula siyang maglakad paalis sa kinatatayuan. Palayo sa lugar kung saan nasira ang pagkakaibigan nila ni Helen. Ilang hakbang ang ginawa niya hanggang sa marahan niyang naramdaman ang kamay ni Grecian na nakahawak na sa kamay niya.
Parang natatarantang inalis niya ang kamay nito. Napalitan ng galit ang malungkot na mukha ni Paris.
"Tama na, Grecian... Layuan na natin ang isa't isa..." Sa huling pagkakataon ay nakita niya kung paano masaktan ang isang kagaya ni Grecian subalit balewala ang lahat ng iyon kung may masasaktan silang ibang tao.
"Mahal kita..." Bigla niya itong tinalikuran nang marinig ang sinabi nito. Hindi niya alam kung bakit nagpapaapekto pa rin siya sa sinasabi nito. Mabilis ang ginawa niyang paglakad hanggang sa takbuhin na nga niya ang daan palayo.