"Kuya Paris saan tayo pupunta??" takang tanong ni Sarah nang mapansin nitong inililigpit ni Paris ang ilan sa mga gamit nila.
Hindi napansin ni Paris ang tanong nito. Patuloy siya sa pagliligpit at sa malalim na pag-iisip tungkol sa nangyari.
"Kuya... Umiiyak ka ba?" Naging mahinhin ang boses ni Henry nang magtanong ito sa kaniya.
Hindi na niya napigilan ang sarili na mapaupo sa gilid ng higaan. Bakit nakakapagod?... Bakit ganito? Napaluha na naman siya sa naisip.
Mabilis niyang pinahid ang mga luha pero hindi iyon nakaligtas sa paningin ng dalawang bata.
Nagulat siya nang yakapin siya ng mga ito. Dahil sa ginawa ay dahan-dahan na siyang napahikbi.
Masakit para sa kaniya na mawalan ng kaibigan at mas lalong masakit para sa kaniya na nasaktan niya ito. Pinilit ni Paris na magsalita kahit na patuloy pa rin siya sa pagluha.
"Ayos lang ako..." Hindi niya alam kung ano ba ang rason kung bakit siya nasasaktan ng husto. Dahil ba sa nakasakit siya ng isang matalik na kaibigan o dahil sa alam niyang hindi sila pwedeng magkatuluyan ni Grecian?
"Kuya tahan na" masuyong saad ni Henry.
"Magiging maayos din po ang lahat," sabi naman ni Sarah. Mas lalong humigpit ang yakap ng dalawa kay Paris.
"Aalis na tayo dito..." Nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang lalamunan nang sabihin niya iyon. Bakit parang nasasaktan siya nang sabihin niyang aalis na sila sa Alegria?
Nang tingnan niya ang dalawa ay marahan na napatango ang mga ito. Napatingin siya sa pintuan. Nagtataka siya kung bakit hindi man lang nag-abala na sundan siya ni Grecian. Sa isipan ni Paris ay mabuti na rin iyon at nagkaroon siya ng oras para makapag-ayos ng mga gamit.
Wala pang labing limang minuto ay nasa labas na sila ng bunk house. Sa huling pagkakataon ay masisilayan ni Paris ang kagandahan ng lugar. Hinding-hindi niya malilimutan ang Alegria.
Mula sa 'di kalayuan ay natanaw niya ang isang itim na kotse. Sa tantiya niya ay patungo ito sa mansyon. Pinagmasdan niya ito ng maigi hanggang sa huminto na nga ang sasakyan sa harap ng mansyon. Hindi nagkakalayo ang distansiya ng bunk house at ng mansyon kaya posible niyang makita kung sino ang panauhin.
"Sino kaya 'yon?" Napatingin siya kay Henry na nakatanaw din pala sa kotse.
Hinanap ng kaniyang mga mata si Grecian sa paligid pero ni anino nito ay hindi niya makita. Huminga siya ng malalim at saka naisip na mas mabuting hindi na nila ito hintayin para makapagpaalam. Wala na rin siyang balak na magpaalam pa dito. Buo na ang desisyon niya na umalis nang hindi nito nalalaman.
"Kuya Gilbert?!" bulalas ni Sarah. Kusang napalingon si Paris nang marinig si Sarah.
Hindi na niya napansin na palapit na pala ito sa kanila.
"Paris!" Patakbo nitong tinungo ang kinaroroonan nila.
Nagtaka siya kung paano nito nalaman na nasa Alegria sila. Hindi niya maisip kung bakit ito nakarating nang hindi niya nalalaman.
"Gilbert? anong ginagawa mo dito?" takang tanong niya nang huminto ito sa harapan nila.
"Sinundan kita. Kasama ko si Helen, 'yong girlfriend ni Grecian. Ang sabi niya kasi baka nandito ka kasama si Grecian..." Nagtaka siya sa paliwanag nito pero hindi na siya nag abala na magsalita. Naaalala na naman niya ang kahihiyan na nangyari kanina.
"Mukhang paalis na kayo ah?" Muling nagsalita si Gilbert nang maramdaman nito na wala siyang imik.
"Oo," mahinahong tugon niya dito.
"May hinihintay ka pa ba? Teka ba't parang... Umiyak ka ba??" Natigilan siya sa malalim na pag-iisip nang mapansin nito ang kaniyang mga mata.
"Hindi ah! Napuwing lang ako kanina..."
"Sinundan ko kayo dito para sunduin kayo." Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.
"Bakit mo naman kami susunduin, Gilbert??" Dahil sa sinabi niya ay awtomatikong nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito at saka napalitan ng kung anong masamang timpla ang tono ng pananalita nito.
"'Wag na 'wag ka nang sasama diyan sa Grecian na 'yan. Ni hindi mo pa alam ang totoong pagkatao niya. Bakit ka ba kasi sumama-sama?" Hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling ang lahat ng pagkainis nito.
Alam niyang nag-aalala ito sa kaniya at alam niya rin na may gusto si Gilbert sa kaniya. Pero sa tono ng boses nito ay parang galit ang kaniyang nararamdaman.
Hindi na lang niya pinansin iyon at saka mahinahong nagpaliwanag.
"Inalok ako ni Grecian na maging investor dito sa Alegria–" Hindi pa siya natatapos sa sasabihin nang bigla itong magsalita.
"Totoo ba 'yan o nagdadahilan lang siya para mas makasama ka niya ng matagal? Akala mo ba hindi ko napapansin?? May gusto sa 'yo si Grecian." Nagulat siya sa pahayag nito. Paano niya nalaman ang lahat ng 'yon?? Isang malaking tanong para kay Paris kung paano nalaman ni Gilbert iyon.
Napatingin siya sa mga bata na nasa tabi lamang nila.
"Gilbert, pwede ba 'wag kang magkaganiyan? Nasa harapan natin ang mga bata." Nang sabihin niya iyon ay parang wala lang itong narinig at saka nagpatuloy sa pagsasalita.
"Ngayon pa lang sinasabi ko na sa 'yo na umalis na tayo dito at baka kung ano pa ang mangyari." Hindi niya mawari kung bakit ganoon ang pananalita ni Gilbert.
Akmang kukunin nito ang dala niyang mga gamit pero mabilis niya iyong iniwas.
"Ano bang problema mo Gilbert??" Sa puntong iyon ay napalakas na ang kaniyang boses.
Umayos ito ng pagkakatayo at saka huminga ng malalim bago magsalita ulit.
Parang ibang-iba ito kumpara noong mga nagdaang araw na kasama niya ito. Hindi maiwasan ni Paris na magtaka kung bakit.
"Wala akong problema, Paris. Ang kailangan nating gawin ay umalis dahil sigurado ako na may mangyayaring hindi maganda oras na makita ko si Grecian dito." Malamig ang boses nito habang nagpapaliwanag.
Doon lamang din siya natauhan na hindi magkasundo ang dalawa kaya naisip niya na kung balak niyang umalis nang hindi nalalaman ni Grecian ay iyon na ang tamang pagkakataon.
"Sige umalis na tayo..." Bahagya niyang inayos ang sarili at saka tiningnan ang mga bata.
"Aalis na tayo kuya??" tanong ni Henry na kung titingnan ay para bang tinatanong siya na nito kung sigurado na ba siya sa desisyon.
"Hindi ba natin hihintayin si kuya Grecian? Hindi ba tayo magpapaalam?" sunod-sunod na tanong ni Sarah. At sa pangalawang pagkakataon, narinig na naman niya ang inis na boses ni Gilbert.
"Sarah, 'wag mo nang iisipin si Grecian. Hindi na natin siya hihintayin. Tara na?" diretsong pahayag nito. Malungkot na napatango na lamang ang dalawang bata at saka masuyong kumapit sa magkabilang kamay ni Paris.
Nagsimula na silang lumakad palapit sa kotse ni Gilbert. Habang patuloy sila sa paghakbang ay mas lalo siyang dinadalaw ng kaniyang konsensiya. Paano si Grecian? Paano si Helen? Hanggang sa huling araw niya sa Alegria ay aminado siyang hindi lamang ang lugar ang napamahal sa kaniya kundi sa kung ano ang totoong pagkatao ni Grecian.
Sa isip niya ay kailangan na niyang umalis at magpakalayo-layo kay Grecian. Alam niyang hindi tama na magkasama sila dahil hindi lamang niya masisira ang buhay nito kundi pati iyong mga taong umaasa at nagmamahal kay Grecian. Para kay Paris ay habang buhay siyang magsisisi kung hindi siya iiwas dito.
"Paris, sumakay ka na," untag ni Gilbert. Doon lang din bumalik ang isipan niya mula sa malalim na pag-iisip.
Isang hakbang na lang at tuluyan na nga niyang tatalikuran ang naudlot sa nagsisimulang samahan nila ni Grecian. Sa kaniyang isipan ay nais na niyang pumasok ngunit hindi iyon ang gusto ng kaniyang mga paa at damdamin.
"Kuya Paris... Sakay na..." Narinig niya ang mahinhing boses ni Sarah.
Nginitian niya ito bago tuluyang kumilos papasok ng kotse. Ang akala niya ay mangyayari na nga ang inaasahan niyang pag-alis sa lugar ngunit isang malakas na sigaw ang kaniyang narinig.
"Paris!!"
Grecian???? Hindi siya maaaring magkamali. Alam niyang si Grecian iyon. Hinanap ng kaniyang mga mata kung saan nagmumula ang boses hanggang sa huminto ang kaniyang paningin sa harapan ng bunk house.
Naroroon ang bulto ni Grecian.
Naningkit lalo ang kaniyang mga mata na para bang sinisugurado na si Grecian nga iyon at sa pangalawang pagkakataon ay hindi nga siya nagkamali.
May parte sa kaniyang puso ang natutuwa dahil kahit huli na nila itong pagkikita ay napatunayan niyang naging importante rin siya para dito. May ilang luha sa kaniyang mga mata ang nagbabadyang mag unahan palabas pero pinigilan niya ang mga iyon.
Halos takbuhin na nito ang daan patungo kung saan siya naroroon.
"Paris! Sandali! 'Wag kang aalis!" Dahil sa narinig niya ay walang nagawa ang kaniyang mga paa kundi ang tumigil at hintayin na makalapit ito sa kaniya.
"Paris! Ano ba?! Sumakay ka na!" Nagulat siya sa iritadong boses ni Gilbert kaya napalingon siya dito.
"Gilbert, sandali lang, kakausapin ko lang si Grecian. Sasakay din ako..." Parang may kirot sa kaniya nang sabihin niya ang huling pahayag.
Hindi na niya napansin ang paglapit ni Grecian.
"Paris... Please... Don't leave?" Nagulat siya sa tinuran ni Grecian. Dali-dali nitong hinawakan ang kamay niya at saka masuyong hinaplos ang palad niya kagaya noong kung paano nito hawakan ang kamay niya habang hinahayaan nila ang sariling malunod sa isang mainit na tukso.
Para siyang tinutunaw dahil sa sinabi ni Grecian. Sigurado na siya ngayon sa nararamdaman. Alam niyang hindi na siya nalilito. Mahal niya si Grecian at para sa kaniya ay mahirap iyong pigilan sa tuwing makikita niya ito, sa tuwing mararamdaman niya ang kamay nito.
"Hindi tayo pwede, Grecian... At kahit na ano pang gawin natin, hindi magiging tayo... Kahit... Kahit..." Hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili. Tuluyan na ngang nagsilabasan ang mga maiinit na luha sa kaniyang mga mata.
"Kahit na ano? Please, Paris... Tell me..." Doon lang niya nakita kung paano masaktan ng husto si Grecian. Hindi siya namamalikmata. Umiiyak ito at hindi niya mapigilan na hindi masaktan.
Wala na siyang ibang pwedeng gawin kundi sabihin ang totoo.
"Kahit na mahal kita... Kahit na mahal pa kita... Masasaktan lang tayo pareho..." Hindi niya mapigilan ang paghikbi.
"Kung mahal mo ako, hindi mo ako iiwan... If you really love me, please be mine..." Bigla siya nitong niyakap. Yakap na gustong-gusto niyang ginagawa nito sa kaniya.
"Walang kahit na anong salita ang makakatumbas kung ano ang nararamdaman ko para sa 'yo," tugon niya dito.
"Iiwan mo rin ba ako, Paris?" Sa lapit ng mukha ni Grecian ay Nakita niya kung paano mangilid ang mga luha nito.
"Iiwan kita kasi mahal kita... Ayokong masira ka sa ibang tao, ayoko na maging dahilan ako para tuluyan kayong magkasira ni Helen... Aalis ako... Iiwan kita kasi mahal kita..." Pinilit niyang tanggalin ang kamay nitong nakahawak pa rin sa kaniya kahit na sobrang higpit niyon.
"Duwag ka... Sana kahit minsan piliin mo rin ang magmahal at mahalin ka... Sana kahit minsan piliin mo rin 'yong sarili mong lumigaya..." Nakakadurog ng puso ang lungkot ng boses nito at iyon mismo ang nangyayari sa kaniya ngayon.
"Mahal na mahal kita..." Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin nito.
Kaagad siyang kumilos at akmang sasakay na sana sa kotse nang pigilan siya nito.
"'Wag naman gan'to, Paris..." Kailangan niyang tiisin ang lahat ng nararamdaman para kay Grecian kaya marahas niya ulit na tinanggal ang kamay nito at saka mabilis na sunakay sa kotse.
Ilang sandali lamang ang lumipas at pinaandar na ni Gilbert ang sasakyan.
"Paris!!" Narinig niya ang sigaw nito pero pinilit niya ang sarili na hindi na ito pansinin. Pigil niya ang sarili sa pag-iyak.