CHAPTER TWENTY THREE *BHL: Anonymous*

2382 Words
Parang isang malamig na hangin ang tumatama sa balat ni Paris dahil sa tensyon na nararamdaman. Kasalukuyang kasama nila ang ama ni Grecian sa hapag. Kanina lamang ay nasabi nito sa kaniya na gusto daw ng ama nito na makasalo sila sa hapunan. Apat lamang sila sa isang mahaba at malaking mesa. Para sa kaniya ay parang hindi lamang ito isang normal na hapunan. Napakaraming inihandang pagkain ang mga kasambahay. Parang may piyesta. Naiilang siya sa katahimikan. Tanging ingay lamang ng mga kubyertos ang kaniyang naririnig. Napansin niyang walang tigil sa pagkain ang dalawang bata. Nasilayan niya ang mga ngiti ng dalawa habang kumakain. "Erhm, maraming salamat at napagbigyan mo akong makasama ko kayong dalawa ni Paris." Biglang nabasag ang katahimikan sa paligid nang magsalita ang matanda. Nakatingin ito kay Grecian at saka siya binalingan. Ngumiti ito sa kaniya kaya isang ngiti ang kaniyang i-tinugon sa matanda. "Walang problema Dad." Naging malamig ang tugon ni Grecian. Nailang siya sa sinabi nito kaya hindi na siya nakapagpigil pa. Nagsalita na siya kaagad. "Oo naman po, tito... alam ko po kung gaano kaimportante na makita niyo si Grecian at masaya din po ako na makasama kayo sa hapunang ito." Naging magalang ang pakikitungo niya sa matanda. "Salamat iho, mabuti ka pa at 'di mo matiis na kausapin ako. Pero itong anak ko hindi ko alam kung kanino nagmana." Kahit pa sabihin na nakangiti at tumatawa ito habang sinasabi iyon ay ramdam ni Paris na parang napipilitan din ito sa pakikipagusap sa anak. Nailang siya bigla. Nakita niya ang pangungunot ng noo ni Grecian. Nakatitig lamang ito sa ama. "Dad, please don't make me feel bad." Pilit na i-sinubo ni Grecian ang kaniyang pagkain. "Anyways, Paris, what do you think of Alegria?" Biglang naipukol ang atensyon ng Señor sa kaniya. "Maganda po dito at sigurado po ako na mukhang hindi naman kailangan ng kagaya kong investor kasi kitang-kita po ang kaunlaran ng rancho ninyo," tugon niya sa matanda. Sa hindi inaasahan ay nabigla siya nang titigan siya ng mariin ni Grecian. Tila umurong ang kaniyang dila dahil sa pagkakadulas niya sa sinabi. "I see..." Isang ngiti ang i-tinugon ng matanda sa kaniya at saka tiningnan si Grecian. "But we still need him. I know we can make more innovations if we have Paris. Dad, Besides he's not only good at managing, he's an entrepreneur." Kung wala lang sila sa hapag at kung hindi lang nila kasama ang ama nito ay kanina pa niya kinurot sa tagiliran si Grecian. Biglang uminit ang kaniyang mukha nang sabihin nito iyon. Isang nagtatakang mga mata ang nakita ni Paris sa ama ni Grecian. Tila naging interesado ito sa sinabi ng anak. "Really??" Pagkatapos nitong magsalita ay saka nito pinaglandas ang dalawang palad habang nakatungko ang magkabilang siko nito sa ibabaw ng mesa. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin kaya nahihiyang napatango na lamang siya sa tanong nito. Kanina pa siya naiilang na kasama ang mag-ama. Nabigla siya nang muli itong magsalita at banggitin ang kaniyang pangalan. "Paris, if you don't mind after this dinner I just want to talk to you." Napatingin siya dito at naiilang na ngumiti. Bago pa niya maibuka ang bibig para sabihin na pumapayag siya ay agad na napaurong ang kaniyang boses dahil kay Grecian. "Dad, if you have some concern, please ask me. Paris will not bother to talk with you." Isang masamang tingin ang kaniyang i-pinukol kay Grecian. Tila hindi na niya mawari kung saan ito nanggagaling at kung ano ang gusto nitong mangyari. "I am asking Paris not you, son." Parang nagtatagisan na ang tingin ng dalawa sa hapag. Naging dahilan din iyon para matigil sa pagkain ang dalawang bata at maiging tiningnan ang mag-ama. "Tito, It is an opportunity to talk with a firm and kind person like you." Binasag ni Paris ang tensyon na namamagitan sa mag-ama at dahil sa sinabi niya ay mabilis na nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng matanda. Ngumiti ito sa kaniya. "Be there at my office." Ika nito at saka i-tinuloy ang pagkain na para bang walang nangyari. "Ako na ang kakausap sa inyo mamaya, Dad." Dahil sa katigasan ni Grecian ay marahas na napatingin si Paris dito at naging dahilan iyon para tingnan din siya nito. "What's with that face?" takang tanong nito sa kaniya. Ang alam lang ni Paris sa mga oras na iyon ay hindi tama ang inaasal nito sa harap ng pagkain at sa ama nito. "Pagkatapos naming mag-usap ng Daddy mo, mag-uusap din tayo mamaya." Matitigas ang pagkakabigkas ni Paris sa bawat salitang kaniyang binibitawan kay Grecian. Tila hindi man lang ito natinag sa inis at galit niya dito. Sa kaloob-looban ni Paris ay talagang sumusobra na ang hindi nito maintindihan na pag-uugali. Parang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Paris nang matapos na ang hapunan. Agad na nagpaalam ang matanda sa kanila at minabuti niyang kausapin ang dalawang bata na mauna na ito sa bahay na tinutuluyan. Sunod-sunod na tango ang ginawa ng mga ito bago umalis. Habang nakatayo ay minabuti niyang pagmasdan ang labas ng mansyon malapit sa isang malaking bintana na yari din mamahaling materyales. Naramdaman niya ang lamig ng hangin nang bahagyang dumaplis sa kaniyang balat ang kurtina. "You don't have to talk with my father." Mula sa likuran ay napalingon siya nang magsalita si Grecian. Muling bumalik ang pagkainis niya nang marinig ang boses nito. Napatingin siya sa paligid at mabuti na lamang ay wala ng ibang tao maliban sa kanilang dalawa. Marahas niyang tinitigan si Grecian. Sa ngayon, mas desidido siyang titigan ito ng masama. "Sagutin mo ako ng maayos, Grecian. Nalilito na ako sa 'yo at sobrang naiinis dahil diyan sa pag-uugali mo. Kung ganito lang din naman ang pakikitungo mo sa Daddy mo, eh 'di sana hindi na lang tayo pumunta dito. Sana di mo na lang kami dinala ng mga bata dito sa lugar na 'to. Sa tingin ko naman, mabuting tao ang Daddy mo at sa tingin ko din, karapatan niya ang i-respeto man lang." Hindi bumibitaw si Paris sa pagkakatitig kay Grecian. Kahit na may kaunting kaba siyang nararamdaman ay hinding-hindi siya magpapatinag sa talim ng titig nito sa kaniya. Hindi na napansin ni Paris na palapit nang palapit sa kaniya si Grecian. Tanging ang mahinahong mga yapak nito ang madidinig sa katahimikang namamagitan sa kanilang dalawa. Doon lang napagtanto ni Paris na nakalapit na ito sa kaniya dahil mas nakatuon ang buong tingin niya sa mga mata nito hanggang sa isang hakbang na lang ang pagitan nilang dalawa. Nagulat si Paris nang bigla itong magsalita. "Gusto mo talagang malaman ang totoong dahilan ko?" Kinakabahan siya sa ekspresyon ng mukha ni Grecian. Tila napalitan ang nangungunot nitong noo. Nangungusap ang mga mata nito. Hindi niya kaya na titigan ito ng matagal hanggang sa iniwas na niya ang kaniyang mukha mula dito. "Gusto kong malaman." Pinilit niya na sagutin ang tanong nito kahit na ang totoo ay kinakabahan na siya. "Sigurado ako na hindi ka maniniwala." Mas i-kinagulat niya ang paglapit ng mukha nito sa mukha niya. Dahil sa ginawa nito ay hindi na niya alam kung anong gagawin niya. Natatarantang nagsalita si Paris. "'Wag mo na lang sabihin. Baka naghihintay na 'yong Daddy mo." Walang anu-ano'y agad siyang kumilos para makalayo dito pero bago pa niya magawa iyon ay mahigpit siya nitong hinawakan sa kamay. Natigil siya sa pagkilos. "Ang akala ko ba, gusto mong malaman?" Isang nakakalokong ngiti ang nakita niya sa mukha nito bagay na isa mga kinaiinisan niya. "Ayoko nang marinig, Grecian. Kaya pwede ba, bitawan mo na ako at baka naghihintay na si tito?" Pwinersa niya ang kamay para bitawan siya nito at nang pakawalan nito ang kamay niya ay saka siya umalis. Hindi na niya pinansin pa ito at dire-diretsong tinungo ang opisina. May kung anong bagay sa isipan niya na nagtataka kung ano nga ba ang dahilan ni Grecian kung bakit siya dinala nito sa Alegria gayung kahit na anong pagpapaunlad para sa lupain ng mag-ama ay pwede nitong gawin ng wala siya. Natigil lamang siya sa pag-iisip nang nasa harapan na siya ng pintuan. Sa tingin niya ay ito na nga ang opisina ng Señor. Dahil napaka luwang na mansyon ay medyo nahirapan pa si Paris sa paghahanap kung saan ang opisina nito kahit na nakapunta na siya dito noon nang ipakilala siya ni Grecian bilang isang investor. Mabuti na lang at i-tinuro siya ng isa sa mga kasambahay kung nasaan ang silid ng Señor. Hindi mahanap ni Paris ang rason sa kaniyang sarili kung bakit siya kinakabahan. Hindi niya alam kung ano nga ba ang pag-uusapan nilang dalawa at kung bakit naging interesado ito na kausapin siya. Pero napaisip na lang siya na baka may mga tanong lamang ito tungkol sa karanasan niya sa trabaho. Iyon din ang isa sa kinaiinisan niya. Naalala niya kung paano siya purihin ni Grecian kanina sa hapag. May parte sa kanya na naiinis dahil sa mga sinasabi nito tungkol sa kaniya at may parte naman sa kaniya na ikinatutuwa niya dahil hindi siya makapaniwala na alam nito ang background niya bilang isang Executive Manager. Dahan dahan niyang binuksan ang pintuan. Napasilip siya sa loob ng silid mula sa pinto. Nakita niyang nasa isang mesa ang matanda at may kung anong binabasa. Tila naramdaman nito ang pagbukas ng pintuan kaya napatingin ito sa kaniya. "Come in." Pagka-sabi nito ay agad din itong tumayo para puntahan ang kinaroroonan niya. Nakita niya ang ngiti nito. Mabilis niyang binuksan ang pintuan at saka pumasok sa loob. Sa ngayon ay mas naramdaman ni Paris ang pagkailang. Sana pala nagpasama na lang ako kay Grecian... Hindi niya mapigilan na banggitin ang pangalan ni Grecian sa isipan. "Oh, Paris, bakit nakatayo ka lang diyan? Come here," untag ng matanda sa kanya. Ilang segundo din pala siyang nakatayo malapit sa pinto. Minabuti niyang lumapit dito. Nagyaya itong paupuin siya. Nag alok din ito kung may gusto siyang inumin pero nakangiti niyang tinanggihan ito. Napansin niya din ang isang bote sa mesa nito. Sa pagkakaalam niya ay isang wisky iyon. Mahilig pala siyang uminom ng matatapang na alak... Puna niya sa kaniyang isipan. "Unang tingin ko pa lang sa 'yo, alam kong matalino kang bata at may ibubuga..." Muling naagaw ang atensyon niya nang magsalita ito. Ramdam niya ang hiya. "Sakto lang po, tito. Hindi naman gano'n ka-talino at hindi rin po ako masyadong magaling. Alam ko lang po kung paano mag trabaho," nahihiyang tugon niya dito. "Now I see what's the problem." Dahil sa sinabi nito ay bigla siyang napakamot sa batok niya. "Bakit po tito?" tugon niya dito. Tiningnan siya nito at sa halip na sagutin siya ay marahan nitong kinuha ang isang bote ng wisky at dahan-dahang nagsalin sa isang glass pagkatapos ay ininom nito ang laman niyon. "Do you drink?" Sa ekspresyon ng mukha nito ay parang nag-aalok itong uminom siya kahit na ang tanong nito ay kung umiinom nga ba siya ng alak. Mabilis na pag-iling ang kaniyang ginawa. Nagpatuloy naman ito sa pagsasalita. "Isa lang ang nakikita kong problema sa 'yo, Paris. Hindi malakas ang kumpiyansa mo sa sarili..." Dahil sa sinabi ng matanda ay natahimik siya bigla pero pinilit niya pa rin na ngumiti at tugunin ito. "Siguro p, kasi mahiyain talaga ako... at kontento na po ako sa kung anumang bagay ang meron ako at sa kung anong biyaya ng diyos ang maibibigay sa 'kin." Nahihiya pa rin siya. "But at the second thought, you are amazing, I can sense your determination," pahayag nito. Nakangiti siya sa matanda pero pakiramdam niya ay nangangawit na ang kaniyang mukha. Naiilang din siya sa mga titig nito. Muling nagsalita ang matanda. "I want you to be part of Alegria and always be with my son. Gusto ko kayo ang mamahala sa pagpapatakbo at pagpapaunlad dito..." Sa sinabi nito ay tila nagulat siya. Hindi niya inaasahan ang sasabihin nito. Be with his son??! Insanity!! Itinigil ni Paris ang kanyang iniisip. "Sa tingin ko po, si Grecian po dapat ang namamahala dito at buo po ang tiwala ko sa kaniya na kaya niyang patakbuhin ang nga negosyo niyo dito–" Hindi pa siya natatapos sa sasabihin nang bigla itong magsalita. "He doesn't even care about Alegria. Pero nang dumating siya na magkasama kayo, naramdaman kong may pag-asa ako na tanggapin niya ang lugar kung saan siya nanggaling. Kaya sana Paris, tulungan mo siya. Tulungan mo ako." Bigla nitong hinawakan ang kamay niya. Kitang-kita niya ang pangungunot ng noo ng Señor. Sa hindi inaasahan ay napatango na lamang siya. Kung kailangan ng tulong niya para baguhin ang pag-uugali ni Grecian, gagawin niya. Kahit na hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit niya iyon gagawin. "Maraming salamat, Paris..." Agad itong tumayo at lumapit sa kanya. Nagulat siya nang yakapin siya nito ng mahigpit. Pero kalaunan ay ginantihan na lamang niya iyon ng pagtapik sa likod nito. Nang pakawalan siya nito mula sa pagkakayakap ay diretsong tumama ang tingin nito sa mata niya. "Bakit po tito?" nagtatakang tanong niya dito. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. "Magka-mukhang magka-mukha kayo ni Francis. Namana mo ang mga mata niya, Paris..." Ngumiti ito. "'Yon din po ang sabi ng mga nakakakilala kay Daddy," tugon niya dito. Nagulat na naman siya nang bigla siya nitong yakapin. Sa puntong iyon ay hindi na siya gumalaw. Tanging pagtataka na lamang ang nasa isipan niya. "Francis... Parang yakap ko na ang kaibigan ko..." Dahil sa sinabi nito ay doon lamang niya naisip na nangungulila lamang ito sa kaibigan. Natapos ang pag-uusap at saka lamang napagdesisyunan ni Paris na umalis. Nagpaalam siya dito at nakangiti naman itong tumugon. Hindi niya namalayan ang oras. Mag aalas otso na pala ng gabi nang makalabas siya sa silid ng Señor. "Kumusta?" Nagulat siya nang biglang may nagsalita malapit sa pintuan. Agad siyang napatingin doon sa nagsalita. Nakita niya si Grecian na nakasandal at naka krus ang dalawang braso sa bandang ibaba ng dibdib nito. Ano kayang problema nito? Kunwaring wala siyang nakita at saka naglakad palayo dito. "Hey! I'm talking to you!" Naramdaman niya ang inis sa boses nito. Nagpatuloy siya sa paglalakad at natatawang lumayo dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD