Kung anuman ang nasa isip ni Paris, alam niyang nakakaramdam siya ng inis dahil sa pag-uugali ni Grecian. Bakit nagagawa nitong pakawalan ang masamang ugali nito lalo na sa ama nito? Naging maganda ang pakikitungo nito sa pagdating nila lalo na sa kaniya. Nakatitig lamang siya sa lalaki habang abala ito sa pag-aayos ng mga gamit.
Kasalukuyan silang nasa bunk house at inaayos ang ilan sa mga gamit na dala nila. Hindi niya akalain na makakakita siya ng ganitong bahay. Unang beses siyang makakaranas na tumira sa ganitong klaseng bahay. Dati ay sa mga litrato lang niya ito nakikita. May higaan sa baba at meron din naman sa taas, sa tantiya niya ay magkakasya ang dalawang tao sa bawat higaan. Malapit lang din ang kusina gayun din ang banyo.
Lahat ng mga gamit ay nandoon na.
Kaunti na lang at matatapos na din ito sa ginagawa. Nang mapansin nitong wala siyang imik ay marahan ito napatingin sa kaniya.
"Ang tahimik mo 'ata? Pasensiya ka na kanina ah?" Sigurado siyang sinadya nitong tumawa pero hindi niyon matatago na apektado ito sa pag-uusap ng ama kanina.
"Mabait naman 'yong dad mo... Bakit gano'n ka sa kaniya? Bakit ang sama mo sa kaniya?" Hindi na niya napigilan ang sarili na tanungin ito at dahil doon, parang may kung anong tinik ang nawala sa lalamunan niya. Bigla naman itong napahinto sa ginagawang pag-aayos ng mga damit nito at saka siya tiningnan.
"Kung dahil lang sa i-pinakita niyang pag-uugali kanina na masasabi mong mabait siya, sa totoo lang nagkakamali ka. Ang mga kagaya ni dad, sarili lang ang iniisip." Naging malamig ang tono ng boses nito.
"Bakit nagagawa mong tiisin ang dad mo? Kahit na ano pang sabihin mo, siya pa rin ang ama mo." Napatayo na siya sa pagdadahilan. Alam niyang wala siyang karapatan na pagsabihan ito dahil hindi naman siya pamilya. Pero kung makikita niyang magiging bastos ito sa pakikipag-usap sa ama, hindi niya matitiis na hindi pagsabihan man lang ito lalo na kung sa harap pa niya.
"Simula nang umalis si mama, wala akong ibang sinisi kundi si dad. Madalas silang mag-away at madalas kong marinig sa kwarto si mama na umiiyak. Halos gabi-gabi at nang umalis siya, hindi man lang siya nag-abalang magpaalam sa 'kin. Galit din naman ako kay mama. Ang punto ko lang, sana nagawang pigilan ni dad si mama na umalis. Sana pinaglaban niya si mama... Sana hindi siya naduwag." Malalim ang mg titig ni Paris kay Grecian habang nararamdaman niya ang lungkot sa boses nito.
Nag-iwas ito ng tingin mula sa kaniya at saka napayuko.
"Kaya ayaw mong umuwi dito sa Alegria?" Bigla na lang lumabas sa bibig ni Paris ang tanong na iyon. Hindi ito nakatingin sa kaniya pero sigurado siyang tumango ito.
Tumayo ito at saka tumalikod mula sa kaniya. Ngayon niya nakikita ang tunay na pagkatao nito. Ngayon siya nagkakaroon ng magandang dahilan na kailangan nito ang tulong niya. Isang nakatayo at nakatalikod na lalaki mula sa kaniya. Ramdam niya ang lungkot at galit nito. Kung tutuusin, marami itong pwedeng gawin pero hindi niya alam kung bakit nag-aaksaya ito ng panahon na kasama siya. Sa isip ni Paris, maswerte pa rin ito at kaya pa nitong maging masaya dahil pwede pa nitong makausap ang mga magulang ng harapan. Hindi katulad sa kaniya na hanggang alaala na lamang.
"Magpapahinga na muna ako ah? Napuyat ako sa pagda-drive. Dadating na rin sila aling Boninay kasama ang mga bata. Namamasyal lang ang mga 'yon." Hindi siya sigurado kung umiyak ito o dahilan lamang ng puyat ang mata nitong halatang pagod.
"Oo sige." Pagkatapos niyang magsalita ay saka ito pilit na ngumiti.
"Dito na lang ako sa baba. Ikaw na lang sa taas. Si Henry na lang din ang i-sasama ko dito mamaya sa pagtulog. Sa 'yo naman si Sarah," paliwanag nito.
"Sige. Pahinga ka na hindi na maganda 'yang mata mo." Bahagya itong napatawa sa sinabi niya. Mabilis ang naging kilos nito at nakita na lang niyang nakahiga na ito sa kama.
****
"Naku iho, sigurado ka ba talaga?" Pangatlong beses nang inuulit ni aling Boninay ang tanong nito kay Paris. Natutuwa siya sa babae dahil napaka-masiglahin nito.
Ni wala siyang makitang lungkot sa mukha ng babae bagay na nagpa-gaan sa loob niya. Ngayon ay sabay silang naglalakad papuntang mansyon. Kung tutuusin ay nasa tabi lamang ng bunk house ang mansyon subalit dahil sa malaki ang mansyon kaya medyo malayo ang distansiya nito mula sa bunk house.
"Naku aling Boninay, sigurado ho ako." Kanina lamang ay nagkausap sila nito sa bunk house at natutuwa siya dito. Maliban sa magaling ito sa gawaing bahay ay ganoon din kalapit ang loob nito sa mga bata.
"Siguro ka ba na marunong kang magluto?bSa palagay ko kasi ay hindi naman halata na 'yon sa 'yo." Pagkatapos nitong i-pasyal ang mga bata sa buong rancho ay agad din naman nitong inuwi ang dalawang bata sa bunk house.
Naging maganda ang pakikitungo nito habang kausap siya. Lalo na nang i-kwento nito ang kagandahan ng buong Alegria at San Agustin. Nasabi rin nito na siya ang namamahala sa buong mansyon. Hanggang sa huling pag-uusap nila sa bunk house ay napagdesisyunan niyang ipagluto ng pagkain si Grecian bago pa ito magising.
"Marunong po ako aling Boninay," natatawa niyang paliwanag dito. Ngumiti naman ito sa kaniya at saka hinawakan ang kaliwang kamay niya at marahang iyok tinapik gamit ang isa pang kamay nito.
"Naku, ang suwerte naman pala ng Señorito Chan sa kaibigan niya." Sa palagay niya ay sobrang malapit ang loob nito kay Grecian. Nginitian niya ito bago muling magsalita.
"Aling Boninay bakit Señorito Chan ang tawag niyo kay Grecian?" takang tanong niya dito.
"Aah, 'yon ba? Palayaw niya kasi 'yon no'ng dito pa siya nakatira." Napatango naman siya sa sagot nito.
"Ay naku, sige na, magsimula na tayong magluto para pag magising si Señorito ay naka-handa na ang pagkain," biglang sabi nito at saka tumingin sa relos nito. Mabilis itong naglakad kaya agad niya itong sinundan. Sa laki ng mansyon, sa tingin niya baka maligaw siya dito.
Narating nila ang kusina ng mansyon. Nang makapasok siya loob ay bumungad sa kaniya ang kabuuan ng kusina. Nakasabit ang ilan sa mga kagamitan sa pagluluto. Napansin din niya ang iba't ibang klase ng mga plato na ang iba ay parang mga ceramics na naka display. Napatingin naman sa kaniya ang tatlong babae na abala sa pagluluto ng mga pagkain para sa tanghalian.
"Naku, bilis-bilisan niyo na riyan! Umuwi na si Señorito Chan." Nag-iwas ng tingin ang tatlong babae at saka agad na kumilos nang marinig si aling Boninay. Binalingan naman siya nito ng tingin at saka nagtanong.
"Ano palang ipagluluto mo kay Señorito Chan?"
"Gagawa ho ako ng sinigang na baboy at pakbet." Nakaramdam siya ng hiya nang sabihin niya iyon.
Napansin niyang biglang napatigil sa ginagawa ang tatlong babae at ganoon din naman si aling Boninay. Gulat ang mga mukha nito sa sinabi niya.
"Sigurado ka?" muling tanong nito sa kaniya.
"Opo," agad na sagot niya at saka nginitian ito.
"Hindi 'ata kumakain si Señorito Chan ng ganiyan eh." Napatingin siya sa babae na naghihiwa ng mga gulay.
"Tumahimik ka diyan, Daisy," biglang sabi ni aling Boninay sa babae. Hindi niya alam kung ano ang magiging ekspresyon ng mukha dahil sa hiya. Muli namang nagsalita si aling Boninay.
"Kung gusto mong lutuin ang mga 'yon, nandito naman lahat nag kakailanganin mo... Siguro ay minsan nang natikman ni Señorito ang ganoong pagkain," nakangiting sabi nito sa kaniya.
Lumapit ito sa kaniya at saka hinawakan ang kamay niya para ipakita sa kaniya ang lahat ng pwede niyang gamitin sa pagluluto. Nang matapos nitong ipakita at kunin ang ilan sa mga kagamitan ay nagsimula na siyang kumilos para hanapin ang mga kailangan niyang sangkap. Hindi niya maiwasan na mapangiti habang ginagawa iyon sa loob ng kusina dahil alam niyang may nangangailangan ng atensyon at tulong niya bilang isang kaibigan. Muli siyang napangiti nang sumagi sa isipan niya ang mukha ni Grecian.