CHAPTER THIRTY ONE *BHL: Lean*

2074 Words
"Dok, kumusta na siya?" Agad na tanong ni Grecian nang marating niya ang silid ni Paris sa ospital. Mabuti na lamang at naabutan niya ang doktor sa loob. "He'll be fine soon. Kailangan lang niya ng pahinga. Mabuti nalang hindi masyadong napuruhan ang ribs niya kasi kung nagkataon, he will undergo to a serious operation," pahayag nito. Parang nabunutan ng tinik si Grecian nang sabihin iyon ng doktor. "Thank you, Dok." Pagkatapos niyang magpasalamat ay marahan nitong tinapik ang kaniyang balikat hanggang sa lumabas na nga ito ng kwarto. Maigi niyang pinagmasdan si Paris at saka marahan na lumapit dito. Kung pwede lang na kunin ang lahat ng sakit na nararamdaman nito sa katawan ay matagal na niyang ginawa. Masuyo niyang hinawakan ang kamay nito hanggang sa hagurin ng mga mata niya ang mukha nito. Hindi siya makapaniwala sa sinapit ni Paris. Alam ni Grecian na mabuti itong tao. Isang mapaklang ngiti ang nagawa niya nang may mapagtantong isang bagay. Alam niyang nasasaktan ito sa sitwasyon nilang dalawa. Nasasaktan ito nang dahil sa kanya. Mahal niya si Paris at ngayon na nakikita niya itong nasasaktan, wala siyang ibang pwedeng gawin kundi ang protektahan ito. "Paris mahal na mahal kita..." muling nagbalik ang mga nangyari kanina lamang. naalala niya kung paano nito banggitin ang pangalan niya. Kung paano nito sabihin kung gaano siya nito kamahal. Lahat ng iyon para kay Grecian ay hindi lamang isang tipikal na mga salitang naririnig niya sa isang pelikula. Lahat ng iyon ay talagang para sa kanya at hindi pa rin siya makapaniwala na mahal siya ni Paris. Minsan na rin niyang maisip kung pinipigil lang ba nito ang nararamdaman para makaiwas ito sa kanya o talagang wala itong nararamdaman para sa kanya? Hindi rin siya nagkamali na mahal siya nito. Napapikit siya nang wala sa oras at saka bahagyang isinandal niya ang kanyang ulo sa braso ni Paris. Hindi niya mawari kung ano ang mangyayari sa kanilang dalawa ni Paris pero sigurado si Grecian sa kanyang nararamdaman. "G-grecian?" Isang hirap na boses ang narinig ni Grecian. Kaagad na nagtagpo ang kanilang mga mata sa pagkakataong iyon at para bang isang alapaap ang tingin ni Grecian. Hindi niya lubos na makita ang mukha ni Paris dahil sa mga luha sa kanyang mga mata. "G-gising kana... Sandali, tatawag ako ng nurse–" kaagad na tumayo si Grecian para lumabas pero mahigpit siyang hinawakan sa kamay ni Paris. "Ayos lang ako... Gusto sana kita makausap..." Ramdam pa rin ni Grecian ang pagod na boses ni Paris dahil sa nangyari. Hindi niya alam kung makikinig ba siya sa sasabihin nito o dapat na lumabas para tawagin ang nurse. Sa huli ay napagdesisyunan niyang umupo. Masuyo niyang hinawakan ang kamay nito na nakahawak pa rin sa kanya. Napatingin si Paris kamay niya dahil sa ginawa niya. Mas lalong nangibabaw ang pag-asa niya dahil nakita ni Grecian na ngumiti ito. Isang ngiti na alam niyang siya ang dahilan niyon. "May gusto ka ba? Anong gusto mo? Bibilhin ko ngayon din–" Hindi alam ni Grecian kung anong tamang mga salita ang dapat na sabihin. Napatawa naman si Paris dahil sa pagkataranta niya. "Gusto ko sanang malaman mo na..." Unti-unting inagaw ng bintana ang atensyon ni Paris at maiging napatitig sa labas habang hinihintay pa rin ni Grecian kung ano nga ba ang gusto nitong sabihin. "Na?" pag-uulit niya. Nakita niya na nagtagpo ang mga kilay nito bago siya balingan ng atensyon. Kinabahan siya dahil sa ekspresyon ng mukha ni Paris. Napamaang siya nang bahagya itong umayos ng pagkakahiga at marahang hinawakan ang kamay niya. "Alam mong... Alam mong mahal kita diba?" Nakatitig lamang si Grecian kay Paris habang mas lalong bumuka ang kanyang bibig at tila tuluyan nang umatras ang kanyang dila dahil sa sinabi ni Paris sa kanya. "T-totoo? M-mahal mo ako?" Mas lalong namilog ang mga mata ni Grecian. "Oo mahal kita... P-pero sana mapakiusapan kitang sa atin nalang muna 'yon ha? Ayokong masaktan si Helen at alam kong mahal ka pa rin niya," biglang nakaramdam ng pagkairita si Grecian dahil sa pagbanggit ni Paris sa pangalan ng babae pero hindi na lamang niya iyon pinansin. Ang mahalaga, alam niyang mahal siya ni Paris. "Mahal din kita... Hindi ko alam kung paano hindi ko rin alam kung bakit kita minahal pero ang alam ko ngayon, mahal na mahal kita." Muling nagtagpo ang kanilang mga paningin habang sinasabi iyon ni Grecian. Hindi siya makapaniwala na isang malapad na ngiti ang itinugon ni Paris sa kanya. Ang akala niya ay hanggang doon lang pero mas ikinagulat niya nang marahan itong lumapit sa kanya at saka hinayaan niyang maglandas ang mga kamay nito sa likod na batok niya para dahan dahan siya nitong hatakin. Sobrang lapit na ng kanilang mukha at isang dangkal nalang, tuluyan nang maglalapat ang kanilang mga labi. "Mahal kita pero nasasaktan na ako, sobrang higpit ng hawak mo sa kamay ko." Bahagyang napatawa pa ito sa tinuran. Ikinabigla naman naman ni Grecian ang sinabi ni Paris kaya agad na napunta ang kanyang paningin sa kamay niya. "Sorry... Masaya lang siguro ako," isang makikinang na mga mata ang makikita kay Grecian at alam niyang ang dahilan niyon ay si Paris. Napansin niyang tila nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Paris. Ang kaninang mga ngiti ito ay naglaho na. Napalitan iyon ng lungkot at hindi maintindihang mga paningin. "Hindi ko pa rin akalain na magagawa 'yon ni Fredo... Alam kong mahal niya rin ako, pero alam ko rin na kahibangan ang pamimilit sa taong hindi naman pareho sa nararamdaman niya. Oo, mahal ko siya bilang kaibigan at sigurado akong alam niya 'yon. Hindi lang talaga niya matanggap ang katotohanan sa pagitan naming dalawa..." Mahina ang boses ni Paris habang nagkwekwento kay Grecian pero bawat salita nito ay narinig niya lahat. Dahil sa mga sinabi ni Paris ay nagtagpong muli ang magkabilang kilay ni Grecian dahilan para sabihin niya dito ang dapat na gawin kay Fredo. "Kanina habang wala kang malay dito sa ospital, tumawag ako sa mga pulis ibalita ang nangyari sa 'yo. Inireklamo ko na din ang ginawa ni Fredo at ako na mismo ang nagsampa ng kaso laban sa kanya," buong tapang na tumitig si Grecian sa mga mata ni Paris. Katulad nga ng inaasahan niya, alam ni Grecian kung ano ang magiging reaksyon ni Paris. "What?! Why did you do it?!" Kitang kita sa mukha ni Paris ang pagkagulat dahil sa pag-amin niya dito. Sa nakikita ni Grecian, walang mali sa ginawa niya at wala ring ibang dahilan para maabswelto ang lalaki sa ginawa nitong kahalayan kay Paris. Mas dapat pa nga itong matakot dahil sa ginawa nito. "Why not?! At bakit parang nagulat ka pa na ginawa ko 'yon sa lalaking 'yon?" Hindi siya makapaniwala na hanggang sa huli ay parang mas kinakampihan pa ni Paris ang ginawa ng lalaki. "Kaibigan ko pa rin–" inaasahan na ni Grecian na manggagaling iyon sa bibig ni Paris at sa pagkakataong iyon ay nakahanda rin siya para saluhin ang lahat nang sasabihin nito. "'Ayan! Diyan ka laging nagkakamali, Paris. Kahit na alam mo ng mali, mas pinipili mo pa rin na kampihan ang kaibigan mong halos patayin kana maangkin ka lang." Maririn na mga salita ang ipinukol ni Grecian kay Paris na tamang tama lang para marinig nito. Dahil sa sinabi ni Grecian ay kaagad na nag-iwas ng tingin si Paris. "Iniisip ko si nanay Celia," natahimik siya nang sabihin iyon ni Paris. Huminga ito nang malalim at saka muling nagsalita. "Nag-iisang anak ni nanay Celia si Fredo at si Fredo lang ang inaasahan ni nanay Celia na makakasuporta sa kahirapan nila. Kaya sana hindi na umabot pa sa mas mahirap na sitwasyon itong nangyari... Hayaan nalang muna natin si Fredo pero sisiguraduhin kong hindi na niya ako malalapitan ulit." Hindi alam ni Grecian kung anong dapat na itugon sa mga sinabi ni Paris pero sa kabilang banda ay naiintindihan niya ito. Mas lalo lang siyang humahanga sa likas na pag-uugali nito. "Tatawag ulit ako mamaya sa mga pulis, sasabihin kong 'wag nang ituloy." Naging mahinahon ang boses ni Grecian habang sinasabi niya iyon kay Paris. Namutawi naman ang simpleng mga ngiti ni Paris. "Salamat, Grecian," tanging nasambit na lamang niya. **** Hindi alam ni Gilbert kung anong tamang desisyon ang dapat na niyang gawin. Kasalukuyang nagtatalo ang kaniyang isip at nararamdaman. Hindi siya sigurado kung tama pa ba na ipaglaban niya si Paris gayung hindi naman siya ang mahal nito. Pero matagal siyang naghintay sa pagbabalik nito. Matagal siyang umasa na balang araw ay mapapadpad itong muli sa Batanes. "Kanina mo pa hawak 'yang baso..." Mula sa kaniyang likuran ay narinig niya ang kaniyang ina. Agad din naman niyang naibalik ang paningin sa malawak na karagatan. Kasalukuyan niyang tinatanaw ang paglubog ng araw mula sa balkonahe ng kanilang bahay. "Naiisip ko po siya," walang alinlangan niyang tugon sa ina. "Si Paris..." Narinig niya ang pagsambit ng ina sa pangalan ni Paris at alam nitong hinding-hindi niya maitatago ang totoong nararamdaman. Dahan-dahan siyang humarap at lumapit sa kinatatayuan ng ina. "Opo..." Dahil sa kaniyang mahinang tugon ay nakita ng ina ang pangungulila sa kaniyang mga mata. Maagap nitong hinaplos ang kaniyang kabilang pisngi na siya namang naging dahilan ng kaniyang marahan na pagpikit habang dinadama niya ang mainit na palad ng ina. "Son, hindi pa kita nakita na naging ganito... Kaya kung magiging kayo ni Paris, sigurado akong napaka swerte niya sa 'yo..." Kasabay ng mga sinabi ng ina ay ang mahigpit na pagyakap nito sa kaniya. "Mahal ko po siya... Mahal na mahal..." Iyon ang mga salitang kaniyang nabitawan habang yakap siya ng kaniyang ina. "I know... And I guess you should work hard for it." Kumawala ang mag-ina mula sa pagkakayakap at saka siya nito tinapik sa balikat. "Salamat po," nakangiting tugon niya dito. "Alam kong kayang-kaya mo na mapatunayan kay Paris kung gaano mo siya kamahal. Kausapin mo siya, make him feel that he'll be safe with you, okay?" Sa mga sinabi ng kaniyang ina ay tila nabuhayan siya ng pag-asa. Iyon lang din ang kailangan niyang marinig. Ngayon ay unti-unti siyang nagkakaroon ng lakas ng loob para piliin ang kaniyang nararamdaman at hindi magpadala sa kung anumang bagay ang makakapagpabago sa nararamdaman niya para kay Paris. "Kakayanin ko po." Muli siyang yumakap. Nagpaalam naman ito na aalis. Sa tingin niya ay may importante itong pupuntahan kaya sunod-sunod ang kaniyang pagtango. Naiwan siyang mag-isa na patuloy pa rin sa pag-iisip. Naisip niyang bumalik sa kaniyang kwarto kaya malalaking hakbang ang ginawa niya. Nakita niya ang ilan sa kaniyang mga gamit na nakalatag sa ibabaw ng kama. Kanina lamang ay desidido na siyang sundan si Paris ngunit ang katotohanan na alam niyang hindi siya ang pipiliin nito ay ang naging dahilan kung bakit bigla siyang natigil sa pag-aayos ng mga gamit. Tama ang kaniyang ina. Kailangan niya pang sipagan kung gusto niyang makuha ang isang taong mahal niya. Alam niyang hindi magiging madali ang lahat gayung ramdam niya na ibang gusto si Paris. Kusa namang huminto ang kaniyang paningin sa isang litrato. Isang litrato na sobrang tagal na rin niyang tinatago. Naroon ang larawan ni Paris noong mga bata pa lamang sila. Palihim niya itong kinuhanan ng litrato. Isang kopya lamang ang mayroon siya kaya sinigurado niyang hinding-hindi iyon mawawala sa kaniya. Mababagal na hakbang ang kaniyang ginawa palapit hanggang sa mahawakan na niya ang litrato. "I thought time will change my heart as how the way I love you before... Nagkamali ako... Hanggang ngayon, ikaw pa rin pala." Ngayon ay mas lalong bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Gamit ang kaniyang hintuturo ay marahan niyang hinahaplos ang mukha ni Paris sa litrato. Hindi niya rin maitanggi ang nakakahawang mga ngiti nito. Kahit kailan ay hindi siya nagsawa na makita ang ngiting iyon mula sa kaibigan. Muli siyang napaisip. Batid niya sa kaniyang pagkatao ang pangarap na sana ay higit pa sa kaibigan o kapatid ang maging turingan nilang dalawa ni Paris. Mabilis niyang isinuksok ang litrato sa gilid ng kaniyang maleta at saka ipinasok ang ilan sa mga damit niya na nakalatag pa rin sa kama. Ngayon ay handa na siya para muling makita ang kaibigan. Hindi na siya muling maghihintay. Kailangan niya rin na gumawa ng paraan para makita si Paris. Muli niyang inilibot ang kaniyang paningin sa buong kwarto at saka marahan na isinara ang pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD