CHAPTER FORTY THREE *BHL: Pain*

3475 Words
"Siguraduhin mong nakahanda na ang lahat!" Isang mala-demonyong tawa ang pinakawalan ni Helen nang pagmasdan niya ang taong kaniyang inutusan para tuparin ang kaniyang plano. "Areglado, bosing!" maangas na sagot ng isa sa mga tauhan ni Helen. Napatingin naman sa kaniyang kinaroroonan ang lalaki na namumuno sa lahat. "Hindi ka ba sasama?" nakangising tanong nito kay Helen. "Kung sasama ako, siguradong mahahalata nila na ako ang may gawa nitong lahat," tugon niya dito. Napaisip ito at saka tumango. "Kung sabagay... Pero 'wag na 'wag mong kakalimutan ang kasunduan natin, Helen..." Ang akala siguro nito ay ganoon na lamang siya magpapaapekto sa matatalim na titig nito. Kinalma ni Helen ang sarili at mas pinili na maging maayos ang pagsagot niya dito. Kailangan niya pa rin ito para sa plano kaya dapat niya itong pakisamahan. "Hinding-hindi ko makakalimutan..." Pagkatapos niya iyong sabihin ay saka ito umalis sa kaniyang harapan. Unti-unti nang natutupad ang lahat ng kaniyang plano at kaunting tiis na lamang at mapapasakaniya na ulit si Grecian. Iyon naman ang matindi niyang sadya. "Kung gano'n, wala na pala tayong dapat na aksayahing pagkakataon," nakangising sabi nito kay Helen. Tumango naman siya bilang tugon dito. Hindi nagtagal at nagsimula na ring kumilos ang buong tauhan ni Helen para gawin ang plano. Nakita ni Helen kung paano patakbuhin ng mabilis ang kotse na gagamitin ng kaniyang mga tauhan. "Kaunting tiis na lamang at makakapag higanti na rin ako sa 'yo, Paris..." Natatawa si Helen habang ibinubulong niya iyon sa hangin. **** "Siguraduhin niyong walang masasaktan. Kunin niyo ang dalawang at isakay niyo agad dito!" Awtomatikong nagsilabasan ng kotse ang mga armadong lalaki at mabilis na tinungo ang kinaroroonan nina Henry at Sarah. Kasalukuyang naglalaro ang dalawa malapit sa labas ng bahay ampunan at hindi naramdaman ng mga ito ang paglapit ng armadong grupo. "Sige, dalhin na 'yan!" Sabay na napalingon sina Henry at Sarah dahil sa sigaw ng isang lalaki sa grupo at huli na para sa kanila ang gumawa ng ingay dahil mabilis na tinakpan ng mga ito ang kanilang bibig. Ni walang taong nakakakita sa nangyayari kaya agad silang naipasok sa loob ng kotse. "Bitiwan niyo kami!" sigaw ni Henry habang sinusubukan nitong magpumiglas. "Maawa na po kayo sa 'min!" Narinig ni Henry ang pagmamakaawa ni Sarah. Hindi lubos maisip ng dalawa paslit na ganoon ang mangyayari sa kanila. "'wag kayong maingay!" Awtomatikong namilog ang mga mata nina Henry at Sarah nang sigawan sila ng isang lalaki. Hindi naman maiwasan ni Henry na magtaka sa boses na iyon. Sigurado siyang narinig na niya iyon. Kung hindi lamang natatakpan ng maskara ang mukha ng lalaki ay talagang makikilala niya ito. Nananatili pa rin siyang malalim na nag-iisip at pinapakiramdaman ang paligid. "Wala po kaming pera para ganituhin niyo po kami..." Hindi mawala-wala ang takot sa boses ni Sarah na mas lalong nagbibigay kaba kay Henry. Hindi niya gustong makita na ganoon ang sitwasyon nilang dalawa ni Sarah lalo pa at hindi alam ni Paris na ganoon na ang kanilang kalagayan. "Meron! Si Paris ang kailangan dito!" Dahil sa sinabi ng lalaki ay kaagad na nagkaroon ng kutob si Henry. Unti-unti na niya itong nakikillaa at umaasa siyang hindi tama ang kaniyang hinala dahil hindi niya gustong kamuhian ito. "Ano po ba ang kailangan niyo sa kuya na 'min?!" Hindi na napigilan ni Henry ang pasigaw na kaniyang tanong dito. "Wala kayong pakialam! Manahimik na lang kayo!" sigaw naman nito. Napatitig si Henry sa kaibigan na si Sarah. Kahit kailan ay hindi nila inasahan na aabot sila sa ganoong uri ng sitwasyon. Sa palagay nila ay wala silang ibang pwedeng gawin kundi ang umisip ng paraan kung paano makakatakas sa kamay ng mga ito. Naramdaman ni Henry ang masuyong paghawak ni Sarah sa kaniyang kamay. "Natatakot ako..." Parang may kung anong kirot sa kaniyang puso nang sabihin iyon ni Sarah. Hindi niya kayang nakikita itong nasasaktan. Tumugon siya sa paghawak ng kamay nito. Sinigurado niya na sa higpit ng pagkakahawak niya ay maiibsan ang nararamdaman nitong takot. "Palagi akong nandito, Sarah... Babantayan kita lagi," saad niya dito habang tinititigan niya ito sa mga mata. "Paano tayo mahahanap ni kuya Paris?" naluluhang tanong nito sa kaniya. Sa puntong iyon ay hindi niya rin alam kung ano ang isasagot sa tanong ni Sarah. Pero napaisip si Henry na kung ang sadya ng mga ito ay ang kanilang kuya Paris, sigurado siyang ang mga ito mismo ang gagawa ng paraan para sabihin ang sitwasyon nilang dalawa ni Sarah. "Malalaman ni kuya Paris 'yon, Sarah dahil sila mismo ang gagawa ng paraan para sabihin kung ano ang kalagayan natin ngayon," paliwanag niya dito at saka nakita niya itong tumango. Inilapit ni Henry ang kaniyang bibig sa tainga ni Sarah sabihin dito ang kaniyang naiisip na gawin. Dahil doon ay agad namang tumalima si Sarah. "Iisip tayo ng paraan para makatakas dito," bulong ni Henry kay Sarah. "Pero paano?" tanong naman nito sa kaniya. "'Yon na mismo ang kailangan nating pagplanuhan..." Hindi maalis-alis ang takot sa dalawa. "Huy! Anong binubulong-bulong niyo diyan?!" Agad na naglayo ang dalawang bata dahil sa sigaw ng isang lalaki. Ang ganitong uri ng sitwasyon ang kinakatakutan na mangyari ni Henry dahil hindi niya alam kung paano makakagalaw nang hindi napapansin ng mga ito. Kailangan niya ng tulong ni Sarah. "Wala po..." Minabuti ni Henry na sagutin ito para hindi na rin ito maghinala. "Subukan niyo lang na tumakas at sisiguraduhin kong hindi na kayo makikita ng kuya Paris niyo!" Alam na alam ng dalawang paslit na sasabihin iyon nito pero kahit na mga bata pa sila ay alam nila kung anong uri ng pananakot ang ginagawa ng mga tao sa kanilang mga musmos pa lamang. "Hindi kami natatakot sa inyo!" Huli na para kay Henry na pigilan si Sarah sa sinabi dahil mabilis nitong isinigaw iyon sa mga lalaki. "Pwes! Ngayon, matakot na kayo!" Nahindik ang dalawang bata dahil sa nakakatakot na pagngisi ng lalaki nang sabihin nito iyon. Napayakap na lamang sa isa't isa ang dalawa dahil sa nararamdaman. **** "Hindi nga namin alam kung paano nangyari 'yon, Paris... Natatakot ako sa posibleng mangyari sa dalawang bata..." Kitang-kita ni Paris ang pangamba sa mukha ni sister Ana. "Wala po tayong ibang pwedeng gawin kundi ang magtulong-tulong para mahanap sina Henry at Sarah..." Kahit siya ay hindi na rin alam kung paano sisimulan ang paghahanap. Dinalaw ng matinding kaba si Paris nang sabihin ni sister Ana ang nangyari sa dalawang bata. Malakas ang kutob niya na may kinalaman ito sa kaniya kung bakit may kumuha sa mga bata. Pakiramdam ni Paris ay nagsisimula na ang matinding kalbaryo niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ito nangyayari sa kaniya. "Sinubukan na rin na 'ming kontakin ang kapulisan. Mabuti na lang at nagsimula agad silang maghanap," pahayag nito sa kaniya. Kasalukuyan itong nakahawak sa kamay niya at hindi niya maitatanggi ang kaba sa hitsura nito. "Sister, gagawin po natin ang lahat para mahanap sina Henry at Sarah," paninigurado niya dito. Nakita niya ang sunod-sunod na pagtango nito sa sinabi niya. "May kutob ako na may kinalaman si Helen..." Napaigtad siya dahil sa sinabi ni sister Ana. Hindi niya akalain na lalabas ang mga salitang iyon sa bibig ni sister Ana pero alam niyang hindi ito magsasalita ng ganoon kung hindi nga ito naghihinala. "Sigurado ho ba kayo?" tanong niya dito. "Kahit na hindi ako sigurado, alam nating pareho na galit sa 'yo si Helen. Paris, kailangan mong hanapin si Helen sa lalong madaling panahon," kinakabahang saad nito. Nagtaka siya sa sinabi nito. "Paano niyo po nalaman na galit si Helen sa 'kin?" Hindi niya maiwasan na isipin ang sinabi ni sister Ana. "Paris, kilala kita... Sa tinagal-tagal mo rito sa bahay ampunan, nakilala ko kung paano mo tratuhin si Helen bilang isang kapatid pero ang makita siya noong araw na nadito kayo ni Grecian, siguradong galit ang nararamdaman niya para sa 'yo." Nanatili siyang nakikinig at pinapakiramdaman ang mga sinabi nito. "Kung gano'n po, kailangan ko talagang malaman ang totoo..." Biglang naramdaman ni Paris ang tensyon sa kaniyang dibdib. Nakita niya kung paano napatango si sister Ana sa sinabi niya. "Paris, maraming bagay ang pwedeng makasira sa pagiging magkaibigan niyo ni Helen at isa na roon si Grecian..." Nabigla siya sa sinabi nito. Hindi niya akalain na malalaman nito ang tungkol doon. Malaking tanong para kay Paris kung paano nito iyon nalaman. "Alam ko ho 'yon, sister... Ginagawa ko po ang lahat ng pwedeng gawin para magkaayos kami ni Helen pero hindi ko pa rin alam kung paano ako magsisimula..." Batid niyang mahihirapan siya na patawarin ni Helen. Mula sa labas ng bahay ampunan ay bahagya siyang nagulat nang marinig ang pagpasok ng dalawang itim na kotse. Niluwa niyon si Gilbert at Grecian na halos mag unahan pa para lang makalapit sa kaniya. "Hawak ni Fredo sina Henry at Sarah!" agad na bungad ni Grecian. "Kailangan natin silang iligtas!" segunda naman ni Gilbert. Dahil sa dalawa ay mas lalong nagbigay ng kalituhana ang mga sinabi nina Grecian at Gilbert. Hindi niya maintindihan kung bakit gagawin iyon ni Fredo samantalang alam nito kung gaano kahalaga para sa kaniya ang mga bata. "Ano?! Bakit naman 'yon gagawin ni Fredo?!" Hindi pa rin siya makapaniwala. "Paris, muntikan ka na niyang mapagsamantalahan! Hindi imposibleng hindi niya gawin na pagtangkaan ang buhay nina Henry at Sarah!" Halos maisigaw na iyon ni Grecian sa kaniya. Naging dahilan ang sinabi nito para marinig ni sister Ana at Gilbert ang katotohanan. Huli na nang mapagtanto ni Grecian ang kaniyang sinabi. Halos ganoon din ang reaksyon ni Paris nang isigaw iyon ni Grecian. Nakita niya ang kalituhan sa mukha ni sister Ana at nakita niya kung paano manggalaiti si Gilbert. Nakaramdam si Paris ng kahihiyan dahil sa sinabi ni Grecian pero wala na rin siyang magagawa. Mas importante na mahanap nila kung nasaan ang mga bata. "Sandali lang! Naguguluhan ako sa inyo!" Hindi na nakapag pigil si sister Ana at napasigaw na rin. Ramdam ni Paris ang tensyon sa bawat isa at kailangan niyang kumalma para magkaroon ng magandang usapan. "Sister, kailangan ko na po itong solusyunan sa lalong madaling panahon," saad niya dito. Nakita ni Paris ang pag-aalala sa mukha ni Grecian at Gilbert. "Sasama ako," suhestiyon ni Grecian. Tila hindi na rin ito mapakali. "Ako rin." Hindi rin nagpahuli si Gilbert. "Ako ang kailangan ni Fredo at alam kong makikinig siya sa 'kin." Totoo ang sinaad ni Grecian na kayang gumawa ng kasamaan ni Fredo at hindi iyon imposible gayung minsan na rin siya nitong pagtangkaan. "Kailangan mo ng kasama, Paris," seyusong sabi ni Grecian. Alam niya ang pinupunto nito pero ayaw na rin niyang malagay sa alanganin ang buhay nito. "Kontakin niyo ang mga pulis at sabihin niyo ang lahat-lahat ng nalalaman niyo pero siguraduhin niyong nasa tamang oras kayo dahil nakasalalay ang buhay ng mga bata dito," paliwanag niya sa dalawa. "I'll be with you, Paris." Hindi alam ni Paris kung maiirita o matutuwa sa pagiging makulit ng dalawa. Kailangan niyang makapag-isip ng magandang paraan. "Si Grecian na lang ang isasama ko, Gilbert." Sumilay ang ngiti ni Grecian nang sabihin iyon ni Paris. "Gilbert, ikaw na ang tumawag sa mga pulis." Kaagad namang nabaling ang atensyon ni Gilbert nang sabihin iyon ni Grecian. Walang nagawa si Gilbert kundi ang tumango sa sinabi ni Paris. "Balitaan niyo ako, Paris..." Muling maibaling ni Paris ang kaniyang paningin kay sister Ana na kanina pa nag-aalala para sa kaligtasan ng mga bata. Nararamdaman niya ito at kahit siya ay hinding-hindi makakapayag na may mangyaring masama sa mga ito. Kaya kung sarili niya ang kapalit para sa kaligtasan ng mga ito ay gagawin niya. "Tara na." Narinig niya ang sinabi ni Grecian kaya napatango siya dito. Nakita naman niya na agad na naglakad si Gilbert papasok sa kotse nito. Nauna nitong pinaandar ang sasakyan at saka agad na pinatakbo ng mabilis. "Mag-iingat kayo," nag-aalalang saad ni sister Ana. "Gagawin po namin 'yan, sister Ana." Hinawakan ni Paris ang kamay ni sister Ana at pinaramdam dito ang kasiguraduhan na muli niyang maibabalik ang mga bata. Wala na silang pinalampas na oras at agad na sumakay sa kotse ni Grecian. Mabilis ang naging galaw nito hanggang sa bigla nitong buhayin ang makina at saka pinaandar ang sasakyan. **** Sa wakas ay nangyayari na rin ang kagustuhan ni Fredo. Ngayon na hawak na niya ang mga bata ay sigurado siyang magiging dahilan iyon para mapasa-kaniya si Paris. Gagamitin niya ang mga ito para maisa-katuparan ang kagustuhan niya. "Boss, anong gagawin natin sa dalawang 'to?" untag ng isa sa mga kasamahan ni Fredo. "Hindi pa ba halata na gagamitin natin sila para pumunta dito si Paris?!" pasigaw na tugon niya dito. "Pasensiya na, boss." Bigla nitong ibinaling ang atensyon sa ibang bagay. Nakita naman niya ang kinauupuan ng dalawang bata habang tulog ang mga ito. Kanina ay nagawa na niyang tawagan sina Grecian at Gilbert. Alam ni Fredo kung anong aksyon ang gagawin ng mga ito laban sa kaniya kaya pinaghandaan niya ang bagay na ito. Kasalukuyan silang nasa isang lumang bodega at doon niya naisipan dalhin ang dalawang bata. "Hayop ka Grecian... Dahil sa 'yo, nawala sa 'kin si Paris," pabulong na saad niya at saka hinithit ang umuusok na sigarilyo. Nagitla siya nang maramdaman niya ang isang ingay na nagmumula sa labas ng bodega. Agad siyang gumawa ng mga hakbang palapit sa tarangkahan ng bodega at saka sumilip sa labas. "Fredo! Alam kong nandiyan ka! Ilabas mo ang mga bata! Ako ang kailangan mo 'di ba?! Nandito na ako!" Tila hindi man lang nakaramdamn ng pagkaalarma si Fredo sa sigaw ni Paris. Kitang-kita sa mukha ni Fredo ang mala-demonyo nitong ngiti. Matagal na siyang nanabik sa katawan ni Paris at sa bawat segundong makikita niya ang kabuuan nito ay parang may kung anong sensasyon sa kaniyang katawan. Bigla niyang binuksan ang tarangkahan ng bodega at inabangan ang magiging reaksyon ni Paris. "Paris..." Sa pagbanggit niya sa pangalan nito ay hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang panggagalaiti nito. Alam niyang kamumuhian siya ni Paris pero ito lang ang tanging paraan na nakikita niya para mapasa-kaniya si Paris. Kung nababaliw man siya para kay Paris ay hindi na niya iyon itatanggi. "Hayop ka! Walang hiya ka! Tinuring kitang kapatid! Pero anong ginawa mo?! Nagsisisi ako na hinayaan kita sa ginawa mo sa 'kin! Nagsisisi ako na pinalampas ko ang pagkakataon na hulihin ka ng mga pulis! Ngayon dinamay mo pa pati ang mga bata!–" Ramdam na ramdam ni Fredo ang galit ni Paris pero para sa kaniya ay isa iyong mumunting tinig na kahali-halina sa kaniyang tainga. "Ibabalik ko lang sila sa 'yo kung sasama ka sa 'kin!" mariing sabi niya dito. Tila hindi naman nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Paris. Walang ibang pwedeng gawin si Fredo kundi ang sabihin iyon para mapapayag ito sa kagustuhan niya. Sa kabila ng lahat ng kagustuhan niya ay hindi rin niya alam kung anong planong gawin ni Helen kay Paris pero sisiguraduhin niya na hindi nito masasaktan si Paris dahil alam niyang para lang sa kaniya si Paris. "Hayop ka talaga!" Walang anu ano'y bigla itong tumakbo palapit sa kaniya at saka nagtangkang suntukin siya pero mabilis siyang nakakailag sa ginagawa nito. Nang mahigpit niyang mahawakan ang magkabilang braso ni Paris ay saka siya gumawa ng sigaw. "Ilabas ang mga bata!" Dahil sa sigaw niya ay agad namang tumalima ang mga tauhan ni Fredo. Mabilis na inilabas ang mga bata. **** "Henry! Sarah!" Hindi mapigilan ni Paris ang manlumo nang makita ang mga bata. Tila pagod ang mga ito. Nang makita siya ng mga ito ay agad na napayakap ang dalawa sa kaniya habang ramdam niya ang tindi ng pag-iyak ng mga ito. "Anong ginawa mo sa kanila?!" Halos manginig na ang boses ni Paris nang pasigaw na itanong niya iyon kay Fredo. Malakas niya itong tinulak kaya nagawa niyang ilayo ang pagkakahawak nito sa kaniyang magkabilang braso. Kaagad niyang tinugunan ng mahigpit na yakap ang mga bata. "Natatakot po ako, kuya..." Nagsimulang humagulgol si Sarah habang yakap pa rin siya nito. "Ako rin po..." Ramdam ni Paris ang panginginig ng katawan ni Henry nang sabihin nito iyon. Hindi na mapakali si Paris at saka hinayaan niyang dumapo ng malakas ang kaniyang palad sa pisngi ni Fredo. "Anong ginawa mo?! Kapag nalaman ko na pinahirapan mo sila siaiguraduhin kong mabubulok ka sa kulungan!–" "Tama na ang satsat! Sige na! Paalisin mo na ang mga batang 'yan at sumama ka na sa 'kin!" Sa pangalawang pagkakataon ay muling nakita ni Paris ang nakakatakot na ngiti ni Fredo. "Kuya sumama ka na po sa 'min..." Umiiyak si Henry habang sinasabi nito iyon sa kaniya. Napatingin si Paris sa kaniyang paligid at kita niya ang tauhan ni Fredo na nakahandang salubungin sila kung sakaling tatakas sila ng mga bata. Wala siyang laban sa mga ito. Pinapanalangin na lamang niya na sana ay maging mabilis ang kilos ni Grecian at Gilbert. "'wag kayong mag-alala... Makakauwi rin tayo ng ligtas..." Inalo niya ang dalawa para kahit paano ay maging komportable ang mga ito. Hindi siya pwedeng gumawa ng isang bagay na ikagagalit ni Fredo dahil sa pagkakaalam niya ay nagiging mainit ito sa tuwing hindi niya nasusunod ang gusto nito. "Ilayo niyo na 'yang mga bata! Bilis!" Dahil sa utos ni Fredo ay agad na sumunod ang mga tauhan nito at sapilitan na inilayo ang mga bata mula kay Paris. Labis ang pag-iyak ng dalawa habang pigil hininga naman si Paris dahil ayaw niya makita at marinig ng mga ito ang kaniyang galit kay Fredo. "Susunod ako sa gusto mo basta't pakawalan mo sila at 'wag mo silang sasaktan!" sigaw ni Paris. Agad na tumalima si Fredo sa sinabi ni Paris. Walang nagawa ang dalawang bata nang sapilitan silang ilayo at agad na inilabas mula sa kinaroroonan nila. Dahil sa nangyari ay wala ring nagawa si Paris kundi ang isakripisyo ang kaniyang kaligtasan para sa mga bata. Kataka-taka na hindi pa rin niya makita ni anino nina Grecian at Gilbert. Ramdam ni Paris ang higpit ng hawak ni Fredo sa kaniyang braso at patuloy siya nitong tinutulak papasok sa bodega. **** "Gawin mo na Fredo!" Kanina pa nanggagalaiti si Helen sa kabilang linya at naririndi na rin si Fredo dahil sa talak nito. "Kumalma ka, Helen!" Hindi na rin niya napigilan ang sumigaw. "Alam mo ang mangyayari sa nanay mo kapag hindi mo ginawa ang gusto kong mangyari!" Halos mabingi si Fredo dahil sa boses ni Helen kaya agad niyang binaba ang tawag at saka diretsong napatitig sa dala niyang bag na laman ang hindi niya maintindihang mga kagamitan. Ang gusto lamang ni Helen ay gawin ang inuutos nito at ito rin ang nagpadala ng mga gamit na hawak niya ngayon. "Bosing! May nakapasok!" Naagaw ang kaniyang atensyon nang biglang sumigaw ang isa sa kaniyang mga tauhan kaya agad siyang nagtungo malapit sa tarangkahan. Huli na ang lahat nang mapagtanto niyang nasa kinaroroonan na nila sina Grecian at Gilbert. Naging mabilis ang kilos niya at saka tinungo ang kinalalagyan ni Paris. "'wag niyong hahayaan na makapasok ang mga 'yan!" Pagkatapos niya iyong sabihin ay saka lamang niya nakita ang hitsura ni Paris. Kanina ay nagawa na niya ang unang inutos sa kaniya ni Helen kapalit ang dalawang milyung piso. Mahal niya si Paris at hindi niya itatanggi na malaki ang halaga na binibigay ni Helen para hindi niya gawin ang gusto nitong mangyari. Kailangan na lamang niyang ilagay sa loob ng bag ang isang bagay na kanina pa nakalatag sa ibabaw ng mesa malapit sa kinauupuan ni Paris. Nakita niya ang hitsura nito at may kung anong kirot sa kaniyang puso nang mapagluhong wala pa rin itong malay pagkatapos ng kaniyang ginawa dito. Mabilis siyang lumapit dito at saka inilagay sa loob ng bag ang bagay na ibinilin sa kaniya ni Helen. Ito na ang huling pagkakataon na makikita niya si Paris. Wala na siyang oras para itakas ito. Ang kailangan na lamang niyang gawin ay tumakas ng mag-isa at ibigay kay Helen ang bag. Naisahan siya ni Helen dahil alam niyang pinagbabantaan siya nito at sigurado siyang pupunteryahin nito ang kaniyang ina kung sakaling hindi niya sunding ang gusto nito. "Patawarin mo ako, Paris..." Nanlumo siya sa kaniyang sinabi at mas lalo niyang naramdaman ang kahabagan nang makita ang mga natuyong luha sa mukha nito. Kasalukuyan itong nakaupo at nakatali ang mga paa at braso. Ni hindi nito nagawang gumalaw at manlaban man lang pero wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin ang gusto ni Helen. "Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa kulungan..." Hirap na hirap ito habang sinasabi nito iyon sa kaniya. Naging mabilis ang kilos ni Fredo at saka siniguradong dala niya ang ipinag-uutos ni Helen. Hindi na niya pinansin ang sinabi ni Paris at saka mabilis na umalis. Agad niyang tinungo ang likod ng bodega dahil naroon ang kaniyang sasakyan. Mabilis niyang pinaandar ang kotse dala ang kosensiya at kasalanang kailanman ay hinding-hindi siya patatahimikin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD