Chapter 19

2711 Words
Sa matinding takot at kahihiyan na baka marinig ko ang malalakas na halakhak ni Rehan dahil sa naging kalunos-lunos kong pagbagsak, literal na hindi ako nakagalaw mula sa aking kasalukuyang puwesto. Para akong isang rebulto na biglang itinali sa ibabaw ng kaniyang matigas na dibdib, sinemento ang buong katawan, at tuluyang nanigas sa posisyon namin. Ayaw kong gumalaw kahit isang milimetro. Ni ayaw ko rin siyang tingnan nang diretso dahil alam kong isang dangkal lang ang layo ng aming mga mukha. Kaya naman bilang parusa sa aking kawalan ng ingat, ang nguso ko ay nananatiling pirmi at mariing nakadikit pa rin sa kaniyang makinis at mabangong pisngi. Nararamdaman ko ang kaniyang marahang paghinga na sumasabay sa mabilis na pag-naik ng dibdib ko. “Masi nappa?” biglang pabulong na salita niya. Dahil sa sobrang lapit ng aming mukha, naramdaman ko ang paggalaw ng kaniyang panga sa mismong labi ko. Ang kaniyang boses ay tila isang malalim na ugong na nanggaling sa kaniyang lalamunan, at naramdaman ko rin ang biglaang paninigas ng kaniyang buong katawan habang nananatili siyang walang kibo sa ilalim ko. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng mga salitang iyon, ngunit sapat na ang aking instinct para hulaan na isa na naman iyon sa mga salita sa Korea na kaniyang kinalakihan. Ang kaniyang boses sa mga sandaling iyon ay napakababa, tila ba labis siyang nag-iingat na dapat ay walang ibang makarinig sa aming dalawa sa loob ng maliit na flower shop. “Mianhae...” dagdag pa niya sa parehong pabulong na tono nang hindi pa rin ako gumagalaw para lumayo. “I’m sweating, Heila. It’s hot.” Napapikit ako nang mariin, pigil ang paghinga. Hindi rin ako makaimik o makapagsalita man lang para depensahan ang aking sarili sa nangyaring aksidente. Tuluyan na ngang nag-blanko ang aking utak at hindi ko na alam kung ano nga ba ang tamang hakbang na dapat kong gawin sa mga susunod na segundo. Dapat ko na bang piliting tumayo ngayon din, magkunwaring walang nangyari, at huwag na siyang pansinin habang-buhay? O mas mabuting umalis na lang ako nang mabilisan sa ibabaw niya, tumakbo palabas ng shop nang walang lingon-lingon hanggang sa makauwi sa aming bahay para magtago? Pakiramdam ko talaga ay sasabog na ang aking dibdib dahil sa sobrang lakas at bilis ng pagkabog ng puso ko. Ngunit mas lalo lang nakipagkarerahan at tila gustong lumabas ng aking puso mula sa aking tadyang dahil sa susunod na kaniyang sinabi, kasabay ng marahan at mas lalong paghigpit ng kaniyang dalawang kamay na nakapulupot sa aking baywang. “Are we still going to stand up and eat our lunch...” pabulong at seryosong tanong niya, habang ang kaniyang singkit na mga mata ay tila sumisilip sa akin sa ilalim ng kaniyang mahahabang pilik-mata. “...or do you want to level up this accidental position and just make me hug you tight like this for the rest of the day?” “Hoy! Rehan, ano ba—!” CLINK-CLANK! He was abruptly cut off nang sabay naming marinig ang malakas at mabilis na pagtunog ng brass chimes na nakasabit sa aming glass door. May pumapasok na customer! Nanlaki na lang nang todo ang aking mga mata sa matinding gulat, at bago pa man ako makakilos para lumayo, isang pamilyar at matinis na boses ng isang matandang babae ang halos humiyaw mula sa may b****a ng shop habang nakatingin sa aming kinalalagyan sa sahig. “Naku po, Diyos ko! Tanghaling tapat pa lang, Hesusmaryosep! Dinaig ninyo pa ang mga ligaw na aso sa kalye na kung kailan uminit ang sikat ng araw ay doon pa talaga naisipang dadali sa kung saan-saan! Hesusmaryosep ang mga batang ito, wala na talagang pinipiling lugar ngayon!” Kainin na nga po nawa ng lupa ang buo kong pagkatao ngayon din! Parang may isang invisible na lubid na biglang humila sa aking buong katawan paitaas nang marinig ko ang nakamamatay na paratang na iyon ni Lola. Dali-dali akong bumangon mula sa ibabaw ni Rehan, muntik pa akong muling mabuwal dahil sa panginginig ng aking mga tuhod. Sa abot ng aking makakaya ay nagmadali akong pumunta sa likod ng counter at todo ang ginawa kong pag-iwas ng tingin sa kaniya habang inaayos ang nagulo kong apron. Walanghiya talaga! Bakit ba parang sa mga sandaling ito ay biglang naging napkaliit ng flower shop na ito para sa aming dalawa? Bakit parang kahit saan ako lumingon ay nararamdaman ko ang presensya niya? Nilingon ko si Lola na sa kasalukuyan ay pigil-pigil pa rin ang hawakan ng pintong bubog upang hindi ito tuluyang magsara. Hindi kasi agad siya nakahakbang papasok sa loob ng tindahan dahil sa matinding gulat sa eksenang kaniyang naabutan sa sahig kanina. Habang nakatalikod nang bahagya sa kanila, palihim ko namang pinunasan gamit ang likod ng aking palad ang aking mga labi at bibig na nabasa ng sarili kong laway dahil sa pagkakadulas ko sa kaniyang mukha. Susko po! Kung nahihiya ako para sa sarili ko, ano pa kaya ang nararamdaman para sa pisngi ni Rehan? Baka nga literal pang umanod at nag-iwan ng bakas ang laway ko sa pisngi niya dahil sa sarili kong kagagahan at katangahan! Sobrang nakakahiya, hindi ko na alam kung paano ko pa siya titingnan mamaya! Sinubukan kong huminga nang malalim upang ibalik ang aking propesyonal na wisyo bago ko agad na inasikaso si Lola. “Ah... eh, Lola! Magandang tanghali po sa inyo!” malakas at magalang kong bati, kahit na ramdam kong pilit na pilit at nanginginig ang aking ngiti sa kaniya. “Welcome po sa Heila's Flowers. Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” Pakiramdam ko talaga sa mga sandaling ito ay tuluyan nang naglaho at naging abo ang kredibilidad ng aking tindahan dahil sa maling akala ni Lola. Ikumpara ba naman ang nangyaring aksidente sa amin ni Rehan sa mga asong ginagawang motel ang gitna ng kalsada tuwing sasapit ang tanghali? Patuloy ko pa ring inayos ang aking magulong damit at buhok habang mabilis na naglalakad patungo sa tapat ng cash register. Pirming nakatitig lang sa akin si Lola, ang kaniyang mga mata ay may halong mapanuring tingin habang dahan-dahan siyang naglalakad papalapit sa akin sa counter. Nakasuot siya ng isang simpleng pulang bestidang halos kumupas na ang kulay dahil sa kalumaan, at may dala-dala siyang isang malaking bayong na gawa sa nilalang dahon ng buli. Kung itatanong ninyo naman kung ano na ang nangyayari kay Rehan sa mga sandaling ito... dahan-dahan na rin siyang nakatayo mula sa sahig, pinapagpagan ang kaniyang pantalon, at pakiramdam ko kahit hindi ko siya nililingon ay diretso pa ring nakatitig sa akin ang kaniyang mga mata mula sa gilid ng corridor. Kung nakakatunaw man talaga ang titig ng isang tao, Lord, gusto ko na pong matunaw ngayon na! Ngayon na sana para matapos na ang kahihiyang ito! “Hija, magkano ba ang isa rito?” tanong ni Lola nang makalapit sa akin. “Pabili nga ako ng kahit isang pulang rosas lang.” Sa malumanay na tono ng boses ni Lola ngayon, parang wala siyang nakitang nakakahiyang eksena kanina sa sahig. Parang walang kahit anong nangyari at diretso na siya kaagad sa kaniyang pakay sa pagpunta rito, isang bagay na sa isip-isip ko ay labis-labis kong ipinagpapasalamat sa Itaas dahil hindi na niya pinahaba pa ang usapan tungkol sa pagkakadulas ko. Tumikhim ako nang bahagya at pilit na ipinokus ang buong atensyon ko sa matanda para lang makalimutan ang presensya ng lalaking nasa likod ko. Puti na ang halos lahat ng kaniyang buhok na maingat na nakatali sa likod, ngunit kung titingnan ang kaniyang tindig at pagkilos, mukhang malakas at malusog pa talaga ito para sa kaniyang edad. Hindi siya isa sa mga regular na kustomer na madalas pumunta rito tuwing may okasyon. Sa palagay ko nga ay ngayon lang siya napadpad at nakatapak sa lugar na ito sa buong buhay niya. “Alin po ba riyan sa mga nakadisplay, Lola?” tanong ko sa kaniya sabay turo sa aking bandang likuran, kung nasaan ang mga nakahilang tapos na bouquets. “Iba’t iba po kasi ang disenyo at klase ng mga lalagyan at pagkakabalot ng mga bulaklak natin ngayon dahil Valentine's Day. Mayroon pong simple lang, at mayroon din namang magagara para sa mga espesyal na regalo.” Nang hindi agad tumugon si Lola sa aking mga mungkahi, agad ko siyang binalikan ng tingin para tingnan kung ano ang kaniyang napili. Doon ko napagtanto na hindi pala sa magagandang bulaklak o sa mga mamahaling wrapping paper nakatingin ang matanda, kundi doon sa mismong gilid ng aking center worktable. May mga natitirang labis na pulang rosas doon na pinutulan ko ng mga tinik at dahon kanina bago ako nadulas. Iyong mga rosas na nakalagay lang sa timba, hubad, at wala pang kahit anong disenyo o satin ribbon man lang. “Iyon na lang, Hija,” malumanay na sabi niya sabay turo gamit ang kaniyang nangangatog na daliri doon sa isang nag-iisang pulang rosas na medyo bumubuka na ang mga petals. “Ayos lang sa akin kahit walang kahit anong balot o disenyo. Para sa sarili ko naman ang isang iyan, eh. Tsaka... hindi ko rin kasi alam kung aabot ba ang dala kong pera para sa magagarang bulaklak na gawa mo.” “Po? Ano pong ibig ninyong sabihin, Lola?” Tila bigla akong nabingi sa kaniyang naging pahayag. Tinitigan ko nang mabuti si Lola na sa mga sandaling iyon ay abalang-abala sa paghahalungkat sa loob ng kaniyang malaking bayong. Doon ko nakitang maingat niyang inilabas ang isang maliit at lumang pitakang gawa sa tela, na halos pinaglumaan na talaga ng panahon dahil sa mga himulmol at kupas na kulay nito. Nang buksan niya ito, nakita kong wala na halos itong laman maliban sa ilang barya at isang pirasong papel na pera. “May natitira na lang kasi akong singkuwenta pesos dito sa pitaka ko, Hija. Aabot man lamang ba ang perang ito kahit para sa ilang dahon o tangkay man lang ng pulang rosas na iyon?” aniya habang dahan-dahang inilalabas ang kulay pulang bente at tatlong sampung pisong barya, sabay mahinang natawa na tila nahihiya sa kaniyang dalang halaga. Nagpatuloy siya sa pagsasalita, ang kaniyang boses ay may halong lungkot na pilit niyang itinago sa pamamagitan ng isang ngiti. “Galing na ako sa dalawang malalaking tindahan ng bulaklak doon sa tapat ng palengke kanina bago ako napadpad dito, pero hindi nila ako pinansin o pinagbilhan. Masyado raw mababa ang pera ko at para sa mga bulk orders lang ang mga tinitinda nila ngayon dahil nga Valentine's Day. Wala na kasi talaga akong sapat na pera para regaluhan ang sarili ko ng isang magandang rosas ngayon.” Parang biglang kinurot ng isang matalas na bagay ang aking puso dahil sa kaniyang mga sinabi. Natigilan ako sa aking kinatatayuan, at hindi ako agad makahanap ng tamang salitang itutugon sa kaniya nang hindi ako magmumuhang naaawa o nagmamayabang. “Walang ibang magbibigay sa akin ng bulaklak sa araw na ito maliban sa aking sarili,” malungkot na sambit pa niya habang maingat na ibinababa ang kaniyang barya at perang papel sa ibabaw ng aking counter. “Wala kasi akong naging anak para maalala ako sa mga ganitong okasyon. At matagal na ring namatay ang asawa ko na siyang kauna-unahang lalaking nagbigay sa akin ng bulaklak noong kabataan ko.” Lalong bumigat ang aking paghinga sa patuloy na pagkukuwento ni Lola tungkol sa kaniyang buhay. Hindi ko rin alam sa aking sarili kung bakit masyado akong naaapektuhan sa mga ganitong sitwasyon, marahil ay dahil masyadong malungkot ang katotohanan na marami ang nag-iisa sa araw na ipinagdiriwang ang pagmamahal. Mabilis kong sinulyapan si Rehan sa gilid upang tingnan kung ano ang reaksyon niya, at nakahinga ako nang maluwag nang makita ko lang siyang nakatayo roon sa gilid ng pinto ng kusina, nakatungo ang ulo, at walang kibo. Kahit siguro ang isang banyagang tulad niya na may malamig na puso ay walang masabi sa harap ng ganitong eksena. “Masarap pa rin kasi sa pakiramdam at nakakasabik makatanggap o humawak ng bulaklak ngayon, kahit alam kong matanda na ako,” pahayag pa ni Lola habang nakatingin sa mga rosas. “Nakakalungkot nga lamang isipin dahil wala na akong ibang aasahan pa para gumawa niyon para sa akin. Mabuti ka pa nga, Hija.” Bahagya namang namilog ang aking mga mata dahil sa huli niyang sinabi na tila patungo na naman sa isang maling konklusyon. Naituro ko pa ang aking sarili gamit ang aking hintuturo dahil sa matinding pagtataka. Sabi ko, “Ako po, Lola? Mabuti po ang alin sa akin?” Hindi niya ako sinagot nang diretso, bagkus ay dahan-dahan siyang lumingon sa gawi kung nasaan si Rehan na nakatayo. Sa palagay ko nga ay naramdaman ni Rehan ang pagbaling ng matanda, kaya naman unti-unti siyang nag-angat ng tingin sa aming dalawa. Heto na nga ba ang sinasabi ko at ang pinakakatakutan ko sa lahat. Nagtama na naman ang aming mga mata sa gitna ng katahimikan! “Masuwerte ka, Hija, at nariyan ang gwapo mong nobyo na katulong mo pa sa negosyo,” nakangiting pahayag ni Lola habang pabalik-balik ang tingin sa aming dalawa. “Palagay ko naman ay siya ang kauna-unahang lalaking nag-effort na magbigay ng magandang bulaklak sa iyo ngayong araw ng mga puso bago pa magbukas ang shop na ito, hindi ba?” “Po?! Naku, hindi po—!” Naaasar ako sa aking sarili dahil sa aking naging reaksyon. Ngayon lang talaga ako na-distract at nawala sa aking sariling wisyo nang ganito kalala na halos hindi ko na maibuka ang aking bibig para magpaliwanag nang maayos sa ibang tao. Palagi na lang akong nauutal kapag tungkol sa kaniya ang usapan! Ngunit nagulat na lang din ako nang makita kong dahan-dahang humakbang si Rehan papalapit sa aming direksyon, hanggang sa makatayo siya sa mismong harapan ko, sa tabi ni Lola. Pag-angat ng kaniyang kanang kamay mula sa kaniyang bulsa, mas lalong namilog ang aking mga mata sa matinding gulat sa kaniyang hawak. “It fell on the floor earlier when you tried chasing me in the kitchen,” seryosong aniya sa kaniyang baritonong boses habang dahan-dahang inilalapag sa ibabaw ng counter ang isang pamilyar na bulaklak. Iyon ang nag-iisang dilaw na rosas na ibinigay sa akin ni Marion Devan kanina na nahulog ko pala sa tindi ng pagmamadali kong habulin siya. Parang na naman kinalabog nang todo ang aking dibdib dahil sa matinding kabang idinudulot ng biglaang paglapit at presensya ni Rehan sa aking tabi. Nagugulo ang buong sistema at pag-iisip ko na hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niyang gawin at sabihin ang mga bagay na ito sa harap ng kustomer. Tiningnan ako nang diretso ni Rehan, ang kaniyang mga mata ay tila may gustong ipahiwatig na hindi ko mabasa. “He’s the first guy to give you a flower today, right, Boss Heila?” Sa paraan ng pagtatanong niya, pakiramdam ko ay literal akong nabuking sa isang bagay na hindi ko naman ginawa. Pakiramdam ko ay may nagawa akong malaking kasalanan sa kaniya at nahuli niya ako sa akto kahit na wala naman akong dapat ipaliwanag. Naiinis ako sa aking sarili dahil hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangan kong makaramdam ng ganitong uri ng takot at kaba ngayon sa tuwing kakausapin o titingnan niya ako nang ganyan. Nang makita niyang hindi ako makaimik at nananatiling nakatapi ang aking bibig, dahan-dahan siyang bumaling ng tingin kay Lola na sa mga sandaling ito ay tila napipi at natigilan na rin sa aming dalawa. Tumingin si Rehan sa luma at kupas na pitaka ni Lola, bago muling ibinalik ang kaniyang tingin sa akin. Aniya pa sa isang malalim ngunit malumanay na tono, “Lola, is it still worth it even though I’m just in the second line?” Sa pagkakatanda ko, bago ko pa man maunawaan ang malalim na kahulugan ng kaniyang naging tanong, ay nakita ko ang mabilis na pagsungaw ng isang tunay at banayad na ngiti sa kaniyang mga labi sa harapan ko. Pagkatapos niyon ay dahan-dahan siyang yumuko bilang paggalang sa harap ni Lola, bago siya mabilis na tumalikod at naglakad pabalik sa madilim na corridor patungong kusina nang walang kahit anong ingay. Rehan is really giving me a real, massive headache today! He was definitely driving me out of my corporate mind!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD