“AYOKO!” galit na sabi ni Hector. “Paghihiwalayin kami ng mama niya.”
“Kahit ang papa mo, Matt, tiyak na paghihiwalayin din naman kayo kahit igiit ninyo itong ginawa ninyo.”
“Hindi ako papayag!” binayo niya ng nakakuyom niyang kamao ang mesa.
“Mag-isip kang mabuti, Matt. Kapag isinoli mo siya sa mama niya, makakapagpatuloy ka ng pag-aaral. Nakakatapos ka at magkakaroon ka ng maayos na kinabukasan. Kung para kayo sa isa’t isa, pagdating ng panahong iyon ay magkakabalikan din kayo. At wala nang makakapigil sa inyo. Kaya mo na ring panindigan ang relasyon ninyo dahil tiyak na kaya mong gawin ang lahat ng responsibilidad ng isang malalim na relasyon.”
“Madali lang sabihin iyan. Hindi ninyo kasi naiintindihan ang nararamdaman namin.”
“Anak, nasasabi namin ito dahil nagdaan na kami sa panahong iyan. Walang mangyayari kapag puro kapusukan ang pinairal mo.”
Sasagot pa sana siya nang kapwa sila mapaigtad ni Barbara sa malakas na pagbubukas ng gate. Si Barbara ang tumayo at dumiretso sa sala. Mabilis din nitong binuksan ang main door.
At ang galit na nasa dibdib ni Hector ay nahaluan ng matinding tensyon nang makita ang kanyang papa at ang kasama nito. Ang mama ni Gemma.
“Nasaan ang anak ko?” galit na sabi agad nito nang makita siya.
Napahakbang siya nang mabilis. Huminto siya sa tapat ng pinto ng kuwarto kung saan natutulog si Gemma. He wished she was sleeping soundly. He wanted to spare her from hearing all these. Gusto niyang kapag nagising si Gemma ay plantsado na ang lahat. And just like in fairy tales, they would live happily ever after.
Pasugod na lumapit sa kanya si Mrs. Mauricio. Tila ito bagong panganak na pusa na inagawan ng kuting. Pero bago ito ganap na nakalapit ay humarang dito sa Barbara.
“Huwag mong kakantiin ang anak ko,” mariing sabi ni Barbara.
Umismid si Mrs. Mauricio at inirapan ang kanyang ina bago bumaling sa kanya. “Ilabas mo si Gemma kung ayaw mong magkalintikan tayo dito.”
“Nagmamahalan po kami. Ayaw po niya kay Greg. Kayo lang ang may gusto sa lalaking iyon para sa kanya.”
Tumalim ang mata nito. “Wala kang pakialam sa kung sino ang gusto ko para sa anak ko. Ako ang nakakaalam kung kanino siya mayroong matinong kinabukasan. Nasaan siya? Ilabas mo na.” Tinabig siya nito subalit hindi siya masyadong natinag. “Kapag hindi mo inilabas ang anak ko, idedemanda kita ng r**e at kidnapping.” “Gemma! Gemma!” malakas na sabi nito.
Lalo siyang humarang sa pinto.
“Matt,” tawag sa kanya ni Timoteo at lumapit sa kanya. Nilinga nito si Mrs. Mauricio. “Maaayos natin ang problemang ito sa mahinahong paraan. Huwag masyadong mainit ang ulo ninyo.”
“Aba, karapatan kong magwala. Anak ko ang tinangay,” alsado ang tinig na sabi nito.
Hinila siya ng papa niya. “Anak, siguro naman ay nagkausap na kayo ng mama mo kahit sandali lang. Sana ay nakita mo ang punto namin ng mama mo.”
“Ang punto ko ang tingnan mo,” sabad ni Mrs. Mauricio. “Tandaan mo, lalaki, sisirain kita kapag hindi mo ibinalik sa akin ang anak ko.”
“Huwag kayong makialam dito. Usapan namin itong mag-ama,” pigil ang galit na sabi dito ni Timoteo.
“Karapatan kong makialam. Anak ko ang involved,” matigs namang sukli nito.
“Anak, isoli mo na si Gemma. Walang mangyayari kung magmamatigas ka. Isipin mo ang magiging buhay ninyo kung susuong kayo sa pag-aasawa. Mahihirapan lang kayo. Mga bata pa kayo.”
Nagtagis ang mga bagang niya. Pakiramdam niya ay ipit na ipit siya sa sitwasyon. Pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya ng lahat. At bago pa siya makapiyok man lang ay sumugod na sa pinto ng kuwarto ang mama ni Gemma at itinulak iyon.
“Punyeta!” malutong na tungayaw nito at pasugod nang pumasok sa loob.
Mabilis siyang kumilos upang daluhan si Gemma. Hindi siya papayag na saktan si Gemma ng ina nito. Subalit naabot ni Timoteo ang braso niya.
“Dito ka lang,” may diing sabi nito.
“Papa.”
Tumabi sa kanya pati ang mama niya. “Wala kang magagawa, Matt. Kampihan ka man namin o hindi, babawiin pa rin siya ng mama niya.” Hinawakan din siya nito.
Nagtangka siyang pumiksi subalit dalawang pares ng kamay ang mabilis na dumiin sa magkabila niyang braso. Napapikit siya nang mariin. Sa loob ng kuwarto ay naririnig niya ang halos pahiyaw na pagmumura ni Mrs. Mauricio. Ayaw niyang nakatayo lang siya roon. Gusto niyang daluhan si Gemma. Si Gemma na ni hindi niya naririnig ang tinig ga-piyok man.
Ilang sandali pa ay lumabas na ang mag-ina. Nakayuko si Gemma. Iyak nang iyak.
“Gem.” He called her.
Nag-angat ito ng mukha. At parang namanhid ang buong katawan niya nang salubungin ang nanunumbat na mga tingin nito…