Kumuyom ang mga kamao niya habang ibinibigay ni Arkin ang detalye ng kaso. Kung ordinaryong tao lang ang makakarinig nito ay paniguradong babaliktad ang sikmura at manlulumo sa kung paanong paraan binaboy at kinitil ang buhay ng mga inosenteng kababaihan. Panigurado na walang pagsidlan ang pagiging halang ng kaluluwa ng taong nasa likod ng murder case na ito. A completely godd*m psychopath!
"This is Daffodils Barrameda, siya ang pinakahuling biktima sa ngayon," wika ni Arkin at nagflash sa projector screen ang mukha ng babae. Nasa kanan ang tila 2x2 photo nito na naka-zoom, sa kaliwa naman ay ang litrato nito na kuha sa crime scene. Tumungo siya at binuklat ang folder ng case file ng biktima na nasa harapan niya. She's 24, working as a bank teller. Lumipat naman siya sa lima pang folder. Basically, pang-anim na biktima na ito ng serial killer.
Binasa niya ang pangalan sa isa pang folder. "Hyacinth Cortez."
Lumipat muli siya sa isa pa at tuluyang nawala ang focus sa pakikinig kay Arkin na nasa harap ng conference.
"Dahlia Sandoval, Lily Agapito, Daisy Vidal, Marigold Santillan," sunod-sunod na basa niya sa mga pangalan.
"Agent Prieto, are you listening?" pukaw ni Arkin sa kaniya.
Umangat ang tingin niya rito at sinalubong ang mga mata nito. "Yes., Hitler. I uhm-- just got curious as I scan the case files," sagot niya at inilagay ang likod ng kamay sa ilalim ng baba niya.
Nagsalubong naman ang kilay nito. "Ano ang nakita mo?"
"A pattern."
Tuluyan ng nawala sa pagdidiscuss ang atensyon ng lalaki at agad lumapit sa gawi niya at dumukwang sa lamesa mula sa likod niya.
"Anong pattern?" ang kaliwang braso nito ay itinuon nito sa lamesa habang ang kabila naman ay nakahawak sa sandalan ng upuan niya. Napalunok siya at biglang nadistract ng mapagtanto na ga-dangkal na lang ang layo ng mukha nila. Naamoy pa niya ang hininga nito na amoy pepper mint.
Bigla naman siya napasandal ng hindi oras sa upuan niya ng sumulpot din ang mukha ni Dominguez sa kabilang side. Para tuloy siya nayakap ni Hitler. Ramdam niya ang pagtama ng likod ng ulo niya sa matigas na braso nito.
"Ano ba kayo? Kailangan talaga ganiyan kalalapit mga pagmumukha ninyo? Gusto ba ninyong magkapalit-palit tayo ng mukha?" pagtataray niya kunwari sa mga ito para palisin ang kakaibang pakiramdam niya sa tuwing napapalapit ang hinayupak na si Hitler.
"Oo nga, Commander! Pinaghirapan ng parents ko buuuin itong mukha ko, sayang naman kung mapapalitan ng mukha mo," pagsegunda naman ni Teo habang nakatingin kay Arkin at hawak ang mukha nito na akala mo ay napakalaki ng mawawala rito.
Tinaasan niya ito ng kilay at mahinang tinampal ang pisngi. "Wow ah? Lugi ka pa?" hindi niya napigilan na wika kay Teo.
Mabilis din na tinapik ni Arkin ang braso ni Teo at tinignan ng mariin kung kaya't umayos na ito ng tayo at pumunta sa screen projector na inooperate nito kanina. "Hay naku, pinagtulungan niyo pa ko. Ganito talaga kapag macho at guwapo, sana maranasan n'yo rin," bubulong-bulong na sambit pa ni Teo.
"Kahit hindi na, Domiguez. Salamat na lang sa lahat," hindi niya napigilan na sagot rito sabay irap. Nakakaloka talaga ang level of confidence nito. Nag-uumapaw! Walang pagsidlan!
"Naku Agent Prieto, huwag ka lang talaga ma-fall sa akin. Pasensiya ka na at hindi ko kasi iyon masusuklian. Marami pang nakapila. Kung gusto mo talaga ako, pumila ka na lang," hindi pa rin ito nagpapaawat. Bigla siyang nanggigil rito.
Si Arkin naman ay nanatili sa likod niya habang umiiling. Inagaw nito ang atensyon niya sa pamamagitan ng pagpaling ng mukha niya pabalik sa folder. Tila naging interesado ito sa kung anong nakita niya.
Siya naman ay tila hiningal sa pagkakadikit ng mga katawan nila. Pakiramdam niya ay nainitan siya bigla kahit nakatodo naman ang aircon.
Huminga siya ng malalim bago marahan na itinulak ang mukha ni Arkin palayo. "Ganito kasi iyon, Hitler," wika niya sabay pinilit na tumayo kahit ramdam niya ang panginginig ng tuhod niya.
Ano ba? Bakit ba kakaiba ang epekto sa kaniya ng talipandas na 'to?!
Lumapit siya sa whiteboard at dinampot ang marker. Nag-umpisa siyang isulat ang pangalan ng mga biktima simula sa unang pinatay hanggang sa pang-anim.
"Ano ang napapansin ninyo rito?" tanong niya habang itinuturo ang nakasulat sa board.
Hinimas ni Arkin ang baba na tila inuunawa ang sinasabi niya at hinahanap ang sagot sa kaniyang tanong.
"Dahlia, Lily, Daisy, Marigold, Hyacinth and Daffodils," mahinang pasada nito sa mga pangalan. Natigilan ito at biglang tumuro ang hintuturo sa ere. "Bulaklak! Lahat sila ang pangalan ay hango sa bulaklak!" bulalas nito.
Tumango siya. "Exactly. Posible na ang suspek ay masyadong mahilig sa bulaklak. Or pwede rin na obsession, since we are talking about a serial killer here."
Sabay silang napalingon ni Arkin kay Teo ng magsalita ito. "So, posible na ang suspek ay may-ari ng flower shop or may pag-aari na flower farm."
Muli siyang tumango. Tama nga si Arkin, kapag trabaho ang pinag-uusapan ay mukha namang may sense itong si Teo.
"We can consider that. But still, parang naghahanap pa rin tayo ng karayom sa isang truck ng dayami," itinuro niya ito gamit ang marker at kumindat naman ito pabalik sa kaniya. Mukhang nadagdagan nanaman ang nag-uumapaw na confidence nito.
Muli siyang bumaling sa board bago pa mag-init ang ulo niya.
Isinulat niya ang mga posibleng magamit nila para maging lead sa kaso.
Flower Obsession.
A florist?
A flower farm owner?
A flower shop owner?
A worker on flower shop?
Aaminin niya na mahirap ang kaso. Walang lead. Malinis ang krimen.
"Kumpleto ba ang autopsy report ng mga biktima, Hitler?" baling niya kay Arkin na tila dinala sa kung saan ng diwa nito habang nakatingin sa kaniya.
"Mr. Cordoviz!" muling tawag niya rito. Nang hindi ito tuminag ay ay binato niya rito ang marker na hawak.
"Ouch!" bulalas nito na tila nabalik sa ulirat matapos tamaan sa noo ng marker. Hinimas-himas pa nito ang noo sabay baling sa kaniya.
Nameywang siya. Kapwa nakatingin sa kaniya si Teo at Arkin na tila estudyante na pinapanuod ang terror na teacher nila na manermon.
"Ang sabi ko kumpleto ba ang autopsy report ng mga biktima? O baka kayo ang ipa-autopsy ko ngayon? Nanggigigil ako sa inyong dalawa!" galaiti niya.