Aki's Point Of View Nakakapanibago, ang tahimik na ng mundo ko. Tahimik naman noong hindi ko pa nakikilala si Mina at Hugo pero nang makilala ko sila, hindi na ako sanay na nag-iisa. Sumabay pang wala ngayon si Mina dahil kasama nito ang pamilya sa kung saang lupalop ng mundo. Kaninang umaga ay mas lalo akong nanibago sa lahat. Dati naman kahit nag-iisa lang ako'y hindi ako nawawalan ng gana, masaya akong gumigising dahil isang araw na naman ang ibibigay sa akin. Ngunit, nang mangyari ang lahat-lahat sa aming dalawa. 'Yung masigla kong umaga, tila nagising ako mula sa bangungot. Isang bangungot na maganda lang sa una pero sa huli ay sasaktan ka lang pala. Susugatan at ibabaon hanggang sa hindi ka na muling makakabangon. Masakit. Malamang! Siya ang lalaking kauna-unahan kong minahal.

