"No!" Napasigaw ako nang sobrang lakas. Pag-atras ko, aksidente kong nasagi ang manikin na nasa likuran ko. Natumba ito at may nasagi pang ibang manikin hanggang sa matumba na silang lahat.
"Ano ba, Miss! Kung hindi ka bibili, huwag mong sisirain ang mga paninda ko! Umalis ka na nga!" Itinulak ako ng babaeng mukhang may-ari ng tindahan palabas. Hindi ako nakapalag dahil natutulala pa rin ako.
Sa sobrang pag-iisip ko, hindi ko na namalayan na may nag-abot sa akin ng bag. "Magnanakaw! Kasabwat 'yan, Sir!" sigaw ng babae. Nagulat ako nang pusasan ako ng pulis.
"Wait! Wait! What are you doing?! Alisin n'yo nga 'to!" Nagpumiglas ako nang pilit nila akong isakay sa sasakyan.
"Magnanakaw ka! Dapat sa'yo makulong!" sigaw ng babae. "Anong pinagsasabi mo? Wala akong ninanakaw! Let me go! Ano ba!" depensa ko sa sarili.
"Talagang magsisinungaling ka pa, ha? Eh hawak mo 'yung bag ko. Kasabwat ka ng mga 'yon!"
"What? No! Let me go! Wala akong kinalaman dito!"
"Mabuti pa, Miss. Sumama ka na lang sa presinto nang maayos." Hinila ako ng dalawang pulis pasakay sa sasakyan nila at wala na nga akong nagawa.
"Anong kaso n'yan?" kaagad na tanong ng pulis na nakabantay sa mesa na makikita pagpasok mo ng police station. "Nagnakaw. Nang-snatch ng bag," sagot ng pulis na nasa likuran ko. "Sinabi nang hindi ako magnanakaw, eh! Bakit ba ang kulit n'yo?!" inis kong singhal pero itinulak lang nila ako papasok sa maliit na kulungan at bigla itong isinara. What the hell?!
"Hey! Palabasin n'yo ako dito! Kapag nakalabas ako, ipapasara ko ang station n'yo!" Ilang ulit akong sumigaw pero parang wala naman silang pakialam sa akin. "Ano ba! Hindi n'yo ba ako naririnig?! Hindi n'yo ba ako kilala? Anak ako ng governor! Malalagot kayo sa Daddy ko kapag hindi n'yo pa ako pinalabas!" Halos masira na ang boses ko sa kakasigaw. But those dumb police ignored me completely. Kainis!
Napagod ako at napaupo na lang sa gilid. Pero kaagad akong napaatras nang makita ang tatlong lalaking nakatingin sa akin. Mga nakakulong din sila. And oh my God. Mukha silang mangangain ng buhay. Umusog na lang ako sa gilid at umiwas ng tingin.
Hindi ko namalayang ilang minuto na pala ako roon. Ni wala pala akong tsinelas na suot at mukhang gusgusin ang kalagayan ko ngayon. All this time, nakapaa lang pala ako.
"Congrats, Neumie. For the first time in your life, naranasan mong magmukhang pulubi at, worse, nakulong ka pa. What now?" parang baliw kong ani sa sarili. Sumasakit ang ulo ko sa mga nangyayari. Hindi ko alam kung nasa panaginip ba ako o ano. Para na akong mababaliw.
Ilang oras pa ang lumipas at bumukas ang pintuan ng rehas na kasalukuyan kong sinasandalan. Dahil sa biglaan nitong pagbukas ay natumba ako. Inis na tumayo ako at hinarap ang pulis.
"Hindi ka ba tumitingin? Nakikita mong may tao, bigla mong bubuksan. Tanga ka ba?!" inis kong bulyaw. "Abay, pasalamat ka nga at laya ka na. Iyang bibig mo..." Hindi na niya tinuloy ang sasabihin. Pero teka—malaya na? Ako?
"O siya, labas na. Naghihintay sa'yo 'yung kuya mo doon."
Madali akong lumabas ng police station nang biglang may humila sa akin at binatukan ako nang malakas.
"Aray!" daing ko sabay hawak sa ulo ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ito. Siya 'yung lalaking nakita ko pagkagising ko kanina.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko.
Pero binatukan niya ulit ako.
"Ako dapat ang magtanong n'yan sa'yo. Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Mabuti na lang at kakilala ko 'yung pulis dito at natawagan agad ako. Ano bang pumasok sa isip mo at nagnakaw ka?"
"Hey! Who are you para pagsalitaan ako ng ganyan? Hindi kita kilala kaya puwede bang shut your mouth!" inis kong sagot.
"Kailan ka pa natutong sumagot-sagot sa akin? Ha? Ano bang nangyayari sa'yo, Fe?" Hinawakan niya ang noo ko.
"Wala ka namang lagnat, ah. Kanina ka pa simula umaga. Sabi ni Nene, tumakbo ka na lang daw bigla at basta-basta na lang umalis."
Umatras ako.
"Look, Mister. I don't know who you are. Hindi ako si Fe or whatsoever. Sino ka ba, ha? At anong nangyayari sa akin?" tanong ko na mas lalo pang nagdagdag sa pagkalito niya.
"May amnesia ka ba? Ako'ng Kuya Lary mo. Ano bang pinagsasabi mo?" taka nitong tanong.
"What?... Okay... pero hindi ako ang kapatid mo. I don't know what happened. Basta nagising na lang ako na ganito na."
Lalong kumunot ang noo nito.
Paano ko ba maipapaliwanag sa kanya?
"Look... my real name is Neumie Salvador at hindi Fe. Kailangan kong malaman kung anong nangyayari sa akin!" Batid na sa tono ng boses ko na gusto ko na talagang bumalik sa dati.
Matapos kong ipaliwanag ang lahat, ni wala man lang akong nakitang ekspresyon sa mukha niya. Blangko ito na parang galit na ngayon.
"Sana ginandahan mo pa ang palusot mo, 'no? 'Yung tipong kapani-paniwala naman sana," sarkastiko nitong tugon.
"So, hindi ka naniniwala sa akin?" inis kong tanong.
Bagot na tingin lang ang isinagot nito.
"Look... hindi mo ba napapansin na kakaiba ang kinikilos ko? Ganito ba ang kilos ng kapatid mo?"
Napaisip naman ito. Inilagay pa ang kamay sa ilalim ng baba at umaktong nag-iisip sabay tango.
"See? Dahil hindi ako ang kapatid mo," pangungumbinsi ko pa.
"Alam mo, tama ka, eh," sabi niya.
Nabuhayan ako ng pag-asa.
"See? So? Naniniwala ka na ba sa akin?" tanong ko.
"Hindi," mabilis niyang sagot na ikinapawi ng ngiti ko.
"W-What?"
"Alam mo, tigilan mo ako sa mga paandar mong 'yan. Tara na. Umuwi na tayo."
Hinila niya ako pero nagpumiglas ako.
Pero kaagad akong napatigil nang may dumaan na pamilyar na sasakyan.
"Elijah," sambit ko.
Hindi ako puwedeng magkamali.
Si Elijah 'yung nakita ko.
Kailangan ko siyang makausap.
"Bitawan mo ako!"
Sapilitan kong binawi ang braso ko at mabilis na tumakbo pasunod sa sasakyan ni Elijah. Naramdaman kong nakasunod din sa akin 'yung bwisit na lalaking iyon pero hindi ko na lang siya pinansin.
Habol-habol ko ang hininga nang makarating sa isang restaurant kung saan huminto ang sasakyan ni Elijah. Bumaba siya ng sasakyan kaya kaagad akong lumapit.
"Elijah!"
Tawag ko.
Taka itong napatingin sa akin.
"Ghad! Buti na lang nakita kita. I need your help!" desperado kong sabi.
"Do I know you?"
Tiningnan niya lang ako mula ulo hanggang paa.
"Ah... I know. Wait."
Kumuha ito ng pera sa bag niya at iniabot sa akin.
"No. No. Ako 'to, Elijah. It's me, Neumie," ani ko.
Natigilan ito saglit.
"Excuse me? Look, Ms. Pulubi Girl. Puwede ba, huwag mong idamay ang best friend ko sa mga gimik mo. Kung mamamalimos ka, huwag na huwag mong gagamitin ang pangalan ng best friend ko."
Pinandilatan niya ako.
"Elijah. I'm telling the truth! Ako talaga 'to, si Neumie. I really need your help. Hindi ko alam kung paano ako makakabalik sa katawan ko! Please, help me!"
"Look... sinasayang mo lang ang oras ko. Manong Guard, paalisin n'yo nga 'to."
Utos niya sa guard na nakabantay sa entrance at kaagad naman nitong sinunod.
"No! Elijah! Bitawan mo nga ako! Elijah!"
Habang kinakaladkad ako ng guard paalis, patuloy pa rin ako sa pagtawag kay Elijah. Pero katulad din ng iba, hindi sila naniniwala sa akin.
Nagsimula na akong humikbi nang itapon ako ng guard sa kalsada. Then a memory popped up in my head. Naalala ko 'yung ginawa namin sa isang pulubing binully namin. Ganito pala ang pakiramdam no'n. Being humiliated and embarrassed at the same time, lalo pa at maraming taong nakatingin sa akin ngayon. Hinuhusgahan ang pagkatao ko.
Naramdaman ko ang hiya.
Pero wala akong nagawa.