Six years later...
"Hello ma," humihikab niyang sagot sa kausap sa kabilang linya. Day off niya nang araw na iyon sa pinapasukang coffee shop kaya naman halos ayaw na niyang bumangon sa higaan. Nabulabog siya nang tumawag ang kanyang ina. Isang taon na rin nang ipasya niyang mangupahan para masamahan ang kaibigang si Tricia.
"Kumusta ka naman," untag nito sa kabilang linya.
"Ito maganda pa rin. Nagpaplano na nga po akong sumali sa Miss Universe," aniya bago ipinaikot ang mga mata. Hanggang ngayon ay parang maliit na bata pa rin siya kung ituring nito. Madalas tumawag at kumustahin siya. Paminsan-minsan niya na lang ito madalaw dahil busy siya sa trabaho at tuwing day off ay nasa tinutuluyan nina Tricia at ng tiyahin nito.
"Naku anak, sinasabi ko na sayo. Hindi mo carry ang mga tanungan dun," tila paniwalang-paniwala naman ito.
"Alam ko ma, magha-hire naman ako ng spokes person," natatawang sabi niya.
"Pasado iyang beauty mo anak, eh kanino kapa ba naman magmamana? Ang kaso maloloka ang mga brain cells mo," tila may pag aalala sa tinig nito.
"Ma, joke lang po 'yun. Wala po akong balak maging beauty queen," natatawa niyang sabi. Batid niyang miss na miss na siya ng ina. Naiisip niyang planuhin ang susunod na pagbisita niya dito.
"Mabuti naman," tila nakahinga ito ng maluwag.
"Ma, baka po sa susunod na day off ko ay makabisita na ako dyan," masayang pagbabalita niya.
"Talaga anak? Naku, ipagluluto kita ng paborito mong cassava cake," masiglang sabi nito.
"Pero hindi po ako nagpa-promise. Pipilitin ko po. Busy din po kami sa paghahanda sa kasal ni Tricia," pagbabalita niya.
"O, siya sige," anito na pilit pinasigla ang tinig. Iyon lamang at pinutol na niya ang tawag.
Ipinasya niyang mag grocery dahil naubos na ang mga stock niyang ready to eat na mga pagkain. Kumuha siya ng tatlong cup noodles at inilagay sa tray basket na bitbit. Kumuha rin siya ng toothpaste at shampoo nang hindi sinasadyang mabunggo siya sa isang malaking bulto. Nakatutok ang pansin niya sa mga display kaya hindi napansin ang kasalubong. Bahagya siyang nawalan ng balanse ngunit maagap na nahawakan nito ang kanyang braso.
"I'm sorry," anang lalaki. Nang maiayos ang sarili ay pinagmasdan niya ito at hindi makapaniwala.
"Matt?" bulalas niya.
"Lily?" hindi rin ito makapaniwala nang makita siya. Malaki ang pinagbago nito. Kung noon ay may pagkapayat ito ngayon ay animo'y isa itong gym instructor. Bumabakat ang naglalakihang mga muscles nito na humahakab sa damit na suot nito. Nag matured tingnan ang mukha nito na lalo pang nagpalakas sa karisma nito.
"Kumusta kana?" nakabawi niyang tanong.
"I'm okay. How about you?" manghang tanong nito. Hindi magawang kumurap sa pagkakatitig sa mukha niya.
"Ito maganda pa rin," aniya sa tonong nagbibiro. Ngumiti ito.
"Yeah, Lalo ka pang gumanda ngayon," pagsang ayon naman nito.
"Sus, bola. Alam ko na 'yan noh," natatawa niyang sabi bago mahinang hinampas ang braso nito. Oops! Totoo nga ang mga muscles niya! Bahagya siyang nailang sa pagkakatitig nito.
"Are you free tonight?" walang paligoy-ligoy na tanong nito. Sandali siyang nag isip. Wala naman siyang gagawin ngayon.
"Gusto sana kitang imbitahan for dinner date," dagdag pa nito.
"Sige, tutal ay wala naman akong gagawin mamaya," nakangiting sabi niya.
"Yes!" hiyaw nito. Sa hitsura nito ay animo nanalo sa lotto.
"Ang over acting mo," natatawang sabi niya.
"Masaya lang ako. Matagal na rin nang huli tayong magkita e," anito habang akmang tutulungan siya sa dalang tray basket.
"Kaya ko na ito. Salamat," tanggi niya.
"No. I insist. Baka magkaroon ka ng muscles sa pagbubuhat nito," pagpupumilit nito. Hinayaan na lamang niya ito, tutal ay parang balewala lamang sa mga muscles nito ang buhat na dalawang tray basket na puno ng laman. Nauna na ito sa counter. Siya naman ay sumunod na rin dito.
"Susunduin kita mamayang seven o'clock," ani Matt nang marating na nila ang inuupahan niyang apartment. Nagpresinta na itong ihatid siya dahil dala naman daw nito ang sasakyan nito.
"Salamat sa tulong, Matt," aniya nang makababa na sa sasakyan nito.
"Wala 'yun," inabot na nito ang mga pinamili niya.
"Okay, See you," paalam nito bago pinaandar ang sasakyan nito. Nang makaalis na ito ay nagtuloy na siya sa loob.
Sa isang Italian restaurant siya dinala ni Matt. Maganda ang ambiance sa loob. Iginiya siya nito sa bakanteng table at inalalayang makaupo. Umupo naman ito sa katapat niyang seat.
"What do you want to order?" tanong nito.
"Kung ano ang sayo ay ganun na rin ang sa 'kin," nakangiting sabi niya.
"Okay," anito bago kinawayan ang waiter. Nang lumapit ito ay sinabi na nito ang order nila.
"So, kumusta kana pala ngayon after six years?" baling nito sa kanya nang makaalis ang waiter.
"Okay naman. Isa na akong supervisor sa Forever Cafe at si Rick ang owner," pagkukwento niya. Tila namangha naman ito sa narinig.
"You mean si Frederick na class President natin nung high school?" manghang tanong pa nito.
"Oo, siya nga," pagkukumpirma niya.
"Woah, congrats to him. Mukhang successful ang business niya may maganda pang supervisor," nakangiting sabi nito. Natawa naman siya dito.
"Ang bolero mo talaga," natatawang sabi niya.
"Hindi ako marunong mambola. Totoo naman na maganda ka. In fact ay isa ka sa ultimate crush ko nung high school. Kaya lang ay..." hindi nito itinuloy ang sasabihin. Mukhang nahuhulaan na niya kung anong ibig nitong sabihin.
"Talaga? Ultimate crush mo pala ako," tila hindi makapaniwala sa nalaman.
"Yup. Itatanong ko sana kung kayo pa ba ni... Hugo?" alanganing tanong nito. Tila may munting kirot siyang naramdaman nang muling sumagi sa isip niya ang dating nobyo. She cleared her throat.
"W-wala na kami. Umalis na siya after ng graduation natin nung high school," pilit niyang pinakaswal ang tinig. Matagal na iyon at dapat tanggap na niya. Isa na lamang iyong maganda at masakit na alaala.
"I'm sorry to hear that. Pero matagal naman na iyon. I guess naka move on kana," seryosong sabi nito. Tinitingnan siya nito ng deretso sa mata. Ngumiti siya dito.
"Syempre naman," sabi niya sa pinasiglang tinig.
"Good. May itatanong pa sana ako," nakangiting sabi nito.
"Ano yun?"
"Are you single or may boyfriend kana ba?"
"Wala pa. Busy pa ako sa work," mabilis na sagot niya.
"Hihingi lang sana ako ng permiso kung pwede kang ligawan," walang paligoy-ligoy na tanong nito. Nagulat naman siya sa tanong nito. Hindi siya kaagad nakasagot.
"Well, naisip ko lang na baka ito na ang chance ko. Hindi pa rin naman nagbabago ang pagtingin ko sayo," anito at ginagap ang kamay niyang nakapatong sa ibabaw ng table. Nakaramdam siya ng konting pagkailang.
"Matt, hindi ako sigurado. Palagay ko'y hindi pa ako handang makipag relasyon ulit," pag amin niya. Bigla ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha nito.
"Naiintindihan ko. Pero okay lang naman sa akin ang maghintay hanggang handa kana," pilit ang ngiting sabi nito. Nagugulat siya sa mga nangyayari dahil kanina lang sila nito nagkitang muli at ngayon ay balak siya nitong ligawan.
"Salamat," tanging nasabi niya. Saka lamang binitiwan nito ang kamay niya nang dumating na ang mga inorder nila. Nag umpisa na silang kumain. Panaka-naka ang pag uusap nila habang kumakain. Nalaman niyang nagma-manage ito ng isang resort na pagmamay-ari ng pamilya nito sa Batangas. Niyaya pa siya nito na mag stay ng mga ilang araw doon.
"Salamat sa pa dinner, Matt," aniya nang makababa mula sa sasakyan nito. Hinatid siya nito sa tinutuluyang apartment.
"Wala 'yun. Next time ay doon naman kita i-invite sa resort namin," masayang sabi nito.
"Sige, hindi ako tatanggi dyan," aniya.
Nang makaalis ang sasakyan nito ay saka lamang siya pumasok sa loob.
Matapos makapag linis ng katawan ay nahiga na siya sa kama. Iniisip niya pa rin ang sinabi ni Matt na nagusto siya nitong ligawan. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung may puwang pa rin ba ang dating nobyo sa puso niya hanggang ngayon. Iyon ang laging dahilan niya kung kaya hindi na siya nagkanobyo pagkatapos ni Hugo. Binalak na rin siyang ligawan ni Matt noon ngunit sinabi niyang hindi pa siya handa. Kilala niya ito. Mabait at nasisiguro niyang hindi siya sasaktan. Nagtatalo ang isip niya kung bibigyan na ba ito ng pagkakataon. Anong malay niya kung ito naman pala ang lalaking para sa kanya kaya hindi sila nagkatuluyan ng dating nobyo. May maliit na bahagi niya ang kumukontra. Hanggang sa makatulugan na niya ang pag iisip.