Chapter Sixteen: GL Card

2415 Words
Angelo’s Point of View “Oh, my God, babe!” ang reaksyon naman nitong Katelyn nang makita si Nick. “You look handsome. I mean… you are pero mas gumwapo ka.” Natauhan naman ako sa biglaang pagsingit ni Katelyn sa eksena. Napatingin ako sa mukha ni Nick sa salamin. Totoo ngang mas naging magandang lalaki si Nick. Hindi ako makapaniwala na ako ang nag-ayos sa kanya. Hindi rin naman makapaniwala si Nick sa kanyang nakikita. Napatingin naman siya sa akin. Iniwas ko naman ang aking tingin. “T-thanks, babe,” ang tugon naman ni Nick sa kanya sabay tayo at halik sa labi ni Katelyn. Kaagad ko namang iniwas ang aking paningin. Naramdaman kong lumapit sa akin si Sean sa tabi ko at hinawakan ang aking balikat. “Pasensiya na, ho,” ang singit naman ni Sean. “Hindi sa pinapaalis ko na kayo… pero kailangan po naming maghanda para sa mga susunod na kliyente.” “Tara na,” ang yaya naman ni Nicole. “Baka ma-late pa tayo sa casting.” Nagsimula naman silang maglakad patungo sa reception area para magbayad. Nagpahuli naman si Nick. Napatingin naman ako kay Sean. Tumango siya at lumayo. Hinarap ko naman si Nick. “Tapos na kitang ayusan,” ang komento ko. “Ano pang kailangan mo?” “Bakit?” ang tanong naman niya. “Dahil hindi ako katulad mo,” ang paliwanag ko naman. “At may respeto ako sa lugar at sa mga tao rito. Ngayon kung wala ka nang ibang sasabihin pa, may lakad ka pang kailangang puntahan, hindi ba?” Tahimik naman siyang tumango at tumalikod. “Nick,” ang pagtawag ko sa kanya. Natigilan naman siya at lumingon. “Napakasakit ng ginawa mo sa akin… pero pinapatawad na kita.” “Ano?” ang naguguluhan niyang tugon. “Abot langit pa rin ang galit at pagkamuhi ko sa’yo,” ang sunod kong sinabi. “Pero kailangan kitang palayain; gayundin ang sarili ko. Good luck na lang sa casting mo.” Hindi naman siya tumugon. Sa halip ay nagsimula itong maglakad palayo. Sana ito na ang huling pagkakataong makita ko siya. Hindi ko naman napigilan ang pagpatak ng aking mga luha. Masakit pa rin sa akin ang nangyari. Hindi naman siguro masamang nagmahal ako? Hindi naman siguro masamang pinaglaanan ko ang taong mahal ko ng oras, ng aking kasalukuyan at ang aking hinaharap? Siguro ang mali ko lang ay naging kampante ako sa kanya. Nabulag siguro ako ng sarili kong pagmamahal at hindi ko nakita na nasa magkaibang pahina pala kaming dalawa. Siya ang naging mundong ginalawan ko. Kinaya kong magtiis para unahin siya, para mapagbigyan ang mga kahilingan niya. Pero… ganun lang siguro talaga. Kaagad ko namang pinunasan ang aking mga luha nang mapansin na papalapit sa akin si Sean. Hinawakan naman niya ang mga balikat ko at pinisil-pisil. “Okay ka lang, baks?” ang tanong naman niya sa akin. “Okay lang ako,” ang tugon ko naman. “Naapektuhan lang ako nung inaayusan ko ng buhok si Nick. Naalala ko ang nakaraan, nung nagsisimula pa lang kami. If only good things could just last.” “Eh, alam mo namang hindi ganun ang buhay,” ang komento naman niya. “Kailangan din nating masaktan para may matutunan.” “Tama ka,” ang tugon ko naman. “Beks, huwag ka nang malungkot,” ang pagbibigay naman niya ng suporta sa akin. “Mas marami pang talong sa hardin. Malay mo makakita ka pa ng extra large with two eggs pa. Torta, pak na pak!” Natawa naman ako sa sinabi niya. Kahit paano ay nabawasan ang bigat na aking nararamdaman sa muling pagkikita namin ni Nick. Ngayon, kailangan kong hanapin ang sarili kong kaligayahan. “Pero in fairness, beks. Ang ayos ng pagkakagawa mo sa makeup ng ex-jowa,” ang puri naman niya. “Ang akala ko nga ay papapangitin mo siya.” “Hindi naman ako ganun, Sean,” ang komento ko naman. “Wala talaga akong masabi sa’yo, Angelo,” ang komento naman niya. “kundi ay napakabait mong tao. May balak ka bang maging Santo?” “Sira,” ang natatawa ko namang reaksyon. “Pero saan mo ba nakuha ang inspirasyon sa makeup look ni Nick?” ang tanong niya. “Nabanggit kasi ng dati kong katrabaho na manood daw ako ng ng mga makeup tutorial sa youtube,” ang pagpapaliwanag ko. “Kapapanood ko lang ng isang makeup tutorial para sa isang Korean idol look nung isang araw. Doon ako kumuha ng inspirasyon. Laking pasasalamat ko na lang kasi nagawa ko nang tama.” “Tignan mo, meron ka talagang angking abilidad sa larangan ng pagpapaganda,” ang komento naman niya. “Naka-tsamba lang naman ako,” ang tugon ko. “Tsamba man o hindi, pagbutihin mo pa beshy,” ang bilin niya. Ngumiti naman ako at tumango. “Para sa mga talong sa hardin.” “Bakit nga pala talong?” ang tanong ko. ‘Hindi ba dapat, mga isda sa karagatan?” “Beks, para sa mga straight na tao lang ‘yan,” ang komento niya. “Silahis ka ba?” “Silahis?” ang pag-uulit ko. “Oo, beks. Pwede sa lalaki… pwede rin sa babae…” ang tugon niya. “Parang karenderyang bente-kuatro oras na bukas para sa lahat.” “Ay, hindi,” ang tugon ko naman. “See,” ang sabi niya. “Tulad ko, allegic ka rin sa tilapia ng babae; nakakadiri ang tahong. Walang badet na mahilig sa seafood.” “Hay, naku,” ang natatawa ko namang reaksyon sa mga nakakatawa niyang pinagsasabi. “At dahil winner na winner ang makeup at pagka-usap mo sa jowa mo,” ang sunod na sinabi ni Sean. “May prize ako sa’yo.” “Ha? Anong prize?!” ang gulat ko namang tanong. “Isang talong,” ang tugon naman niya sabay tawa. Napa-iling naman ako sabay tupi sa aking mga kamay. “Hindi ka na mabiro. Aayusan kita.” “Ha?” ang reaksyon ko naman. “Hakdog,” ang tugon naman niya. “Seryoso ako. Gugupitan kita at lalagyan ng all-natural makeup.” “Para saan?” ang tanong ko naman. “Bilang isang selebrasyon,” ang tugon naman niya. “Since isa ka na rin naman sa amin; naging tradisyon na rin dito sa studio na kapag may bago ay binibigyan namin sila ng pa-welcome na makeover. Tignan mo naman kami rito; dinaig na namin ang mga kulay sa bahaghari. Well, tulad nga ng sinasabi ng idolo kong hairstylist na si Brad Mondo; you have to live an extra life. So, anong say mo?” “Uhm, hindi ko sigurado,” ang tugon ko naman sabay kamot sa aking ulo. Napasimnagot naman siya. “Heto naman,” ang reaksyon niya. “Sa haba-haba ng sinabi ko; yan lang talaga ang sasabihin mo?” “Oo na, pumapayag na ako,” ang sabi ko naman. “Naniniwala naman ako sa’yo.” “Mabuti naman. Maupo ka na.” “Akala ko ba may mga kliyente pang parating.” “Echos ko lang ‘yun para umalis na ang ex mong pogi na yummy pero hindi ko ma-radar-an kung juts ba o daks.” “Pogi nga pero manloloko,” ang sabi ko. “So, juts ba o daks?” “Sean! Huwag mon ang alamin,” ang komento ko. Natawa naman siya. Inilagay naman niya ang hairdressing cape. “Angelo, huwag ka nga pala munang tumingin sa salamin para surprise,” ang bilin niya sa akin. Tumango naman ako at sumunod. Inikot niya ang upuan kaya nakatalikod ako sa salamin. Sinimulan naman niya akong gupitan habang dinadaldalan. “Anong kulay ang gusto mo?” “Uhm, kahit ano basta hindi agaw atensyon,” ang tugon ko naman. “Walang ganun dito sa studio, Angelo,” ang tukso naman niya. “Siyanga pala, kung papipiliin ka ni Lander; kaninong team mo gustong mapunta?” “Tinatanong pa ba ‘yan?” ang tanong ko naman pabalik. “Ayaw naming sa isa’t-isa ni David. Mas makakabuti siguro sa aming dalawa kung nasa ibang team kami. Isa pa ayokong magpaka- Sarah at baka pagbalatan niya pa ako ng patatas sa chimeneya.” Kapwa naman kami natawa. So, ako si Becky? Ganern?” “Bagay mo,” ang komento ko sabay tawa. Pagkatapos niya ako gupitan ay oras na para palitan ang kulay ng buhok ko. Pinanood ko naman siyang paghaluin ang bleach powder at oxidizing lotion. Sinimulan naman niyang ipahid yun sa aking buhok; inuna niya ang dulo bago ang roots. Hindi raw magpapantay ang pag-bleach ng buhok kung sa roots ang uunahin. Malapit daw kasi ito sa anit at naglalabas ang anit ng init kaya mas mabilis ang bleaching process sa bandang parteng ‘yun ng buhok. Kailangan naming ulitin ang prosesong ito ng dalawang beses para ma-achieve ang light blonde na kulay na buhok. Sa unang subok raw ay magiging kulay orange pa ang buhok. Nakalimutan ko naman kung anong kulay ang ilalagay niya sa buhok ko. Natuon ang aking atensyon sa bawat detalye ng kanyang pagpapaliwanag sa kanyang ginagawa. Ramdam kong mahal na mahal ni Sean ang kanyang trabaho kaya naman nahahawa ako sa enerhiyang kanyang pinapakita. Umabot din ng isang oras ang dalawang beses na bleaching process. “Handa ka na ba?” ang tanong naman niya sa akin nang mabanlawan ang aking buhok at ma-blow dry niya. Tumango naman ako. “Sandali lang.” Pinanood ko naman siyang umalis. Gusto kong sumilip sa salamin ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Ayokong maging isang killjoy sa surpresa na gustong ilaan ng aking bagong hanap na kaibigan. Sa pagbalik niya ay may bitbit siyang dalawang tube ng pangkulay ng buhok at isang litrong bote ng oxidizing lotion. “Ang mga mata,” ang suway naman ni Sean nang mapansing nakatitig ako sa mga tube. “Sorry,” ang kaagad kong pag-iwas ng aking paningin. Tumingin naman ako sa paligid. May ilang kliyenteng inaayusan ang ibang stylist. “Hindi ba magagalit si Lander kapag nakita niya tayo?” ang tanong ko naman. “Huwag kang mag-alala; hindi ‘yun magagalit,” ang tugon naman ni Sean. Sinimulan naman niyang pahiran ng hair dye ang aking buhok. Sa pagkakataong ito ay inuna niya ang hair roots. “Sa totoo lang, kapag walang masyadong kliyente; ganito ang ginagawa naming pangpalipas ng oras.” Nang matapos ay kinuha niya ang heat lamp para mas bumilis ang proseso. Hinugasan muli ang buhok ko at blinow dry. Sa pagkakataong ito ay inayos niya ang style ng buhok ko.  Nang maayos ang buhok ko ay sinimulan naman niyang ayusan ang mukha ko. “Beks, medyo monobrow ka,” ang komento niya sa kilay ko. “Bawasan natin; masyadong makapal.” Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. Kinuha naman niya ang puller. “Aray!” ang maluha-luha kong reaksyon nang hilain niya ang isang buhok sa pagitan ng aking mga kilay. “Sean, ang sakit.” “Tiis ganda tayo, beshy,” ang tugon naman niya. “Sa una lang ‘yan masakit, tapos magmamanhid. Tiisin mo na muna, okay?” “Sige,” ang nag-aalangan kong pagpayag. Totoo nga, masakit lang sa una tolerable na ang mga sumunod. Nang matapos niyang ayusin ang aking kilay ay sinimulan niyang lagyan ng mga kung anu-anong makeup product ang aking mukha. Madali ko na lang nahulaan ang mga ilalagay niya. Napansin kong kinuha niya ang natural eyeshadow pallete at ‘yun nga ang ginamit niya sa mga mata ko. “Gamit din tayo ng unting highlighter,” ang sabi niya sabay kuha nga ng highlighter at linagyan ang mukha ko. “Para fresh na fresh ang look.” Sa labi ko naman ay gumamit siya ng pinkish nude na lipstick; pinatungan niya ito ng lipgloss. “Tapos na,” ang anunsyo niya pagkatapos niyang ma-spray-an ang aking mukha ng setting spray. “Patingin nga mabuti.” Tumingin naman ako sa kanya. Napanganga naman siya. Hindi ko Mabasa ang ekspresyon sa kanyang mukha. “Huy!” ang pagtawag ko naman sa kanya. Kinabahan naman ako. “Hindi ba bagay? Ang pangit ko pa rin ba?” “Beks,” ang tanging nasabi niya. Inikot naman niya ang aking upuan. Tumingin ako sa salamin. Napanganga ako. “A-ako ba ‘to?” ang tanong ko naman habang nakatitig sa aking mukha. Kulay silver ang aking buhok na may itim na roots. Ang guwapo ng nasa salamin. “Wala nang iba pa, beks,” ang pagkumpirma naman ni Sean. “Sinabi ko naman sa’yo, eh. Guwapo ka kapag naayusan.” Nahiya naman ako sa sinabi niya. “Naging guwapo ako dahil sa makeup,” ang pagtatama ko. Napa-ikot naman ang kanyang mga mata. “No, beshy,” ang pagtutol niya. “Guwapo ka na kahit wala pang make-up. Simula ngayon, kailangan mong isipin na hindi ka pangit. Bulag lang ‘yung ex-jowa mo. Halika nga at kuhanan kita ng litrato.” Inabot ko naman sa kanya ang aking phone. “Sandali lang,” ang paalam niya bago binuksan ang led lights ng vanity table. Itinutuok naman niya sa akin ang phone. “Ayan, mas maganda ang effect. Ngiti,” ang bilin niya. Sumunod naman ako. “Seryoso naman,” ang sunod niyang bilin. Sumunod naman ako. “Sandali lang, titignan ko ang mga litrato.” Yun nga ang kanyang ginawa. Tinignan niya ang mga nakuha niya. “Hala, Angelo!” ang malakas niyang sinabi. “Bakit?” ang tanong ko naman. “Napaka-photegenic mo,” ang puri niya sabay pakita sa akin ng litrato. “Para kang isang modelo sa mga kuha ko.” Hindi ko naman alam kung anong mararamdaman sa mga papuring ibinibigay niya sa akin. Wala naman akong ibang masabi kundi, “Salamat.” Naramdaman ko naman ang mga bigat ng mga matang nakatitig sa akin kaya naman napatingin ako sa paligid. Ang lahat ay nakatitig sa akin. Nahiya naman ako nang dumating sila Lander at David. “Oh.. my… gosh,” ang reaksyon naman ni Lander nang makita ako. “Sinong salarin?” “Ako, Nay,” ang kaagad namang tugon ni Sean. “In fairness, beks,” ang sabi ni Lander. “Level up! Heto ang GL card!” “Anong GL card?” “Ganda lang!” ang sabay na tugon naman ni Sean at ni Lander na ikinatawa ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD