Epic Confession
"Justine ayan na si Luffy!" malakas na sigaw ng mga kaibigan kong gaga.
Agad akong napatakbo sa loob ng classroom nang dumaan na sina Luffy.
Si Lord Ferdinand Alpeña aka Luffy ang long time crush ko, simula 2nd year college hanggang ngayong 4th year college ay siya na talaga ang pinakamatagal kong nagustuhan.
Hindi ko alam kung anong meron siya at siya talaga ang pilit na pinusuan ng tanga kong puso.
"Tin, wala na!" natatawang sigaw ni Angela.
Lumabas ako sa room at nang makita ko na sila ay agad kong sinabunutan si Angela at Flame.
"Mga pakyu kayo!"
Tumawa lang ang dalawa sa sinabi ko.
"Tin, bakit kasi ayaw mo pang umamin?" tanong ni Flame sa akin.
"Ayoko nga, nakakahiya kaya!" sabi ko at inirapan siya.
"Oy!" napalingon kami nang tawagin kami ni Jessie─kaibigan ko ring gaga.
"Jessie, ano?" natatawang senyas ni Angela.
"Tara't tayo'y mantrip!" sabi ni Jessie.
Syete, mukhang pamilyar 'to, a. Habang nag-uusap ang tatlo ay nagpapasimple na akong umalis nang mahagip ako ng mata ni Flame.
"Neeey si Tintin aalis!" pang-aasar niya sa akin.
Papakyuhan ko sana siya nang tumawa ng pagkalakas lakas si Angela.
"Oy mga tanga kayo, 'wag niyo kong idadamay d'yan!" sigaw ko at nagpapadyak.
Syete naman kasi, kung alam niyo lang kung paano ang galawan ng tatlong 'to. Kaya nga sila tinawag na kilabot ng unibersidad na 'to dahil bukod sa ang lakas mantrip─Kingina, ang lakas talagang mantrip.
"Tin, sa tinagal tagal na ng panahon hindi mo pa rin naamin 'yang pagnanasa mo kay Luffy." naiiling na sabi ni Angela habang kumakain ng burger.
Kasalukuyan kaming nasa cafeteria para maglunch, habang hinihintay namin si Jessie na bumalik galing counter dahil siya ang nakatoka ngayong manlibre sa amin, ay kumakain na ang mga gagang 'to ng chichirya. Lakas talaga ng topak ng mga 'to, e.
"Pake niyo ba?" inis na sabi ko at humalukipkip.
"Ang Badboys!"
"My gosh beshy tingnan mo nga 'yung blush-on ko kung pantay na?"
"Howkay nah shiya pwend."
"Ang gwapo gwapo talaga ni Ceejay!"
"Mas bet ko si Kirby, ang magaling pang magbasketball!"
"Nakita mo na bang magpractice si Luffy sa gym? Bes ang hot niya grabe, topless lagi! Kyaaaaa 'yung abs niyaaaaa!"
Napaikot ang mata ko sa mga narinig ko dito sa katabing table namin.
Grabe pagpantasyahan ng mga 'to pinsan ko, a. Akala mo naman mapapansin sila ni Ceejay.
Tss, at pati talaga si Luffy minolestya na ng mga walangya!
Bakit ayaw nila kay Roger na isa rin sa Badboys, magaling din naman 'yun magbasketball sa katunayan siya nga ang captain ball kahit 3rd year pa lang siya, saka may abs at hot din naman si Roger, a. Literal na sunog, ayaw nila nu'n tustadong pandesal. Pero 'wag ka, madaming natutuwa d'yan dahil ang lakas ng humor niya.
Tsk, kung maganda lang ako naitaob ko na mesa ng mga chakang 'to. Kaso hindi ako kasing ganda ni Jessie, e kaya 'di ko magagawa 'yun.
"Tin..."
Nagbalik ako sa reyalidad nang kulbitin ako ni Flame.
"Tawagin ko na ba si Py?" natatawang tanong nito
"Subukan mo lang Flame." inis na sabi ko at saka siya tiningnan ng masama.
"Ge Flame, wala namang palag 'yang si Tintin kapag nandito na kapatid mo, e." epal pa ni Angela.
"Kingina niyo! Sige lang magkalimutan na." mura ko
"Py!" sigaw ni Flame kaya napatingin sa direksyon namin sina Luffy.
"Parang tanga 'to si Flame, e. Sasabihin ko kay Kirby na crush mo siya." pananakot ko
"'Di 'yan Flame tutulungan kita." pagkampi na naman ng gagang si Angela.
"Bakit 'te?" paglapit pa lang ni Luffy ay lumingon agad ako sa kabilang side. Kingina, bakit ba ko nagkaroon ng mga kaibigan na ganito?
"Py si─" hindi na tuloy pa ni Flame ang sinasabi niya dahil sinipa ko ang paa niya sa ilalim ng upuan.
Tumatawa lang ito habang nakatingin sa akin. Kingina talaga!
Nakita kong papalapit na sa amin si Jessie at 'yung dalawang lalaki na may dalang tray.
"Py crush ka nga pala ni─"
"Jessie! Oo, tama, crush ka ni Jessie. Matagal ka na nga niyang crush, e. Simula 1st year pa lang kayo hanggang ngayon crush ka na niyang si Jessie." sigaw ko habang nakatayo pa at nakaturo kay Jessie na kakalapag lang ng tray sa mesa namin.
*dead air*
Napapikit ako ng mariin habang unti-unting ibinababa ang daliri ko. Syete!
Nagsimula ng magkaroon ng bulungbulungan sa loob ng cafeteria.
"Si Jessie may crush ka Luffy?"
"Syet p're mukhang mawawalan na tayo ng pag-asa kay Jessie."
"Oo nga p're sayang matagal ko ng crush 'yan, e."
"Nakakainggit si Jessie kapag may crush din sa kaniya si Luffy."
"Sinabi mo pa girl, gusto kong mainis kay Jessie, e."
"Laslas na tayo friend."
"Huhuhu kainggit, baka sila ang magcouple of the year sa darating na party."
Naramdaman ko ang matulis na tingin ni Jessie sa akin. Kingina talaga.
"Justine umayos ka, kapag hindi mo 'to na ayos talagang ipagkakalat ko 'yung tuwalya challenge mo." inis na sabi ni Jessie.
Napatitig ako sakaniya. Tuwalya Challenge?
"Uy Jessie, may ganun ba si Tintin? Ba't 'di ko alam?" nagtatakang tanong ni Angela.
"Gago, paano magkakaroon nu'n si Tin, e wala naman sa kaniyang tatakpan." sabi ni Flame sabay tawa
Kaya nagsimula na namang umingay ang room namin. Kingina 'tong mga 'to, lahat na ng mura ko dito puro na lang kingina.
Kingina talaga.
Napairap ako at saka humalukipkip.
"Sige, bukas na bukas aamin ako kay Luffy."
Napatingin sa akin ang tatlong gaga at saka nag-apir.
"Anong oras bukas Tin?" tanong ni Angela habang nakaakbay sa akin.
"Mga lunch na lang, sa canteen din para marinig ng lahat." sabi ko at inalis ang pagkakaakbay niya sa akin.
"Okay, settle na bukas ha?" sabi naman ni Flame.
"Oy Ayala, subukan mo lang 'wag pumasok bukas. Mawawalan ka ng virginity kinabukasan." napaikot ang mata ko dahil sa sinabi ni Jessie. Kingina, kung ano-ano nalabas sa bibig nito, e. Palibhasa laki sa mga kuya ang kingina.
Habang naghihintay ako sa waiting shed para mag-abang ng jeep ay naagaw ng magandang babae ang atensyon ko.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Nakauniporme siya na kagaya ng akin, at mukhang freshman pa lang ito. Maganda at maputi, parang si Jessie lang.
Nagbalik ako sa reyalidad ng tumingin siya sa akin at ngumiti kaya napaiwas na lang ako ng tingin. Leche ang ganda ng ngipin, pwedeng model ng close-up.
Sumakay na ako ng may tumigil ng jeep, at sa huling pagkakataon ay tiningnan ko ulit 'yung freshman.
"Ang tagal naman ng kapatid mo Flame." inip na sabi ni Jessie
"Malapit na 'yun, tinext ko na."
Wala pang 10 minuto ay biglang umingay ang cafeteria.
Kingina, eto na!
"Nand'yan na ang Badboys!"
"Kyaaaaaaa! Kirby my loves~!"
"Baby Ceejay, notice me po!"
"Roger kahit maitim ka, labs kita!"
"Sorry ladies, may napupusuan na kasi ako." sabi ni Roger at kumindat pa.
"Awww, sayo na lang kami Luffy. Waaaaaaaah!"
Wala nang tawag tawag pa ay automatikong lumapit sa lamesa namin ang Badboys.
Ang dating maingay na cafeteria ay nabalot ng katahimikan ng dahil sa paglapit ng Badboys sa mesa namin.
"Ayala, linawin mo na." panimula ni Jessie.
Nanginginig ang tuhod ko sa kaba at pinagpapawisan na rin ako. Leche!
"Ano Tin?" kahit seryoso na ang paligid ay hindi pa rin magawang magseryoso ni Flame dahil nagpipigil ito ng tawa.
Napatingin ako kay Ceejay na pinsan ko na mukhang inaabangan kung anong sasabihin ko.
Inilipat ko naman ang tingin ko kay Luffy na naghihintay.
Kingina, bahala na.
Tumayo ako at pumikit.
"Luffy, wala talagang gusto sayo si Jessie. Hindi ka niya talaga gusto o matagal ng gusto. Dahil ako, ako ang may gusto sayo. Ako ang matagal ng may gusto sayo. Mahal na nga ata kita, e. Dahil ang tagal tagal na nitong nakatago dito, minahal na kita. Kaya kung manliligaw ka man, hindi na kita papayagan pa. KASI OO! Kasi oo ang sa─"
"Luffy? Babe?"
Hindi ko natapos 'yung pag-amin ko dahil biglang may tumawag kay Luffy.
Mali ata ako ng dinig...
"Babe!"
Kingina, inulit pa talaga.
"B-Babe?"
"May girlfriend na si Luffy?"
"Wanya p're, si Katrina Mendoza 'yun 'di ba?"
"Oo nga, 'yung freshman na nursing student."
"So kung may girlfriend na si Luffy, ibig sabihin..."
"MAY PAG-ASA TAYO KAY JESSIE!"
"Girl eto na ang tunay na laslas."
"Oo nga girl, pero kung laslas tayo. Ano pa kaya kay ateng umamin?"
"HAHAHAHAHA! Oo nga 'no girl!"
"Bigti na ate!"
Napuno ng tawa at ingay ang buong cafeteria ng dahil sa lecheng pag-amin na 'to.
"Kingina bakit ba ang kati nito." bulong ko sabay kamot sa leeg ko na may kwintas.
"Bakit ang tagal ni Jessie, Angela?" tanong ni Flame at dahan dahang ibinaba ang laylayan ng kaniyang pink long dress.
"Baka gown ang suot ng bruha." sabi ni Angela sabay tawa na suot suot ang kaniyang yellow spaghetti strap na dress.
"Paksyet!" napalingon kami sa isang pamilyar na mura.
"Mukha akong losyang, e." sabi ni Jessie habang pinapagpagan ang kaniyang off shoulder na pastel violet long dress.
Sa katunayan ang simple lang suot niya pero angat ang ganda. Samantalang ako, mukhang shunga sa maroon dress ko na may mahabang slit. Kingina...
"And now, the face of the night are no other than..."
Walang gana akong tumingin sa stage. Ang tagal naman ng pagkain, gutom na ako, e.
"Lord Ferdinand Alpeña and Jessie Lopez!"
Puro irit, hiyaw at palakpak ang umugong sa malaking hall na 'to.
"Go Jessie! Waaaah kaibigan namin 'yan!"
"Kaibigan at kapatid ko 'yan! Kyaaaaaaaa!"
"Tin hindi mo man lang ba ichi-cheer si Jessie?" tanong ni Flame
"Lul, si Luffy ang gusto nan." pang-asar naman ni Angela.
"Kingina, ni hindi nga ako na-attract du'n!"
Tumawa ang dalawa sa sinabi ko.
"Pero may pa─"KASI OO!"" natatawang sabi ni Flame.
"Leche, 5 buwan na nakakalipas 'yun Flame. Ikaw na lang ang hindi pa nakaka-move on." sabi ko
"Paano ako hindi makakamove-on, e na 'babe zone' ka."
"Kingina niyo, sinabing hindi nga ako na-attract sa kinginang Luffy na 'yon! Kingina!"
—fin