NANG MGA SUMUNOD na araw ay balik-eskuwela na si Wilder. Kahit na paano ay ikinasiya ni Cai ang bagay na iyon kahit na alam niya na hindi pa rin madali ang pinagdadaanan nito. May mga pagkakataon pa rin na hirap ang binata sa pagko-concentrate at alam niyang laman ng isipan nito si Ginger. Nag-aalala, nagagalit, nagmamalasakit at nagmamahal… “Bahala na siya sa buhay niya,” ang sabi ni Wilder sa kanya minsan na nasa loob sila ng library. Nagre-research sila para sa kanilang group project. Naglakas ng loob si Cai na magtanong tungkol kay Ginger, kung may balita na ang binata. “Sus, bahala na raw siya sa buhay niya. Concern ka pa rin naman kahit na naiinis ka sa kanya. Huwag mo nang ikaila, alam ko naman.” “Ako na ang magbabayad ng nautang niya sa `yo.” Umiling si Cai. “Hindi mo `yon gaga

