RAELLE
NANLALAKI ANG MGA MATA KO at napanganga habang inililibot ang aking tingin sa kabuuan ng mansyon na tinutukoy ni Apollo. Hindi ko mapigilan ang aking ngiti dahil ngayon lang ako nakakita ng ganito kalaking bahay. Mataas ang kisame, may malalaking ilaw na nakasabit, may mataas na hagdan at mayroon pang malalaking pinto. Napahagikhik pa ako dahil malamig ang sahig dito kumpara sa basement at sa Bahay ni Sta. Luisa.
“Welcome to the Calientes Mansion, Raelle.”
Napalingon ako kay Apollo na nakatayo sa aking tabi. Diretso lang siyang nakatingin kaya malaya kong napagmamasdan ang gwapo niyang mukha. Hindi niya alam kung gaano ako kasaya nang sabihin niya sa akin na sasama na ako sa kaniya. Ibig sabihin lang niyon ay araw-araw ko ng makikita ang aking prinsipe
“Salamat—”
“Don't—I mean, huwag kang magpasalamat. Hindi ka nandito bilang bisita, Raelle. Nandito ka para maging katulong.”
Seryoso ang kaniyang mukha habang sinasabi iyon kaya hindi ko maiwasan ang makaramdam ng lungkot. Alam ko, sa mundong hindi ko nasilayan ng labinlimang taon, ang mga mahihirap ay hindi kailanman nararapat para sa tulad ni Apollo. Lalo na ang tulad kong mangmang at mahirap.
Humigpit ang hawak ko sa hawakan ng aking sout na bag at ngumiti. “Alam ko 'yon, Apollo.”
“Sir... Tawagin mo akong sir. Hindi tayo close, para magtawagan sa first name. Katulong ka, amo ako,”aniya at napabuntong-hininga. “At saka huwag mong nga iwan ang tsinelas mo sa labas. Damn.”
Nawala ang ngiti sa aking labi. “Sir Apollo.”
Tumango lang siya at naglakad saka iniwan akong mag-isang nakatayo sa harapan ng napakalaking pinto ng mansyon. Kumakabog ang dibdib ko dahil sa kaba. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin dahil basta na lamang siyang umalis. Hindi ko maiwasan ang mapangiti habang nakatitig sa likod niya.
Kahit likod parang prinsipe pa rin...
“Hoy! Ano pang hinihintay mo diyan? Pasko?”
Naapigtad ako sa aking narinig na nagmula sa aking likuran. Napakurap ako at tinuro ang aking sarili dahil hindi ko alam kung ako ba ang kaniyang kinakausap.
“Ako po ba?”magalang kong tanong.
“Hindi, yung bag mo. Yung bag mo kausap ko,”sagot niya sa akin na medyo may katarayan.
“Yung bag ko?”
“May saltik ka ba? Malamang ikaw kausap ko. Wala naman ibang tao dito,” aniya at napailing. “Soutin mo tsinelas mo, huwag mong iwan sa labas. Para ka namang probinsyana. Tapos sumunod ka sa akin.”
Tumango ako at agad na kinuha ang aking tsinelas saka sinuot iyon. Sumunod ako sa kaniya hanggang sa makarating kami sa isang kwarto. Pagkapasok ay tumambad sa akin ang ilang mga babae na nagtataka ang mga mukha nang makita ako.
“Guys! Siya ang bago nating kasama. Siya si...”Lumingon siya sa akin. “Ano ngang pangalan mo?”
“Ako si Raelle—”
“Okay, Raelle, ako si Lorena, ”aniya at tinuro ang isang babae. “Jona! Bigyan mo ng uniporme to at lumabas na kayo para magtrabaho dahil next week na uuwi si Madam Susana!”
Matapos nito sabihin iyon ay lumabas na siya agad. Ang babaeng nagngangalang Jona ay lumapit sa akin at iginiya ako sa isang bakanteng kama. Binigyan niya rin ako ng damit na kapareho ng kanila kaya agad kong nilapag ang bag ko at sinout iyon. Nang matapos ay sabay kaming lumabas.
“Anong gagawin natin?”tanong ko.
“Sa garden ka muna. Magtatanggal ka ng ligaw na damo,”sagot niya sa akin.
Nakangiti lang akong tumango at sumunod sa kaniya hanggang sa makarating kami sa lugar na puno ng iba't-ibang klaseng bulaklak at tanim. Nanlalaki ang mga mata ko at patabong lumapit doon. Hindi ko mapigilan ang mapahagikhik dahil sa tuwa. Ang gaganda ng iba't ibang kulay.
“Wow! Ang ganda!”
“Ngayon ka lang ba nakakita ng bulaklak?”tanong ng kasama kong si Jona habang nakataas ang isa niyang kilay.
Malapad ang ngiti akong tumango ako. “Oo!”
“Weird mo naman.”
Napapailing ito at tinuruan muna ako ng gagawin bago ito tuluyang umalis. Umupo ako sa lupa at isa-isang binunot ang mga ligaw na damo tulad ng turo niya. Walang bubong ang lugar na iyon kaya tagos na tagos nag init ng araw. Tagaktak ang pawis ko kaya agad kong pinunasan iyon gamit ang aking kamay. Puno ng lupa ang aking kamay at malamang ay pati na rin ang mukha ko.
Patuloy ako sa aking ginagawa nang mapatingin ako sa itaas. Natigilan ako nang makita si Apollo na nakatingin sa akin habang nakatayo sa itaas na parte ng bahay. Nakangiti akong kumaway sa kaniya pero umiwas lang siya ng tingin at umalis.
Nagkibit-balikat na lamang ako at habang patuloy sa aking ginagawa ay nakaramdam ako ng tila isang patak. Kumunot ang aking noo at napatingala sa langit. Kung kanina ay sobrang init, ngayon ay medyo madilim at maulap. Napaigtad pa ako nang ang isang patak ay mas lalong dumami hanggang sa sunod-sunod na ang tubig mula sa langit.
Sa halip na umalis sa aking kinauupuan ay inilahad ko ang aking palad at pinagmasdan iyon na mapuno ng tubig. Napangiti ako at tumayo saka umikot-ikot.
“Ulan! Ulan 'to!”masaya kong wika.
Tumalon-talon pa ako hanggang sa mabasa ang lupa at tumalsik sa aking damit. Ilang sandali ay tumigil ako at tumayo nang tuwid at napahawak sa aking ulo dahil sa biglang pagpintig niyon.
“Mama... Mama...”
Napaupo ako dahil sa sakit. “A-Aray...”
Basang-basa na ang aking katawan at nakaramdam narin ako ng ginaw dahil sa kasabay na hanging dumadampi sa balat ko. Hindi ko mapigilan ang pagpatak ng luha sa mata ko dahil sa pinaghalong sakit at tila ba boses ng bata sa aking utak na tumatawag ng mama.
“What are you doing?”
Napalingon ako sa nagsalita at nakita si Apollo na nakatingin sa akin habang nakapamulsa. Saglit niya lang akong tinitigan at nang makita niya akong umiiyak ay biglang nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Inalis niya ang kaniyang kamay sa kaniyang bulsa at malalaki ang hakbang na lumapit sa akin saka agad akong binuhat.
“Apollo! Sandali! 'Yong damit mo!”saad ko ngunit hindi niya iyon pinansin.
Napuno ng lupa ang kaniyang sout na puting damit at pati ang kaniyang mga paa. Nabasa na rin siya dahil sa ulan. Buhat-buhat niya akong ipinasok sa loob ng mansyon at basta na lamang inilapag sa malambot na upuan.
“Damn it, Raelle?! Anong ginagawa mo?! Alam mo namang ang lakas ng ulan pero hindi ka umalis doon sa garden? Ngayon ka lang ba nakakita ng ulan—”
Natigilan siya sa kaniyang sinasabi nang ngumiwi ako. Siguro ay naisip niya rin na ito ang unang beses na nakakita ako ng ulan sa loob ng labinlimang taon. Napabuntong-hininga siya at napasabunot sa kaniyang buhok.
“Pasensya na, Apollo. Hindi na mauulit.”
“Bakit ka umiiyak?”tanong niya bigla.
“Hindi ako umiiyak. Baka patak ng tubig ang nakita mo,”pagsisinungaling ko. Ayokong bigyan ng isipin si Apollo dahil sapat na binigyan niya ako ng trabaho.
“Fine,”anito at napabuntong-hininga. “Magbihis ka na at pagkatapos, pumunta ka sa opisina ko sa taas.”
Tumango ako at agad na sinunod ang kaniyang sinabi. Dahil iisa lang ang aking uniporme ay ang puting bestida na lamang ang aking sinuot. Nakita ko pa ang mga kasama ko na napahinto. Nang matapos ay naglakad ako ng nakapaa dahil nadumihan ang aking sandalyas.
“Saan ka pupunta?”tanong ni Lorena na nakataas ang kilay.
“Sa opisina ni Apollo—Sir pala,”sagot ko at ngumiti.
“Ng ganiyan ang sout?”Ngumiwi siya at napailing. “Ikaw na naman siguro ang flavor of the week ni Sir, 'no?”
Kumunot ang noo ko. “Ha? Ano 'yon?”
“Sus, pa-inosente ka pa,”anito at umalis. “Umakyat kana. Doon sa may dulong pinto na may malaking bulaklak.”
Nagkibit-balikat na lamang ako at naglakad sa hagdan. Tinungo ko ang lugar na sinabi ni Lorena at napangiti nang makita ko na ito. Huminga ako nang malalim at akmang papasok nang bigla na lamang may lumabas na babae mula sa pinto. Medyo magulo ang buhok nito at bahagya niyang inaayos ang kaniyang damit.
“At sino ka?”mataray nitong tanong.
“Ako si Raelle,”sagot ko at ngumiti.
“Kainis! Two days pa lang ako, papalitan mo agad?”
“Ha?”takha kong tanong.
“Bwisit!”galit nitong wika at padabog na umalis.
Pumasok na lamang ako sa loob at nadatnan si Apollo na nakaupo habang nakatingala at nakapikit. Bukas ang butones ng sout nitong puting polo kaya malaya kong nakikita ang kaniyang itaas na katawan. Tumikhim ako upang makuha ang kaniyang atensyon. Napaigtad ito at agad na nag-ayos ng damit.
“Raelle, hindi ka kumatok,”anito at kunot ang noo na napatitig sa akin. “Bakit ganiyan ang sout mo?”
“Wala na akong ganoon damit kanina. Teka, bakit mo ako pinapunta dito, Sir?” tanong ko at bahagyang lumapit.
Tumikhim siya at sumeryoso ang mukha. “Gusto mo ba mag-aral?”
Nanlaki ang mga mata ko at sunod-sunod na tumango. “Opo!”
“Good. Para kahit papaano hindi ka maging katulong lang—”
“Para maging maayos ako. Para p'wede mo na rin akong magustuhan,”nakangiti kong sabi.
Para sa akin, si Apollo ang direksyon ng buhay ko.
Natigilan siya sa aking sinabi at napabuntong-hininga. Sunod-sunod na umiling at madilim ang mukha nang muli akong titigan.
“Raelle, itigil mo na ang pag-iisip na porke't niligtas kita. Prinsipe na ako,”aniya at nagtaas ng kilay. “Hindi mo ako kilala.”
“Pero alam kong mabuting tao ka—”
“I am not, Raelle. Prince save hearts, I'm the f*****g casanova who breaks them.”