RAELLE
NAGISING AKO AT AGAD na bumungad sa akin ang puting kisame. Napakunot ang noo ko at napabalikwas saka napaupo nang maalala ang nangyari bago ako nawalan ng malay. May isang estranghero na binalak akong patayin. Mabilis kong nilibot ang aking mga mata at napagtanto na nasa isang kwarto ako.
“You're finally awake.”
Nanlaki ang mga mata ko at dumako ang tingin sa bagong dating. Pamilyar ang mukha niya. Nakasuot siya ng puting roba at may kung anong nakasabit sa leeg. Nang humakbang siya palapit ay sumiksik ako sa sulok ng higaan at niyakap ang kumot. Malakas ang t***k ng puso ko dahil sa takot.
“H-Huwag niyo po akong patayin...”wika ko.
Napahinto ito. “Patayin? Hindi.. Doktor ako. Ako si Doctor Quintus Yanzon.”
“D-Doktor? Anong doktor?”takha kong tanong.
“Alam mo kahit may amnesia, alam ang doktor,”natatawa nitong sabi at tuluyang lumapit.
“H-Hindi ko alam ang sinasabi mo.”
Kumunot ang noo nito. “Ha?”
“Doc, wala siyang amnesia pero wala siyang alam sa mundo,”singit ng bagong dating na si Nanay Lydia.
“Ha? I don't... I don't understand.”
“Fifteen years siyang isolated at tanging nasa basement lang kaya hindi niya alam ang mga bagay-bagay,”sagot ni Nanay Lydia at lumapit sa akin. “Kumusta ka? May masakit pa sa 'yo?”
Umiling ako. “Nasaan po tayo?”
“Nasa clinic tayo,”sagot niya.
“Damn,”ani ng nagpakilalang doktor. “So, you're basically a babe in the woods.”
“Ha?”
“Hayaan mo na siya, Raelle,”wika ni Nanay Lydia at ngumiti. “Siya si Doc Yanzon, pamangkin ko siya at kaibigan ni Sir Apollo. Yung lalaking nagbigay sa amin ng abiso tungkol sa 'yo.”
Pakiramdam ko ay kuminang ang aking mga mata nang marinig ang pangalan ni Apollo. Malawak ang ngiti ko na humawak sa kamay ni Nanay Lydia.
“Si Apollo! Nasaan po siya?”nananabik kong tanong.
“Nasa opisina siya kasama ni Mother Helen,”sagot niya.
“Mukhang excited ka marinig ang pangalan ni Apollo ah. Ano ka ba niya? Babae ka ba niya—”
“Quintus! Ano ka ba?!”saway ni Nanay.
Ngumiti lang ako at tinitigan siya nang mataman. Natahimik naman siya at kitang-kita ko ang pamumula ng kaniyang pisngi. Tumikhim lang siya at nag-iwas ng tingin.
“Si Apollo ang nagligtas sa akin. Siya ang prinsipe ko,”sagot ko.
“Prinsipe? Are you crazy? Apollo is far from being a prince. He's a fuckboy,”anito kaya kumunot ang noo ko.
“Fuckboy?”takha kong tanong.
Malakas siyang hinampas ni Nanay Lydia sa braso. Napatingin naman siya sa akin nang mataman kaya tinitigan ko rin siya. Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay muling namula ang pisngi niya at mabilis na umiwas ng tingin.
“Huwag mong isipin iyon, Raelle. Naku, itong si Quintus! Halika nga sa labas!”naiinis na wika ni Nanay Lydia at hinila ang lalaking doktor palabas ng kwarto.
Naiwan naman ako at napabuntong-hininga. Nagkibit-balikat na lamang ako sa sinabi ni Doktor Quintus tungkol kay Apollo. Para sa akin, si Apollo ay isang prinsipe na siyang nagligtas sa akin. Darating din ang panahon na magkikita kami.
Wala sa sarili naman akong napahawak sa aking ulo at napangiwi sa sakit.
“Aray..”
Hindi ko maiwasan ang isipin ang nangyari kagabi. Sino kaya ang taong iyon? Bakit kaya niya ako gustong saktan at patayin? Wala naman akong nagawang masama para pagtangkaan ang buhay ko.
“So, anong drama 'to?”
Napatingin ako sa pinto at naroon ay si Lucy at Sandra na kakapasok lang. Lumapit sila sa akin kaya napakapit ako nang mahigpit sa kumot.
“Lucy... Bakit kayo nandito—”
“Sino namang magtatangka sa buhay mo? Ano ka, importanteng tao? Hindi nga ata alam ng mga tao na nag-e-exist ka.”naiinis na saad ni Lucy.
“Baka naman gawa-gawa mo lang 'yon para sa atensyon?”dagdag ni Sandra. “Masyado ka naman atang papansin?”
Umiling ako. “Totoong may nanakit sa akin. Hindi ko gawa-gawa iyon—”
“Sinong niloko mo? Huwag mo kaming itulad sa 'yo. Hindi kami tanga, Raelle.”
“Tama si Lucy. Imposibleng may mag-aksaya ng oras sa tulad mo. Tumatakas ka lang ata sa gawain e.”
“Hindi, Sandra. Totoo ang sinabi ko—”
Hindi ko natapos ang sinasabi ko nang hablutin ni Sandra ang kumot na tinatakip ko sa aking katawan at si Lucy naman ay hinila ako patayo sa kama. Dahil sa ginawa niya ay natumba ako sa lapag. Napangiwi ako dahil medyo masakit pa ang aking ulo.
“Ano? Pilay ka naman ngayon?”
“Tumayo ka diyan!”
Umiling ako at pinilit na tumayo. “L-Lucy, mamaya maglilinis ako ng banyo. Medyo masakit pa kasi yung ulo ko—”
“Ang arte mo!”anito at hinila ako patayo.
Pakaladkad ako nitong dinala sa pinto at nang buksan niya iyon ay napahinto siya at natigilan. Nagtataka naman akong sumilip at ang unang bumungad sa akin ay ang magandang damit nito. Tumingala ako at napasinghap nang makita ang lalaking hindi ko inaasahan na makikita ngayon.
“Apollo!”tuwang-tuwa kong sabi.
Bukod tangi ang angking kagawapuhan nito. Para siyang totoong prinsipe na galing sa librong mayroon ako. Kahit isang dipa ang layo namin ay langhap na langhap ko ang panlalaki niyang pabango na kahit siguro nakapikit ako, alam kong siya iyon. Mabilis na kumabog ang dibdib ko, hindi ko alam kung kaba o dahil sa presensiya niya.
“Where do you think you're going?”anito na madilim ang mukha, nakaigting ang panga at nakalagay sa bulsa ang dalawang kamay.
Napaatras naman ako nang ibaling nito ang tingin sa akin. Bahagyang kumunot ang noo niya at matalim ang tingin na muling ibinaling ang mga mata sa dalawang babae.
“S-Sir Calientes!”bulalas ni Lucy at lumapit kay Apollo saka humawak sa dibdib nito. “Anong ginagawa mo dito, Sir?”
Nakagat ko naman ang ibabang labi ko dahil nakaramdam ako ng inis. Pero agad akong napailing. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang inis na ito.
“Don't make me ask you twice,”anito at hinawakan ang kamay ni Lucy saka marahas na inilayo.
“Aray!”
“A-Apollo?”nagtataka kong tanong.
Napatingin sa akin si Apollo at bumaba ang tingin nito sa kamay ni Sandra na mahigpit na nakahawak sa braso ko. Muling tumaas ang tingin niya sa mukha ko at bahagyang nagbuga ng hininga.
Halos lumabas ang puso ko sa aking dibdib habang nakatitig sa lalaking matagal ko nang gustong makita. Aminin ko man o hindi ay masaya akong makita siya kahit na parang gamit niya akong iniwan sa lugar na ito. Naiintindihan ko rin naman na hindi niya ako responsibilidad.
“S-Sir Calientes, tuturuan lang namin si Raelle maglinis ng cr, 'di ba Raelle?”ani Sandra.
“Tama! Wala siyang alam sa mundo kaya kailangan niyang matuto,”dagdag ni Lucy.
“Hindi siya prinsesa kaya dapat matuto siya sa gawaing bahay,”dagdag ni Sandra na bahagya akong hinila. “'Di ba, Raelle? Sumagot ka.”
“Ah... Ano... Tama—”
“Enough,”pigil ni Apollo. “Let her go.”
“Ha? Bakit? Maglilinis kami. Sir Calientes, busy ka, sige na. Kami na ang bahala sa kaniya—”
Pero sa halip na sumagot ay hinablot ni Apollo ang kamay ko dahilan para bahagyang mawalan ng balanse si Sandra. Para naman akong nanigas dahil sa kamay ni Apollo na nasa braso ko.
“Sir Calientes! Anong ginagawa mo?”wika ni Lucy na nakawak kay Sandra.
“I should be the one asking you that,”aniya at nagtaas ng kilay. “You call yourselves survivors of abuse yet you become the very monster you once feared. You bully the woman who survived far worse than either of you can imagine.”
“S-Sir Calientes—”
“Tell me, does cruelty make you forget what it felt like to beg for mercy? Or should I remind you again?”
Kitang-kita ko ang pagkawala ng kulay ng kanilang mga mukha at parang naging estatwa na hindi nakagalaw sa kinatatayuan. Kunot-noo naman ako dahil hindi ko masyadong naiintindihan ang sinabi ni Apollo dahil ang bilis niyang magsalita.
Napahawak naman ako sa kaniyang leeg nang binuhat niya ako bigla na para bang isa lang akong papel sa sobrang gaan. Dinala niya ako sa higaan muli at inilapag.
“Sir Calientes, nagpapanggap lang siya—”
“ Hurting women has never been my way. But for the two of you, I am willing to make an exception,”saad ni Apollo na hindi man lang nilingon ang dalawa.
Padabog na lumabas si Sandra at Lucy ng kwarto. Naiwan kaming dalawa ni Apollo sa loob. Pakiramdam ko tuloy ay sumikip ang kwarto dahil sa presensya niya. Tumikhim ako at malapad ang ngiti.
“Bumalik ka! Sabi ko na!”
“Para malinaw tayo, Raelle,”anito dahilan para kumabog ang dibdib ko sa kaba at nawala ang aking ngiti. “Hindi ako prince charming. Hindi ako nandito para iligtas ka.”
Pinilit ko pa ring ngumiti kahit kumirot ang aking dibdib sa narinig.
“B-Bakit ka nandito?”
“Nandito ako para alukin ka ng trabaho.”
“Trabaho? Anong trabaho?”
“Maging katulong.”
“Katulong?”
Tumango siya at napabuntong-hininga.
“Maging katulong sa Calientes Mansion.”