Sinamahan siya ng lalaki pababa sa unang palapag ng malaking bahay para kumain. Hindi siya makakatulog nang kumakalam ang sikmura.
Dahil wala siyang damit, pinahiram muna siya nito ng puting t-shirt. Manipis lang ang katawan niya kaya parang bestida na sa kanya ang t-shirt nito.
Wala siyang bra. Naiilang man, hinayaan na lang niyang bumakas ang malalaking dibdib sa suot na t-shirt. Hindi naman mukhang maniac ang lalaki.
Pasimple niyang pinagmasdan ang bahay habang naglalakad. Malaki. Moderno. Masasabi niyang mayaman ang may-ari. Milyonaryo. O bilyonaryo.
"What do you want to eat?" tanong ng lalaki pagdating nila sa malaking kusina.
Namangha siya. Kusina pa lang yata nito, kalahati na ng tinitirhan niyang condo sa siyudad.
"Sandwich," sagot niya. "And milk please," dagdag niya.
Tumango ang lalaki at tumalikod na. Lumakad papunta sa two door ref.
Naupo siya sa may mataas na upuan katapat ng marble na lababo. At pinagmasdan ang lalaking kumukuha ng mga pagkain sa ref.
"Gusto mo ako na lang gagawa?" tanong niya. Naisip niyang baka dahil lalaki ito, hindi ito sanay mag-prepare ng pagkain.
"Ako na," malamig na tugon nito nang hindi man lang siya lingunin.
Tahimik na lang siyang naghintay. Nakasunod ang tingin sa bawat galaw nito.
Ilang beses pa siyang napasulyap sa magandang pang-upo nito. Sa dami na niyang nakatrabahong lalaking magaganda ang katawan, wala pa siyang inangahan talaga.
Hindi tulad ng lalaking nasa harapan niya. Para bang nililok ang ganda ng hubog ng katawan. Kahit t-shirt at jogger pants lang ang suot, kitang-kita pa rin ang alaga nitong katawan. Halatang gym rat.
Napakagat labi siya.
Parang iba na ang nais niyang kainin habang nakatingin dito. Nagbago yata ang craving niya.
"Do you like pepper sa sandwich or not?"
Nanlaki ang mga mata niya sa biglang paglingon ng lalaki sa kanya. Mabilis niyang inalis ang pagkagat sa ibabang labi at inayos ang sarili na tila lutang.
Kumunot ang noo ng lalaki sa nakita nitong ekspresyon niya.
"No pepper," pigil-hiningang sagot niya. Nag-iwas siya ng tingin.
"Ok," sagot nito at muling tumalikod.
Nagbuga siya ng hangin at nagkibit balikat. Nais niyang murahin ang sarili. Nahuli siya. Para bang first time niyang makakita ng lalaki.
"Eat," sabi ng lalaki nang ilapag ang sandwich sa harapan niya, kasama ang fresh milk.
Napangiti siya. Lalong kumalam ang sikmura nang maamoy ang nakakagutom na sandwich. Malaki. Puno ng kung anu-anong healthy veggies. Mukhang mabubusog na siya nito.
"Thank you," pasalamat niya.
Gutom na gutom na siya kaya hindi na siya nahiya pang damputin ang sandwich.
Naupo naman ang lalaki sa tapat niya. Hindi ganoon kalapad ang lababo kaya halos magkalapit na naman ang mga mukha nila. Naiilang siya habang kumakagat at ngumunguya.
"Habang kumakain ka, gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa iyo," seryosong tanong nito.
Nag-angat siya ng mukha. Napatingin sa magagandang mata nito.
"Alam mo ba kung nasaan ka? I mean, alam mo ba ang probinsyang ito?" tanong nito.
Iniling niya ang ulo at tinuloy ang pagkain. Gutom siya. Kailangan muna niyang magkalaman ang sikmura.
Inabutan siya ng tissue ng lalaki. Marahil may kumalat sa labi niya dahil sa pagmamadaling kumain.
"Thank you," pasalamat niya. Ibinaba niya muna ang sandwich. Nagpunas ng bibig. Saka uminom ng gatas.
"Nasa probinsya ako ng San Ignacio, hindi ba?" sagot niya.
Tumango ito.
Alam niya ang San Ignacio. Ito ang unang beses niyang pumunta sa bahay ni Ramon. Sa bahay ng kinakasama ng Mommy niya. Ito rin ang unang pagkakataon na pinagtangkaan siya ni Ramon.
Napansin na niya noon pa ang kakaibang tingin ng matandang lalaki sa kanya. Hindi na lang niya pinansin. Eh kinakasama na ito ng Mommy niya.
Kahit may naririnig na siyang hindi maganda tungkol kay Ramon. Sa pag-handle nito ng mga talent. Lalo na pag babae.
"Nasa San Ignacio ka nga," sabi ng lalaki. "At nasa loob ka ng LEONARDO."
"LEONARDO?" kunot noong tanong niya.
Hindi ba't Marco Leonardo ang pakilala nito kanina? Kapangalan nito ang kinaroroonan niya.
"Yes. LEONARDO VILLAGE. Ako ang nagpapatakbo ng village na ito. Kaya gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa iyo sa loob ng pagmamay-ari ko," seryoso pa rin ang tono nito habang nakatingin sa kanya.
"Nakita kitang punit-punit ang damit sa kalsada. Kung hindi ka nakikipaglaro sa lover mo ng rough s*x game sa bahay niyo at umabot kayo sa kalsada, what happened then? Ayokong mag-isip ng masama, pero sa itsura mo kanina, Miss Cortez, mukhang pinagsamantalahan ka—"
"Muntik mapagsamantalahan!" mariing pagtatama niya. Pinutol niya ang sasabihin pa sana nito.
"Muntik mapagsamantalahan? Nino?"
Hindi siya nakakibo. Maniniwala ba ito kung sasabihin niyang si Ramon Salazar ang may gawa?
Nasa industriya ng showbiz si Ramon. At nasa modelling naman siya. Baka isipin lang nitong isa siya sa mga talent na gustong makakuha ng mabilisang project gamit ang katawan.
Iyan kasi ang madalas na sinasabi ng iba. Kung bakit hindi siya nawawalan ng project. Madalas pa nga tinatanggihan na niya. Lalo na pag masyadong revealing. Nais pa rin niyang magtira ng kaunting respeto sa sarili. Kaya hindi lahat tinatanggap niya.
"Si Ramon Salazar ba?" tanong nito nang hindi siya kumibo.
"Maniniwala ka ba sa akin kung sasabihin kong nais akong pagsamantalahan ni Ramon, at nakatakas lang ako?" tanong niya.
Sa mundong ginagalawan nila, alam niyang maraming magtataas ng kilay. Lalo na't isa siyang modelo. Halos hubad na ang ibang larawan niyang lumabas.
Sa mga babaeng katulad niya, pag nabastos at napagsamantalahan, tiyak pagtatawanan. Iisiping naghahanap lang ng pera.
"Yes. I believe you, Savannah," tugon ng lalaki.
Nagulat siya. Hindi niya inaasahan iyon.
"Really?" tanong niya. Pinakatitigan niya ito. Gusto niyang makita sa mga mata nito kung nagsasabi ba ito ng totoo.
"Yeah, Savannah. I believe you. Dahil kilala ko si Ramon Salazar. Alam ko kung paano niya tratuhin ang mga nagiging babae niya," sabi nito. "Mas naliligayahan yata si Ramon Salazar pag namimilit ng babae."
Hindi siya nakakibo. Nakaramdam siya ng pag-aalala para sa Mommy niya.
Bakit naman kasi sa dinami-dami ng lalaki sa mundo, sa isang tulad pa ni Ramon nakipagrelasyon ang ina.
Alam niyang mayaman si Ramon at maimpluwensya. At alam din niyang naghihirap na ang ina. Hindi ito sanay sa kahirapan. Sinusuportahan naman niya ito kahit papano. Sadyang maluho lang ang ina. Sanay magtapon ng pera sa mga walang kwentang bagay. Lalo na sa pagpapaganda ng mukha at katawan.
"Kalat sa bayan na ito kung paano magtrato ng babae si Ramon," patuloy nito, hindi inaalis ang tingin sa kanya. "At kung muntik ka na niyang napagsamantalahan, ibig lang sabihin hindi ka nasilaw sa pera niya."
Mukhang inaaral din siya ng lalaki. Tinitingnan kung nagsasabi ba siya ng totoo.
"Paano ka nga pala nadala ni Ramon sa bayan na ito?" tanong ni Marco.
Hindi siya agad nakasagot. Nagdadalawang-isip siya. Aaminin ba niyang ang Mommy niya ang bagong babae ni Ramon? Nahiya siya bigla. Lalo na't alam ng lalaki kung paano magtrato si Ramon ng babae.
"Well, I guess hindi mo na dapat malaman pa," tugon niya. Tinuon niya ang atensyon sa kinakain.
Pinagpasalamat niyang hindi na nag-usisa pa ang lalaki kung paano siya nadala ni Ramon sa bayan na ito.
Pagkatapos kumain, niyaya na siyang magpahinga ni Marco. Sabi nito bukas pagsikat ng araw ihahatid siya nito sa sakayan papuntang Manila.
"Nasa bahay ni Ramon ang sasakyan at mga gamit ko," amin niya.
"Gusto mo bang samahan kitang makuha ang mga iyon?" tanong ng lalaki.
"Magagawa mo iyon?" gulat na tanong niya.
"Of course. Kilala ako ni Ramon. Kung sino ako sa bayan ng San Ignacio. Mas makapangyarihan ako kesa sa kanya," tugon nito.
Napanganga siya.
"Kung hindi mo kayang bumalik sa bahay ni Ramon, hayaan mo ang mga tauhan ko ang kumuha ng sasakyan mo at mga gamit," patuloy nito.
"Magagawa mo ba talaga iyon?" paninigurado niya.
"Yes, Miss Savannah," pormal na tugon nito.
"Salamat, Mr. Leonardo," magalang na pasalamat niya.
"See you tomorrow. Goodnight, Savannah," sabi nito. Binuksan pa nito ang pintuan ng silid kung saan siya namahinga kanina.
"Goodnight," nahihiyang tugon niya.
"Pwede mong i-lock ang pintuan kung natatakot ka sa akin. Kakatukin na lang kita bukas ng umaga," bilin pa nito.
"Ah... eh..." Hindi niya alam kung paano sasabihing hindi siya natatakot. Hindi naman ito nakakatakot. Walang matinong babae ang matatakot sa ganito kagwapo.
"Sige. Salamat."
"Sleep well, Savannah," sabi pa nito. Tumango siya.
Pag-alis ni Marco, sadya niyang hindi ni-lock ang pintuan. Gusto niyang malayang makapasok ang lalaki sa silid niya ano mang oras. Anong malay niya kung sundan pa siya ni Ramon. At least makakapasok agad si Marco para tulungan siya.
Nahiga siya sa malambot na kama. Napangiwi siya nang maramdaman ang sakit sa katawan.
Tiyak na pagbalik niya ng Manila, hindi siya sasabak agad sa trabaho na parang walang nangyari. Kung magsusumbong siya at ipapaalam pa sa iba ang inabot niya kay Ramon, tiyak pagtatawanan lang siya.
"Damn," mura niya. Saka ipinikit ang mga mata.