Chapter 8

2056 Words
Chapter 8 Hindi nakatulog si Lucy dahil sa pagbabasa ng iba’t-ibang klase ng mga libro. Mabilis niyang naisaulo ang nakalagay sa diksyonaryo. Hindi lang iyon, nagbasa rin siya ng mga textbooks ni Emmanuel dahil naisip niya na sa oras na bumalik siya sa pag-aaral ay kailangan niyang malaman kung ano ang pinag-aaralan nito. “Paano kaya ako napunta sa lugar na ito?” tanong niya at tiningnan ang kaniyang palad. Marami siyang tanong na gustong masagot ngunit sino ang sasagot non para sa kaniya? kakaiba ang lugar kung nasaan siya, maraming matataas na bahay, may mga sasakyan na kakaiba. Walang ganoon sa dati niyang mundo. Ngunit, ang nasaksihan niya kahapon ay binabagabag siya ngayon. Sa kaniyang mundo ang mga itim na ispiritu ay hindi pumapaslang, sinusundo lamang ng mga ito ang mga kaluluwa na malapit nang mamatay. Isa pa, ang mga nilalang na nakaitim na pumaslang sa itim na ispiritu ay hindi rin normal, gumagamit ang mga ito ng mahika. Naalala niya ang lalakeng pumunta pa sa silid na iyon, maaaring anumang oras ay muling lumabas ang lalake upang makausap siya. Hindi niya alam kung ano ang totoong intensyon nito, baka mamaya ay isa pala itong kalaban. Ibinaba ni Lucy ang libro na hawak niya sa lamesa at tinungo niya ang kama. Nahiga siya doon at ang kaniyang mga mata ay nakatingin lamang sa kisame. Maganda ang bahay kung nasaan siya, mabait ang mga magulang ni Emmanuel at hindi siya mahihirapan na pakisamahan ang mga ito. Isa pa, hindi rin siya nito pinupwersa na muling maalala ang ‘nawalang’ memorya niya. “Pero napakasakit ng nangyari, napunta ako sa mundong ito ng hindi ko naman ginusto.” Bumiling siya pakaliwa. Kung siya ang tatanungin ay mas gusto na lamang niya ang mamatay. Masakit para sa kaniya na maalala na binugbog at pinaslang siya ng lalakeng inibig niya ng matagal na panahon. Ang lalakeng pinangarap niya kasama ang magandang buhay. “Gabayan sana ako ng mahal na diwata,” sabi ni Lucy at pinagsalikop niya ang kaniyang mga kamay at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Nanalangin siya sa mahal na diwata na nagligtas sa kanila noon sa dati niyang mundo laban sa kasamaan. Nanalangin siya na gabayan siya nito ngayong narito siya sa ibang mundo. Wala pa siyang masyadong kaalaman, ngunit pag-aaralan niya ang lahat tungkol sa mundo kung nasaan siya. Lalo pa at ang mga ispiritu na narito ay pumapaslang. Kung isa ako sa mga nakakakita na nangyayari iyon ay may dahil, may ibig sabihin iyon sa akin. Maaaring ang dahilan kung bakit ako nasa mundong ito ay dahil sa mga ispiritu na iyon. Maaaring konektado iyon sa kung bakit hindi siya tuluyang namatay at napunta lamang sa ibang mundo kung saan may mga pumapaslang na mga ispiritu. Hindi namalayan ni Lucy na nakatulog na pala siya. “Bakit ba hindi pa sunugin ang bahay ng babaeng iyan? Napakamalas niyan sa atin!” “Oh, hindi kaya naman ay palayasin na lang dito sa nayon? Wala, ubos na at patay na ang lahat ng mga gulay dahil walang tubig sa bukal. Hindi na malaman ng mga magsasaka ang gagawin.” “Kasalanan iyan ni Lucyva. Ang bali-balita ay gumagamit iyan ng itim na mahika, naku, ayan na, padaan na dito. Tumahimik na tayo at baka mamaya hindi pa tayo makauwi sa mga  bahay natin.” Sanay na si Lucy sa ganoong sinasabi ng kaniyang mga ka-nayon. Ang tawag pa nito sa kaniya ay mangkukulam. Ngunit hindi naman niya iyon iniisip lalo pa at ang mahalaga lamang sa kaniya ay ang paniniwala ng kaniyang kasintahan. “Mahal, nandito na ako, nakaluto ka na ba?” tanong niya. Tinungo niya ang kusina at nakita niya ito na nakangiti sa kaniya. Nagluluto pa lang si Sebero. Humarap pa ito sa kaniya habang hawak ang sandok panluto. Napangiti siya. Iyon naman ang buhay na mahalaga sa kaniya. Nang subukan niyang lumapit dito upang yakapin ito ay napatigil siya nang biglang ang sandok na hawak ni Sebero ay naging kutsilyo. At nang ituon niya ang pansin sa mukha nito ay nakita niya ang galit. Napasigaw si Lucyva. Tumakbo siya nang maglakad palapit si Sebero. “Salot ka! Ikaw ang may kasalanan kung bakit nawalan ako ng trabaho! Ikaw ang may kasalanan sa lahat ng kamalasan na nangyari sa buhay ko! kailangan mong mamatay! Mamatay ka na!”   Napabalikawas ng bangon si Lucy dahil sa panaginip na iyon. Hinawakan niya ang dibdib na sobrang bilis ng kabog. Nanginginig ang kaniyang mga kamay, bakit naman iyon ang napanaginipan niya? Bakit kailangan na si Sebero pa na hinahabol siya at gustong patayin? Nanggilid ang mga luha ni Lucy. Hindi niya akalain na darating sa punto na naisip ni Sebero na paslangin siya. Hindi niya alam kung bakit sa lahat ng kabutihan na ipinakita niya dito, sa pag-aasikaso at sa pagmamahal ay naisip pa nito na isa siyang malas. Hindi pa napabuti ang pagsasabi niya ng totoo kay Sebero. Na nakakakita siya  ng mga itim na ispiritu. Simula non ay nagbago na ang tingin nito sa kaniya. “Had a bad dream?” Mabilis siyang napalingon sa bintana. Nakita na naman niya ang lalake na nakaitim. Kakaiba na ang kasuotan nito kaysa nang magpunta ito kahapon sa kaniyang silid. Hinahangin pa ang puting kurtina na naroon sa bintana kung nasaan nakaupo ang lalake. “A-Anong ginagawa mo dito?” tanong niya. Tumayo ang lalake at nabigla siya nang maupo ito sa upuan sa tapat ng kaniyang kama. Kaagad siyang napaatras dahil sa takot na may gawin itong masama sa kaniya. Hindi pa niya kilala ang lalake kaya’t hindi niya ito dapat pagkatiwalaan. “Paano mo nakikita ang mga itim na ispiritu? Ano ang kapangyarihan mo at bakit nakakagalaw ka sa loob ng aking kapangyarihan?” tanong nito. Kalmado lamang ang lalake sa pagtatanong at wala iyong bahid ng pananakot ngunit hindi maiwasan ni Lucy na makaramdam ng takot lalo pa at alam niyang hindi ordinaryo ang lalake na nasa kaniyang harapan. Kailangan kong pangalagaan ang katawan ni Emmanuel hangga’t hindi ko nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya at kung nagkapalit ba kami ng katawan. Hindi siya nagsalita. Nang mapakamot sa batok ang lalake at tumayo ito ay sinundan ni Lucy ito ng tingin. Tinungo nito ang sofa at nahiga ito doon. Napaawang ang mga labi niya sa gulat dahil sa ginawa nito. Ano ba ang nasa isip ng lalake? Tumayo siya at nilapitan lumapit sa lalake. “A-Ano ba ang ginagawa mo dito? Wala kang mapapala sa akin, isa lang akong normal na tao na— “Hindi ka normal. Sa tingin mo ba kaya ako bumalik dito ay para marinig ang kasinungalin na iyan? Hindi ako tanga, babae, alam ko na may kapangyarihan ka, ang krus sa palad mo, ang dahilan kung bakit ka nakakakita ng mga black spirit at ang dahilan kung bakit nakakagalaw ka sa ilalim ng kapangyarihan ko. Lahat iyon, hindi lamang dahil normal na tao ka.” Napaatras siya. “Gaano ako nakakasigurado na hindi ka isang kalaban?” tanong niya. Desperado na siya na malaman kung paano siya makakabalik sa mundo niya at kung ano ang nangyari kay Emman. Bumangon ang lalake at umayos ito ng upo pagkatapos ay itinuro nito ang sofa sa tapat nito. Naglakad naman si Lucy at naupo siya sa sofa. Kinakabahan man sa kaharap ay kailangan niyang maging matatag at matapang, hindi mareresolba ang mga pinoproblema niya at hindi masasagot ang mga tanong niya kung mamamayani ang takot sa kaniyang dibdib. “Magpapakilala ako sa ‘yo,” sabi ng lalake at itinaas nito ang isang kamay. Mayroong marka ng bituin sa palad nito. “Ako si Haze Corlson at isa akong miyembro ng Cruixian. Ang Cruixian ay isang grupo na pumapaslang ng mga black spirits dito sa mundong ito. Ang mga black spirits naman na nakita mo kahapon ay pumapaslang ng buhay ng mga tao. Ang nakita mong apoy sa dibdib ng mga tao ay nagsisimbolo sa kanilang buhay. Ang mga apoy na kulay pula ay ang mga taong dumadaan sa depresyon, matingding kalungkutan at pagkawala ng dahilan para mabuhay. Ang mga taong iyon ang puntirya ng black spirits. At kami naman ang pumapaslang sa mga itim na isipiritu na iyon upang magligtas ng mga tao.” Naikuyom ni Lucy ang kaniyang mga kamay. Kung ganoon ay iyon pala ang ibig sabihin ng apoy sa dibdib ng mga taong iyon. “A-Ano ang ibig sabihin ng pula at asul na apoy? At iyong kahel...” tanong niya. Tumango-tango si Haze sa kaniyang harapan. “Magandang tanong iyan, babae.” “Ang mga taong may pulang apoy sa didib ay ang mga taong nakakaranas ng problema, katulad nga ng sinabi ko iyong mga sobra ang kalungkutan at dumadaan sa depresyon, sila ang madalas maramdaman ng mga black spirits. Ang mga tao naman na may asul na apoy ay ang mga taong masaya ang buhay. Ibig sabihin sila ang mga ligtas sa mga kamay ng mga black spirits.” Tumango siya, “At ang kulay kahel?” “Pag nakita mo ang kulay na iyon sa isang tao ibig sabihin lamang ay malapit nang maging pula ang apoy nito. Doon na magsisimula na maramdaman ito ng mga black spirits.” Hindi kumakain ng mga tao ang mga itim na ispiritu sa mundo nila. Hindi rin nananakit ang mga ito. Ngunit sa mundo kung nasaan siya ang dahilan kung bakit kinakain ng mga itim na ispiritu ang mga tao na may pulang apoy ay dahil sa matinding kalungkutan, depresyon at wala nang kagustuhan pa na mabuhay. “W-Wala bang ibang maaaring magawa upang maibalik sa asul ang mga kulay pulang apoy?” tanong niya. Itinuro siya ni Haze at humalukipkip ito, “Magandang tanong ulit.” “Maaaring bumalik ang kulay asul na apoy ng isang tao kung mararamdaman niya ang kaligayahan at kakuntentuhan sa buhay. Iyon rin ay trabaho namin. Pinapanatili namin ang kaayusan sa mundong ito, at minomonitor namin ang apoy sa mga tao.” “Posible bang ang isang tao ay walang apoy?” tanong niya. Umiling naman ito. At pagkatapos ay tinapik nito ang dibdib. Nakita niya ang kulay asul na apoy dito. “Lahat ng nilalang sa mundong ito ay may apoy sa didbib.” Kaligayahan... kakuntentuhan sa buhay... Ibig sabihin ay may pag-asa pa. “M-Marami ba ang nakakaalam ng tungkol dito? I-ibig kong sabihin ay may mga tao ba na nakakaalam ng tungkol sa mga itim na ispiritu?” tanong niya. “Wala, hindi nila maaaring malaman, kaya gumagamit kami ng mahika upang mapatigil ang oras sa tuwing may mga black spirits na umaatake ng mga taong may kulay pulang apoy. Kaya’t nang makita kita alam ko na kakaiba ka at hindi ka lang basta isang normal na nilalang.” Sumeryoso ang boses ng lalake at nakita niya ang mapanuring mga mata nito na nakatingin sa kaniya. Para bang binabasa nito kung ano ang nasa isip niya. “Hindi ako kalaban, babae, kaya rin ako narito ay nais kong malaman kung totoo ang hinala ko.” “H-Hinala?” “Mayroon kaming hinahanap na nilalang na nagtataglay ng isang malakas na kapangyarihan para mailigtas ang mundong ito sa mga  black spirits. Matagal na panahon nang hinahanap ng aming pinuno ang nilalang na iyon ngunit palagi siyang nabibigo. Kayang-kaya na burahin ng nilalang na iyon ang lahat ng mga black spirits sa mundong ito at iligtas ang mga tao sa kamatayan.” At ang nasa isip nito na siya ang nilalang na iyon? imposible. Dahil sa krus sa kaniyang kamay? “Nalaman ko ang nangyari kay Emmanuele Gricia.” Natigilan siya sa sinabi nito. “Pinaimbestigahan ko kung ano ang totoong nangyari sa kaniya. Nasaksak siya, ang natamo niyang saksak sa iba’t-ibang parte ng kaniyang katawan ay hindi biro at maski ang mga doctor na tumingin dito ay nagulat lalo pa nang mabilis na maghilom ang mga sugat nito. Kahit na sinong doctor ay iisipin na isang himala ang nangyari, na dapat sa tinamong saksak ni Emmanuele ay namatay na ito. Lalo pa at maseselang parte ng katawan ang natamaan.”  Napalunok siya sa kaba. Mukhang alam na niya kung saan pupunta ang mga sinasabi nito. “Nalaman ko rin na wala ang dating ala-ala ni Emmanuele Gricia. Sabihin mo sa akin babae, ikaw ba si Emmnuele Gricia o ibang tao ka na nanggaling sa ibang mundo?”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD