"Huwag mo nang subukan pang tumakas, nagsasayang ka lang ng oras at lakas," sabi ng lalaki na nasa harapan ni Micaella.
Nakaposas habang nakaupo si Micaella sa isang bakal. Hindi naman sana siya poposasan ng mga ito kung hindi lang niya sinubukan na tumakas kanina.
"Alam kong alam ninyo na maaari kayong makulong sa ginagawa ninyo! Alam kong malaki ang pagkakautang ni Dad sa inyo, pero hindi naman kailangan na umabot pa na ganito!" sigaw ni Micaella sa kanila.
"Alam namin ang batas, kaya huwag mo kaming pangaralan, " sagot ng lalaking nasa harapan niya.
" Kung ganoon, bakit ginagawa pa ninyo ang mga labag sa batas? Hindi ba kayo natatakot?" mga tanong ni Micaella.
Nagkatinginan ang apat na lalaki, at hindi nagtagal ay nagtawanan silang lahat.
Napakunot ng nuo si Micaella dahil sa pagtawa nilang lahat.
" Alam mo, ang batas ng bansang ito ay parang lapis na panulat lamang, madali namin itong mabura sa pamamagitan ng pera! " sagot ng lalaki sa kanya.
Alam ni Micaella na malaking tao ang nasa likod ng pagdakip sa kanya, kaya naiintindihan niya na hindi sila natatakot sa batas.
"Alam kong kinuha ninyo ako dahil sa pagkakautang ni Dad! Babayaran naman namin kayo, pero sana ay bigyan niyo pa kami ng maikling panahon!" sambit ni Micaella sa kanila.
"Ilang buwan na ang ibinigay namin sa Dad mo, at hanggang ngayon ay wala pa siyang naibabayad. Ngayon, hindi namin siya mahagilap dahil sa pagtatago niya, kaya pasensya ka na kung gagamitin ka namin para lumabas siya!" sagot naman ng lalaki.
"Alam ko na malaki ang pagkakautang ni Dad sa inyo, pero sana naman ay bigyan niyo kami ng panahon," pagpupumilit niya.
Napailing ang lalaki dahil sa mga sianbi ni Micaella, "Pasensya ka na, dahil hindi ka namin matutulungan sa gusto mo. Sumusunod lang kami sa utos ng amo namin!"
Napayuko si Micaella dahil sa mga narinig niya. Sa klaseng mga tao na nasa kanyang harapan, alam niyang hindi sila mapapakiusapan.
"Anak?" napalingon si Micaella sa nagsalita.
Napalaki ng mga mata si Micaella nang makita niya ang kanyang ama.
Mabilis na tumakbo si Carlos papunta sa kanyang anak at niyakap ito nang mahigpit.
"Patawarin mo ako anak dahil nadamay ka pa sa kalokohang nagawa ko!" naiiyak na paghingi ng tawad ni Carlos sa kanyang anak.
"Huwag mo nang isipin pa iyon, Dad. Haharapin natin sila!" sambit ni Micaella.
Tumayo nang maayos si Carlos at hinarap ang apat na kalalakihan na nasa kanilang harapan.
" Huwag niyo nang idamay ang anak ko dito. Ako lang naman ang kailangan niyo, hindi ba?" matapang na sabi ni Carlos sa apat na kalalakihan.
" Ilang buwan ka na naming hinahanap kaya wala kaming nagawa kundi ang gawin ang bagay na ito, Carlos. Ngayon, kung mababayaran mo ang kalahating bilyon na pagkakautang mo kay Don, papakawalan namin kayong dalawa," sabi ng lalaki kay Carlos.
Napayuko si Carlos. Wala siyang dalang ganoong kalaking halaga. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng ganoong pera.
Napatingin si Carlos sa kanyang anak. Ngumiti siya na nagsasabing magiging maayos ang lahat na nangyayari sa kanila.
Muling humarap si Carlos sa lalaki, "Kakausapin ko si Don tungkol dito. Kung kinakailangan na pagsilbihan ko siya ng habang buhay ay gagawin ko, basta pakawalan niya lang ang aking anak!" desididong sambit ni Carlos.
Napabuntong hininga ang lalaki at kinuha niya ang kanyang telepono at tumawag.
"Nandito na si Carlos at ang kanyang anak, Don," pagbibigay niya ng balita na nasa kabilang linya.
"Magbabayad na ba siya?" tanong ng isang lalaki mula sa kabilang linya.
"Kakausapin ka raw niya, Don," sagot ng lalaki.
"Sige, buksan mo ang smart tv," utos ni Don.
Mabilis na binuksan ng lalaki ang isang Smart Tv na nasa gitna ng kwarto. Ilang saglit pa ay lumabas sa monitor ang isang lalaki na nakaupo sa harap ng isang lamesa. Nakasuot ito ng gintong maskara na may disenyong dragon.
"Don!" pagtawag ni Carlos sa lalaki na nasa monitor.
Hindi kaagad nakapagsalita si Don na para bang nasa iba ang kanyang atensyon. Nagtaka ang apat na kalalakihang tauhan ni Don dahil hindi pa nangyayari ang ganitong bagay sa kanya.
"Don. Nandito si Carlos at gusto ka raw niyang kausapin!"
Napabalik sa ulirat ang Don nang magsalita ang isa niyang tauhan.
Tumingin siya kay Carlos. Hindi nila makita ang expression ng kanyang mukha dahil sa maskara niyang suot.
"Don, nakikiusap ako. Pakawalan mo ang aking anak at kapalit nito ay ang pagsisilbi ko sa iyo," pakiusap ni Carlos kay Don.
"Gagawin ko ang lahat ng iuutos mo kahit na buhay ko pa ang kapalit!" dagdag pa niya.
"Sa katayuhan mo ngayon, ano pa ba ang magagawa mo? Ano pa ba ang maipagmamalaki mo?" mga tanong ni Don.
Napayuko si Carlos dahil sa tanong ni Don. Alam niya sa kanyang sarili na wala na siyang maipagmamalaki pa dahil nawala na ang kanyang negosyo. Lubog na rin siya sa pagkakautang sa kanya at sa iba pang mga malalaking tao dahil sa pagsusugal.
" Gawin mo akong utusan. Maging hardinero o kahit na ano basta may pakinabang ako, Don!" mungkahi ni Carlos sa kanya.
Napailing si Don dahil sa sinabi ni Carlos. Muli siyang napatingin kay Micaella na tahimik lang na nakikinig sa kanilang usapan.
" Bakit hindi mo ibigay ang iyong anak, Carlos?" wala sa ulirat na tanong ni Don kay Carlos habang nakatingin kay Micaella.
Napalaki ng mga mata si Micaella dahil sa kanyang narinig.
'Ibigay ako sa kanya?' tanong ni Micaella sa kanyang sarili.
" Anong ibig mong sabihin, Don?" nauutal na tanong ni Carlos sa kanya.
"Alam mo sa sarili mo na wala ka ng silbi pa. Matanda ka na at wala ka ng kakahayan pa. Kaya bakit hindi ang anak mo ang magbayad sa mga pagkakautang mo?" sagot ni Don.
Napakuyom si Carlos dahil sa sinabi ni Don. Hindi siya papayag sa kagustohan niya! Kilala niya si Don na isang malupit, walang-awa, at ang balita niya ay maraming siyang mga babae na pinapahirapan!
"Gawin niyo na ang lahat sa akin,huwag mo lang idamay ang aking anak, Don!" matapang na sagot ni Carlos sa kanya.
"Kung ganoon, humanda ka sa Kabayaran ng lahat ng ginawa mo, Carlos!" sagot ni Don. Sinenyasan niya ang apat na lalaki.
Lumapit ang apat na lalaki kay Carlos at bigla nila itong binugbog. Napaluhod siya sa sahig dahil sa lakas ng mga suntok na ibinigay sa kanya.
Hindi nagtagal, napahiga si Carlos sa sahig. Suntok, sipa, at pagpalo ng matigas na kahoy ang natamo ni Carlos. May dugo na ring lumalabas sa kabyang bibig. May makikita na ring mga pasa sa kanyang mga braso, at ang kanyang katawan ay namamanhid na sa sakit.
Napalaki ng mga mata si Micaella. Gulat na gulat siya sa kanyang nakikitang pagpapahirap sa kanyang ama. Gusto niyang sumigaw, pero naunahan siya ng takot at pagkabigla. Lumuluha na ang mga mata si Micaella dahil sa awa at dahil wala siyang magawa sa nangyayari sa kanyang ama.
"Itigil niyo 'yan!" Sa wakas ay nagkaroon ng lakas si Micaella para sumigaw, pero parang walang narinig ang apat na lalaki.
"Ahhh!"
Tanging sigaw lang ni Carlos ang naririnig sa apat na sulok ng kwarto.
"Pakiusap, itigil niyo ang ginagawa ninyo!!" pagmamakaawa ni Micaella sa kanila.
Si Don naman ay nakatingin lang kay Micaella.
"Itigil niyo na muna 'yan!" utos ni Don sa apat na lalaki.
"Ikaw, babae.." pagtawag ni Don kay Micaella.
"Gusto mo bang pumunta sa akin? Gusto mo bang sumama sa akin?" mga tanong ni Don sa kanya.
Napalunok si Micaella. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa kanyang tanong.
"Gagawin namin ang lahat para mabayaran ka. Kaya nakikiusap ako, huwag niyong sasaktan ang aking ama!" sagot ni Micaella.
Hindi nakapagsalita si Don. Nakatingin lang siya kay Micaella. Sa kanyang maamong mukha, sa kanyang kagandahan. Para siyang nagagayuma.
Tumalikod si Don, "Bibigyan ko kayo ng tatlong araw pa makabuo ng kalahating bilyon. Ibibigay ko sa'yo kung saan mo ako makikita. Kapag sinubukan niyong tumakas, alam niyo na ang mangyayari!" sagot ni Don na kinagulat ng apat na tauhan niya.
Ibinigay ng isang tauhan ni Don ang isang address, at umalis. Naiwan si Micaella at si Carlos sa loob ng kwarto.
Inakay ni Micaella ang kanyang ama, at dumeretso sa hospital para ipagamot.
'Tatlong araw. Tatlong araw ang palugit para makabuo ako ng kalahating bilyon?' nawawalan ng pag-asa si Micaella. Kahit na ibenta niya ang lahat ng organs niya ay hindi niya mabubuo ang kalahating bilyon!
Ginawa ni Micaella ang lahat para makahanap at mabuo ang kalahating bilyon, pero walang nangyari. Sinubukan niya ring mag-loan sa mga bangko pero hindi siya ina-approve. Lumapit na rin siya sa mga kakilala niya, sa dating mga investors ng kanilang kompanya at kung sino-sino pa, pero wala. Hindi nabuo ang kalahating bilyon!
Napalunok si Micaella habang tinitignan ang address ni Don na ibinigay sa kanya noon ng tauhan niya. Wala na siyang magagawa pa kundi ang puntahan siya. Kung tatakas sila, alam niyang mahahanap din sila kaagad dahil sa maimpluwensyang tao humahabol sa kanila.
Nakatayo si Micaella sa malaking gate ng address ni Don. May lumapit sa kanyang isang gwardia at tinanong kung ano at sino ang kailangan niya.
"Kakausapin ko si Don," sagot ni Micaella.
"May appointment ba kayo?" tanong ng guard.
Napailing si Micaella, "Sabihin mong anak ako ni Carlos," sagot niya.
Tinawagan ng guard si Don at sinabi ang tungkol kay Micaella.
Matapos ang tawag, agad na pinapasok si Micaella at sinamahan papunta sa mansyon.
"Umakayat ka sa ikalawang palapag at pagkatapos ay kumanan ka. May makikita kang gintong pinto doon, at 'yon na ang opisina ni Don," pagbibigay direksyon ng gwardia sa kanya, na sinagot lang ng pagtango ni Micaella.
Pagdating niya sa gintong pinto, kumatok siya ng tatlong beses.
"Pumasok ka!" Nang marinig niya ang isang boses ng lalaki, binuksan niya ito pumasok.
"Umupo ka dito, Micaella," utos ng isang matandang lalaki na nakaupo sa mini sala sa loob ng kwarto.
Napalunok siya ng laway, 'Siya ba si Don?' tanong ni Micaella sa kanyang sarili.
Dahan-dahan na lumapit si Micaella sa matandang lalaki at umupo sa harapan nito.
May ibinigay na folder ang matanda sa kanya.
"Basahin mo ang nasa loob ng folder," utos nito.
Binasa ni Micaella ang nasa loob ng folder, at napalaki siya ng kanyang mga mata.
"Marriage Contract!?" hindi mapigilang bulalas ni Micaella.