Nanlalamig ang mga palad at buong katawan ni Micaella habang nakaupo siya sa malambot ngunit nakakakulong na silya sa loob ng opisina ni Don.
Ang silid ay tila nakalulunod sa bigat ng katahimikan, makapal ang carpet, mabango ang hanging amoy-lavander, at ang mga dingding ay puno ng mamahaling pintura at larawang tila nagmamasid sa bawat galaw niya.
Sa gitna ng lamesa, naroon ang makapal na folder na kulay itim, may gintong tatak na hugis dragon. Doon nakaipit ang kontrata.
Si Julio, ang matandang tagapamahala, ay nakatayo sa harapan niya, hawak ang isang pares ng salamin habang pinapahid ang kanyang noo na parang isang guro na matagal nang sawa sa paulit-ulit na gawain.
Ang mga mata nito ay malamig, parang wala nang pakialam kung sino ang pumipirma, dahil alam niyang lahat ay magwawakas sa parehong paraan.
“Buksan mo,” malamig na wika ni Julio.
“Ito ang magiging bagong buhay mo mula ngayon,” sambit niya
Mabigat ang dibdib ni Micaella habang dahan-dahan niyang iniangat ang takip ng folder. Naka-type ang mga salita, pormal, parang isang legal na kasunduan, ngunit ang bawat linya ay punung-puno ng kasunduan.
“Marriage Contract”
Nabasa niya iyon at halos mahulog ang kanyang puso. Ang bawat probisyon ay tila isang bitag.
Una, wala siyang karapatang umalis sa mansyon nang walang pahintulot pagkatapos ng kanilang kasal. Pangalawa lahat ng oras niya ay pag-aari ni Don, mula sa paggising hanggang sa pagtulog; at higit sa lahat, nakasaad doon na siya’y magiging “personal na pag-aari,” na walang karapatang tumanggi sa anumang utos sa loob ng isang taon!
Napasinghap si Micaella, nanginginig ang mga daliri.
“Hindi ito makatarungan! Isa itong krimen na maaari ninyong ikakulong!”
Lumapit si Julio, marahang tinulak ang papel palapit sa kanya.
“Hindi mo kailangang intindihin ang lahat ng nakasulat. Ang kailangan mo lang gawin ay pumirma. Tandaan mo, kung hindi ka susunod…” Huminto siya, at ngumiti ng malamig. “…maraming mas masahol pa kaysa rito ang maaaring mangyari sa tatay mo at sa nanay mo!”
Naramdaman ni Micaella ang panginginig ng kanyang tuhod.
Gusto niyang tumakbo, gusto niyang sumigaw, ngunit naaalala niya ang baril na hawak ng mga guwardiya sa labas ng pinto, at ang malamig na tingin ni Julio na para bang isa lamang siyang laruan.
Mula sa gilid ng silid, biglang bumukas ang pintuan. Tatlong babae ang pumasok, magaganda ngunit may mga matang mapurol at sugatan ang loob.
Nakasuot sila ng mamahaling bestida. Kitang-kita ni Micaella ang ganda ng hubog ng kanilang katawan, ang maladyamante nilang mga kutis, at kanilang pagtayo at mga mukha ay maihahalintulad sa mga artistang modelo mula sa mga magazines.
“Julio,” wika ng isa, matangkad at may kulot na buhok, “Ito ba ang bago?” tanong ng babae habang nakaturo ang hintuturo niya kay Micaella.
“Oo,” sagot ng matanda, walang halong emosyon.
“Siya ang ipinalit sa nawala kahapon.”
Natahimik si Micaella at ramdam ang bigat ng mga salitang iyon.
Nawala? Ibig sabihin… may isa nang hindi nakaligtas.
Lumapit ang isa sa mga babae, mapayat ngunit may matalim na tingin. Hinawakan niya ang baba ni Micaella at pinagmasdan ito na parang isang hayop sa palengke.
“Maganda ka… Bagay na bagay kay Don. Pero tandaan mo, wala kang karapatang maging espesyal dito. Lahat tayo, pare-parehong alipin," sambit ng babae sa kanya.
Pinisil niya ang pisngi ni Micaella nang masakit bago bumitaw. Ang dalawang kasama niya ay natawa, malamig at mapanghamak.
“Kung ayaw mong mahirapan,” dagdag pa ng isa, “pumirma ka na lang agad. Mas madaling mabuhay kapag marunong kang sumunod.”
Nag-init ang mga mata ni Micaella, ngunit pinilit niyang pigilan ang luha. “Hindi… hindi ako papayag na gawing ganito na lang ang buhay ko.” pagtanggi ni Micaella.
Ngumiti si Julio, marahang humalakhak na parang sanay na sa ganitong panlalaban.
“Lahat sila, ganyan ang sinasabi noong una. Pero tingnan mo sila ngayon, nabubuhay, nakasuot ng ginto, kumakain ng masarap. Isa lang ang tanong, gusto mo bang mabuhay, o gusto mong mawala kagaya ng iba?”
Nanatiling nakatitig si Micaella sa papel. Sa kanyang isipan, kumakaripas ang mga tanong.
"Kung pipirma ako, mawawala ang sarili kong buhay. Pero kung hindi… baka hindi na ako makalabas dito nang buhay."
Tumigil ang oras. Narinig niya ang t***k ng kanyang puso, malakas at magulo.
Naalala niya ang pamilya niya, ang buhay na iniwan niya sa labas, at ang pangarap na makalaya.
Marahan niyang ibinaba ang ballpen sa papel, ngunit hindi pa niya pinipirmahan.
“Kung pipirma ako,” bulong niya, “ano ang kapalit? May kahit kaunting kalayaan ba akong makukuha?” tanong ni Micaella kay Julio.
Umikot si Julio at tumawa ng mahina.
“Kalayaan? Huwag mo nang hanapin iyon. Ang tanging gantimpala na makukuha mo ay buhay. At minsan, iyon na ang pinakamahalaga,” sagot ni Julio.
Sa gilid, muling natawa ang mga babae.
“Matuto ka na lang tanggapin,” sabi nila.
“Hindi ka makakatakas dito.”
Ngunit sa kaibuturan ng dibdib ni Micaella, may apoy na nag-aalab.
Hindi ako magpapatalo. Hindi ako magpapakulong habambuhay. Kahit anong mangyari, hahanap ako ng paraan para makawala.
“Pumirma ka na.” Ang tinig ni Julio ay walang halong damdamin, parang siya’y isang tagapamagitan lamang ng kapalaran. “Mas mabilis mong matatanggap ang lahat kung hindi ka na lalaban.”
Sa gilid ng silid, nakatayo ang tatlong babae, pinagmamasdan siya na parang nanonood ng isang pamilyar na eksena. Sa mga mata nila, may halong awa ngunit higit ang panunuya dahil alam nilang lahat, iisa lang ang kahihinatnan.
Muling binalikan ni Micaella ang mga probisyon ng kontrata.
Walang karapatang tumanggi sa anumang utos ng kanyang Panginoon.
Walang pahintulot na lumabas ng mansyon.
Anumang pagtatangka ng pagtakas ay may katumbas na parusa.
Siya ay kikilalanin bilang “Asawa” ni Don Alejandro Valverde ng isang taon.
Napapikit siya, pilit na nilulunok ang poot at takot na nagsisiksikan sa kanyang dibdib. Sa isip niya, paulit-ulit ang iisang tanong: Ito na ba ang huling pagkakataon na makikita ko ang sarili ko bilang ako?
Huminga siya nang malalim. “Kung pipirma ako… wala nang balikan,” bulong niya sa sarili.
“Kung hindi ka pipirma, wala ka ring balikan,” malamig na sagot ni Julio, tila nabasa ang iniisip niya. “Pero ang pinagkaiba, hindi mo na mararanasan ang makita ang bukas.”
Nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang kanyang pamilya, ang mga pangarap niyang iniwan sa labas, ang simpleng kalayaan na hindi na niya muling mahahawakan. Ngunit kasabay nito, isang lihim na tinig sa kanyang loob ang sumisigaw: Mabubuhay ka lang kung tatanggapin mo ito. At kung buhay ka, may pagkakataon kang lumaban.
Dahan-dahan niyang dinampot ang pluma. Mabigat ito sa kanyang kamay, ngunit mas mabigat ang posibilidad ng kamatayan kung hindi siya susunod.
Sa isang iglap ng lakas ng loob, lumapat ang dulo ng pluma sa papel. Isa-isang iginiit ng kanyang kamay ang mga titik ng kanyang pangalan.
Micaella R. Alvarez.
Natapos ang pirma. At sa mismong sandaling iyon, parang gumuho ang paligid.
Ang tatlong babae ay nag-apir, sabay halakhak. “Ayan na! Isa ka na sa amin!” bulalas ng isa, ang tinig ay puno ng pangungutya.
Si Julio naman ay ngumiti ng malamig. “Magaling. Hindi ka na mahihirapan.” Kinuha niya ang kontrata at inilagay sa isang itim na sobre, para bang isang mahalagang dokumento na iningatan ng kasaysayan ng mansyon.
Nabuksan ang pinto, at pumasok si Don Alejandro. Ang kanyang presensya ay agad na nagpatahimik sa lahat. Ang kanyang postura ay malupit ngunit elegante, nakasuot ng maitim na amerikana na bumagay sa kanyang matalim na titig. Lumapit siya kay Julio at kinuha ang kontrata.
“Ah,” aniya, dahan-dahang binabasa ang pirma. “Kaya pala tahimik.” Itinaas niya ang papel, at sa malamig na tinig ay nagpatuloy: “Mula ngayon, wala ka nang ibang pagkakakilanlan. Ikaw ay akin, at ako lamang ang magpapasya kung paano ka mabubuhay.”
Hindi makatingin si Micaella sa kanya. Ang bigat ng kanyang presensya ay nakapipipi ng baga. Ngunit hindi niya pinayagan ang sarili na tuluyang yumuko. Pinilit niyang tumingin, kahit nanginginig ang kanyang mga mata.
Ngumiti si Don Alejandro, isang ngiting hindi para sa kasiyahan, kundi para sa pananakop. “Magandang simula. Huwag kang mag-alala, hindi ko sisirain agad ang bagong laruan ko.” Sa kanyang hudyat, lumapit ang dalawang guwardiya at sinamahan si Micaella palabas ng opisina.
Dinadala siya patungo sa isang silid sa ikalawang palapag, isang kuwartong tila yari sa ginto at alabastro, ngunit para kay Micaella, isa lamang itong ginintuang kulungan.
Nang bumukas ang pinto ng silid, agad siyang sinalubong ng bango ng mga bulaklak at ng kinang ng mamahaling chandelier. May malambot na kama, kurtinang gawa sa sutla, at mga aparador na puno ng mga bestida at alahas.
Ngunit sa halip na saya, kabaligtaran ang naramdaman ni Micaella. Ang karangyaan ay para lamang ipaalala na siya ay ari-arian, na kahit sa gitna ng kagandahan, nakatali siya sa tanikala.
“Magpalit ka,” utos ng isa sa mga babaeng kasama kanina. Inabot sa kanya ang isang bestida na kulay pula, manipis at maganda, ngunit halatang ginawa para ipakita ang lahat ng nais ipakita. “Ito ang isusuot mo ngayong gabi. Hindi mo kailangan ng tanong.”
Tahimik na tinanggap ni Micaella ang damit. Sa loob ng banyo, nakatitig siya sa sarili sa salamin. Ang mga mata niya’y puno ng takot at galit, ngunit sa ilalim noon, may liwanag ng panata. Mabubuhay ako. Kahit gaano kahirap, hahanap ako ng paraan.
Nang lumabas siya, nakasuot ng bestida, naroon si Julio sa pinto. Pinagmasdan siya nito, saka tumango. “Tama. Maganda. Don’t forget, tonight, you are his.”
Parang bumagsak ang buong mundo sa kanyang balikat.
Pagkalipas ng ilang minuto, dinala siya sa bulwagan kung saan naghihintay si Don Alejandro. Nakaupo ito sa isang malaking upuan, parang trono, habang hawak ang baso ng alak. Sa kanyang mga mata, may ningning ng pananakop at kasakiman.
“Lumapit ka dito sa akin,” utos niya.
Nanginginig at napalunok si Micaella ngunit matatag.
Naglakad si Micaella papalapit. Ang bawat hakbang ay parang paglapit sa hukay.
Itinaas ni Don ang baso at ngumiti. “Sa wakas, ang bago kong alipin. Mula ngayon, ang bawat hininga mo ay sa akin. Ngunit tandaan mo ito, habang marunong kang sumunod, mabubuhay ka nang marangya. Subalit kapag sumuway ka…” Tumigil siya, saka unti-unting inilapit ang baso sa kanyang mga labi. “…hindi ka na muling makikita ng sinuman.”
Nanlamig ang buong katawan ni Micaella.
"Oo, pumirma ako. Oo, alipin ako ngayon. Pero hindi habambuhay. Makakahanap ako ng paraan. Hindi dito nagtatapos ang kuwento ko!" Sabi ni Micaella sa kanyang isipan.
At sa unang gabi ng kanyang pagka-alipin, habang siya’y nakatayo sa harap ni Don Alejandro, pinikit niya ang kanyang mga mata at tahimik na isinumpa, isang araw, babaliktad ang lahat ng ito.