Ellie
Dumating ang araw ng pagsusulit. Pagkatapos ng exams, aasikasuhin na namin ang para sa graduation. Maaga akong gumayak at pumasok sa eskwela. Nang sumapit ang hapon, kanya – kanyang grupo na ang mga kaklase ko. Ang iba ay nagkayayaan sa mall para manood ng sine, ang iba nama’y para tumambay sa field. Tahimik kong inaayos ang mga gamit ko nang mapansin kong lumapit sa akin si Lizette.
“Ellie, tapatin mo nga ako. Nanliligaw ba sa’yo si Carlo?” Suplada niyang tanong sa akin. Nakahalukipkip siya at nakataas pa ang isang kilay.
Kumunot ang noo ko sa paraan ng kanyang pagtatanong. “Hindi.” Matipid kong sagot sa kanya. Isinukbit ko ang aking backpack at akmang lalabas na sa classroom.
“Kung hindi, bakit siya pumunta sa inyo noon? I heard he stayed there the whole day!”
“Dahil tinapos namin yung project sa Science.” Tinatamad kong sagot sa kanya. Nagseselos ba ito? “Saka ‘wag kang maga-alala dahil wala akong gusto sa kanya.” Tinalikuran ko na siya.
“Siguraduhin mo lang, Ellie.” Pahabol na sagot niya sakin.
Nilingon ko siya. Nagkibit-balikat ako bago ako tuluyang umalis.“Bahala ka kung anong gusto mong isipin.”
Dumaan ako sa Faculty Office para i-submit ang final output ko sa Filipino. Pumasok ako roon para hanapin si Ma’am Asuncion nang marinig ko ang usapan ng aming adviser at ng isang teacher.
“Nakuha ko na ang final grades ng mga anak ko sa iba’t ibang subjects nila. Na-compute ko na rin ang final average. May Top 10 na rin ako.” Ani Ms. Perez.
“Talaga? Ang bilis naman!” Sagot ng kanyang kausap.
“Oo. Pasok din sa top 10 si Cuevas, yung estudyante kong transferee.” Sabi niya. Napansin niyang nakatayo ako sa loob di kalayuan sa kanila. “Ellie! Ano’ng sadya mo?” tanong niya sa akin habang nakangiti.
“Good afternoon po. Hinahanap ko po si Ma’am Asuncion. Ipapasa ko lang po yung hard copy ng buod sa El Fili.” Magalang kong sabi sa kanya.
Ngumiti siya sa akin at inilahad ang kanyang kamay. “Ako na ang magbibigay. Nasa canteen kasi siya eh.” Iniabot ko sa kanya ang folder. “Congrats! Nasa Top 10 ka. Pero hindi ko muna sasabihin kung anong rank mo. Ipo-post ko pa sa Bulletin Board bukas. Kaya abangan mo ah?”
Maluwang ang ngiti kong tinanguan siya. “Thank you Ma’am!” Matutuwa si Lola nito! “Alis na po ako.” Magalang akong nagpaalam sa kanya at sa teacher na kausap niya.
Sumapit ang araw ng graduation namin. Nagmamadali ang aming mga kilos habang naga-ayos kami nila Lola Celing. Hawak ko na ang puting toga at cap nang lumabas kami ng kwarto. Si lola naman ay nakabestida habang hawak niya ang kanyang pamaypay at maliit na bag. Nadatnan namin sa kusina sila Ate Rita at Kuya Domeng na nagluluto.
“Naku, Ellie! Ang ganda ganda mo. Simpleng ayos lang sa buhok at konting kolorete sa mukha pero kitang-kita ang ganda mo!” Ani Ate Rita. Abala siya sa paghihiwa ng rekados habang si Kuya Domeng naman ay tumutulong na rin sa pagbabalot ng shanghai.
Siyang dating ni Kuya Elias sa kusina ay may sinabi siya kay lola.
“Manang, ihahatid ko na kayo. Ibinilin po sa akin ni Sir Alfie na ihatid na kayo sa eskwela para hindi kayo mahuli sa program.
“Oh siya, maiwan na muna namin kayo Rita. Kayo na ang bahala. Uuwi kami agad.” Nagmamadaling paalam niya sa kanila.
Sumakay na kami sa sasakyan. Si lola ang naupo sa front seat at ako nama’y sa likod na umupo. Excited ako sa araw na ito. Sinadya kong hindi sabihin kay lola na nakapasok ako sa top 10 ng batch namin. Sigurado akong masu-surpresa siya kapag tinawag ang pangalan ko para umakyat sa stage.
Nagsimula ang programa. Magkatabi kaming nakaupo ni Lola Celing at nakikinig sa nagsasalita sa harapan. Nang magsimula nang mag-announce ang emcee para sa meritorious at academic awards, hinawakan ko ang kanyang kamay.
“I love you, lola. Salamat sa lahat.” Nakangiti kong tinuran sa kanya. Lumingon siya sa akin at bahagyang nangiti. Hindi nakatakas sa paningin ko ang bahagyang panunubig ng kanyang mga mata.
“Tumigil ka ngang bata ka. Pinapaiyak mo ako ng wala sa oras.” Marahan niyang hinampas sa akin ang pamaypay na hawak niya.
“Baka mas maiyak ka sa surpresa ko.” Nakakalokong ngisi ko.
Tinignan niya lamang ako ng may pagdududa.
“Ladies and Gentlemen, I am honored to present to you the Top 10 of this graduating class 2009-2010!”
Inakay ko patayo si lola. Gulat na reaksyon ang nakaplaster sa kanyang mukha. Nangingiti naman ako sa kanyang naging reaksyon. Pumunta kami sa gilid ng stage habang hinihintay namin na matawag ang pangalan ko.
Nagsimula na ang roll call. Nang ako na ang tatawagin, mahigpit na humawak sa akin si lola.
“Ano’ng gagawin ko apo? Isasabit ko lang ba yung medalya?”
Nilingon ko siya. “Relax ka lang lola.”
“5th honorable mention. Cuevas, Ellianna Eloise P.”
Umakyat kami ni lola sa stage. Hawak ko ang kanyang kanang kamay. Nang makalapit kami sa maga-abot ng medalya ay binati nila kami.
“Congratulations po!” Inilahad nila kay lola ang medalya sa kanya para isuot sa akin, habang kinuha ko naman ang certificate ko. Humarap kami sa stage para isabit sa akin ang medalya. Narinig kong nagsalita ang photographer.
“Miss, tingin dito sa harap!” Umayos kami saglit ni lola at nag pose sa harap ng camera. Dalawang click lamang at bumaba na kami sa stage.
Nakabalik na kami sa aming upuan nang magsalitang muli si lola.
“Salamat, apo. Hindi man ako mayaman sa salapi ngunit kayo ng ama mo ang kayamanan ko. Kung nasaan man siya ngayon, alam kong masaya siya sa narating mo.” Naiiyak na sabi niya sakin.
Niyakap ko lamang siya. Wala akong masabi. Kulang ang pasasalamat ko sa lahat ng ginawa niya para sa aming mag-ama.
Nang matapos ang program, iniwan ko saglit si lola sa aming upuan para ibalik ang caps and gowns na ginamit ko. Tatalikod na ako nang marinig ko si Carlo.
“Congrats, Ellie!” Aniya.
“Salamat, Carlo. Congrats din sa’yo!” bati ko sa kanya. “Uhm, sige alis na ako ah? Naghihintay kasi si lola sa akin.” Paalam ko sa kanya.
Pabalik na ako kung saan ko iniwan si lola ay natanaw kong nakatayo si Sir Lucas sa harap niya. Masaya silang nagku-kwentuhan. Nakangiti siya habang nakikinig siya sa lola ko. Ngayon ko lang nakita ang ngiti niya. Ang mga mata niyang parang nangungusap at malalim kung tumingin, ang matangos niyang ilong na bumagay sa pigura ng kanyang mukha at ang mga labi niyang manipis ngunit mapula.
Natigilan ako sa pagi-isip. Nagkakagusto na ba ako sa kanya? Baka crush lang? Sino ba’ng hindi magkakagusto sa kanya eh ang gwapo gwapo nito?
Lumingon siya sa akin at tumuwid sa pagkakatayo. Ganun din ang ginawa ni lola.
“Eto na pala siya manang. Let’s go.” Yakag niya sa amin. Nagpatiuna na siya at sumunod lamang kami sa kanya palabas ng auditorium.
Pagkauwi namin ay nagkaroon ng munting salu-salo. Wala sila Sir Alfie at Sir Martin dahil nasa ibang bansa raw sila para sa kanilang negosyo. Tanging si Sir Lucas lamang ang naiwan sa mansyon.
Masaya naming pinagsasaluhan ang handa nang biglang magtanong si Kuya Elias.
“Manang Celing, may kolehiyala ka na! Sigurado akong pila-pila ang manliligaw nitong si Ellie!” Tumawa ang iilang nakarinig, maging si lola.
“Naku, Elias. Makukurot ko sa singit ng wala sa oras ang batang ito kapag nag-boyfriend siya habang naga-aral.” Natatawang sabi ni lola sa akin.
“Wala munang pipila sakin, bubugbugin ko sila.” Biro ko.
Humalakhak si Kuya Magno. “Eh marunong ka naman ba?”
“Huwag mong minamaliit ang apo ko, Magno! Brown belter iyan sa Karatedo! Maliban pa roon ay sinanay yan ng ama niya sa Arnis.” Pagmamalaki ni Lola sa kanila.
“Siya nga?” Tanong ni Kuya Roy, isa sa mga bodyguard ng mga Villanueva. “Aba’y matinik pala talaga itong apo mo Manang!”
Nilunok ko ang kinakain ko bago ako sumagot. “Uy, si Kuya Roy, elibs ka naman sa’ken!”
Pagkatapos namin kumain ay nagligpit na kami dito sa kusina. Ang mga lalaking kasama namin ay ipinagpatuloy pa ang inuman sa may lanai.
Pumunta ako sa hardin ng mansyon at umupo sa bench. Sa mga ganitong oras na napapag-isa ako ay hindi ko maiwasang hindi ma-miss si tatay. Siya ang nagturo sa akin sa mga bagay na natutunan ko tulad ng surviving skills sa bundok, martial arts, magmaneho ng motor at jeep, at marami pang iba.
Gusto ko ring maging katulad niya, maging isang alagad ng batas.
Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang baritonong boses na tumawag sa pangalan ko.
“Ellie.”
Lumingon ako kung saan siya nakatayo. Nakapamulsa siya habang nakatingin sa akin.
“S-sir Lucas.” Sambit ko. Unti-unti na akong napatayo.
Bahagya siyang lumapit sa akin. Nang huminto siya sa harap ko’y may inabot na maliit na parihabang asul na kahita.
“Congratulations.” Ngumiti siya sa akin.
Tinignan ko iyon ng ilang sandali bago ko inilipat ang tingin sa kanya. Kumabog ang dibdib ko. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko dahil sa halu-halong emosyon na lumulukob sa akin ngayon. Naumid ang dila ko sapagkat hindi ko alam kung ano’ng sasabihin ko.
Nagkakagusto na yata ako sa lalaking ito.