Nagawi ang sa akin ni senyorito. Napahagikgik naman ako para asarin siya bago tinignan si mama para inumin ang basong ini-abot niya sa akin. "Ayusin mo nga ang pagkain mo, 'nak," reklamo niya bago ako pinunasan ang gilid ng labi ko. Mabuti na lang ay gumaling na ang dating sugat ko roon.
Matapos kumain ay naligo ako at nagbihis gaya ng dating gawi. "Anak, heto na 'yong sinasabi mo," ani mama at ibinigay sa akin ang oil na hiniling ko para ibigay kay senyorito o kaya naman ay gamitin para bigyan siya ng masahe.
Umakyat ako sa kwarto niya matapos magsuklay ng buhok. Malamig sa mansyon tuwing gabi at dumagdag pa roon ang basa kong buhok. Dapat pala ay nag-jacket ako. Parang kulang 'tong pajama ko.
Kumatok ako nang makarating sa tapat ng silid niya. "Senyorito!" tawag ko sa kanya. Naka-ilang katok ako bago pa niya ako pinagbuksan ng pinto.
Bumungad sa akin si Senyorito Brandon na tila inaantok na dahil sa namumungay niyang mga mata. Magulo rin ang buhok niya kaya may ideya ring pumasok sa isip kong baka naistorbo ko ang tulog niya. "Nagpapahinga ka na ba, senyorito? Gusto mong masahe?" tanong ko at ipinakita sa kanya at babasaging lalagyan ng langis. Madalas iyon ginagamit ni Aling Melba, pang-matanda iyon at marami daw gamit tulad ng pampatulog, pang-masahe, pampawala ng sakit ng ulo at ginagamit ko rin iyon sa tiyan tuwing masakit iyon.
Napatingin siya roon bago ibinalik sa akin ang tanong, "Marunong ka?"
"Yes po, senyorito!" nakangiting sagot ko at ibinaba ang kamay. "Gusto mo?"
Naghihintay ako ng sagot niya nang may marinig na yabag na palapit. Parehas naming nilingon iyon at nakita si Gemma. Napaawang ang labi niya at napahinto. Mukhang nagulat. "Si Gemma na lang, Rika. Magpahinga ka na roon."
"Ha?" Nilingon ko si senyorito dahil sa sinabi niyang iyon. Akmang magre-reklamo ako nang maalala ang ginawa nilang titigan kanina.
Mas lalong lumawak ang ngiti ko at tumango. "Okay, senyorito!" may bahid ng kilig na sagot ko.
Kumunot ang noo niya at napatingin sa labi ko. "Why are you smiling like that?"
"Wala po!" Humagikgik ako at tumiklay sa kanya para bumulong nang panliitan niya ako ng mga mata. "Alam ko na kung sinong crush mo."
"Ano?!"
Malakas akong natawa sa gulat na reasyon niya. Idagdag pa ang pa ang pamumula ng tenga niya na kitang-kita dahil sa kaputian ng kutis niya. "Sige na, senyorito! Iiwan ko na kayo ng crush mo," bulong ko at hinila si Gemma palapit kay senyorito.
Ibinigay ko sa kanya ang oil na gagamitin sa pang masahe. "Gusto raw ng masahe si senyorito!"
Nahihiya namang tinignan ni Gemma ang lalakeng nasa harap sabay sabing, "S-sige po, s-senyorito."
Tuwang-tuwa kong iniwan ang dalawang nagkakahiyaan pa. Patalon-talon ako habang naglalakad pabalik sa kwarto. Humiga ako at binuksan ang cellphone para maglibang. Nang bigla kong naalala ang pictures namin ni senyorito kanina! Pinalakasan ko ang brightness at tinignan ang mga 'yon. Ang gaganda! Hindi ako nahirapang pumili ng gagawing profile at cover photo para sa social media account. Naghanap din ako sa internet ng kung ano ang magandang ilagay bilang caption at nag-post.
Wala pang isang minuto pero may nag-react na roon ng emoji na tumatawa. Si Franz! Kaagad ko siyang binigyan ng mensahe dahil sa iritasyon.
Rika: Hoy! I-heart react mo naman! Palitan mo, panira ka talaga!
Nakita niya ang mensahe ko pero hindi siya nag-reply. Bagkus ay nakatanggap ako ng komento niya sa mismong post ko.
Franz: Nakapag-palit ng profile picture pero hula ko wala pang assignment 'to!
Nanlaki ang mga mata ko. May assignment kami? Saan naman?
Dahil sa kuyosisad ay kaagad akong nag-reply sa komento niyang iyon. "Pa-send!"
Hinintay ko ang pribadong mensahe niya pero sa mismong comment section niya isinend ang picture na may sagot para sa assignment namin. Napahalakhak ako dahil sa pagiging bulgar niya. Naka-public iyon kaya paniguradong makikita ng lahat. Hinayaan ko na lang iyon at tumayo na para ilabas ang gagamitin. Nang maalalang wala akong papel. Ugali ko kasing manghingi lang sa kaklase.
Lumabas ako para hanapin si Gemma. College student na kasi siya at magkaparehas lang kami ng papel na ginagamit dahil senior high school na ako.
Tinungo ko ang kwarto ni senyorito kung saan ko siya iniwan. Mahihinang katok lang ang ginawa ko nang maalalang baka ma-istorbo si senyorito. Matiyaga akong naghintay sa labas dahil ilang minuto naman na simula nang iwan ko sila. Malapit na siguro siyang matapos na masahein ang senyorito.
Umupo ako sa sahig at sumandal sa malamig na dingding nang mapagod sa kakalakad. "Ang tagal naman!" reklamo ko at inabot ang pintuan para muling kumatok.
Ano kayang ginagawa nila? Baka hindi ibang masahe na 'yon! Mabilis akong umiling dahil sa karumihan ng utak. Nakapaberde! Ang batos mo, Rika!
Gumilid ang mga mata ko sabay tingala nang marinig ang pagbukas ng pinto. Sumilip si senyorito sa harap niya bago dumako ang tingin siya sa akin. Ngumiti ako at kumaway dahil sa wakas ay pinagbuksan niya ako ng pinto.
"Anong ginagawa mo r'yan?" tanong niya gaya ng lagi niyang reaksyon ay magkasalubong pa ang mga kilay niya.
Mabilis akong tumayo at nagpaliwanag, "Hinihintay ko si Gemma, senyorito! Tapos na ba siyang masahein ka?" Sumilip pa ako sa loob ng kwarto niya.
"Kanina pa siya umalis," mabilis namang sagot niya.
"Ha? Gano'n ba?" Napanguso naman ako dahil sa pagkadismaya. Sana pala ay sa kwarto ni Gemma na kaagad ako dumiretso. "Sige, senyorito," paalam ko sa kanya.
Tumalikod ako at naglakad na palayo nang tawagin niya ako, "Rika!"
Kaagad ko naman siyang nilingon. Nasa labas na siya, sa tapat ng kwarto niya. "Po, senyorito?"
"Goodnight," saad niya dahilan para mapangiti rin ako.
"Goodnight, senyorito! Sleep well!" dagdag ko pa.
Tumango siya kaya tumalikod na ulit ako nang muli niya akong tawagin. "Bakit?" kuryosong tanong ko.
"Anong..." panimula niya at saglit na tumigil. "...oras ka gumigising?"
Umangat ang kilay ko dahil sa tanong niya. "Ako o si Gemma? Hindi kami sabay, e!" may bahid ng panunuksong sagot ko.
Nanliit naman ang mga mata niya at napanguso nang kaunti. "Ikaw!"
'Di ko napigilang mapahalakhak at sinagot na siya, "Alas siyete! Bakit?"
"Wala lang!"
Sa pagkakataong iyon ay ako na ang napabusangot. "Wala raw? Ano kasi 'yon, senyorito?"
"Wala, sige na, matulog ka na!" pagtataboy niya sa akin na sinamahan pa iyon ng pagkumpas ng kamay palayo.
"Sige na nga po! Goodnight ulit!" paalam ko bago tumalikod. Paliko na ako nang muling nilingon ang dako kung saan ko iniwan si senyorito kanina. Napangiti ako nang makitang nakatayo pa rin siya roon habang nakatago ang dalawang kamay sa harap ng bulsa ng hoodie na suot. Inilabas niya ang isang kamay at kumaway sa akin.
Kumaway ako pabalik bago tuluyang bumaba.