"Papa?" tanong ko at nilapitan ang ama na naghihintay sa akin sa harap ng mansyon.
"Ikaw nga, anak!" Mabilis siyang lumapit sa akin at pinayungan ako kahit basa na ako. Inalalayan niya ako nang makaakyat sa malamig at madulas na tiles ng mansyon ay binigyan ng tsinelas.
"Pumasok ka kaagad at magbihis, baka lagnatin ka!" utos nito at kita kong kinuha niya ang pares ng sapatos kong basa.
Una kong nakita si Ate Cathy na tinaasan ako ng kilay at sumigaw para tawagin si mama, "Karina, nandito na 'yong anak mo!"
"Rika! Anong oras na? At hindi ba't binilin ko sa 'yong lagi kang magdala ng payong? Tignan mo na naman ang nangyari sa 'yo!" singhal nito at hinila ako papasok sa kwarto. Tinulungan niya akong alisin ang bag at naglabas din siya ng bagong damit kong pantulog. "Itabi mo lang 'yang uniporme mo, ako na ang maglalaba mamaya. Maligo ka na muna ro'n habang nagluluto ako ng noodles para mainitan ka," mabilis na paliwanag niya bago ako iniwan.
Iginalaw ko ang leeg sa magkabilang gilid at naramdaman ang sakit ng masel-maselan. Mukhang lalagnatin ako!
Binilisan ko ang pagligo at pagbihis sabay suot ng makapal na jacket. Nang makaupo sa kama ay napatingin ako sa paperbag na naroon. Iyong regalo ni Senyorito Brandon na gustong-gusto niyang buksan ko. Napangiti ako at kinuha ang laman no'n.
Hinila ko ang ribbon para buksan sana nang biglang pumasok si mama sa kwarto ko at napatigil nang makita ako. Bumaba ang mga mata niya sa hawak ko bago siya nagsalita, "Halika na muna, anak. Kakain na."
Tumango ako at tahimik na inilapag sa kama ang regalo ni senyorito bago sumunod kay mama.
Gaya ng nakagawian tuwing walang bisita ay kaunti lang ang ulam namin. Pinaghain ako ni mama ng kanin at ulam na sinamahan pa ng bagong lutong noodles. "Humigop ka muna ng sabaw," utos nito bago siya umupo sa harap ko.
"Si papa?" tanong ko dahil wala pa ito.
"Pinapatuyo niya 'yong sapatos mo. Mauna ka nang kumain."
Napanguso ako at kinuha na ang kutsara para humigop ng sabaw. Nakalimutan ko pa iyong ihipan kaya napaso ang labi ko nang dumampi iyon sa kutsara.
"Nako naman, Rika!" singhal ni mama at maingat inagaw sa akin ang kutsara nang hindi natatapon ang sabaw na naroon. Inihipan niya iyon bago itinapat sa bibig ko. Simple akong napangiti bago humigop doon.
"Nga pala, iyong hawak mo kanina, iyon ba ang regalo sa 'yo ni Sir Brandon?" maya-mayang tanong niya habang pinapanood akong kumain. Ang totoo niyan ay busog na ako pero ubusin ko raw dapat kahit iyong noodles lang.
"Opo, ma. Advance gift niya raw sa debut ko!" pagkikwento ko sa kanya bago tinapos ang pagkain.
Ipinatong ko patayo ang isang unan sa malamig na pader para doon muna sumandal. Kakakain ko lang kasi kaya hindi pa ako pwedeng humiga. Inabot ko ang regalo ni senyorito at sa wakas, nagkaroon na ng sapat na oras para buksan iyon.
Nang maalis ang ribbon ay sumama ang wrapper no'n kaya nakita ko ang puting box na nasa loob. Itinuloy ko iyong binuksan at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang pamilyar na tatak ng sikat na phone!
Dahan-dahan kong inalis ang box at nalaglag ang panga ko nang makita ang bagong phone na may logo sa likod na nakagatang mansanas. Namamangha ko iyong hinawakan at naramdamang pamilyar ito sa kamay ko. Parang ganito iyong gamit ni senyorito!
Sunod kong binasa ang manual at kinuha ang charger bago sinubukang buhayin iyon. Mabuti at hindi lowbat kaya magagamit ko na. Hindi ako pamilyar sa gano'ng modelo kaya naisip kong tawagan si Franz para magpaturo sa kanya. Gano'n din kasi ang tatak ng phone niya.
"G na ba? Na-open na?"excited na tanong niya habang naghihintay akong matapos ang pag-loading.
Nang bumungad ang lockscreen ay napangiti ako. "Oo! Thank you talaga, sis!"
"Taray mo, sis Nakiki-iPhone user ka na rin! Dalhin mo bukas, bibinyagan ko ng kagandahan ko!" humahalakhak na utos niya bago tinapos ang tawag.
'Di nawala ang ngiti ko habang tinitignan ang mga application na naroon. Maya-maya pa ay may lumitaw na notification. May nag-text! Ibig sabibin, may sim card na rin ito? Kinumpleto na ni senyorito!
"Hit me up when you see this," iyon ang nabasa ko sa mensahe. Si senyorito ba ito? Bigla akong na-excite! Ito ang unang beses na sa text ko lang siya naka-usap.
Nagtipa ako ng isasagot at nang ma-click ang 'send' button ay roon ko napagtantong may load din pala iyon. Grabe talaga mag-regalo si senyorito! Kompleto na!
Erika: I-uppercut kita?
Hinintay ko ang sagot niya roon pero mukhang busy ang senyorito. Humiga ako at kinumutan ang sarili sabay niyakap ang unan. Naging abala ako sa pagkalikot ng bagong gadget nang may lumitaw na pangalan sa screen. May tumatawag! Bigla akong kinabahan!
Kinalma ko ang sarili at tumikhim bago iyon sinagot, "Senyorito?" tanong ko dahil siya lang ang pumasok sa isip kong tatawag sa akin.
Narinig ko ang hininga niya bago siya nagsalita. "Ngayon mo lang binuksan?"
"Obvious ba?" Napangiti ako at napatakip ng ilong nang mabahing sabay singhot.
"You, okay?"
"Oo, medyo nilalagnat lang," sagot ko at saglit na tumayo para kumuha ng tissue para ilabas ang sipon. Mahirap na, baka mas lumala iyon kung sisinghutin ko lang.
"Medyo?" seryosong tanong niya. "Anong nangyari? Bakit ka nilalagnat?"
"Naulanan lang. Wala kasi kaming pay..." Natigil ako nang muling bumahing at nagpatuloy. "...payong kaya sinugod na namin 'yong ulan."
"Bakit hindi ka nagpasundo?"
"Wala kasi akong load," dahilan ko at muling bumalik sa kama. "Saka basa na rin kami, senyorito!"
"Tsk!" masungit na asik niya, na-imagine ko tuloy ang itsura niyang magkasalubong ang kilay.
Saglit akong natawa. "'Wag mo na nga 'kong pagalitan! Nakaka-umay kaya!"
"Sige, matulog ka na!" nahimigan ko ang pagtataboy sa boses niya. Atat tapusin ang tawag?
"Okay! Ang sungit mo naman, akala ko na-miss mo rin ako," nagtatampong sagot ko at huminga ng malalim. "Salamat na lang sa regalo mo, senyorito!" Pagkatapos no'n ay ako na mismo ang nagpatay ng tawag. Sumasakit na rin kasi ang ulo ko. Mukhang oras na talaga para matulog.
Akmang papatayin ko na ang tawag nang muling may matanggap na mensahe sa kaparehong numero.
Brandon: I missed you too. But let's just talk tomorrow. Rest so you feel better, okay? Get well and goodnight, Rika.