“Lhev, may duty ka ba mamaya? Baka puwedeng maghanap ka na lang ng ibang trabaho. Masiyadong nakakapagod iyang trabaho mo,” wika ng inay niya.
Maingat na sumusubo ng kanin ang dalaga at nginitian niya ito nang tipid.
“Ma, okay lang ako. Hindi naman kasi pwedeng mamili pa ng trabaho at sobrang liit lang ng sahod. T’saka umiinom naman ako ng vitamins ko eh,” sagot niya rito.
Subalit kita sa mata ng ina niya na hindi ito kumbinsido.
“Pangalawang beses na ‘tong natutumba ka na lang bigla. Sabi sa health center mababa ang hemoglobin mo,” giit ng ina.
Huminga siya nang malalim.
“Kailangan kong pagtiisan ‘to, Ma. Hayaan mo’t masasanay rin ‘tong katawan ko,” sagot niya.
“Eh kung mag-apply ka kaya sa capitol anak? Paniguradong matatanggap ka roon kaagad. Nagtatrabaho roon ang tiya mo,” sambit ng ina. Talagang buhay na buhay pa ang boses nito. Ine-engganyo siya.
“Ma, alam niyo namang ang posisyon lang diyan ang magandang pakinggan. Ang sahod halos hindi kayang buhayin ang sarili ko. Okay na ako rito,” nakangiting saad niya.
“Tao po? Lhev! May good news ako sa ‘yo. Buksan mo na agad ang pinto,” sigaw ng kaibigan niya sa labas.
Kaagad na nagtinginan naman sila ng ina niya’t tumayo at binuksan ito. Nagmamadaling nilapitan naman siya ni Johanne.
“Syet girl! Ito na siguro ang para sa atin. Tingnan mo, hiring ang kompanya ng mga Altierre. Naghahanap ng PA, at ang starting salary ay thirty five thousand agad. Ang sabi eh starting pa lang ‘yan ha, pwera pa riyan ang bonus ng performance mo at iba pang benefits. Mag-apply tayo,” sabik nitong sambit.
Napakunot noo naman si Lhev at tiningnan ang post.
“Imposible naman, masiyadong too good to be true ang mga perks. Sa klase ng trabaho natin kailangan pa nating murahin bago makasahod ng ganiyan kalaki. Baka scam ‘yan, hihingan ka ng pera o ng kung ano,” saad niya.
“Girl, hindi ‘yan scam. Sa official page ‘yan ng corporation nila. With signature and seal ng may-ari. Saka tingnan mo naman ang qualifications nila, check lahat sa ‘tin. Wala namang mawawala kung sakaling mag-apply tayo. Alam mo na, baka sampalin tayo ng swerte,” aniya pa.
“Sino ba ang may-ari?” usisa ng kaniyang ina.
Naptingin naman ulit sa screen ng cellphone si Lhev at nanlaki ang mata.
“Niccolo Elio Altierre,” basa niya.
“Ha? Ay naku! Huwag na. Aanhin mo naman ang malaking sahod kung ‘yan ang magiging amo mo,” sabat ng kaniyang ina.
“Ano ba kayo? Huwag kayong maniwala sa mga sabi-sabi no. Talagang istrikto ‘yan dahil may lahi. Sabi nila, kahit mahigpit ang pamamalakad niya eh hindi naman dehado ang mga empleyado niya. Bagkus aba’y galante sa mga trabahador. Kung masamang tao ‘yan malamang hindi iyan tatagalan ng mga employees niya lalo pa’t nasa rurok sila ngayon sa business,” paliwanag ni Jo.
Napaisip naman si Lhev. Hindi nga naman pwedeng gawin nilang basehan ang mga sabi-sabi. Pero si Isabela na mismo ang nag-warning sa kaniya na huwag makipag-associate rito.
“Saka girl, ang ganda naman natin para bigyan tayo ng paki ng isang Niccolo Altierre. Sa yaman at gwapo niya, para tayong mga basahang naghihintay na apakan ng mamahalin niyang sapatos. Maswerte na tayo kung maiispatan tayo ng tingin no,” saad pa ni Johanne.
Napaisip naman ang dalaga. Sino nga ba siya para bigyang pansin ng isang kilalang bilyonaryo? Gaano na ba siya kaganda para pagkainteresan? Saka ngayon ay mas kailangan niya ang trabaho. Mas kailangan niya ng malaking sweldo. Napapagod na rin siyang pagtiyagaan ang trabaho niya. Okay naman iyon kahit papaano, kaso kapalit naman ang kalusugan niya.
“Sige na nga, nakapag-submit ka na ba ng CV mo?” tanong niya rito.
“Hindi pa, sabay na tayo. Online na lang naman ngayon eh. Malapit na ang ang last submission oh,” aniya.
Naptango naman siya. Mamaya ay aasiksuhin niya iyon.
“So, ano? Go tayo?” usisa ni Johanne.
“Hmm, sige na nga.”
Pagkatapos nga niyang mag-agahan ay kaagad siyang nag-submit ng CV.
“Alam mo anak may ponto si Johanne kanina ha. Ang judgemental kamo natin. Nagpapaniwala tayo sa mga sabi-sabi. Dakilang tsikadora tayo ng taon,” saad ng ina niya.
Natawa naman siya dahil totoo ‘yon.
“Aming? May pera ka ba riyan?”
Napalingon silang dalawa sa pintuan nang pumasok ang ama niya. Hawak-hawak nito ang manok niyang si Georgette.
“Iyan ka na naman, Rolando. Saan ka na naman pupunta? Saang derby na naman ‘yan?” asik ng ina niya.
“Diyan lang, nararamdaman kong mananalo si Georgette ngayon at nataehan ang kamay ko. Pera iyon,” sagot ng ama niya.
Napailing na lamang si Lhev. Wala na, ganito na talaga. Matagal ng lulong sa derby ang ama niya. Mas importante ang vitamins ng mga manok niya kaysa sa vitamins niya.
“Sige na, Aming. Kahit limang daan lang, kapag nanalo ako magdadala ako ng paborito mong kakanin,” saad nito at binibilog na naman ang ulo ng nanay niya.
Hinahayaan niya na rin at talaga namang ganoon na ang kinalakhan niya. Mabait ang kaniyang ina’t ama, maliban sa manok ay wala ng ibang bisyo ang ama. Hindi pwedeng magtrabaho nang mabibigat dahil may problema sa puso. Hinahayaan na lang nila at may edad na rin kasi ito.
“Mahiya ka naman sa anak mo. Heto nga’t ilang beses ng nawalan ng malay katatrabaho tapos ikaw pahayahay lang ng buhay. Ang laki ng limang daan. Buti sana kung singkwenta mil ang balik. Tigil-tigilan mo ako, Rolando!”
Nagsimula na nga ang pagtatalak ng ina niya. Nginitian niya ang ama at pasimpleng inabutan ng pera. Kaagad na nabuhayan ito at tahimik na umalis. Paglingon nga ng ina niya ay wala na ito.
“Lintik ka talaga, Rolando! Para akong baliw nagsasalita rito hindi ka na pala nakikinig!” gigil nitong wika.
“Ma,” awat niya rito. Huminga ito nang malalim at inis na naupo.
“Alam mo, Lhev. Ilang taon ko ng tiniis iyang ama mo. Kapag talaga hindi ako nakapagtimpi iiwanan ko ‘yan. Kakasuhan ko ‘yan ng arson bwesit siya. Lalayas ako, babaguhin ko ang pangalan ko,” reklamo niya.
Natawa naman si Lhev. Sa katunayan nga’y memoryado na niya ang sasabihin nito.
“Eh ano naman pong pangalan ang gusto niyo? Ikaw si Amy Fuertes nu’ng dalaga pa,” wika niya.
“Mystika Diwa. Iyan ang gusto kong pangalan,” sagot niya.
Lalo namang humagalpak ng tawa si Lhev.
“Isa ka pa, may peboritisim talaga kayo ng kapatid mo,” reklamo niya at bumusangot. Napailing lamang si Lhev.
“Aming?”
Nasa hamba ng pintuan ang kumare nitong si Aling Juvelyn.
“Oh, Juvelyn bakit? Halika, pasok ka.”
Kaagad na naupo ito sa upuan. Tahimik lang din naman si Lhev sa kinauupuan niya.
“Alam mo na ba? Tiningnan mo na ang GC ng Womens Zumba Association?” usisa niya.
“Hindi pa bakit?”
“Naku! Alam mo bang umalis si Coach Girly at pinalitan ng anak ni, Mareng Dodeta. Iyong anak niyang galing Japan. Iyong Japayuki ba.”
“Oh, eh tapos?”
Napangiti na lamang si Lhev. Mahaba-habang usapan ‘to.
“Aba’y nagkagulo. Paano ba naman kasi nag-post itong si Mareng Joy na alam mo namang BFF ni Coach Girly, na Japayuki na nga’t lahat-lahat hindi naman marunong kumembot. Talong-talo sa ala ahas na kembot ni Coach Girly. Alam mo naman kung gumiling iyon aba’y halukay pati bituka natin sa loob,” wika ni Juvelyn.
Tahimik na nakikinig naman si Lhev sa dalawa.
“Oh tapos?”
“Aba’y hindi nagpatalo ang Dodeta. Nag-post din. Niladlad ba naman na mabaho ang hihinga ni Mareng Joy. Kaya ngayon nagkakagulo sila. Kapag hindi nagkaayos paniguradong papalitan na silang dalawa at mag-aano ng ibang lider,” paliwanag ni Juvelyn.
“Pwedeng ikaw. Ang galing mo kaya, Lyn. Kung makagiling ka aba’y si Mac Arthur paniguradong mapapa- I shall return sa galing mo,” sambit ng kaniyang ina.
Kamuntik pang mabilaukan ang dalaga.
“Sa outfit-an pa lang talo na sila. Napakaganda ng neon yellow green mong three sister na palda. Tinernohan pa ng neon orange na crop top. Napakaganda talaga. Iyang headband mo pa, ay naku! Alam mo mare, feeling ko ‘yan talaga ang nagdadala ng swerte at galing mo eh. Iba ang galaw, para kang si Shakira,” komento ng ina niya.
Pabirong nahampas naman ni Aling Juvelyn ang ina ng dalaga at parang kinikilig pa. Napangiwi naman si Lhev.
“Alam mo ba marami na kayo ang nagsasabi niyan sa akin. Ayaw ko sanang maniwala kaso marami na kayo kaya totoo ‘yan. Kung ako ang magiging lider ay baka ako naman ang pag-initan ng dalawa,” sagot nito.
“Okay lang, nandito naman kami. Saka hindi na iyan sila magtatangka dahil asawa mo naman si kapitan.”