Luke's POV
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo anak? Malayo ang samar mula dito sa Maynila..." Kahit na hindi sabihin ni mama na nag-aalala ito para sa akin, damang-dama ko iyon.
Siguro ay ito ang tamang panahon para bigyan ko naman ng katahimikan ang sarili ko. Alam kong naiintindihan ako ni mama. Uuwi muna ako sa samar kung saan galing yumao kong ama. Doon na muna ako mamamalagi.
"Sigurado na po ako ma," sagot ko. Pilit akong ngumiti kay mama at saka ko tiningnan ang maleta malapit sa pintuan ng bahay.
"Kung ito ang makakabuti para sa 'yo, magiging masaya ako na gawin mo ito para sa sarili mo." Pagkatapos nitong sabihin iyon sa akin ay saka ako niyakap ni mama.
"Magiging maayos naman ang lagay ko sa samar, ma. Nando'n sila tita..." Isa pang ngiti ang ginawa ko.
"Alam ko naman iyon anak... Hindi ko lang naman maiwasan ang mag-alala para sa 'yo..." Sa kabilang banda, maswerte pa rin ako at mayroon akong isang ina na patuloy akong minamahal.
"Aalis na po ako, ma... Mag-iingat po ako..." Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pintuan at saka ko kinuha ang maleta.
Ito ang tamang desisyon para makalimutan ko ang lahat ng sakit na dinulot sa akin ni Jake. Ipinagdarasal ko na lang na sana dumating kaagad ang araw na handa na akong kalimutan siya at maging masaya para sa sarili.
Kumaway ako kay mama nang makalabas na ako ng bakuran namin. Nakakalungkot isipin na kailangan ko pang iwan ang aking ina para lang makapag move on ako pero sana lang ay maging maayos ang lahat.
"Tuloy na po ako, ma!" sigaw ko. Ngumiti lamang ito sa akin. Isinakay ko ang mga gamit sa kotse at saka nagsimulang buhayin ang makina ng sasakyan. Huminga ako ng malalim bago tuluyang paandarin ang kotse.
Hindi ko lubos maisip na hahantong ang lahat sa hiwalayan. Na hahantong ang lahat sa ganito. Kahit hindi ako ang madalas na priority ni Jake, inintindi ko siya kasi mahal ko siya hanggang sa hindi ko na lang napansin na tila nagbabago na pala ang lahat sa kaniya. Sadyang nakakabulag ang pagmamahal ko para sa kaniya.
Habang papabilis ang ang takbo ng sasakyan ay mas lalo namang humihigpit ang hawak ko sa manibela. Lahat ng lungkot na nararamdaman ko, ay napalitan ng galit. Ngayon, hindi ko alam kung paano magsisimula ulit. Hindi ko alam kung paano ko papanatilihin na matatag ako pero desidido ako na makalimutan siya.
"Bakit kailangan mong gawin sa 'kin 'to, Jake?" Hindi ko na naman napigilan ang hindi mapaluha.
Samantala, sa dulo ng aking utak ay kusa kong naalala ang lalaking patuloy na ngungulit sa aking isipan. Ang alam ko lang, siya ang kumuha ng isang bagay na noon pa man ay iningatan ko na. Para yata akong maloloko sa mga iniisip ko.
"Bakit lahat na lang kailangan kong intindihin?!" Hindi ko na napigilan na kausapin ang sarili ko at madala na naman sa matinding inis. Sa pagkakataong ito, batid kong tama ang ginawa kong pag-alis sa bahay. Makakabuti ito para sa akin.
****
Sa tingin ko, isang bagay lang alam ko tuwing umuuwi ako dito sa Samar, iyon ay ang pagiging maasikaso ni tiya Lorna.
"Maupay kay nakaabot ka na!" Kahit kailan talaga hindi na nawala ang natural na ngiti ko sa tuwing magsasalita si tiya Lorna. Gamit nito ang salitang waray na kahit hindi ko masyadong alam gamitin ay naiintindihan ko naman. Tuwang-tuwa ito sa pagdating ko.
"Opo tiya, Lorna!" masigla kong sabi. Kailangan na nakangiti ako dahil kung hindi ay mahahalata nito na may problema ako.
"Ngayon ka lang ulit nagpunta dito sa Samar... Kumusta naman ang mama mo do'n sa Maynila?" Sa wakas ay nag tagalog din ito. Mas maganda na rin iyon para mas maintindihan ko ng mabuti ang sinasabi ni tiya Lorna.
"Namiss ko ho kasi kayo kaya napagdesisyunan ko pong mag bakasyon dito." Mas nilaparan ko pa ang pagkakangiti ko. Tila hindi naman nito nahalata ang problema ko kaya nakahinga ako ng maluwag.
"Naku, 'tong batang 'to... Kahit kailan ay hindi ka nagbago! Sadyang malambing ka pa rin!" natutuwang sabi nito sa akin. Sa pagkakaalam ko ay natural iyon sa akin dahil nanggaling din ang ina ko sa Samar na natural din ang pagiging mapagmahal at pagiging malambing.
"Nagmana lang naman po ako sa inyo ni mama..." Hindi na ako nagdalawang isip na yakapin ang tiya. Bukod sa pagiging maasikaso nito ay marami rin akong gustong pasyalan dito sa Samar. Matagal na rin simula noong pumunta ako dito at batid kong napaka bata ko pa talaga noon.
Natapos ang usapan at kumustahan namin ni tiya Lorna at saka niya ako pinatuloy sa bahay. Inutusan nito ang dalawang babaeng anak na sina Lenlen at Jennylyn na dalhin ang mga gamit ko papasok.
Habang nasa loob na ako ng kwarto, hindi ko maiwasan ang mapaisip. Sigurado na talaga ako na mas magiging komportable ang lagay ko dito. Ito lang ang tanging paraan para makalimot pero sa tuwing iisipin ko ang lahat ng nangyari, parang dinudumog ako ng sandamakmak na na karayom sa aking dibdib. Ano pa nga ba ang bago sa nararamdaman ko?
"Oh, pagkatapos niyong ligpitin ang mga damit niyo, samahan niyo muna si kuya Luke niyo na mamasyal, ha?" Habang malalim akong nag-iisip ay narinig ko ang mga salitang iyon mula sa aking tiya. Ganoon naman talaga ang ugali ng mga taga samar. Talagang hindi ka pababayaan.
Nakakatuwa lang isipin na sa tuwing pupunta pupunta ako dito ay awtomatikong magsasalita sila ng wikang Filipino para mas maintindihan ko kung ano ang pinag-uusapan nila. Pero mas maganda pa rin na maging bihasa ako sa salitang waray.
Narinig ko na lang na sumagot ang dalawang magkapatid. Inilibot ko ang paningin sa buong kwarto. Hindi malaki ang bahay pero sadyang malinis ang bawat sulok ng kwarto at halatang hindi pinababayaan ang kabuuan. Binuksan ko ang bintana hanggang sa hayaan kong makapasok ang preskong hangin.
Walang alinlangan kong nilanghap ang sariwang hangin. Kahit kailan ay hindi ko naranasan sa lungsod ang ganito ka-sariwang hangin na mayroon dito sa samar. Ipinikit ko ang aking mga mata hanggang sa pakiramdaman ko ang huni ng mga ibon sa paligid. Likas na nagbibigay iyon ng kakaibang sigla sa aking utak.