Sa dulo ng pinakamalaking isla ng Pilipinas, ay matatagpuan ang isang artipisyal na isla na kasing laki ng Metro Manila. Tinatawag itong The New Capitol. At sa gitna ng isla ay isang laboratoryo at ang mismong base ng isang makapangyarihang organisasyon, ang Conquerors. Isa iyong modernong gusali na mayroon dalawampu’t anim na palapag. At apat na malalwak na palapag paibaba. Sa isla rin matatagpuan ang napakaraming wanted na mga kriminal, ilan sa mga kilalang gangs at maliliit na Mafia families. Sila ang bumubuo sa mismong organisasyon ng Conquerors at ang misyon nila sa ngayon, ay kolektahin ang mga taong nasa ilalim ng Special at Ultra-Special category. At gawin ang mga itong, sandata.
Malaki ang populasyon sa isla, ngunit mahigpit na ipinagbabawal dito ang pagkakaroon ng anak. Abala ang lahat sa pagtatrabaho at limang oras lang ang pahinga nila sa isang araw. Ang mga maliliit na tao o mahihirap ang siyang nagtatanim, at nagpapalahi ng mga hayop para sa kanilang makakain. Araw-araw iyon at walang tigil. At ang kapalit lamang no’n, ay maliit na porsyento ng kanilang sinasaka, at buhay na masasabi nilang, ligtas.
Sa loob ng laboratoryo ay walang tigil na nagtatrabaho ang pinakamagagaling na mga siyentipiko sa buong bansa. Napakaraming tube chambers sa loob at lahat ng iyon ay may laman na mga tao, na lumulutang sa kulay berdeng likido. Napakalakas din ng amoy ng gamot at disinfectant sa lugar na iyon.
Sa pinaka-ilalim ng gusali ay isang napakalawak na kulungan. Madilim at walang pumapasok na linawag dito, maliban na lang tuwing binubuksan ang pinto para magpasok ng pagkain. Dito ikinukulong at pinararami ang mga taong nasa ilalim ng Special Category. Sila ang mga naging halimaw nang dahil sa radiation dala ng pagsabog. May taong-lobo, higante, taong-alupihan, taong-paniki at lahat ng uri ng halimaw na maiisip mo. Kasula-sulasok din ang amoy ng lugar, dahil na rin sa mga naaagnas na mga bangkay ng mga Normal Category na silang ipinapakain sa mga halimaw. Kahit ang mga naka-assign sa palapag na iyon ay hindi makatagal doon ng limang minuto.
Sa pangalawa sa pinakatuktok na palapag ng gusali ay naglalagi ang lima sa matataas na opisyal ng Conqueror. Lahat sila ay mga boss ng mga kalabang pamilya ng Dragonica. Kung noon ay sakop lang sila ng tanyag na pamilya, ngayon, sila na ang nasusunod sa lugar na ito. At sa pinakatuktok ay ang opisina ng big boss. Isang matipuno, matangkad at mahiturang lalaki ang palaging naglalagi doon. Mayroon siyang makapal na begote at kapansin-pansin na ang kulay abo niyang buhok na nakasulay ng malinis paitaas. Bagay na bagay sa kanya ang kulay asul na amerikana at kahit may edad na, ay hindi iyon halata dahil sa kanyang matikas na tindig.
Siya si Nigel Domingo. Ang dating kanang kamay at kapatid ng ikatlong lider ng Dragonica Family. At ang nagpatuloy ng project Reficere.
“Boss Nigel!” isang boses ang narinig nang bumukas ang awtomatikong pintuan na gawa sa pinakamatibay na bakal sa mundo.
“Yes, Ron?” tanong nito sa kapapasok lang na tauhan. Malaki ang boses nito, ngunit nakakaakit para sa ilan.
“Kababalik lang ng scouts natin. Hanggang ngayon ay wala pa rin pong nakikitang Class-S sa mga nakaligtas sa pagsabog.”
“Hindi iyan maaari. Hindi tayo makakapalag sa head office kung wala tayong mga Class-S! Minamaliit nila tayo! At hindi ko iyon gusto!”
“Hindi po ba sapat sila Saber at Telle?”
“Ron naman! Para ka namang bago sa trabaho mo!” may inis na sagot nito sa tauhan na yumuko na lang dahil sa pgkapahiya. “Dito sila ginawa sa laboratoryo. Mga modified Class-S lang sila. Wala silang laban sa isang tunay na class S! Kaya ayusin ninyo ang trabaho ninyo! Ipadala na ninyo si Telle kung kinakailangan! Halughugin ninyo ang buong bansa! At huwag kayong babalik at magre-reports sa akin hangga’t wala kayong nahahanap na Class-S!”
“Yes, boss!” nangangatog na sagot ng tauhan.
Umurong na ang tauhan mula sa kintatayuan nito at papasara na ang pinto nang muling tumawag ang yamot na boss. “Sandali! Wala pa bang balita kay Four?” Napabuntong-hininga naman ang tauhan at muling binuksan ang pinto.
“Ipagpaumanhin ninyo, Boss Nigel. Pero wala pa pong balita tungkol kay Boss Four. Baka po talagang namatay na siya sa pagsabog,” mahinahong sagot ni Ron.
“Sana nga. Sana nga namatay na siya. Dahil kung tama ang hinala ko, siguradong guguluhin niya ang planong ‘to! At hindi ko iyon mapapayagan! Hanapin ninyo pa rin siya! Sige na! Makakaalis ka na!”
Tumayo si Nigel at pumunta sa isang lamesa na puno ng iba’t-ibang uri ng alak, matapos lumabas ng kanyang tauhan. Kumuha siya ng isang kumikinang na baso at sinalinan iyon. Tumingin siya sa labas ng malaking bintana at pinagmasdan niya ang kapaligiran. Totoong isang obra maesta ang The New Capitol at hindi niya mapigilang purihin ang sarili, tuwing nakikita ang kabuuhan nito.
“Kuya, kung nakikita mo lang ‘to ngayon, matutuwa ka rin kaya sa akin?” bulong niya sa sarili at pagkatapos ay tinungga niya ang lamang ng baso na hawak.
Lagpas tanghali na nang makarating sila Four sa kalahati ng destinasyon nila pauwi. Napakarami kasi nilang dinaanang malalaking sagabal sa daan at nahirapan silang idaan ang kanilang mga dala. Sa isa sa mga dinaanan nila ay kinailangan pa nilang buhatin isa-isa ang mga sako ng bigas para lang maitawid ito sa ibabaw ng naglalakihang mga bato na nakaharang sa daan.
Mula ng umalis sila sa supermarket ay wala ni isa sa kanila ang nakipag-usap. Kahit noong nagbubuhat sila. Nagtutulungan sila ngunit, wala ni isa sa kanila ang nagsasalita. Bakas din sa mukha ni Carlito ang pag-aalala. Marahil ay iniisip niyang napalayo na sa kanya, at nasira na niya ang tiwala ng mga kasama. Napansin iyon ni Four, gusto niyang kausapin si Carlito, pero natatakot siya na hindi siya pansinin nito.
Nakaramdam na ng pagod ang lahat, maliban kay Four. Kaya naman nagmungkahe si Lisa na magpahinga muna sila at kumain. Na agad namang tinutulan ni Bong.
“Hindi na tayo aabutin ng hapon at nakakarating na tayo sa atin. Magpahinga muna tayo!”
“Hindi nga pwede, Lisa. Tignan mo ang ulap na ‘yon!” sabi ni Bong sabay turo sa isang makapal at halos kulay itim ng ulap sa gawing silangan nila. “Kung magpapahinga tayo, maabutan tayo niyan. Sa atin din papunta ang hangin. Hindi pwedeng mabasa ang ilan sa mga dala natin. Siguradong mahihirapan tayo.”
“Pero pagod na kami, Bong,” reklamo ni Alden na naka-upo na at nakasandal sa isa sa mga kariton.
Tinignan ni Bong ang mga kasama at napakamot siya ng ulo. Si Four lang ang hindi niya nakikitaan ng pagod. Pero kanina pa ito inom ng inom ng tubig.
“Sige. Magpahinga na tayo. Pero humanap muna tayo ng matutuluyan natin. Mabilis kumilos ang ulap. Siguradong aabutan tayo niyan,” sabi ni Bong.
Nag-presenta na si Four sa paghahanap ng mapagpapahingahan nila. Hinayaan na lang niya muna ang mga kasama na makaupo at makapagpahinga. At sa ‘di kalayuan ay may nakita siyang bahay na may dalawang palapag. Gawa ito sa makakapal na kahoy at ilang bahagi lang nito ang gawa sa bato, ngunit gumuho na. Lumibot muna siya sa paligid nito at wala naman siyang naramdaman na panganib. Pumasok siya sa loob, walang kakaiba rito. Umakyat siya sa itaas at doon ay nakita niya ang kalansay ng apat na tao. Dalawang adulto, at dalawang bata. Lahat ay nasa ibabaw ng kama at tila magkakayakap. Sa gilid ng kama ay may isang larawan ng isang masayang pamilya. Marahil ay iyon ang mga may-ari ng mga kalansay na nasa harapan ni Four. Nakaramdam siya ng kalungkutan at naisip niya ang pinagdaanan na hirap ng mag-anak bago mawalan ng buhay.
Sumilip siya sa bintana at malakas siyang sumigaw para tawagin ang kanyang mga kasama. Nang biglang may naamoy siya. Malansa na parang isang isda, at napakatapang ng amoy noon para kay Four. Tinignan niya ang paligid ngunit wala siyang nakita na maaaring pagmulan ng amoy na ‘yon. Inamoy rin niya ang sarili. Ngunit hindi rin naman siya ang nangangamoy. At ilang sandali pa ay naramdaman niya na may nakatingin sa kanya. Hindi niya maintindihan pero may kung ano sa loob niya na nagsasabing nasa panganib siya.
Ngunit dahil sa walang makitang kahit anong kakaiba, ay binalewala iyon ni Four. Naisip niya na baka masyado lang uli siyang nag-aalala.
Mabilis siyang bumaba para tulungan ang kanyang mga kasama. Napansin din niyang malapit na sa kanila ang maitim na ulap at nagsisimula na ring umambon. Agad nilang inalis ang mga kagamitan sa bahay at iniharang nila ang ilang mga kahoy na naroon sa mga daanan. Iyon na ang magmimistulang proteksyon nila, dahil siguradong matutuluyan na silang abutin ng gabi doon.
Kaagad na nagpasimula si Carlito ng apoy at pagkatapos ay umupo uli ito sa isang sulok. Malungkot ang ekspresyon nito at panay na naman ang bulong sa sarili. Napansin iyon ni Four kaya naman umupo na rin siya sa tabi nito. Dumistansya lang siya ng kaunti para hindi ito mailang sa kanya. Umupo na rin sila Lisa at ang iba pa sa paligid ng apoy. At ilang sandali pa ay nagsimula ng bumuhos ang ulan.
“Carlito, may tanong ako,” basag ni Four sa katahimikan.
Tumingin sa kanya ang lalaki ngunit hindi ito nagsalita.
“Nagtataka lang ako. Sa lakas ng pagsabog, bakit buo pa rin ang ilan sa mga bahay dito?”
Umayos ng upo si Carlito at nag-inat ng mga braso. “Hindi ko alam. Pero noong tumakas ako, sa ilang lugar na dinaanan ko, halos lahat ng kabahayan ay nasunog. Dahil siguro sa hindi na ito gano’n kalapit sa epicenter ng pagsabog kaya pagyanig na lang umabot dito. Hindi naman ginawa ang bomba para mangsunog. Ang layunin noon ay, umabot dito ang radiation at mga rays na dala nito.”
Tumango si Four bilang tugon, kahit na hindi naman niya talaga maintindihan kung bakit kailangang gawin ang pagpapasabog na iyon. Nag-isip siyang muli ng itatanong o sasabihin para hindi maputol ang usapan pero wala na siyang naisip. Nagsimula na ring lumakas ang buhos ng ulan at mukhang matatagalan bago ito tumila.
Nakita ni Four na nagkanya-kanya na ng pahinga ang mga kasama sa gilid ng apoy. Kaya minabuti niyang huwag na silang istorbohin. At dahil sa hindi siya nakakaramdam ng pagod ay nagkunwari na lang siyang nagpapahinga rin.
“Lisa,” biglang sabi ni Carlito. “Wala ka bang balak na sabihin kay Four kung sino talaga siya?”
Mabilis na napabangon si Four nang marinig iyon. Maging ang mga kasama nila ay natawag ang pansin ng sinabing iyon ni Carlito.
“Carlito,” may pagkabigla at pagtutol sa boses ni Lisa.
“Hindi ba’t unfair naman sa kanya kung patuloy nating itatago kung sino siya talaga? Narinig na niya sa akin ang Dragonica, at ang pangalan ni Nigel. At alam kong, alam ninyo na nahihirapan siya. Isa pa, siguradong hindi magtatagal at makikilala na rin niya ang sarili niya. Baka mas magalit lang siya sa atin sa oras na dumating ang oras na ‘yon. Huwag na natin siyang pahirapan pa.”
Hindi nagsalita si Four tungkol doon. Ngayon ay kumpirmado ng may alam ang mga taong ito tungkol sa tunay niyang katauhan. Tama ang hinala niya. Hindi naman siya nakakaramdam ng galit o tampo. Hindi lang niya maintindihan kung bakit ito itinatago sa kanya.
“Tama ka,” mahinang sabi ni Lisa sabay sandal sa ding-ding. “ Sige, pagdating na pagdating natin sa atin. Ipagtatapat ko kung sino ka talaga, Four.”
Gumuhit ang napakahabang kidlat at dumagundong ang napakalakas na kulog.
“Patawarin mo ako, Four. Patawarin mo kami.”
“Huwag kang humingi ng tawad,” nakangiting tugon ni Four. “Alam kong may dahilan kayo kung bakit ninyo ginawa iyon. Ngayon, sigurado na ako na hindi ako isang mabuting tao.”
Wala nakasagot sa sinabing iyon ni Four. At muling namutawi ang katahimikan sa paligid at tanging ang pagbuhos lang ng ulan ang kanilang naririnig.
Lumipas na lang ang oras at talagang hindi tumigil ang ulan. Mas lumakas pa ito at ngayon ay may kasama na itong malakas na hangin. Nakatulog na ang mga kasama ni Four. Sumilip siya sa labas at napansin niyang tumaas na ang tubig. Bumabaha pala sa lugar na iyon. Kaya naman inayos niya ang mga gamit nila para hindi ito abutin ng tubig kung sakali. Nang biglang… naamoy niya muli ang kaninang malansang amoy at naramdaman niya ulit na may nagmamasid sa kanya. Pinakiramdaman ni Four ang paligid, at sa pagkakataong ito ay nakarinig siya ng mga yabag. Kahit sa gitna ng malakas na buhos ng ulan ay malinaw niyang narinig iyon. Hindi na iyon kalayuan sa kanila. Hindi iyon mabibigat pero hindi maganda ng kutob niya rito. Sino ba namang maglalakad sa gitna ng malakas na ulan, sa ganitong sitwasyon?
Walang nararamdaman na takot si Four. Tanging panganib lang. Pakiramdam niya ay may paparating na delubyo sa lugar nila. Umakyat si Four sa itaas para mas makita ang kung ano ang nangyayari sa labas, nang biglang isang nilalang ang nakita niyang tumalon, mga ilang metro mula sa bintana kung saan siya nakadungaw. Sakto sa bintana ang nilalang at tinamaan si Four sa dibdib ng malakas na sipa nito. Tumalsik si Four at dumausdos sa sahig. Napakalakas ng pagkakatalsik niya na nasira ang dingding ng kwarto. Mabuti na lang din at nakasalag siya kaagad, dahil kung hindi, hindi niya alam kung ilang tadyang ang mababali sa kanya o kung mabubuhay pa siya.
Agad niyang tinignan ang nilalang na umatake sa kanya. At talagang nagulat siya sa hitsura nito. May kaunting takot, pero mas nangingibabaw ang gulat at pagkamangha. Puno ang katawan ng nilalan ng kumikinang at kulay berde na kaliskis. Mayroon itong mahahabang mga kuko na kulay lumot at isang mahabang buntot na may mga patulis sa dulo.
“Ayos! May pagkain!” garalgal na sabi ng nilalang habang tumutulo ang malagkit nitong laway. Kapansin-pansin din ang mahaba nitong dila at matatalas na ngipin.