Dahan-dahang tumayo si Four mula sa pagkakatumba. Hindi niya inalis ang mga mata sa kakaibang nilalang na nasa harapan niya. Napakalakas ng amoy nito, at ngayon ay sigurado na siyang, dito galing ang malansang amoy na naamoy niya kanina pa. Bigla na naman siyang nakakaramdam ng takot, pero kaya niya itong labanan. Pinagmasdan ng maigi ni Four ang mukha ng halimaw, para itong isang tanong butiki na may mukha ng pinaghalong isda at buwaya. Napaka-pangit nito. At ang pinaka-nakakagulat sa lahat ay ang kakayahan nito na makapagsalita.
“Pagkain! Matagal na rin akong hindi nakakakain ng tao!”
Para kay Four ay masakit sa tainga ang garalgal na boses ng halimaw. Malinaw din ang pagsasalita nito kahit na nakalabas ang lahat ng matatalas na ngipin.
“Huwag ka ng tumakbo! Mapapagod ka lang!” sabi nito kay Four nang mapansing may balak tumakas ang binata.
Mabilis na sumugod ang halimaw kay Four. Isang malakas na hampas ng buntot ang tumama sa binata. Ni halos hindi niya iyon nakitang paparating. Mabuti na lang at mabilis siyang nakasalag. Pero hindi iyon naging sapat para hindi siya masugatan. Tumama kasi sa mga braso niya ang mga patusok sa buntot ng halimaw. Agad na nawakwak ang balat ni Four sa kanang braso at dumugo iyon.
“Ang bango ng dugo! Lalo akong nagutom!”
Muling tumayo si Four. Muli niyang hinarap ang halimaw, habang hawak ang sugatang braso. Alam niyang kailangan niyang kumilos, pero hindi niya alam kung ano ang gagawin.
“Four! Anong nangyari?!” sigaw ni Lisa mula sa ibaba na nagising ng dahil sa malalakas na kalabog.
“Lisa! Huwag kayong aakyat! May halimaw dito sa itaas!”
Pagkasabi noon ni Four ay muli siyang inatake ng halimaw. Nagpaputok si Lisa, na sinundan naman nila Bong at Alden. Pero laking gulat nila ng hindi man lang tumalab sa makakapal na kaliskis ng halimaw ang mga bala. Sinubukan ni Lisa na patamaan ang ulo nito, pero hindi pa rin ito tinablan. Nabaling sa kanila ang antensyon ng halimaw at sinugod sila nito. Pero mabilis na nakakilos si Four. Nahawakan niya sa alak-alakan ang halimaw at buong lakas niyang itong hinila pabalik. Bumwelo siya at pagkatapos ay nagpakawala siya ng isang malakas na suntok sa mukha. Pero hindi tinablan ang halimaw. Talagang napakatibay at napakatigas ng mga kaliskis nito. Hindi man lang ito natupi o nagasgasan. Nasugatan lang ang kamao ni Four.
Habang iniinda ang sakit ng kamao at ng kaninang sugat ay may naramdaman si Four na paparating. Mabilis itong tumatakbo at sigurado siyang hindi iyon isang kakampi.
“Lisa! Bong! Mag-iingat kayo d’yan sa ibaba!” sigaw ni Four at ilang segundo matapos iyon ay napuno ng sigawan at putok ng baril ang pwesto ng kanyang mga kasama. Hindi na nakita ni Four ang nangyari sa ibaba. Tatakbo sana siya para tumulong nang biglang hinawakan ng mahigpit ng halimaw ang ulo niya at iniangat siya nito mula sa sahig. Nararamdaman niyang bumabaon ang kuko nito sa ulo niya. At wala siyang nagawa kundi ang sumigaw ng dahil sa sakit.
“Aiko!” sigaw ng halimaw. Sigurado nang may kasama itong iba. “Huwag mo silang masyadong sirain! Hindi masarap kapag lamog na ang laman!”
Naramdaman ni Four na tutuluyan na siya ng halimaw. Kaya nag-ipon siya ng lakas ng loob at buong lakas niya itong sinipa. Sapul sa dibdib ang halimaw at nagulat si Four nang makitang tinblan ito. Nayupi rin ang ipinagmamalaki nitong mga kaliskis at biglang napaluhod habang hawak ang parteng tinamaan ni Four. Mabilis na bumaba si Four at nakita niyang nasa ilalim na ng isa pang halimaw si Lisa. May kung anong naramdaman si Four sa katawan niya nang marinig niya ang mga sigaw ni Lisa at ng mga kasama. Nilapitan niya ang halimaw, hinawi niya ito at napanganga ang lahat ng biglang tumalsik ito sa labas. Nabutas at gumuho pa ang pader na tinamaan nito.
“Salamat, Four,” hinihingal na sabi ni Lisa. Lahat sila ay hindi kaagad nakapagasalita. Nabigla sila ng halimaw, pero mas nagulat sila sa ipinakita ni Four. Nahalata iyon ni Four, kaya sinabiha na niya ang mga kasama, na maging siya ay nagugulat sa kaya niyang gawin ngayon.
“Anong klaseng mga halimaw ‘yan?!” Ni hindi sila natatakot sa apoy?!” pasigaw at natatarangtang tanong ni Bong.
“Narinig ko rin silang nagsalita. At kung papansinin ninyo, marunong silang mag-isip,” sagot naman ni Four.
“Hindi,” bulalas ni Carlito.
“Bakit? Ano ‘yon?!”
“Mag-ingat ka. Sa tingin ko, ay nasa ilalim sila ng Class-S category. Hindi ako sigurado, pero ngayon lang kami naka-engkwentro ng ganito.”
Nakaramdam ng pagkabahala si Four sa sinabi ni Carlito. Pero kailangan niyang magpakatatag. Kailangang nilang mabuhay ng mga kasama niya.
Inalalayan ng halimaw na nakalaban ni Four sa itaas ang kasama nito na tumayo. Kahit nababalot din ng kaliskis ang katawan ng bagong dating na halimaw ay mahahalata ang maumbok nitong dibdib at balakang. Kaya nasabi nila kaagad na isa iyong babae. Nagpatunog ang mga halimaw ng mga buto nila sa leeg at pagkatapos ay nakangiti itong itong naglakad papunta sa kanila.
“Anong gagawin natin?” tanong ni Lisa habang pilit na tumatayo.
Pero bago pa makasagot ang isa sa kanila ay sumugod na ang lalaking halimaw. Nanlaki ang mga mata ni Four dahil ni hindi niya nakita kung paanong napunta sa harapan niya ang nakakakilabot na nilalang. Parang kidlat ito kung kumilos. Gamit ang mahahabang kuko sa kanang kamay ay sinubukan nitong saksakin si Four sa tiyan. Pero mabilis na nasalag iyon ni Four, at pagkatapos ay tinadyakan niya ang halimaw. Tumalsik ito at nagpagulong-gulong sa tubig sa labas.
“Hindi ka pangkaraniwan!” sigaw ng halimaw. “Hindi ka rin ata tao! Pero tignan natin kung hanggang saan ang lakas mo!”
Muling sumugod ang halimaw kina Four. Humarang siya sa harapan ng mga kasama niya para protektahan ang mga ito. Natatakot na siya, pero sa nakikita niya ay siya lang ang pag-asa nilang lahat sa ngayon. Deretso kay Four ang atake ng halimaw. Muli, gamit ang kuko ay binalak nitong patamaan si Four sa ulo. Sa ikalawang pagkakataon ay nasalag uli iyon ni Four. Pero hindi niya napansin ang babaeng halimaw. Sa isang iglap ay tumalsik si Four pakanan. Hindi niya alam kung paano at ano ang tumama sa ulo niya. Durog ang hagdanan ng bahay, at pakiramdam niya ay umiikot ang paligid niya.
“Hanggang dito ka na lang ba? Nagsisimula pa lang kami!” malakas na sigaw ng halimaw.
Pero hindi makatayo si Four. Napuruhan siya ng babaeng halimaw. Pinilit niyang tumayo, ngunit bumagsak siyang muli. At nakita niyang tumutulo ang dugo mula sa kaliwang parte ng noo niya.
“Mas mabilis ang kapatid ko sa akin! Malamang ay iniisip mo sa ngayon kung ano ang tumama sa’yo. Huwag ka ng mag-isip. Dahil sa ilang sandali ang ay isusunod na kita sa mga kasamahan mo!”
Malabo man ang paningin ay naaaninag ni Four na pilit lumalaban sila Lisa para sa mga buhay nila. Gamit ang mga baril ay sinasalag nila ang mabibilis na atake ng halimaw. Nakakapagpaputok sila pero wala talaga iyong epekto. Nasugatan na sila Bong, Carlito at Alden, at mukhang malalim ang mga sugat na iyon. Naging mas malakas na ang sigaw ng mga kasama niya kaysa sa tunog ng buhos ng ulan. Nararamdaman na niya ang takot at kamatayan sa paligid nila. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Kailangan niyang protektahan ang mga taong minsan na nagligtas sa kanya. Pero wala siyang magawa, kundi titigan ang nakakakilabot na mukha ng mga halimaw habang inaatake ng mga ito ang mga kasama niya.
Isang malakas na sigaw ni Lisa ang narinig ni Four. Isang malakas na sigaw ng pagmamakaawa at paghingi ng tulong. Isang sigaw ng taong gusto pang mabuhay. At para bang ginising siya noon. May kung anong dumaloy sa katawan Four. Naramdaman niya iyon mula sa kanyang utak, papunta sa bawat dulo ng kanyang mga daliri. Naramdaman niyang bumabalik ang lakas niya. At ang mga sugat na natamo niya kanina, lahat ng iyon ay nawala. At nagulat na lang siya na nakatayo na siya.
“Matibay ka talaga!” sigaw ng lalaking halimaw nang makita si Four. Aatake na sana siya, nang biglang nawala si Four sa harapan niya. “Anong?!”
Sa isang iglap ay napunta si Four sa harapan ng babaeng halimaw na magtatarak na sana ng mga kuko nito sa leeg ni Lisa. Gamit ang isang kamay ay sinakal niya ito, iniangat at pagkatapos ay buong lakas niyang itong ibinalibag sa sahig. Napakalakas noon ,na bumaon ang ulo ng halimaw sa sementadong sahig.
“Aiko!” malakas na sigaw ng lalaking halimaw nang makita ang nangyari sa kasama. “Anong ginawa nila sa’yo!”
Mas lumakas ang ihip ng hangin at lakas ng ulan nang sumigaw ng malakas ang halimaw. Nagsimula na ring magbago ng kulay ng mga kaliskis nito sa katawan. Naging kulay pula ang mga iyon at tila umiilaw, at kahit sa malayo ay makikita kung gaano ito katalim at katalas. Siguradong kahit anong mapadikit sa halimaw ay lubhang masusugatan.
“Four!” sigaw ni Lisa sabay hawak sa binata. Ngunit agad din niyang binawi ang kamay dahil naramdaman niyang napakainit nito. Para itong apoy na hindi mahawakan.
“Huwag kayong lalabas. Kahit anong mangyari, huwag kayong lalabas. Protektahan ninyo ang mga dala natin, at protektahan ninyo ang bawat isa. Kapag bumangon ang halimaw na ‘to, sumigaw lang kayo.”
Natulala sila Lisa sa pananalitang iyon ni Four. Talagang ibang-iba na ito kaysa noong una niya itong nakita. Oo, nakita niya kung paano mangatog si Four, pero kayang-kaya na nitong labanan ang takot na nararamdaman. Iba na rin ang dating nito na parang nagdidikta, ngunit pumprotektang lider para sa kanila.
Mabilis na naglakad si Four palabas ng bahay at hinarap niya ang nagngingitngit sa galit na halimaw. Sa tingin ni Four ay mas lumaki ang halimaw, mas humaba na rin ang mga kuko nito sa kamay at sa paa. At ang mga patusok sa buntot nito ay dumami. At umabot na ang mga ito sa batok ng halimaw. Siguradong kapag nadikit ang kahit sino dito, ay magkakapira-piraso.
“Anong ginawa mo kay Aiko?!” sigaw ng halimaw.
“Kayo ang unang sumugod! Pinoprotektahan lang namin ang mga sarili namin!” sagot ni Four habang pinapakiramdaman ang kilos ng halimaw. Malapit na kasing umabot sa tuhod niya ang tubig baha at hindi niya alam kung makakakilos siya ng mabilis sa ganitong sitwasyong para iwasan ang magiging pag-atake ng halimaw.
“Ang gusto lang namin ay kumain! Dalawang buwan na kaming hindi kumakain! Gutom na gutom na kami!”
“May dala kaming mga pagkain! Pwede namin kayong bigyan! Bakit kailangan pa ninyong manakit?!”
Naglangitngit ang mga ngipin ng halimaw at nakakangilo ang tunog ng mga kuko nitong tila hinahasa niya sa matitigas niyang kaliskis. “Hindi mo maiintindihan! Hindi tinatanggap ng sistema namin ang normal na pagkain! Isusuka lang namin ito, at isang beses pa ay muntik na mamatay ang kapatid ko dahil sa pagkain ng pagkain ninyo!”
Natigilan saglit si Four nang marinig na magkapatid ang dalawang halimaw na umatake sa kanila. Buong akala niya kasi ay mag-asawa ang mga ito.
“Hanggang sa matutunan namin na ang kailangan namin ay karne! At dahil walang karne ng hayop, walang kaming magawa kundi ang kumain ng tao!” patuloy ng halimaw.
“Pero mali ang ginagawa ninyo! Siguradong dati rin kayong mga tao!”
“Dati!” may gigil sa boses ng halimaw. “Pero kahit dati, hindi kami itinuring na mga tao! Kaya wala akong pakialam kung mamatay kayong lahat! Ang kailangan namin ay mabuhay!”
Kasing bilis ng kidlat na sumugod ang halimaw kay Four. Ubos ang tubig baha sa dinaaanan ng halimaw. Inihanda ni Four ang sarili, pero masyadong mabilis ang halimaw. Nahagip si Four ng kuko nito at nag-iwan iyon ng mahabang sugat sa kaliwa niyang pisngi. Hindi pa tumigil ang halimaw. Muli itong sumugod at pinuntirya uli nito ang ulo ni Four, pero sa pagkakataong ito ay nakailag ang binata. Mabuti na lang dahil kung hindi ay siguradong tanggal na ang ulo niya ngayon.
Tumigil saglit ang halimaw at tinignan si Four. Ngumiti ito at bigla itong tumakbo papunta kina Lisa. Pero hindi iyon hinayaan ni Four. Nabigla rin siya. Dahil napakabilis niyang tumakbo. Mabilis na ang kalaban, pero mas mabilis siya. Bago makatapak ang halimaw sa bahay ay nahawakan siya ni Four sa kanang braso. Dalawang kamay ang ginamit ng binata. Biglang humaba ang matutulis na kaliskis ng halimaw sa parteng hinawakan ni Four. At tumagos ang mga iyon sa mga kamay niya. Gusto niyang mamilipit sa sakit, pero hindi maaari. Siguradong papatayin ng halimaw sila Lisa kapag ininda niya ang sakit na nararamdaman.
“Bitaw!” sigaw ng halimaw.
Pero hindi bumitaw si Four. Tiniis niya ang hapding nararamadaman sa kamay at buong lakas niyang hinila ang halimaw, at pagkatapos ay inihagis niya ito papalayo sa bahay.
“Hindi mo magagawa ang gusto mo hangga’t nakakatayo pa ako! Kung gusto mong mabuhay, pwes kami rin. Kung gusto mong kumain, paghirapan mo!” madiin at malakas na sigaw ni Four sabay porma na parang sinasabing, handa na siya sa muling pagsugod ng halimaw.